Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

III. Ang Proseso ng Kapitalistang Pagpapanumbalik

Unang Yugto: Ang Rehimeng Khrushchov, 1953-64

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Si Khrushchov ang kinikilalang kauna-unahang tagapagtaguyod ng modernong rebisyunismo sa Unyong Sobyet, ang kauna-unahang sosyalistang bansa sa kasaysayan ng sangkatauhan. Siya ang pinakamaimpluwensya sa pagtataguyod ng modernong rebisyunismo sa pandaigdigang saklaw.

Nagsimulang maging isang rebisyunistang nasa kapangyarihan si Khrushchov noong 1953. Siya ay isang burukratikong tagasunod at isang aktibong tagapagpatupad ng mga mapanupil na hakbangin noong kapanahunan ni Stalin. Nang siya na ang naging unang kalihim ng CPSU at nagkaroon na ng kapangyarihan sa kanyang mga kamay, minaniobra niya ang mga tauhan ni Stalin upang maglaban-laban at nagtagumpay siyang maipapatay si Beria matapos ang isang mabilisang paglilitis. Sumandig siya sa mga bagong burgesya na lumitaw mula sa burukrasya at sa bagong intelihensya.

Noong 1954, nareorganisa na niya ang CPSU para patibayin ang kanyang pusisyo sa ideolohiya at pulitika. Noong 1955, kinatigan niya si Tito laban sa alaala ni Stalin, lalo na sa isyu ng rebisyunismo. Noong 1956, kanyang ipinahayag sa ika-20 Kongreso ng Partido ang kanyang "sikretong" talumpati laban kay Stalin. Lubusan niyang binalewala si Stalin bilang isang uhaw-sa-dugong halimaw at binatikos niya ang "kultong personalidad". Noong 1957, ginamit niya ang armadong pwersa para talunin ang boto para sa pagtatanggal sa kanya ng Politburo at kung gayon ay naisagawa ang isang kudeta para lalong makonsolida ang kanyang pusisyon.

Sa panahong ding ito, ang mga pagbatiko kay Stalin ay nagengganyo sa mga antikomunistang pwersa sa Poland at Hungary na maglunsad ng mga pag-aalsa. Ang pag-aalsa sa Hungary ay mas malakas at mas marahas. Inatasan ni Khrushchov ang hukbong Sobyet upang supilin ito, sa pangunahing batayan na ang pamunuan ng partido sa Hungary ay naglalayong kanselahin ang ugnayang pampulitika at pangmilitar nito sa Unyong Sobyet.

Subalit kasunod nito, sa buong Silangang Europa na nasa ilalim ng impluwensyang Sobyet, ay naging malinaw na ayos lamang sa naghaharing pangkating Sobyet na itaguyod ng mga rehimen ang mga repormang may oryentasyong kapitalista (pribadong empresa sa agrikultura, yaring-kamay at mga serbisyo, paglusaw ng mga kolektibong sakahan kahit sa lugar na naipatupad na ang reporma sa lupa sa maliit na saklaw, at syempre, ang malayang pamilihan) tulad ng Yugoslavia alinsunod sa linyang anti-Stalin. Gayunman, ang mga rebisyunistang rehimen ay mahigpit na inatasang manatili sa loob ng Konseho ng Mutual na Tulungang Pang-ekonomya (CMEA) at sa Kasunduang Warsaw.

Ang ganap na pagbalewala kay Stalin ni Khrushchov ay iniharap bilang isang pagwawasto sa kultong personalidad, burukratismo at terorismo; at bilang rekisito para mamukadkad ang demokrasya at sibilidad, mabilis na pag-unlad ng ekonomya na magtatayo ng materyal at teknolohikal na pundasyon ng komunismo sa loob ng dalawampung taon, ang mapayapang anyo ng rebolusyong sosyal mula sa isang mapagsamantalang sistema tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala, pagpakalma ng tensyon sa relasyon sa Estados Unidos, hakbang-hakbang na pagdidisarmang nukleyar at pandaigdigang kapayapaan, isang daigdig na walang mga digmaan at mga sandata.

Sa salita, itinaguyod ni Khrushchov ang proletaryong diktadura at ang mga saligang prinsipyo ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon ngunit kaalinsabay nito nagbalangkas siya ng mga kaisipang nagpapahina sa mga ito. Ginamit niya ang populismong burges at ipinahayag na ang CPSU ay isang partido ng buong sambayanan at ang estadong Sobyet ay isang estado ng buong sambayanan batay sa anti-Marxistang ideya na ang mga tungkulin ng proletaryong diktadura ay nakamtan na. Ginamit niya ang pasipismong burges at ipinahayag na posible at mas ninanais ng sangkatauhan ang mapayapang transisyon patungong sosyalismo at mapayapang kumpetisyong pang-ekonomya sa mga kapitalistang kapangyarihan; kanyang iniangat ang mapayapang pakikipamuhay mula sa antas ng patakarang diplomatiko tungo sa antas ng pangkalahatang linyang sumasaklaw sa lahat ng klase ng ugnayang panlabas ng Unyong Sobyet at ng CPSU; at tinanggihan niya ang marahas na katangian ng imperyalismo.

