Sa pang-uupat sa China, inilalapit ng US ang daigdig sa bingit ng digmaan

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Tahasang pang-uupat sa China ang kamakailang upisyal na pagbisita sa Taiwan ni US Speaker Nancy Pelosi, na dumating kaagapay ang isang eroplanong pang-militar. Kasunod na kasunod lamang ng pagbisitang ito ang deklarasyon kamakailan ni US President Biden na ito’y “magtatanggol sa Taiwan.” Ilang araw bago nito, pinangunahan ni Defense Sec. Mark Esper ang delegasyon ng Atlantic Council patungong Taiwan at nanawagang ibasura ang “One China Policy” (patakarang Isang China) habang naglalayag sa Taiwan Strait ang barkong pandigma ng US na USS Benfold, isang guided-missile destroyer. Nasa silangan naman ng Taiwan ang nauna nang ipinakat na apat na barkong pandigma ng US (ang USS Reagan carrier strike group, ang USS Tripoli, USS Antietam at USS Higgins).

Ginagatungan nitong mga lansakang paglapastangan sa ipinaglalaban ng China na soberanya sa Taiwan ang dati nang mainit na inter-imperyalistang tunggalian ng US at China. Tulad ng inaasahan ng mga estratehista ng US, tumugon ang China sa pang-uupat sa pamamagitan ng pagpapalipad ng mga misayl at pagsasanay para sa gera sa Taiwan Strait. Gusto ng US na makagawa ng maling kalkulasyon ang China sa pag-aasam ng US na mabigyang-katwiran ang mga aksyon nito sa tabing ng “pagtanggol sa Taiwan,” at pasikarin ang karagdagang pagpapadala at bentahan ng kagamitang militar ng US sa rehiyon.

Dapat kundenahin ng sambayanang Pilipino ang imperyalismong US sa nagpapatuloy nitong pang-uupat laban sa imperyalistang karibal na China, na naghahatid sa Asia at iba pang panig ng mundo papalapit sa bingit ng mas malawak na inter-imperyalistang armadong tunggalian. Kaalinsabay, dapat nilang itakwil ang aroganteng paggamit ng imperyalismong Chinese ng lakas militar sa pagresolba sa usapin ng pag-iisa (reunification) ng China, na pagtalikod sa matagal nang umiiral na patakaran ni Mao Zedong para sa mapayapang pagkakasundo.

Isinasagawa ng imperyalistang US ang mga pang-uupat na ito laban sa China kahit pa patuloy itong naglulunsad ng digmang proxy sa Ukraine laban sa Russia. Ipinaaalala nito sa atin kung paanong walang-tigil na inudyukan ng gubyernong US at NATO ang Russia sa pamamagitan ng pagpapalawak ng alyansang militar sa mga pakanlurang hangganan nito.


Maikling pangkasaysayang
 salaysay

Matagal nang ginagamit ng mga imperyalistang US ang Taiwan bilang tau-tauhan para ipataw ang kapangyarihan sa Asia at makipagtunggali sa China sa ekonomya at militar. Sa loob ng halos 75 taon, ginamit ng US ang Taiwan bilang balwarteng pang-ekonomya at pangmilitar upang isulong ang estratehikong interes nito sa heyopulitika ng Asia-Pacific. Itinuturing ng US ang Taiwan bilang bahagi ng kanyang estratehiyang “First Island Chain” upang pigilan ang pagbangon at pagpapalawak ng China bilang imperyalistang karibal. Aktibo itong nagpopondo at nagtutulak sa mga grupo sa Taiwan na maggiit ng kasarinlan upang pahinain ang pag-angkin dito ng China. Todo-buhos ang pondo nito upang palakasin ang militar ng Taiwan.

Mula pa huling bahagi ng ika-17 siglo, bahagi na ng China ang Taiwan, na may populasyong halos 85% na Chinese na Han. Itinaboy ng dinastiyang Qing ang mga mananakop na Dutch at Espanyol na kumontrol sa mga bahagi ng mga islang okupado ng mga katutubong mamamayang sinakop ng imperyong Ming ng China.

