Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

IV. Ilang mga Aral mula sa Pagguho ng Makabagong Rebisyunismo sa Unyong Sobyet at Silangang Europa

Sosyalistang Rebolusyon at Konstruksyon

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Matapos ang ganap na pagkukumpleto ng bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika, ang proletaryado at ang mamamayan sa ilalim ng pamumuno ng Partido ay maaari nang simulan ang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon. Ang mga istratehikong empresa at ang mga pangunahing linya ng produksyon at distribusyon ay isasabansa. Ang mga ito ang bubuo ng panimulang batayan ng sosyalistang konstruksyon. Ngunit ang sosyalistang sektor ng estado ng sistema sa produksyon ay maaring mapalawak sa paggamit ng umiiral na lokal na kapital, kita sa eksport at produktibong dayuhang pangungutang.

Subalit may mga burges-demokratikong repormang pang-ekonomya na kailangan pang isagawa bilang hakbanging pang-transisyon, tulad ng reporma sa lupa at mga konsesyon sa lahat ng mga saray ng magsasaka at pati ang maliit at panggitnang burges na mga prodyuser na hindi nagmomonopolyo. Ang mga reporma at konsesyong ito ay hindi nangangahulugan nang pagtatayo ng isang "pambansa-demokratikong ekonomya" bilang kapalit ng sosyalistang ekonomya. Ang pagsasakooperatiba ng agrikultura at di-agrikultural na mga empresa pati na ang sosyohang estado-pribadong pagmamay-ari ay maaaring isakatuparan mula sa isang yugto tungo sa isang mas mataas na yugto kaakibat ng sosyalistang konstruksyon at higit pang industriyalisasyon.

Batay sa katotohanang ipinakita ng kasaysayan na ang mga sosyalistang ekonomya ay naitayo sa isang mababang antas na ekonomya at teknolohiya at masahol pa, matapos ang isang mapanirang digmaan, ang proletaryong rebolusyonaryong partido ay obligadong magpatupad ng mga hakbanging pang-transisyon. Kung gaano katagal iiral ang mga hakbanging ito ay dedepende sa mga kongkretong kalagayan. Sa Unyong Sobyet, napilitang magpatupad si Lenin ng Bagong Patakarang Pang-ekonomya. At kasunod nito si Stalin ang kauna-unahang nagbalangkas at nagpatupad ng mga serye ng limang-taong plano ng sosyalistang konstruksyon. Nagtagumpay siya sa pagtatayo ng isang industriyalisadong ekonomyang sosyalista.

Ngunit kahit matapos maitayo ang isang industriyalisadong ekonomyang sosyalista, binaluktot ng mga makabagong rebisyunista ang Bagong Patakarang Pang-ekonomya ni Lenin bilang landas patungong sosyalismo at hindi lamang isang simpleng hakbanging pang-transisyon. Kaya, sina Khrushchov, Brezhnev at Gorbachov ay gumawa ng ganitong pambabaluktot sa pamamagitan ng paggamit kay Lenin laban kay Lenin. Ipinagtanggol nila ang pag-urong sa mga repormang may oryentasyong kapitalista sa pamamagitan ng pagbangga sa patakarang transisyunal ni Lenin sa programa ni Stalin na itayo ang pag-aaring publiko sa mabibigat at saligang industriya at kolektibisasyon ng agrikultura sa planadong paraan.

