Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

IV. Ilang mga Aral mula sa Pagguho ng Makabagong Rebisyunismo sa Unyong Sobyet at Silangang Europa

Ang Proletaryong Diktadura

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Matapos ang saligang pagkukumpleto ng bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika sa Pilipinas, itatayo ang demokratikong pamahalaang bayan. Ito ang nagiging anyo ng proletaryong diktadura alinsunod sa saligang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka sa ilalim ng proletaryong pamumuno. Sa ganito, ang sosyalistang rebolusyon ay maaaring magsimula sa bawat aspeto ng lipunan.

Ang demokratikong pamahalaang bayan o ang sosyalistang estado ay dapat syempreng paglingkuran ang buong sambayanan. Ngunit hindi ito maaaring talagang maging walang uri o nakaibabaw sa mga uri. Mayroong isang tiyak na makauring paghahari, proletaryo o burges. Kung mag-aalinlangan ang mga komunista tungkol dito ay mangangahulugan ng pagsuko sa inisyatiba ng burgesya at sa mga ahente nitong intelektwal at pulitikal. Ang sosyalistang estado ay malinaw na isang makauring diktadura ng proletaryado upang sagkaan ang kontrarebolusyon ng uring mapagsamantala at gawing posible agad ang nilalaman at proseso ng demokrasya para sa buong sambayanan. Kailanman, hindi dapat bitiwan ng Partido ang kanyang pamumuno sa buong estado at sa hukbong bayan at dapat mapanatili nito ang kanyang organisasyon sa loob nito hanggang sa dumating ang panahon na mapapawi na ang estado, matapos ang buong pangkasaysayang yugto ng pagtatayo ng sosyalismo, paggapi sa imperyalismo at bagong-kolonyalismo at pagtatayo ng komunismo.

Sistematikong nilabanan ng mga makabagong burukratang rebisyunista ang konsepto ng proletaryong diktadura sa ilalim ng kanlungan ng populismo at ng "wala ng mga uri at wala nang tunggalian ng mga uri" o ng " pagkamatay ng tunggalian ng mga uri" upang muling buhayin ang burgesya sa loob ng burukrasya pati na sa lipunan sa pamamagitan ng mga repormang may kapitalistang oryentasyon. Dapat kumprehensibong garantyahan ng proletaryong diktadura ang pambansang kalayaan ng mamamayan laban sa imperyalismo; ang makauring kalayaan ng pinagsasamantalahan laban sa mga uring mapagsamantala; at ang indibidwal na kalayaan laban sa laging may potensyal na pang-aabuso ng kapangyarihang pang-estado.

Ang sosyalistang konstitusyon at ang proletaryong diktadura ay dapat garantyahan ang mga karapatan ng mga indibidwal at mga organisasyon na sumasalig sa sosyalismo, nagtataguyod sa paglahok ng publiko sa mga gawain ng estado at sa mga hakbangin na magpipigil sa posibleng pag-abuso ng kapangyarihan ng estado at ng mga upisyal nito. Ang mga pamigil na hakbanging ito ay kinapapalooban ng mga saligang kalayaan, prosesong elektoral, popular na kapangyarihang magtanggal sa pwesto, depinidong panahon ng panunungkulan, paglilimita sa edad at paghihigpit sa mga kitang personal at pribilehiyo at laban sa anumang tipo ng pribilehiyo o pabor na hindi nakabatay sa merito.

Walang halal na pambansang lider ang manunungkulan sa panahong mas mababa kaysa sa dalawang limang-taong panunungkulan at lahat ng mga upisyal ay dapat opsyonal na magretiro sa edad na 65 at obligado na sa edad na 70. Ang bawat indibidwal o organisasyon ay may karapatang ipahayag ang kahit ano sa anumang legal na paraan, ito man ay pagpuna o konstruktibong panukala nang walang kinatatakutang parusa. Ang isang tao ay ipinalalagay na inosente, habang di pa napapatunayang maysala sa isang hukuman batay sa ebidensya at sa pamamagitan ng makatarungang paglilitis. Kaya sa popular na pakikibaka laban sa kontrarebolusyon, ang target ay kumikitid at ang panganib ng abuso ay napipigilan.

Subalit tulad na nga nang ipinakita sa pagguho ng mga naghaharing rebisyunistang partido at rehimen, mali na itaguyod ang indibidwal na kalayaan sa labas ng malinaw na balangkas ng anti-imperyalismo (pambansang kalayaan) at sosyalismo (kalayaan sa mga uring mapagsamantala). Ang indibidwal na kalayaan ay hindi dapat maging lisensya ng mga imperyalista at ng lokal na burgesya at iba pang mga reaksyunaryo upang labanan ang sosyalismo at muling makapaghari sa lipunan.

