Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

III. Ang Proseso ng Kapitalistang Pagpapanumbalik

Ikalawang Yugto: Ang Rehimeng Brezhnev, 1964-82

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Habang si Khrushchov ay sagadsaring anti-Stalin, nagsagawa si Brezhnev ng limitadong rehabilitasyon ni Stalin. Kung iuugnay natin ito sa muling sentralisasyon ng burukrasya at mga empresang estado na sa nakaraan ay desentralisado at ang paglalapat ng mga mapanupil na hakbangin laban sa antikomunistang oposisyon, parang lilitaw na binubuhay ni Brezhnev ang mga patakaran ni Stalin.

Sa totoo lang, ang rehimeng Brezhnev sa kabuuan ay anti-Stalin. Patunay dito ang nagpatuloy na linya ng pagtataguyod sa mga repormang may oryentasyong kapitalista ni Khrushchov sa larangan ng ekonomya at ang linya ng pagpapaunlad ng opensibang kapabilidad "upang ipagtanggol ang Unyong Sobyet sa labas ng mga hangganan nito". Kung gayon, mali na sabihing ang 18-taong rehimeng Brezhnev ay isang pagtigil ng linyang anti-Stalin na sinimulan ni Khrushchov.

Gayunman, may kamaliang pang-ideolohiya na mailalagay sina Khrushchov at Brezhnev kapantay ni Stalin. Ito ay ang di pa napapanahong deklarasyon ng wala ng mga uri at tunggalian ng mga uri, maliban sa tunggalian sa pagitan ng kaaway at ng mamamayan. Ang linyang ito'y tumangging kilalanin ang pag-iral ng konsiderable at lumalagong burgesya sa lipunang Sobyet. At binigyang-katwiran nito ang mga mapanupil na hakbangin laban sa mga itinuring na kaaway ng mamamayang Sobyet dahil lamang sa paglaban sa naghaharing pangkatin.

Sa ilalim ng pamunuang Brezhnev, ang Krushchovistang mga reporma na may oryentasyong kapitalista ay masugid na itinulak ng tambalang Brezhnev-Kosygin. Ang sosyalismo ay itrinanspormang monopolyong kapitalismo ng estado, kung saan ang laganap na tiwaling mga burukrata ay hindi lamang nagpapalaki sa kanilang mga upisyal na kita at mga pabor kundi nangungurakot pa sa pakikipagkutsabahan sa mga pribadong negosyante at kahit sa mga kriminal na sindikato sa paggatas sa mga empresa ng estado. Sa papalaki nang papalaking saklaw, ang mga kalakal na nililikha ng mga empresa ng estado ay pinabababa ang presyo, kinukupit, o idinedeklarang depektibo para dalhin sa mga pribadong negosyante para sa malayang pamilihan.

Ang mga kontrata sa pagbebenta at pamimili sa mga kapitalistang empresa sa labas ng bansa ay naging malaking balon ng kikbak para sa mga upisyal ng estado na itinatabi sa mga sekretong deposito sa bangko sa labas ng bansa. Mayroon ding lumalagong blackmarket sa dayuhang pera at kalakal na ipinuslit mula sa Kanluran papunta sa Silangang Europa, sa mga republika ng Baltic at katimugan.

Ang katiwalian ng mga burukrata at pribadong mga kapitalista ay nagpasama sa rebisyunistang naghaharing partido at rehimen sa iba't ibang antas. Sa katapusan ng rehimeng Brezhnev, mayroon nang tinatayang 30 milyong mamamayan na lumalahok sa pribadong empresa. Kabilang dito ang mga pamilya ng mga upisyal ng estado at partido. Ang mga myembro mismo ng pamilyang Brezhnev ay mahigpit na nakikipagkolaboreyt sa mga pribadong empresa at mga kriminal na sindikato sa mga eskandaloso at kahina-hinalang mga transaksyon.

Ang mga empresa ng estado na kinakailangan para matiyak ang pondo para sa papalaki nang papalaking sentral na burukrasyang Sobyet at para sa paligsahan sa armas ay muling isinentralisa. Mabilis na lumaki ang isang kompleks na militar-industriyal at kumain taun-taon ng higit sa konserbatibong taya na 20 porsyento ng badyet. Ang rehimeng Brezhnev ay hibang sa pagkakamit ng pagakakapatas sa militar sa kanyang karibal na superpower, ang Estados Unidos.