Sa kabuuan ng ika-18 at ika-19 siglo, kabilang ang Taiwan sa bumubuo ng China. Gayunman, sinakop ito ng umuusbong na imperyalistang Japan noong 1895, na umokupa sa mga isla hanggang 1945, nang isuko nito ang teritoryo pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nang isinuko ng Japan ang Taiwan sa taong iyon, tinanggap ito ng gubyernong Chinese na noo’y nasa pamumuno ni Chiang Kai Shek at ng Kuomintang.

Naganap ang digmang sibil sa China mula 1945 hanggang 1949 sa pagitan ng gubyernong Chiang na suportado ng US at ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pamumuno ng Partido Komunista ng China (CPC). Idineklara ng CPC ang pambansang tagumpay noong Oktubre 1, 1949 at itinatag ang People’s Democratic Republic of China (PRC). Noong Disyembre 1949, dala ang ginto ng bansa at dalawang milyong mamamayan, nilisan ng mga nagaping pwersang Kuomintang ang mainland (o pangunahing kalupaan) at umatras patungo sa prubinsya ng Taiwan, kung saan itinatag ang “kapitolyo sa panahon ng gera” ng China at idineklara ang layuning “bawiin” ang mainland.

Tulad ng ginawa nito sa Vietnam at Korea, nagpakat ang US ng mga pwersa at nagbigay ng pampulitika at pangmilitar na suporta sa lokal na mga reaksyunaryo upang labanan ang mga rebolusyonaryong pwersa. Sinakop nito ang Korea upang labanan ang mga rebolusyonaryong pwersa, at nagtagumpay na hatiin ang Korea sa North at South, na pinanatili sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga base militar sa South Korea. Sa panimula ay nagtagumpay din ang US sa paghati sa Vietnam sa pamamagitan ng pagsuporta sa serye ng mga papet na rehimen sa timog at pagpakat ng daan-daang libong tropang kontra-gerilya. Ganap na nagapi ang mga pwersa ng imperyalistang US at itinaboy pauwi, na nagbigay-daan sa pagsasanib ng Vietnam bilang isang bansa.

Noong 1949, ipinakat ng US ang kanyang 7th Fleet sa Taiwan Strait para umano “pigilang sumiklab ang mga labanan,” na sa totoo’y digmang panghihimasok sa China. Tinangkang pigilan ng mga imperyalistang US ang PRC na tugisin at lubusang gapiin ang talunang si Chiang Kai Shek, at kaalinsabay ay nagbigay ng suportang pang-ekonomya at pangmilitar sa Kuomintang sa Taiwan. Nagtatag ito ng gubyernong umastang kinatawan ng buong China, kahit nakapaghahari lamang sa prubinsya ng Taiwan. Sa suporta ng US, nagpataw ang Kuomintang ng paghaharing militar sa loob ng 38 taon (1949-1979). Mula’t sapul, naglunsad ito ng digmang panunupil laban sa mga pwersang komunista at makabayan sa Taiwan kung saan halos 150,000 ang ibinilanggo o pinatay.

Upang makontrol ang Kuomintang, nagbigay ang US sa Taiwan ng mga kanyong pang-misayl na itinayo sa kahabaan ng Taiwan Strait. Noong 1954, nakipagpirmahan ang US ng Mutual Defense Treaty sa Taiwan, nagtatag ng United States Taiwan Defense Command, at sa loob ng 25 taon ay nag-istasyon ng 30,000 sundalong Amerikano sa isla.

Noong dekada 1950, pumasok ang China sa yugto ng mabilis na paglawak ng ekonomya o pag-unlad sa produksyon matapos kumpletuhin ang reporma sa lupa noong 1954 sa ilalim ng pamumuno ng CPC at ni Mao Zedong. Sa batayan ng mga tagumpay ng reporma sa lupa at kilusang masa ng mamamayang Chinese, sinimulan ng China ang mabilis na industriyalisasyon mula huling bahagi ng dekada 1950, at kasunod ay nagsagawa ng sosyalistang transpormasyon sa industriya at agrikultura.

