Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

III. Ang Proseso ng Kapitalistang Pagpapanumbalik

Ang Ikatlo at Huling Yugto: Ang Rehimeng Gorbachov, 1985-91

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992

"New Thinking"

Ang susing elemento sa "bagong kaisipan" ni Gorbachov sa pandaigdigang relasyon ay ang "de-ideologization" (pag-alis ng ideolohiya sa mga usaping relasyong panlabas) na ang ibig sabihin sa aktwal ay ang ganap na pagtatakwil sa proletaryong makauring paninindigan at proletaryong internasyunalismo at ang pagsuko sa imperyalismo sa ilalim ng balatkayo ng kooperasyon. Iginiit ni Gorbachov na ang marahas na katangian ng imperyalismo ay nagbago at naging mapayapa na. Ang sangkatauhan diumano ay may mga integral na interes at may nakaibabaw sa mga uring pagpapahalaga tungkol sa mga sandata para sa maramihang pangwawasak, ekolohiya at iba pang mga isyu. Ang "de-ideologization" ay nangangahulugan ng ganap na pagtatakwil sa proletaryong makauring paninindigan at ang pagyakap sa burges na makauring paninindigan.

Lahat ng mga Marxista ay kumikilala sa kumon na interes ng sangkatauhan at ang pagsulong ng makataong sibilisasyon; kaalinsabay ang katotohanan na ang daigdig at mga partikular na lipunan ay pinaghaharian ng imperyalista at mga lokal na reaksyunaryong uri at ang makasaysayang tunggalian ng mga uri sa pagitan ng burgesya at proletaryado ay nagpapatuloy. Ang ginawa ni Gorbachov ay ang paggamit ng mga abstrakto, pangkabuuan at nakaibabaw sa mga uri na pananalita upang palabuin ang makasaysayang tunggalian ng mga uri at humanap ng layuning kumon sa imperyalismo.

Kanyang itinuring na "ang mga lehitimong pambansang interes" ng mga estado ang pinakamahalagang bagay sa pagtatayo ng mga relasyong internasyunal. Matapos ang ika-70 anibersaryo ng Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre, tinapyasan niya ang mga internasyunal na aktibidad ng CPSU kaugnay ng pakikipagkaisa sa mga bansa ng ikatlong daigdig at mga organisasyon at kilusang anti-imperyalista. Ang kanyang mga bantog ng tagapayo ay nagpanukala din na ang mga pandaigdigang organisasyon ng mga mamamayan na tinutustusan ng mga organisasyong Sobyet ay maaaring makipagkaisa sa kanilang mga kalabang organisasyon na tinutustusan ng mga pwersa ng kapitalismo upang bumuo ng mas malalaking organisasyong "di-ideolohikal". syempre, ang gusto nilang sabihin ay ang lantarang pagsuko sa imperyalistang ideolohiya.

Ipinangalandakan ni Gorbachov ang prinsipyo ng mapayapang pakikipamuhay sa hanay ng mga estado, kahit na magkakaiba ang mga sistamang panlipunan. Itinakwil niya ang Doktrinang Brezhnev at iginiit na ang ibang mga bansa at ang mga Partido Komunista ay maaaring magpasya para sa kanilang mga sarili. Ngunit siya'y nagiging ipokrito dahil ang kanyang mga ahente ay masigasig na nireorganisa at sa kalaunan ay nilusaw ang mga naghaharing Partido at rehimen sa Silangang Europa.

Nanawagan siya para wakasan na ang Cold War, pabilisin ang disarmamentong nukleyar, pagbabawas ng mga pwersang Kumbensyonal at ang paglusaw ng NATO at ang Kasunduang Warsaw. Ang mga tratado sa pagbabawas ng armas ay mabilis na napagkasunduan kung ihahambing sa mga naunang panahon sa Cold War. Isinagawa ng rehimeng Gorbachov ang lahat ng ito sa bigong pag-asang maaakit ang mga dayuhang pamumuhunan at bagong teknolohiya upang mapalakas ang ekonomyang Sobyet. Subalit ang Group of Seven ay matatag na naninindigang hindi sila mamumuhunan upang palakasin ang lalong humihina at tiwaling burukratikong ekonomya.

Sa ilalim ng pamumuno ni Gorbachov, ang Unyong Sobyet ay nakipagsabwatan sa Estados Unidos at iba pang bansa sa pag-aayos ng mga tinatawag na panrehiyong armadong labanan tulad ng nakasentro sa Iran at Iraq, Afghanistan, Angola at Nicaragua. Ang Unyong Sobyet ay sumang-ayon sa unilateral na pag-alis ng mga pwersang militar sa Silangang Europa at sa pag-iisa ng Alemanya kapalit ang tulong pang-ekonomya mula sa Kanluran sa anyo ng mga tuwirang pamumuhunan, mga pautang, lipat-teknolohiya at mga akomodasyon sa kalakalan. Sa hanay ng mga kapitalistang kapangyarihan, ang Alemanya ang nagbigay ng pinakamaraming tulong sa anyo ng mga pautang, produktong pangkonsumo, at tulong pabahay para sa mga tropang Sobyet na bumalik mula sa Silangang Europa. Subalit kahit ang mga pondong ipinauna para sa pabahay ng mga tropang ito ay naging target din ng katiwaliang Sobyet at nakawan.

