Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

IV. Ilang mga Aral Mula sa Pagguho ng Makabagong Rebisyunismo sa Unyong Sobyet at Silangang Europa

Ang Antirebisyunistang Linya

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Ang rekonsiderasyon sa mga naghaharing rebisyunistang partido bilang Marxista-Leninista at ang mga rebisyunistang rehimen bilang sosyalista mula pa noong 1984 ay lumikha ng kalituhan sa syentipikong sosyalismo at ng paglihis mula sa antirebisyunistang linya ng Partido. Ito ay kailangang iwasto sa harap ng di-mapapasubaliang katotohanan nang pagguho ng mga naghaharing rebisyunistang partido at rehimen at kaugnay ng pagwawasto sa sobra, mali at walang-silbing pananaw na ang mga partido at rehimeng ito ay maaaring magbigay ng tulong para mapabilis ang tagumpay ng rebolusyong Pilipino.

Bilang resulta ng pagguho ng mga partido at rehimeng nabanggit, ang PKP ay lalong higit na matatag na sasalig sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo, at patuloy na itataguyod ang antirebisyunistang linya at magpupunyagi sa armadong rebolusyon. Ang mga antikomunista na nagnanais gamitin ang pagguho ng makabagong rebisyonismo para pawalang-halaga at ganap na balewalain ang mga saligang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo ay dapat kasuklaman.

Pinaninindigan ng PKP ang katotohanan na ang Marxista-Leninistang teorya ay wastong pinatnubayan ang mga proletaryong rebolusyonaryo at ang mahigit sa isang bilyong mamamayan sa tagumpay ng bagong-demokratikong rebolusyon at sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon. Dito sa Pilipinas, ang uring manggagawa ay ang namumunong uri sa bagong-demokratiko at sosyalistang mga yugto ng rebolusyon. Ang abanteng destakamento ng uring ito ay ang PKP. Kung wala ang Partidong ito, ang rebolusyonaryong kilusang masa ng mamamayan ay hindi sana muling maisusulong sa kasaysayan ng Pilipinas alinsunod sa anti-imperyalista at anti-pyudal na linya, na may sosyalistang perspektiba. Ang mga grupong petiburges na nagnanais lituhin, siraan, pahinain at wasakin ang PKP ay maaaring patuloy lamang na maging mga tagapaglingkod ng mga mapang-api at mapagsamantala sa labas ng Partido at ng mga anakpawis na masang manggagawa at magsasaka na determinadong isinusulong ang rebolusyon.

Ang itinuturing ng PKP sa ngayon na pinakamalaking paghamon sa gawaing teoretikal sa hanay ng lahat ng mga proletaryong rebolusyonaryo, kabilang na ang mga komunistang Pilipino, ay ang paghalaw sa mga aral mula sa matagalan at mapayapang pagpapanumbalik ng kapitalismo sa mga sosyalistang bansa. Gayundin, ang pag-unawa sa paraan ng pagpapatuloy ng rebolusyon, pagbaka sa makabagong rebisyunismo at ang pagsagka sa pagpapanumbalik ng kapitalismo sa sosyalistang lipunan pati na ang pakikibaka para sa sosyalismo kailanman pinapalitan ito ng kapitalismo.

Sa mga bansa na kung saan nakapangibabaw ang rebisyunismo, at pinanumbalik ang kapitalismo, ang hamon sa gawaing teoretikal at sa praktika sa hanay ng mga proletaryong rebolusyonaryo ay ang pagbabalik ng sosyalismo at ang pagpapaunlad nito sa isang bago at mas mataas na antas. Ang mga pwersa ng sosyalismo ay malamang na muling magtagumpay matapos maranasan ang karahasan ng kapitalistang pang-aapi at pagsasamantala at ang paggapi dito sa pamamagitan ng rebolusyonaryong karahasan. Wala pang halimbawa sa kasaysayan na ang isang lipunang walang pagsasamantala ay pumapalit sa isang makauring lipunang mapagsamantala na walang rebolusyonaryong karahasan. Gayunman, paulit-ulit na ipinakita ng kasaysayan na ang isang mas mataas na porma ng lipunan ay maaaring umurong sa isang mas mababang porma sa pamamagitan ng mapayapang ebolusyon.