Sa harap ng mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyong Chinese, napilitan ang imperyalismong US na payagan ang kapitalistang pag-unlad sa Taiwan. Pinayagan ng World Bank ang Taiwan (gayundin ang South Korea) na magsagawa ng reporma sa lupa. Namuhunan nang malaki ang US (kasama ang Japan) sa Taiwan sa pag-aasembol ng mga produktong electrikal at elektroniko, pagmanupaktura, at serbisyong pampinansya, at nagbigay ng mga pabor sa kalakalan. Sa buong dekada 1950, hanggang 30% ng kabuuang pamumuhunan sa loob ng Taiwan ay direktang nagmula sa ayudang pang-ekonomya ng US. Resulta nito, kahit maliit ang populasyon ng Taiwan, limitado ang likas na yaman at nakasalalay lang sa pag-aangkat, nagawang makapagkamal ng malaking kapital ang lokal na burgesya mula sa taunang sarplas sa kalakalan na muling ipinupuhunan upang umunlad ang sariling mga industriya. Mula 1981 hanggang 1986, hanggang 74% ng paglago ng ekonomya ng Taiwan ay nakaugnay sa pag-eeksport nito sa US.

Tulad sa Taiwan, naglaan din ang US at iba pang imperyalista ng katulad na padron ng pamumuhunan at pabor sa kalakalan sa South Korea, Hongkong at Singapore. Itong tinaguriang mga “Tigre ng Asia” ay artipisyal na binuo, pangunahin ng mga imperyalistang US at Japan, upang magamit ang mga teritoryong ito na pansangga sa pang-ekonomya at panlipunang pag-unlad ng China mula dekada 1950.

Normalisasyon

Kasunod ng pulong nina Richard Nixon at Mao Zedong noong 1972, dumaan sa “normalisasyon” ang relasyong US-China sa ilalim ng “patakarang Isang China” kung saan kinilala ng US ang PRC bilang solong gubyerno ng China. Sa Shanghai Communiqué, idineklara ng US na ito’y “kumikilala sa paninindigan ng lahat ng Chinese sa magkabilang panig ng Taiwan Strait na mayroon lamang iisang China at ang Taiwan ay bahagi ng China.” Sinabi rin ng US na hindi nito tutunggaliin ang gayong pananaw, at pinagtibay na pabor ito sa “mapayapang pagresolba ng mamamayang Chinese kapwa mula sa mainland at islang Taiwanese sa usaping Taiwan.”

Aabutin pa ng pitong taon bago iatras ng US ang mga tropa nito sa Taiwan, matapos mawalambisa ang US-Taiwan Mutual Defense Treaty. Gayunman, sa taon ding iyon ay isinabatas ng US ang Taiwan Relations Law, kung saan itinatag nito ang, sa aktwal, ay ugnayang diplomatiko at nagbigay ng suportang militar sa Taiwan.

Noong 1977, nakapangibabaw sa Partido Komunista ng China ang mga modernong rebisyunista at dinala ang China sa landas ng kapitalistang panunumbalik. Nakipagsabwatan ang malalaking burgesyang Chinese sa mga imperyalistang US upang distrungkahin ang sistemang sosyalista, at payagan ang dayuhang pribadong kapital na mamuhunan at magsamantala sa murang lakas-paggawa sa China.

Lumago ang mga ugnayang pang-ekonomya at pangkalakalan sa pagitan ng mainland ng China at Taiwan. Pinayagan sa mainland ang kapitalistang pamumuhunan mula sa Taiwan, kabilang ang Foxconn Company at ang TSMC (Taiwan Semiconductor Manufacturing Company), ang dalawa sa pinakamalalaking taga-asembol at taga-manupaktura ng electroniks sa mundo. Mula nang sumapi sa World Trade Organization noong 2001, naging pinakamalaking pabrika sa pag-aasembol sa buong mundo ang China, kung saan pinako ang sahod ng mga manggagawa sa isa sa pinakamababang antas, upang makaakit ng walang-kapantay na laki ng dayuhang kapital. Pinanatili ng malaking burgesya sa China ang panlabas na anyo na may partido komunista at sosyalismo upang makapagkamal ng pribadong kapital mula sa mga rekurso at pribilehiyo ng estado.

Kapwa nakinabang ang malaking burgesya sa mainland China at Taiwan sa panunumbalik ng kapitalismo sa China. Nagtatag kapwa ang mainland China at Taiwan ng mga upisyal sa pag-uugnayan para sa regular na mga palitan. Isinaisantabi muna bilang usaping panghinaharap ang “hindi maiiwasang” muling pag-iisa ng China na reresolbahin sa paraang mapagkaibigan.