Kasing-aga pa ng 1987, ay itinutulak na ang mga naghaharing rebisyunistang partido at rehimen sa Silangang Europa upang reorganisahin ang mga sarili at iluklok ang mga Gorbachovista bilang kapalit ng mga Brezhnevista. May kumalat ding balita sa loob at labas ng mga naghaharing partido at rehimen na ang Unyong Sobyet ay disididong tanggalin ang kanyang mga pwersa sa Silangang Europa at hindi manghihimasok sa maaari pang maganap sa rehiyon. Sa ganito, ang mga antikomunistang pwersa ay pinaabutan na ng mas maaga kung ano ang maaari nilang gawin sa ilalim ng mga bagong kalagayan. Maaari silang sumakay sa mga tunay na karaingan ng mga mamamayan at ibagsak ang labis na kinamumuhiang naghaharing partido at rehimen.

Ang krisis sosyo-ekonomiko at pampulitika ng iba't ibang rebisyunistang rehimen at ang laganap na kaalamang ang Unyong Sobyet ay hindi na interesado sa preserbasyon ng Kasunduang Warsaw at sa pinapatakbo ng rouble (perang Sobyet) na CMEA ay sapat ng tuntungan para sa mga antikomunistang pwersa upang maging aktibo at magpalakas. Ang lumilinaw na lumilinaw na mensahe mula 1987 hanggang 1989 na ang Unyong Sobyet ay hindi manghihimasok sa anumang aksyong popular laban sa mga lokal na rehimen ay nagbigay ng tiwala sa mga antikomunistang pwersa upang ibagsak ang mga ito. Higit sa lahat, ang nakararaming mayorya ng mga rebisyunistang burukrata sa naghaharing partido at estado (maliban sa ilan tulad ni Ceaucescu na relatibong independyente sa CPSU at Honecker at Zhikhov na mga matagal ng mga Brezhnevista) ay gustung-gustong tanggalin ang kanilang mga komunistang maskara, panatilihin ang kanilang mga pribileyo, masamantala ang mga bagong oportunidad at iwasan ang galit ng malaon nang dumaraing na mamamayan.

Sa mapanuring pagsangguni ng talakayang ito sa mga pananagutan ng rehimeng Gorbachov at ng mga kontroladong rehimen ng Silangang Europa sa pagguho ng huli, hindi tayo dapat magkaroon ng maling pag-unawa na nais natin na ang isang patakaran o isang daloy ng mga pangyayari ay tumungo sa ibang landas. Inilalarawan lang natin sa bahaging ito ang huling yugto ng pagwasak sa sarili o pagtatanggal ng maskara ng mga rebisyunistang partido at rehimen.

Sumunod lamang sa pagkawasak ng CPSU at ng Unyong Sobyet, ang pinakamalaking serbisyong nagawa ng rehimemg Gorbachov sa mga kapitalistang kapangyarihan ay ang mabilis na pagdeliber ng Silangang Europa sa kanila at ang pagkabuwag ng Kasunduang Warsaw at ng CMEA.

Sa loob ng huling taon ng kanyang pag-iral, ang Unyong Sobyet sa ilalim ni Gorbachov ay sinuportahan ang Estados Unidos sa paglulunsad ng digmang agresyon sa rehiyong Gulpo at sa paggigiit ng sarili nito bilang walang-karibal na pulis ng daigdig.

Ganap na inilantad ni Gorbachov ang kanyang sarili noong 1991. Ang pagkawasak ng Unyong Sobyet sa ilalim ng kanyang pamumuno ay naging napakalinaw. Hindi katanggap-tanggap sa sinumang rebolusyonaryo na gumawa ng pagtatanggol para sa kanya at magsikap na gawin siyang isang bayani. Yaong mga nalinlang na si Gorbachov ay naglulunsad ng sosyalistang pagpapanibagong-sigla ay dapat masusing pansinin ang di mapapasubaliang katotohanan na kinumpleto niya ang proseso ng kapitalistang pagpapanumbalik na sinimulan ni Khrushchov at pinangunahan ang pagwasak sa Unyong Sobyet.

Ang mga upisyal, ideologo at propagandista ng imperyalismo at reaksyon ay patuloy na pinupuri si Gorbachov bilang isa sa pinakadakilang tao ng ika-20 dantaon sa pagbabalik ng "demokrasya" sa Unyong Sobyet at Silangang Europa. Tunay na mayroon silang dahilan upang magdiwang. Isinakatuparan niya ang kasuklam-suklam na pagpapanumbalik ng kapitalismo at diktadurang burges. Ang mga mamamayan ng Unyong Sobyet at Silangang Europa ay nakalantad ngayon para sa ibayong kapitalistang pagsasamantala at panunupil, dumaranas ng matinding taggutom at mas malaking kawalan ng kalayaan at nakaharap sa padagdag na pampulitikang kaguluhan, lumalawak na digmang sibil at pasismong militar.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.