Ang malaking estadong Sobyet na pwede sanang magpalitaw ng surplas na kita para sa panibagong pamumuhunan sa higit na mga episyente at pinalawak na produksyong sibil ng saligan at di-saligang mga produktong pangkonsumo, ay nagwaldas ng pondo sa importasyon ng de-kalidad na mga produktong pangkonsumo para sa nakatataas na 5 porsyento ng populasyon (ang bagong burgesya), sa papalaking halaga ng imported na butil, sa kompleks na militar-industriyal at paligsahan sa armas, sa pagmantina at kagamitan ng kalahating milyong tropa sa Silangang Europa at sa ibang mga dayuhang komitment, mabuti at masama, sa ikatlong daigdig.

Kabilang sa mabubuting komitment ang ayuda sa mamamayang Byetnames sa gyera sa Byetnam, Cuba, Angola at Nicaragua. Kabilang sa masasama ang pagtatalaga ng malaking bilang ng tropang Sobyet at kagamitan sa Afghanistan sa panahong ang Unyong Sobyet ay malinaw nang nasa mahigpit na sitwasyon sa ekonomya at pinansya.

Ang pera para sa importasyon ng butil at de-kalidad na mga kalakal na pangkonsumo ay galing sa benta ng 10 porsyento ng produksyon ng langis ng Sobyet sa mga Kanluraning bansa at sa kita mula sa mga benta ng kagamitang militar sa mga bansang nagmimina ng langis sa Gitnang Silangan.

Ginamit ng rehimeng Brezhnev ang "Marxista-Leninistang" pananalita para ikubli at gawing lehitimo ang pagyabong ng kapitalismo sa loob ng Unyong Sobyet. Ginamit ang mapanupil na mga hakbang laban sa mga katunggali ng rehimen, kabilang na ang pagdadahilan sa pangangailangan ng pag-oospital para sa mga may diperensya sa utak. Ang mga hakbang na ito nagsilbing sa pagyabong ng kapitalismo at bumubuo ng panlipunang pasismo.

Ang rehimeng Brezhnev ay nag-introdyus sa daigdig ng isang lihis na panibagong interpretasyon ng proletaryong diktadura at proletaryong internasyunalismo sa proklamasyon ng doktrinang Brezhnev ng "limitadong soberanya" at nakasentro-sa-Sobyet na "pandaigdigang proletaryong diktadura" sa okasyon ng pananalakay ng Unyong Sobyet sa Czechoslovakia noong 1968. Sa okasyong ding ito nagsimulang tawagin ang Unyong Sobyet na sosyal-imperyalista, sosyalismo sa salita, at imperyalismo sa gawa. Sa parehong antas ng pagka-arogante, itinalaga ni Brezhnev ang daanlibong tropang Sobyet sa hangganang Tsino-Sobyet.

Sa panahon ni Brezhnev, sinikap ng Unyong Sobyet na mahigpit na kontrolin ang kanyang mga satelayt sa Silangang Europa sa loob ng Warsaw Pact. Kaya kailangan itong gumasta nang malaking rekurso mula sa sariling pondo at mula sa kanyang mga satelayt sa pagmamantina at pag-aarmas sa kalahating milyong tropang Sobyet sa Silangang Europa. Malinaw na hindi pinauunlad ng mga rebisyunistang naghaharing partido at rehimen ang masiglang partisipasyon at katapatan ng proletaryado at mamamayan sa pamamagitan ng pag-unlad na sosyalista sa halip ay pinananatili silang sunud-sunuran sa pamamagitan ng mga kaparaanang burukratiko at militar sa ngalan ng sosyalismo.

Itinaguyod ng Unyong Sobyet sa ilalim ni Brezhnev ang prinsipyo ng "pandaigdigang hatian sa paggawa" sa loob ng CMEA. Nangangahulugan ito ng pagpapatupad ng espesyalisasyon sa takdang mga linya sa produksyon ng partikular na mga myembrong bansa maliban sa Unyong Sobyet. Ang relasyon sa pagitan ng Unyong Sobyet at iba pang myembrong bansa ng CMEA ay walang ipinagkaiba sa relasyon sa pagitan ng imperyalismo at mga malakolonya. Binansot nito ang kumprehensibong pag-unlad ng mga pambansang ekonomya ng karamihan ng mga myembrong bansa kahit may naitayo at patuloy pang itinatayong ilang saligang industriya.

Kalaunan, nagsimulang makaramdam ng pagkadehado ang Unyong Sobyet sa kalagayang nagdedeliber siya ng langis sa presyong mas mababa kaysa sa presyo sa pandaigdigang pamilihan at tumatanggap naman ng mahinang klase na mga produkto bilang kapalit. Kaalinsabay, sa hanay ng mga bansa sa Silangang Europa, mayroon nang matagal na kinikimkim na galit sa sobrang pagpepresyo sa mahinang klaseng mga kasangkapang nakukuha nila mula sa Unyong Sobyet.