Pagkaraang makamit ang layunin ng Bagong Patakarang Pang-ekonomya, ipinatupad ni Stalin ang puspusang sosyalistang konstruksyon. Napapanahon at absolutong kailangan na gawin ito sa harap ng paglakas ng kapitalismo na nagbabanta sa sosyalistang rebolusyon. Pinupulaan ng mga kritikong antisosyalista ang sobrang pamumuhunan sa mabigat at saligang mga industriya, ang pagsupil sa nag-aalsang mayamang magsasaka at sa pagsasamantala sa magsasaka. Ngunit kinakaligtaan nilang banggitin na ang puspusang pagtatrabaho, ang pakikibaka laban sa mga kontrarebolusyonaryo at ang mga sakripisyo ay nagresulta sa sa pagtaas ng produksyon at pamantayan sa pamumuhay, sa mekanisasyon sa agrikultura at sa paglawak ng buhay-syudad sa maikling panahon lamang. Kung napagtagumpayan ni Bukharin na patagalin ang NEP, ang Unyong Sobyet ay magkakaroon sana ng di makokontrol na burgesya at laganap na mayamang magsasaka na gagapi sa proletaryado, ng mas mababang pang-ekonomyang kagalingan at mas mahinang kakayahan sa depensa, at magiging madaling dagitin ni Hitler at mas maaga sanang naatake ng Alemanyang Nazi.

Noon na lamang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig nagawa ng Tsina sa pamumuno ni Mao Zedong na ipakitang maaaring magkaroon ng mahusay ang balanseng paglago ng agrikultura bilang pundasyon ng ekonomya, ang mabigat na industriya bilang namumunong salik at ang magaan na industriya bilang tulay na salik sa pagitan ng unang dalawa. Ang linya ni Mao ay ang mabigyan sa pinakamabilis na paraan ang mamamayan, laluna ang masang magsasaka, ng mga produktong pangkonsumo at pamproduksyon. Ngunit kahit si Mao ay di-makatarungang inakusahan ng mga makabagong rebisyunista ng labis na pamumuhunan sa industriya at di napapanahong kooperatibisasyon. Sa anu't anuman, mas nahigitan ng halimbawang Tsino ang halimbawang Sobyet sa ilalim ng pamumuno ni Stalin sa mahusay ang balanseng pag-unlad sa isang mahirap na bansang naglulunsad ng sosyalistang konstruksyon. Ang teorya at praktika ng syentipikong sosyalismo, kung gayon, ay patuloy na umuunlad.

Ang lahat ng mga makabagong rebisyunista ay nahaling sa teorya ng "mga produktibong pwersa" at ekonomismo. Ipinangangalandakan nila ang tungkol sa batas ng halaga ngunit kaalinsabay nito pinalabo nila ang Marxistang teorya ng labis na halaga at ang mapanlikhang linya ng paggamit ng pribadong tubo bilang tubong panlipunan at ang pagtransporma sa dapat sana ay isang magulo pero monopolyadong produksyon para sa pribadong tubo tungo sa isang sistema ng planadong produksyon para sa paggamit.

Ang mga Marxista ay laging sumasang-ayon kina Adam Smith at kanyang mga tagapagtaguyod sa konseptong ang halaga ng isang bilihin ay katumbas sa karaniwang kinakailangang oras ng paggawa sa lipunan at ang halaga sa palitan (presyo) ay nagaganap sa pamilihan. Sa sosyalistang sistema, may sistema ng pag-iba-iba ng mga sahod na ibinabayad batay sa kantidad at kalidad ng ginawang trabaho. Sa loob ng sistema ng publikong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon at pagpaplanong pang-ekonomya, ang bagong halagang nalilikha ay inilalaan para sa pondo ng pasahod para sa pagkonsumo, panibagong pamumuhunan sa ekonomya hindi lamang para matugunan ang depresasyon kundi para din sa pagpapalawak ng produksyon, pangkalahatang kagalingan (edukasyon, kalusugan, impraistruktura, (at iba pa), administrasyon at pambansang depensa.

Maliban sa sistema ng pasahod na may iba-ibang antas na umaalinsunod sa sistema ng mga halaga ng bilihin, isinasanib ng mga bilihing nalikha ang mga ginamit sa produksyon na binili mula sa ibang panig ng lokal at pandaigdigang pamilihan batay sa isang takdang presyo at isinasaalang-alang sa presyo sa pamilihan ng mga kalakal. Maaaring gumawa ng mga paghahambing sa presyo sa mga katulad na mga kalakal na gawa sa labas ng bansa.