Sa buong pangkasaysayang yugto ng sosyalismo, ay dapat tiyakin ng proletaryado na ang namumunong papel ng proletaryado ay itinataguyod sa konstitusyon. Kasunod ng demokratikong gubyernong koalisyon, kung mapagkakasunduan sa pamamagitan ng konsensus, maaaring magkaroon ng nakatataas na kapulungan ng kongreso bilang kapulungan ng mga anakpawis sa ilalim ng proletaryong pamumuno. Maaaring buuin din ang nakabababang kapulungan ng Kongreso bilang kapulungan ng mga kinatawan ng mamamayan sa mga distrito. Ang mga retirado ngunit nananatiling aktibo at mahusay pa ang isip na mga rebolusyonaryong lider ay maaaring ilagay sa mga konsehong tagapayo na nagtatamasa ng mataas na awtoridad na moral, na lubhang kapaki-pakinabang sa anumang sandali ng krisis sa konstitusyon na maaring magsapanganib sa rebolusyon.

Ang proletaryong rebolusyonaryong partido ay hindi kailanman dapat ituring bilang isang karaniwang partido, tulad ng anumang partido sa hanay ng mga partidong pinapayagan sa burges na sistemang pampulitika na katulad sa kasalukuyang sistemang multipartido ng Pilipinas na sa aktwal ay monopolisado ng mga paksyong pampulitika ng mga uring nagsasamantala. Ang Partido ay isang rebolusyonaryong Partido na naglalayon at naglulunsad ng radikal na pagwasak sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon at sa lahat ng mga lipunang nagsasamantala na umiral sa iba't ibang anyo sa loob ng libongtaon.

Sa kabila ng layunin ng radikal na pagwasak at sa misyon ng uring manggagawa na itayo ang sosyalismo sa buong pangkasaysayang yugto, ang mga partido ng uring manggagawa na naluklok sa kapangyarihan ay nilimitahan ang kanilang mga kasapian sa maliit na hahagi ng lipunan (sa karaniwan ay lima hanggang sampung porsyento ng populasyon), at ang paglawak ng impluwensya ng Partido sa lipunan ay sa pamamagitan ng organisasyong masa at mga ahensya ng estado. Kauna-unawa kung ang Partido ay isang maliit na bahagi ng lipunan sa kurso ng maigting na pakikibaka upang agawin ang kapangyarihan dahil sa marahas na kapangyarihan ng reaksyunaryong estado at sa mga panganib sa buhay,limb at kalayaan ng mga kasapi ng Partido. Bukod dito nagkakaroon ng paglimita sa pagpapalawak ng kasapian ng Partido pagkaraang maagaw ang kapangyarihang pampulitika upang maiwasan ang pagdagsa ng mga biglang naging komunista sa loob lamang ng magdamag at mga oportunista na nagnanais pumasok sa Partido. Subalit matapos ang konsolidasyon ng kapangyarihang pampulitika at proletaryong kontrol sa lahat ng aspeto ng lipunan, lalo na sa sistemang pang-edukasyon at pangkultura, wala nang dahilan para hindi makapagpalaki ng kasapian ang Partido hanggang sa puntong sasaklawin nito ang mayorya ng mamamayan.

Sa ngayon ang Partido ay may katangiang kadre at pangmasa. Dapat magpatuloy ito matapos ang pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika. Ang mga kadre ang magtitiyak sa mataas na kalidad ng Partido at ng masang kasapian, ang malakas na demokratikong pundasyong binubuo ng mga manggagawa at magsasaka. Hindi matitiyak ng Partido ang mataas na rebolusyonaryong kalidad kung mananatiling maliit ito. Sa kabilang banda, may kalagayan na maaaring mapasok ito ng intelihensya sa maramihang bilang, kabilang na ang mga huwad na komunista. Masahol pa dito, ay lalakas ang pagturing sa Partido bilang isang maliit at pribilehiyadong bahagi ng lipunan. Kung mananatiling maliit ang Partido, maaaring labanan ito anumang oras ng anumang grupong pampulitika o kilusan na may relatibong malaki o kahit mas malaki pang kasapian; o ng tradisyunal na dominanteng simbahan na naggigiit sa relihiyoso o moral na katapatan sa kanya ng mayorya ng mamamayan.

Alinsunod sa pangkasaysayang misyon ng uring manggagawa na itayo ang sosyalismo, ang mga kinatawan ng Partido ay dapat magkaroon ng di-bababa sa isang katlo ng mga halal na posisyon sa estado kahanay ng mga kinatawan ng organisasyong masa ng anakpawis at iba pang mga seksyon ng lipunan. Subalit sa loob ng bawat bahaging inilaan sa mga mayor na sektor ng lipunan, ang mga mamamayan sa loob at labas ng Partido ay dapat makapamili ng mga kandidato mula sa listahan sa isang prosesong elektoral.

Sa pagkakaroon ng isang malaking kasapian, ang Partido ay tiwalang makapapasok sa mga kooperasyong multipartido batay sa linya ng nagkakaisang prente. Ang pinakamasamang tipo ng modelo ay ang isang sistemang pampulitika na may isa lamang na partido na kinapapalooban lamang ng maliit na bahagi ng lipunan. Dapat hayaan ng sosyalistang estado ang pag-iral at kooperasyon ng iba't ibang partido na nag-aalok ng listahan ng mga kandidatong nagpapailalim sa kagustuhang elektoral ng mga mamamayan at sa konstitusyonal na balangkas ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.