Sa kurso ng bagong-demokratiko at sosyalistang mga yugto ng rebolusyon sa Pilipinas, ang mga saligang salik ng kontrarebolusyon (malaking burgesya at uring panginoong maylupa) ay hindi ganap na mapapawi agad (lalo na sa larangan ng ideolohiya at sikoloyang panlipunan) ng mga pangunahing salik ng rebolusyon (uring manggagawa at magsasaka). At mayroong mga intermedyang salik (petiburgesyang lunsod at pambansang burgesya) na kumikilos sa pagitan ng dalawang dulo ng rebolusyon at kontrarebolusyon. Ang mga pangunahing salik ng rebolusyon ay maaaring makapangibabaw sa mga salik ng kontrarebolusyon at sa proseso ay makabig ang mga intermedyang salik, na maaaring makapagbigay ng mga positibo at negatibong impluwensya sa mga pangunahing salik ng rebolusyon.

Sa masalimuot na paglulunsad ng bagong-demokratiko at sosyalistang mga yugto ng rebolusyon, dapat panatilihin ng proletaryong partido ang kanyang rebolusyonaryong integridad sa pamamagitan ng pagsalig sa Marxista-Leninistang teorya, mula sa pilosopya hanggang istratehiya at taktika, at dapat laging magsagawa ng kongkretong pagsusuri ng kongkretong kalagayan upang pamunuan ang malawak na masa ng sambayanan mula sa isang tagumpay tungo sa iba pang mga tagumpay.

Ang Marxismo-Leninismo ay nasa mataas na landas ng sibilisasyong makatao, pinangangalagaan ang pamana mula sa nakaraan, sinasagpang ang lahat ng mga umiiral na salik na nagtutulak sa pagsulong, at laging naglalayon ng mas mabuting hinaharap. Subalit mali na gamitin ang mga termino ng ideyalismo tulad ng unibersal na humanismo, populismong walang-uri, estadong nakapaibabaw sa mga uri, pasipismo at iba pang mga katulad na abstraktong salita upang palabuin at balewalain ang proletaryong makauring paninindigan at sa katunayan ay nagbibigay daan upang makapangibabaw ang paghahari ng burgesya at iba pang mga urong na pwersa sa daigdig.

Mali ang di pa napapanahong pagdedeklara ng katapusan ng mga uri at tunggalian ng mga uri habang ang katotohanan ay umiiral pa sila sa lokal at sa pandaigdigang saklaw sa panahon ng buong pangkasaysayang yugto ng sosyalismo. Ang para bagang pagkawala ng mga uring mapagsamantala sa sosyo-ekonomikong pakahulugan ay hindi nangangahulugang ang proletaryong katangian ng naghaharing partido at estado ay hindi na kinakailangan at ang intelihensya ay awtomatikong nagiging proletaryo sa sosyalistang lipunan. Ang totoo, ang burgesya ay unang muling lumilitaw sa pamamagitan ng burukrasya at sa larangang intelektwal at sa kalaunan sa ekonomyang panlipunan.

Mali na ipalaganap, sa ilalim ng mga ideyalista at metapisikal na salitang panganlong, ang materyalismong mekanikal, partikular iyong sa anyo ng teorya ng pwersa sa produksyon na nagsasabing ang pag-unlad ng mga "pwersa sa produksyon" ay maaaring makaisang-panig at awtomatikong magdulot ng sosyalistang kaunlaran. Ang rebolusyon sa relasyon sa produksyon at sa superistruktura ay dapat manguna kaysa sa produksyon. Kung hindi magkakaganito makakapangibabaw ang ideya na ang sosyalismo na may mababang teknolohikal at pang-ekonomyang antas ay makasusulong lamang sa pamamagitan ng lokal na mga repormang may oryentasyong kapitalista at ng pagpapailalim sa mga industriyalisadong kapitalistang bansa.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.