Bago ang dekadang sitenta, inengganyo ng Unyong Sobyet ang mga repormang may oryentasyong kapitalista sa mga satelayt nito sa Silangang Europa pero pinipigilan ang pag-alis ng mga satelayt na ito sa Warsaw Pact. Noong maagang bahagi ng dekadang sitenta, gusto ng Unyong Sobyet na magkaroon ng pagkalma ng tensyon sa relasyon sa Estados Unidos, makuha ang katayuan ng "pinakapinapaburang bansa" (MFN), magkaroon ng paraang makakuha ng bagong teknolohiya at dayuhang pautang mula sa Estados Unidos at iba pang kapitalistang bansa. Subalit noong 1972, ang rehimeng Brezhnev ay tinanggihan ng amyendang Jackson-Vannik na pumigil sa katayuang MFN ng Unyong Sobyet dahil sa usapin ng di pagpapahintulot ng Unyong Sobyet sa pandarayuhan ng mga Hudyo. Ang rehimen noon ay nag-engganyo sa mga satelayt niya sa Silangang Europa upang pumasok sa mga kasunduan sa ekonomya, pinansya at kalakalan sa mga kapitalistang bansa.

Kaya, ang mga bansang pinaghaharian ng mga rebisyunista ay nagumon sa mga produktong pangkonsumo at mga utang mula sa Kanluran. Sa maagang bahagi ng dekada otsenta, ang karamihan sa kanila ay nagkaroon ng malubhang kaguluhang pang-ekonomya dahilan sa paglala ng mga lokal na suliraning pang-ekonomya at sa mga kahirapang dulot ng pasaning utang. Ang kinikita ng bawat tao sa maraming kaso ay mas masahol pa kaysa sa Pilipinas. Ang mga naghaharing rebisyunistang partido at rehimen ang may pananagutan dito dahil sa kanilang mga patakarang pang-ekonomya at burukratikong katiwalian. Dahil dito nasira ang kanilang kredibilidad sa malawak na masa ng sambayanan at sa patuloy na paglakas ng anti-Sobyet at antikomunismo ng intelihensya.

Ang mga naghaharing partido sa Silangang Europa ay naging bulnerable sa batikos ng pagkapapet sa pulitika laluna mula sa hanay ng mga antikomunistang tagapagtaguyod ng nasyunalismo at relihiyon. Maliban sa mga partido sa Yugoslavia at Albania, ang mga nasabing partido ay resulta ng pagsasanib ng mga partido komunista at sosyal-demokratiko na iniluklok sa kapangyarihan ng Unyong Sobyet matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa pangunahin, iniatras nila ang pagsasakatuparan ng mga repormang panlipunan, lalo na noong pinayagan sila ni Khrushchov na magpatupad ng mga repormang may kapitalistang oryentasyon.

Patuloy na tinatakaw ng Estados Unidos ang Unyong Sobyet sa prospek ng katayuang MFN at iba pang mga konsesyong pang-ekonomya. Sa bawat pagkakataong ginagawa ito ng Estados Unidos, lagi siyang may nakukuha sa Unyong Sobyet, tulad ng komitment nito sa Kasunduang Helshinki (na naglayong magbigay ng proteksyong legal sa mga tumututol sa Unyong Sobyet) at sa isang borador na tratado tungkol sa paglilimita ng mga istratehikong sandata. Ngunit hindi naman ibinibigay ng Estados Unidos ang mga konsesyong nais ng Unyong Sobyet. Nais ng Estados Unidos na simpleng magpatuloy ang Cold War upang maitulak ang Unyong Sobyet na sayangin ang mga rekurso nito sa karera ng armas. Ang tanging signipikanteng konsesyon na patuloy na nakuha ng Unyong Sobyet ay ang pagbili ng butil at ang mga utang pangkomersyo na kaugnay nito.

Noong magpasya ang pamunuan ng Partido na magsubok o mag-ayos ng pakikipagrelasyon sa mga naghaharing partido ng Unyong Sobyet at Silangang Europa noong kalagitnaan ng dekada otsenta, nagkaroon ng maling palagay na ang mga pumalit kay Brezhnev ay ipagpapatuloy ang kanyang linyang anti-imperyalista sa Cold War ng dalawang superpower. Sa ganito, ang papel pampatakaran tungkol sa Unyong Sobyet at Silangang Europa ay bumuntot sa linyang Brezhnev.

Bagamat ang rehimeng Gorbachov ay magpapatupad ng mga malulubhang rebisyunistang patakaran kaysa sa mga nauna sa kanya, ito ay magiging mahusay na mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa prinsipal at esensyal na katangian ng rehimeng Brezhnev tungkol sa komprehensibong saklaw ng mga usapin. Sa paggamit ng mga impormasyong ito mula sa mapanuring Marxista-Leninistang pananaw, madali nating malalagom ang rehimeng Brezhnev.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.