Ang sosyalistang sistema ng produksyon ay napatunayang epektibo sa pagbibigay ng hanapbuhay sa lahat, pagkamit ng mataas na tantos ng paglago ng ekonomya, pagtugon sa mga saligang pangangailangan ng mamamayan at pagbibigay ng serbisyong panlipunan hanggang sa ang bagong burgesya ay nagsimulang kamkamin ang papalaking bahagi ng labis na produkto at nagkaroon ng paghahangad sa mga mataas-ang-kalidad na mga produktong pangkonsumo na sa umpisa ay nakuha niya sa pamamagitan ng institusyonal na pagbili mula sa labas ng bansa.

Dagdag pa sa mataas na pagkonsumo at labis-labis na mga pribilehiyo ng bagong burgesya, ang isa pang malaking sumaid sa pondo ay ang tiwaling alokasyon ng mga rekurso sa mga gastusing pangmilitar dahilan sa imperyalistang banta. Ang totoo ito ang lumikha ng pinakamalaking pagsaid sa mga rekurso ng Unyong Sobyet at Silangang Europa sa ilalim ng matagal na paghahari ni Brezhnev. Ngunit ito ay pinalalabo ng imperyalistang propaganda kapag iginigiit nito na ang sosyalismo ay likas na mali o di kaya ay ang tinawag na modelong Stalinista na ipinagpatuloy ng mga makabagong rebisyunista ay nabigo. Sa paglahok sa paligsahan sa armas, ang rehimeng Brezhnev ay lumihis mula sa konsepto ng depensang bayan at sa lahatang-panig na konsolidasyong sinaligan ni Stalin noong ang Unyong Sobyet ay mas mahina pa sa militar at naharap sa mas malalaking banta mula sa mga kapitalistang kapangyarihan.

Ang katotohanan ay ang mga sosyalistang ekonomya ay umunlad nang kung ilang dekada at nangangailangan ng dagdag pang bilang ng mga dekada para magawa ng mga makabagong rebisyunista na paurungin ang mga ekonomyang ito patungong kapitalismo, sa ilalim ng mga burges na konseptong pagpapasigla ng produksyon at pagpapaunlad ng kalidad ng produksyon sa pamamagitan ng mga pribadong empresa at malayang pamilihan.

Ang pagsasakatuparan ng mga repormang may oryentasyong kapitalista upang "suplementuhan" at "tulungan" ang sosyalistang pag-unlad ng ekonomya ay maling nabibigyang-katwiran. Ngunit ang burgesya, ang mga tiwaling burukrata at mga mayamang magsasaka ay muling pinasusulpot at pinayayabong upang pahinain at wasakin ang sosyalismo mula sa loob. Matapos ang isang panahon ng liberalisasyon ng ekonomya, ang mga burges na pwersa ay makahihiling na ng higit pang pagsasapribado at pagsasapamilihan nang mas matindi at sa kahulihulihan ay aangkin sa kapangyarihang pampulitika tulad nang naganap sa Silangang Europa at Unyong Sobyet.

Ngunit kalimitan, sa simula ng kanilang pagsisikap na masabotahe ang sosyalistang ekonomya, kapag wala pang signipikanteng bilang ng mga pribadong negosyante sa loob ng bansa, gumagawa sila ng kampanya para mag-aral ng "episyenteng pangangasiwa" mula sa mga kapitalistang bansa (na hindi iniisip ang maaksayang mga siklo ng negosyo at mga digmaan at ang mga dantaong pagsasamantala sa proletaryado at mga kolonya at mga saklaw ng impluwensya), para sa pagpapalawak ng kalakalan sa mga kapitalistang bansa, dayuhang pamumuhunan, mga pautang at paglilipatan ng teknolohiya at kung gayon para sa isang batas sa pamumuhunan na kaakit-akit sa mga multinasyunal na kompanya at bangko pati na sa mga lokal na burgesya na dapat itaguyod kung ang dayuhang burgesya ay pinapayagang magtamasa ng kalayaang mamuhunan at mag-ari ng mga ari-arian sa bansa at sa pag-upa sa lokal na mamamayan.