Sa larangan ng ekonomya, ginamit niya si Lenin laban kina Lenin at Stalin sa pagturing sa Bagong Patakarang Pang-ekonomya ni Lenin bilang landas para makamit ang sosyalismo at hindi bilang isang hakbanging pantransisyon patungong sosyalistang konstruksyon. Kaugnay nito, isinagawa ang desentralisasyon sa ilang saklaw, hinayaang magsarili ang mga empresa ng estado at itinaguyod ang pribadong agrikultura at ang malayang pamilihan. Ang mga magsariling empresa ng estado ang may pananagutan sa kanilang sariling kwenta ng gastos at sa pagtataas ng mga sahod at bonus batay sa mga tubo ng mga indibidwal na empresa. Ang mga pribadong sakahan ay pinalawak at ang malalawak na lupain (mula sa 50 hanggang 100 ektarya) ay pinaupahan sa mga grupo, na kalimitan ay mga pamilyahan. Maraming mga istasyon ng traktora na ginagamit sa mga kolektibong sakahan ay nilusaw at ang mga makinang pang-agrikultura ay ipinagkaloob sa mga pribadong negosyante. Ang malayang pamilihan ng mga produktong agrikultural at industriyal at mga serbisyo ay itinaguyod.

Sa kaparehong paraan na ang mga rebisyunistang retorika ni Khrushchov ay sumanib sa mga Marxista-Leninistang terminolohiya, ganoondin ang nangyaring pagsanib ng sosyalismo sa kapitalistang pagpapanumbalik. Ang sosyalistang sistema ng produksyon at distribusyon ay nagpatuloy na nakapangibabaw sa ilang panahon. Kaya nga't, ang ekonomyang Sobyet sa ilalim ni Khrushchov ay patuloy na nagtala ng mataas na tantos ng paglago. Subalit ang rehimen ay nagyabang nang husto sa mataas na tantos ng paglago sa pribadong sektor.

Sa pagsasarili ng mga empresang estado, ang mga manedyer ay nagkaroon ng kapangyarihang tumanggap at magpatalsik ng mga manggagawa, makapagnegosyo sa loob ng Unyong Sobyet at sa labas ng bansa; dagdagan ang kanilang sariling mga sahod, bonus at iba pang mga benepisyo sa kapariwaraan ng mga manggagawa; bawasan ang mga pondo para sa pagpapaunlad ng iba pang bahagi ng ekonomya; at lumahok sa burukratikong katiwalian sa pakikipagtransaksyon sa malayang pamilihan.

Tungkol naman sa pribadong agrikultura, pinakamaingay ang propaganda sa ipinangangalandakang higit na produktibo ito kaysa sa estado at kolektibong sakahan. Pinapurihan ang muling naglitawang mga mayamang magsasaka. Ngunit ang katotohanan ay nagsasabwatan ang mga tiwaling burukrata at pribadong magsasaka at mga komersyante sa pagpapababa ng presyo at pagnanakaw ng mga produkto (sa pamamagitan ng unti-unting pagnanakaw at buu-buong misdeklarasyon ng produkto bilang mga depektibo) ng mga kolektibo at estadong sakahan upang dalhin ang mga ito sa malayang pamilihan. Sa bandang huli, ang Unyong Sobyet ay mangangailangang umangkat ng malaking halaga ng butil.

Ang sistemang pang-edukasyon ay nagpatuloy sa paglawak, lumilikha ng malaking bilang ng mga bagong intelihensya na naiimpluwensyahan na ngayon ng mga ideya ng modernong rebisyunismo at tumitingala sa kanluran para sa mga modelo ng episyenteng pangangasiwa at sa de-kalidad na produktong pangkonsumo. Sa sining at sa panulat, kinutya ang realismong panlipunan at pinauso ang unibersal na humanismo, pasipismo at mistisismo.

Ang rehimeng Khrushchov ay umani ng katanyagan mula sa mga pagsulong ng syensya at teknolohiyang Sobyet, mula sa mga natamong tagumpay sa teknolohiyang pangkalawakan at mula sa nagpapatuloy na sosyalistang konstruksyon. Ang lahat ng mga ito ay hindi makakamit kung wala ang naunang mga pagsisikap sa ilalim ng pamumuno ni Stalin. Nagsagawa si Khrushchov ng mabilisang pabahay at konstruksyon ng mga opisina na ikinatuwa ng burukrasya.

Ang CPSU at ang Partido Komunista ng Tsina ang mga pangunahing magkatunggali sa malaking pang-ideolohiyang debate. Sa kabila ng panandaliang pakikipagkasundo ni Khrushchov kay Tito, pinanatili ng Deklarasyong Moscow noong 1957 at ng Pahayag Moscow noong 1960 na ang modernong rebisyunismo ang panganib sa pandaigdigang Kilusang Komunista. Ito ay bilang resulta ng matatag at matibay na paninindigan ng Partido Komunista ng Tsina at iba pang mga partido komunista.

Dinala ni Khrushchov ang pang-ideolohiyang debate sa pagsira sa estado-sa-estadong relasyon ng Unyong Sobyet at Tsina. Sa krisis sa missile sa Cuba, nagkaroon siya ng lantarang komprontasyon kay Kennedy. Tungkol naman sa Byetnam, tinunggali niya ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng mamamayang Byetnames at alanganing nagbigay ng limitadong suporta sa kanila.

Ang pagkasira ng industriyang Sobyet at ang pagbagsak ng agrikultura at ang mga kamalian sa ugnayang panlabas ay tumungo sa pagtanggal kay Khrushchov sa pamamagitan ng isang kudeta ng pangkating Brezhnev. Naging pangkalahatang kalihim si Brezhnev ng CPSU at si Kosygin ang naging punong ministro. Sa kalaunan, si Brezhnev ay nanungkulan bilang pangulo.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.