Ang Taiwan at ang pagpihit ng US sa Asia

Mula dekada 1990 hanggang dekada 2000, ikinasiya ng US ang integrasyon ng dating Soviet Union at China—na ngayo’y nasa ilalim na ng malaking monopoloyo burgesya ng estado—sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Sa loob ng ilang taon, itinuring ng mga imperyalistang US na katuwang ang China sa ilalim ng kaayusang neoliberal, at binigyan ito ng katayuang “pinakapinapaburang bansa” sa kalakalan. Inilipat ng mga kumpanyang Amerikano ang pagmanupaktura sa China, at sinamantala ang malapad na hukbo ng murang lakas paggagawa upang lumikha ng mga Iphone at iba pang produktong may tatak-Amerikano.

Bubuwelta kinalaunan sa ekonomya ng US ang malawakang outsourcing o paglilipat ng produksyon sa ibang bansa, at magiging salik sa estratehikong paghina nito. Lumiit ang halagang nililikha ng ekonomya ng US, naging pinansyalisado at mas bulnerable sa pana-panahong krisis o ang pagputok ng mga bulang pampinansya (real estate, dotcom, pabahay). Mula noong pampinansyang krisis ng 2008, sumuray sa matagalang istagnasyon ang US at ang pandaigdigang sistemang kapitalista, at nagbunsod ng umiigting na ribalan at tunggalian ng mga imperyalista. Resulta nito, lumakas nang lumakas ang pang-aaway ng magkakasunod na gubyerno ng US, na pinipilit ang China na lansagin ang mga empresang pang-estado, at isagawa ang mga hakbang upang tapusin ang pamalagiang pagkalugi ng US sa pakikipagkalakal sa kanya. Nagdeklara ang imperyalismong US ng “pihit tungong Asia” na malinaw na tumuturing sa China bilang pangmatagalang banta sa kanyang paghahari. Mula noon, lalupang naging agresibo at antagonistiko ang patakaran ng US.

Nagsimulang magpataw ang US ng mga sangsyon sa kalakalan o panggigipit sa mga produktong gawang-China, kabilang ang Huawei sa paratang na sangkot ang kumpanya sa pag-eespiya para sa gubyerno ng China. Nagpataw din ito ng mga sangsyon laban sa pag-eksport tungong China ng mga abanteng kagamitan para sa produksyon ng modernong mga semiconductor. Sa larangang militar, binuhay nito ang alyansang panseguridad na Quad (US, Japan, India at Australia) na may layuning palibutan ang China. Itinutulak din nitong palaparin ang North Atlantic Treaty Organization (NATO) lampas sa Atlantic sa pamamagitan ng pagpapalahok sa Japan, South Korea, Australia at New Zealand sa huling pulong nito sa Madrid kung saan ipinadeklara ang China bilang “estratehikong banta” sa alyansang militar.

Para sa mga imperyalistang US, ang pusisyon nito sa Taiwan ay susing elemento sa kanyang estratehiyang heyopulitikal at sa tunggalian nito sa China. Kaya patuloy nitong pinalalakas ang alyansang militar sa Taiwan. Mula 2019, bumili ang Taiwan ng $17 bilyong halaga ng kagamitang militar mula sa US. Wala pang dalawang taon, tatlong beses nang nagbenta ng armas ang gubyernong Biden sa Taiwan. Nalantad din noong nakaraang taon na nagsasanay ang mga sundalong Amerikano ng militar ng Taiwan. Paulit-ulit na na nagsasagawa ang US ng mga mapang-upat na operasyong militar sa Taiwan, kabilang ang dumaraming operasyong “kalayaan sa paglalayag” sa loob at labas ng Taiwan Strait, gayundin sa South China Sea.


Labanan ang pang-uupat ng gera ng US at militarismo ng China

May mahabang kasaysayan ang mga imperyalistang US sa paggamit ng mga sangsyon sa kalakalan at ekonomya at panggigipit militar laban sa mga karibal na imperyalistang kapangyarihan upang mang-udyok ng gera. Sa harap ng nagtatagal na istagnasyon at lumalaking bantang mahulog sa resesyon, lumilikha ang US ng mga kundisyon ng gera upang makinabang ang kanyang industriya sa militar sa desperadong tangkang muling buhayin ang kanyang ekonomya.

