Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

II. Ang Pamana nina Lenin at Stalin



Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Ang pulang bandila ng Unyong Sobyet ay ibinaba na. Ang tsaristang bandila ng Rusya ang nakawagayway ngayon sa Kremlin. Kaunting panahon na lamang at ang bangkay ng dakilang Lenin ay tatanggalin sa kanyang mosoleo sa Red Square, maliban na lamang kung ang bagong burgesya ng Rusya ay ituring itong malaking pagkakakitaan bilang atraksyon sa mga turista.

Ang mga modernong rebisyunistang Sobyet, mula kay Khruschov hanggang kay Gorbachov, ay ginamit ang pangalan ni Lenin para atakehin si Stalin. Ngunit ang totoo, ang lubusang pagbalewala kay Stalin ay ang tulis ng sibat sa lubusang pagbalewala kay Lenin at Leninismo, sosyalismo, sa Unyong Sobyet at sa buong kasaysayan ng Bolshevik at Sobyet. Ang burgesya ng dating Unyong Sobyet ay hindi nasiyahan hangga't hindi lantarang napanumbalik ang kapitalismo at muling naipataw ang makauring diktadura ng burgesya.

Kailangang sariwain natin ang pamana nina Lenin at Stalin sa harap ng mga magkakasabay na pagtatangka ng mga imperyalista, mga modernong rebisyunista, mga lantarang tagapanumbalik ng kapitalismo at ng mga antikomunistang intelihensyang burges na siraan at hamakin ito.

Ang kadakilaan ni Lenin ay makikita sa ginawa niyang pagpapaunlad sa tatlong nilalaman ng teorya ng Marxismo: pilosopya, ekonomyang pampulitika at syentipikong sosyalismo. Siya ay isang dakilang guro ng Marxismo sa panahon ng modernong imperyalismo at rebolusyong proletaryo. Pinag-aralan niya nang lubusan ang materyalismong diyalektiko, tinukoy ang pagkakaisa ng mga magkasalungat bilang pinakapundamental na batas ng materyal na realidad at transpormasyon at masaklaw at malalimang nakitunggali sa mga tinaguriang suhetibistang pilosopya ng "ikatlong pwersa" (empirio-criticism).

Kanyang sinuri ang modernong imperyalismo at binalangkas ang teorya ng di-pantay na pag-unlad, na naglinaw sa posibilidad ng sosyalistang rebolusyon sa pinakamahinang kawing ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Pinayaman niya ang Marxistang teorya ng estado at rebolusyon. Matatag siyang nanindigan para sa proletaryong tunggalian ng mga uri at proletaryong diktadura laban sa mga klasikal na rebisyunista at aktuwal na pinamunuan ang kauna-unahang matagumpay na sosyalistang rebolusyon.

Ang mga ideya ni Lenin ay napanday sa mga dibate sa loob ng Ikalawang Internasyonal at sa loob ng Sosyal-Demokratikong Partido ng Paggawa ng Rusya (RSDLP). Ang proletaryong rebolusyonaryong linyang itinaguyod niya at ng kanyang mga kasamang Bolshevik ay napatunayang wasto at matagumpay sa pakikipaglaban sa iba't ibang kaisipan at pormasyong burges na nakipagpaligsahan sa pamumuno sa pakikibaka laban sa tsaristang awtokrasya.

Ang binabanggit nating sosyalistang rebolusyon ay yaong nagsimula noong ika-7 ng Nobyembre, 1917 sapagkat sa araw na iyon, inagaw ng mamamayan ang kapangyarihang pampulitika mula sa burgesya sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng partidong Bolshevik. Sa panahong iyon itinatag ang proletaryong diktadura. Dahil dito, si Lenin ang kinilalang dakilang tagapagtatag ng sosyalismong Sobyet. Ang proletaryong diktadura ay ang unang rekisito sa pagtatayo ng sosyalismo. Kung wala ang kapangyarihang ito ay hindi maisusulong ang sosyalistang rebolusyon. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, ay naisabatas ni Lenin ang pagsasabansa ng lupa at mga pag-aaring kapital ng mga uring mapagsamantala at hinawakan at pinamunuan ang pagsusulong ng ekonomya.