Nang hindi nilalabag o isinusuko ang mga saligang sosyalistang prinsipyo at nang hindi pinalalaki ang lokal at dayuhang pribadong pagmamay-ari sa mga kasangkapan sa produksyon, maaaring gamitin ang pag-iiba-iba ng antas ng mga sahod at bonus bilang mga insentiba para sa pagdadagdag ng kantidad at kalidad ng mga produkto alinsunod sa mapagkakatiwalaan at eksaktong mga impormasyon tungkol sa kapasidad sa produksyon at hinihingi ng mga konsyumer at alinsunod sa magiging resulta nitong planong pang-ekonomya, upang agad matugunan ang mga saligang pangangailangan ng mamamayan at kasunod nito'y ang pagsulong sa paglikha ng mga di-saligang produkto para paunlarin ang istandard ng pamumuhay, upang maitayo ang sunud-sunod na henerasyon ng papahusay na pabahay bilang habambuhay na insentiba at upang idesentralisa ang mga gawaing pang-ekonomya nang may mas mabubuting resulta.

Ang produksyon ng mga saligan at di-saligang mga produktong pangkonsumo ay komplementaryo at may aktibong ugnayan. Kapag ang mga saligang pangangailangan ay natugunan na at ang mga pribadong impok ay dumarami, ang mamamayan ay nagsisimulang maghanap ng mga bagay na mabibili upang paunlarin o gawing mas interesante ang kanilang mga buhay. Ang ilang mataas-ang-kalidad na produktong pangkonsumo ay maaaring likhain sa loob ng bansa. Ang iba pa ay maaaring angkatin nang hindi nilalabag ang prayoridad na ibinibigay sa pagpapaunlad ng buong ekonomya at ang pag-aangkat ng mga esensyal na produktong pangkonsumo at pamproduksyon.

Sa kaso ng Unyong Sobyet, bago nagkaroon ng isang Gorbachov, nagkaroon ng mahabang panahon ni Brezhnev na kung saan ang bagong burgesya ay umunlad sa loob ng bansa at ang mga rekurso ay sinayang sa paligsahan ng armas at sa magastos na mga komitment sa labas ng bansa sa ilalim ng teorya ng pagtatanggol sa Unyong Sobyet sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kakayahan sa istratehikong opensiba at sa kakayahang maglunsad ng digma sa labas ng bansa.

Nasaksihan natin na ang tamang patakaran pa rin ay ang konsepto ng depensang bayan o digmang bayan laban sa mananalakay, sa balangkas ng umaasa-sa-sariling kakayahan, sa loob ng kanyang sariling mga pambansang hangganan at nang hindi pinahihina ang paglago ng sosyalistang ekonomya.

Ang kwerpong Sobyet ng mga syentistang mananaliksik, mga inhinyero at mga teknolohista ay ang pinakamalaki sa buong daigdig. Gumawa sila ng malalaking pagsulong sa saligang pananaliksik at paggawa ng mga orihinal na modelo. Subalit ang mga pagsulong lamang na angkop sa mataas na teknolohiyang kailangan sa paligsahan sa armas ang ginamit sa malakihang paraan. At dahil sa disoryentasyon at ilang maling diwa ng pagtitipid sa produksyong sibil, ang luma at lipas ng mga kasangkapan ay pinananatili at muling pinararami, kung kaya't ang napakahalagang erya ng ekonomya ay napagkaitan ng benepisyo ng mataas na teknolohiya.

Sa pagsasakatuparan ng sosyalistang konstruksyon, matapos ang panahon ng transisyon sa pagbabangon ng ekonomya mula sa pinsala ng digmaan at pagkukumpleto ng mga repormang burges-demokratiko, itataguyod natin ang prinsipyong nagtatadhana ng sosyalistang relasyon sa produksyon upang palayain ang mga produktibong pwersa at itaguyod ang kanilang paglago; at hindi tayo kailanman uurong sa rebisyunistang linya ng paggamit sa mga repormang may oryentasyong kapitalista upang isulong ang sosyalismo.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.