Sa digmang proxy ng US sa Ukraine laban sa Russia, sumirit ang tubo ng mga kumpanya tulad ng Raytheon, Lockheed-Martin at iba pang gumagawa ng mga misayl, drone at iba pang kagamitang inie-eksport sa mga lugar ng digmaan. Nalalagay ang buong daigdig sa panganib dahil sa tumitinding pang-uupat ng US ng gera.

Dapat tumindig ang proletaryado at sambayanang Pilipino kasama ang buong mundo sa pagtutol sa mga pang-uupat ng US ng gera sa Asia at iba pang lugar. Ang mga rebolusyonaryong pwersang proletaryado sa lahat ng bansa ay dapat magkonsolida, magtatag o magpalakas ng nangungunang partido komunista, pamunuan ang masa at paunlarin ang kanilang makauring pampulitikang kapangyarihan sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong paglaban at iba pang anyo ng pakikibaka.

Dapat ding batikusin ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino ang militar ng US sa paggamit sa mga pasilidad militar sa Pilipinas at sa mga teritoryong pandagat bilang lunsaran ng agresibong sa palibot ng Taiwan at laban sa China. Labag ito sa soberanya ng Pilipinas at nagsasapeligrong madamay ang Pilipinas sa gera ng mga higante.

Dapat nilang suportahan ang mamamayan ng Taiwan sa kanilang militanteng pagbangon laban sa paggamit sa Taiwan bilang tau-tauhan ng US, pagkundena sa pakikialam ng US sa usaping panloob ng China, pagtakwil sa militarismo ng China, at pagtulak sa adhikain ng mamamayang Chinese na mapayapa at mapagkaibigang resolbahin ang usapin ng pag-iisa ng China.

Dapat ding igiit ng sambayanang Pilipino ang soberanya ng bansa laban sa interbensyong militar ng US. Dapat nilang igiit ang pagbasura sa Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at iba pang tagibang na kasunduang militar. Dapat nilang itulak ang pagbaklas sa mga pasilidad ng US sa loob ng mga kampo ng AFP na ekslusibong ginagamit ng militar ng US, at igiit ang pag-atras ng lahat ng sundalo at tagapayong Amerikano na nasa Pilipinas, na dahilan na pwedeng maging target ng paghihiganti ng mga kalaban ng US.

Dapat ding ipanawagan ng mamamayang Pilipino na respetuhin ng China ang pambansang soberanya at teritoryong dagat ng Pilipinas at itulak ang China na buwagin ang lahat ng pasilidad militar na itinayo nito sa loob at sa palibot ng West Philippine Sea. Dapat itulak ang China na galangin ang desisyon ng International Arbitral Tribunal noong 2016 na kumikilala sa mga teritoryong dagat ng Pilipinas, sa kanyang eksklusibong sonang pang-ekonomya at extended continental shelf sa ilalim ng UNCLOS. Dapat itigil ng China ang pang-industriyang pangingisda at pagdambong sa rekursong dagat sa mga karagatang ito.

Dapat ding makipagkapit-bisig ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa mga manggagawa at aping mamamayan ng United States at China at magbuo ng nagkakaisang prente laban sa imperyalistang gera. Namumuhi ang mamamayan ng US at China na maka-kapayapaan dahil sa lumalaking pondo na ginagastos sa produksyon at pagbenta ng armas, habang milyun-milyong sa kanila ang nagdurusa sa nagtataasang presyo, malaganap na kawalan ng empleyo at pagkabulok ng serbisyong panlipunan para sa kalusugan, edukasyon, transportasyon at iba pa.

Dapat ding buuin ng sambayanang Pilipino, kaisa ang mga mamamayan ng Indonesia, Malaysia, Singapore, Vietnam, Thailand, Korea, Japan at iba pang bansa sa Asia at iba pang dako, ang nagkakaisang prente laban sa imperyalistang agresyon, laluna laban sa pang-uupat ng US ng gera sa rehiyon. Dapat nilang igiit sa kanilang mga gubyerno na labanan ang pambabraso para gamitin silang tau-tauhan ng mga imperyalista. Magkasama, at sa kani-kanyang inisyatiba, dapat itulak ng aping mamamayan sa buong mundo ang kanilang pakikibaka para sa tunay na demokrasya, pambansang kalayaan at sosyalismo, upang wakasan ang imperyalismo at ang walang-kabusugang paghahangad nito ng gera.

Sa pang-uupat sa China, inilalapit ng US ang daigdig sa bingit ng digmaan