Ang makauring proletaryong diktadura ay walang iba kung hindi iba lamang na ekspresyon sa kapangyarihang pang-estado na kailangan upang wasakin at palitan ang kapangyarihang pang-estado o makauring diktadura ng burgesya, upang isulong ang lahatang-panig na sosyalistang rebolusyon at upang mahadlangan ang mga kontrarebolusyonaryong muling kontrolin ang lipunan.

Ang proletaryong diktadura ay proletaryong demokrasya din at demokrasya para sa buong bayan, lalo na ang mga anakpawis na masa ng mga manggagawa at magsasaka. Kung wala ang pagpapairal ng proletaryong diktadura laban sa kanilang mga makauring kaaway, hindi matatamasa ng mamamayan ang demokrasya. Ang proletaryong diktadura ay ang bunga ng pinakamataas na porma ng demokratikong pagkilos - ang rebolusyonaryong prosesong nagbagsak sa diktadurang burges. Ito ang titiyak ng demokrasya sa hanay ng mamamayan laban sa lokal at panlabas na makauring kaaway, ang mga lokal na uring mapagsamantala at ang mga imperyalista.

Naging matagumpay ang Bolshevik dahil sa puspusan nilang ipinagtanggol ang makauring diktadura ng proletaryado. Natuto sila mula sa pagkakamali ng Komuna sa Paris noong 1871 at mula sa repormismo at pagtataksil ng mga partidong sosyal-demokrata ng Ikalawang Internasyunal.

Sa pamamagitan ng proletaryong diktadura, binuwag ng mga Bolshevik noong Enero, 1918 ang Asembliyang Konstituent na inihalal matapos ang Rebolusyong Oktubre ngunit nadomina ng mga Sosyalista Rebolusyonaryo at Menshevik, dahil ang asembliyang ito ay tumangging aprubahan ang Deklarasyon ng mga Karapatan ng mga Anakpawis at Pinagsamantalahan. Kasunod nito'y, ipinagbawal ng mga Bolshevik ang mga partidong burges dahil ang mga partidong ito'y lumahok sa kontrarebolusyonaryong karahasan at digmang sibil at nakipagkutsabahan sa mga nanghihimasok na dayuhan.

Sa kanyang buong buhay, pinamunuan ni Lenin ang proletaryado at mamamayang Sobyet at ang mga Sobyet ng mga manggagawa, magsasaka at sundalo sa tagumpay sa digmang sibil at sa digmaan laban sa mga nanghihimasok na kapangyarihan mula noong 1918 hanggang 1921. Kinonsolida niya ang Unyong Sobyet bilang isang unyong pederal ng mga sosyalistang republika at kanyang itinayo ang mga kongreso ng mga sobyet at ng mga nasyonalidad. Bilang isang proletaryong internasyunalista, itinatag niya ang Ikatlong Internasyunal at itinakda ang anti-imperyalistang linya para sa pandaigdigang proletaryado at sa lahat ng mga inaaping bayan at mamamayan.

Noong 1922 iprinoklama niya ang Bagong Patakarang Pang-ekonomya (NEP) bilang isang hakbanging pangtransisyon upang makabangon ang ekonomya mula sa pananalantang dulot ng digmaan sa pinakamabilis na posibleng paraan at malutas ang suliranin ng "komunismong pandigma" na kinabilangan ng rekisisyon at pagrarasyon sa kalagayang may digmaan, pananalanta at kasalatan. Sa ilalim ng bagong patakaran, ang mga maliliit na negosyante at mayamang magsasaka ay pinayagang malayang lumahok sa pribadong produksyon at ibenta ang kanilang mga produkto sa pamilihan.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.