Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

IV. Ilang mga Aral mula sa Pagguho ng Makabagong Rebisyunismo sa Unyong Sobyet at Silangang Europa

Proletaryong Internasyunalismo

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Ang patuloy na lumulubhang krisis ng naghaharing sistema sa Pilipinas ang nagsisilbing matabang lupa para sa pagpapatuloy at paglakas ng rebolusyonaryong kilusang masang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Pero para makamit ang lubos na tagumay sa pambansa-demokratikong rebolusyon at makatungo sa sosyalistang rebolusyon, kailangang lubos na isaalang-alang ng Partido ang internasyunal na sitwasyon at dagdag pang makapagpalakas mula sa pandaigdigang proletaryado at iba pang positibong pwersa sa labas ng bansa.

Sa relasyong internasyunal, dapat tayong patnubayan, higit sa lahat, ng prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo. Laluna sa kasalukuyang sitwasyon, dapat tayong makipagkaisa at makipagkapit-bisig sa mga partido at organisasyon ng uring manggagawa na nagtataguyod sa Marxismo-Leninismo at naglulunsad ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa kani-kanilang bansa.

Sa hanay ng mga partidong ito ay ang mga partidong patuloy na namumuno sa proletaryado at mamamayan sa mga sosyalistang bansa, ang mga bagong sumusulpot sa mga bansang bumagsak ang mga rehimeng pinagharian ng mga rebisyunista at ang nasa mga bansang kapitalistang industriyal at atrasado.

Mahigit sa isang bilyong mamamayan (isangkapat ng sangkatauhan) ang patuloy na nabubuhay at nagtatrabaho sa mga lipunang may dedikasyon sa sosyalismo at pinamumunuan ng mga partido ng uring manggagawa. Ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay magiging higit na malala kaysa sa kasalukuyan bago ang antas ng umiiral na sosyalismo sa daigdig ay mawasak.

Ang disintegrasyon ng mga rebisyunistang naghaharing partido at rehimen sa Silangang Europa at Unyong Sobyet at ang mga katapat nila sa labas ng bansa ay bahagi ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at sa katunayan ay positibong pangyayari sa puntong nagbibigay ito ng mga aral na nag-aalerto sa lahat ng mga proletaryong rebolusyonaryo, nagpapakita ng kahangalan ng paglihis sa Marxismo-Leninismo at sa landas ng sosyalismo at nagbibigay katwiran laban sa mga ilusyong nilikha ng mga modernong rebisyunista sa mahabang panahon sa pandaigdigang saklaw.

Ang patuloy na lumulubhang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang walang tigil na paglawak ng pang-aapi at pagsasamantala ay nagtutulak sa mga proletaryong rebolusyonaryo sa mga sosyalistang bansa, sa mga bansang ang mga rebisyunistang naghahari ay lantarang ng nagtaguyod sa kapitalismo, sa mga bansang kapitalistang industriyal at mga atrasadong bansa, na muling pagtibayin ang teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo.

Kahit ngayon, malinaw na ang kasalukuyang dekada ay puno ng panlipunang kaguluhan sa pandaigdigang sistemang kapitalista at popular na paglaban sa neokolonyalismo. Hindi ito magiging dekada ng Pax Americana at kapitulasyon ng mga pwersa ng rebolusyonaryong pagbabago.

Ayon sa prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo, ang Partido Komunista ng Pilipinas, higit kaysa nakaraan, ay determinadong gumawa ng lahat ng posibleng paraan para makapagpaunlad ng mutwal na pag-uunawaan, mapagkapatid na relasyon, at mutwal na suporta at kooperasyon sa lahat ng mga partido ng uring manggagawa at mga proletaryong rebolusyonaryo sa buong mundo.

Nagpapasalamat ang Partido sa lahat ng mga kapatid na proletaryong partido sa ibinibigay nilang suportang moral at kongkreto sa matatag na rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Pilipino at sa kanilang pagkilala sa Partido bilang isa sa mga abanteng destakamento ng proletaryado sa daigdig na makapag-aambag sa muling pagpapalakas ng pandaigdigang kilusang sosyalista at antiimperyalista sa teorya at praktika.

Tulad ngayon na taos-pusong sinusunod nito ang islogang "Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa!" at nagbibigay ng pinakamataas na pagpapahalaga sa pandaigdigang pagkakaisa ng mga manggagawa sa pamamagitan ng mga relasyong partido-sa-partido, ang Partido ay nagtataguyod ng proletaryong internasyunalismo bilang pinakamataas na prinsipyo at pangkalahatang linya sa relasyong internasyunal kapag ito'y nasa kapangyarihan na at magbibigay ng pinakamataas na pagpapahalaga sa pandaigdigang pagkakaisa ng manggagawa sa pamamagitan ng relasyong partido-sa-partido gayundin sa pamamagitan ng mga pakikipagrelasyon ng sosyalistang estado sa iba pang mga sosyalistang estado.

Ang katapatan sa proletaryong internasyunalismo ay isang kinakailangang sukatan upang makilala kung ang isang partido ay Marxista-Leninista o hindi at kung ang isang estado ay sosyalista o hindi. Nakatutok ito sa paglikha ng pandaigdigang kalagayan para sa sosyalismo para makapangibabaw sa kapitalismo, para magapi ng uring manggagawa ang burgesya at lahat ng reaksyon, at para sa paghawan ng landas tungo sa komunismo; at kung gayon, sa kaganapan ng mutwal na suporta at kooperasyon ng lahat ng mga proletaryong rebolusyonaryong pwersa, na walang alinmang partido o estado na nanghihimasok sa kalayaan at pagkakapantay-pantay ng iba.

Nakita natin ang mga mga partido at estado na nagsimulang proletaryo pero nang kalaunan ay sumama at naging rebisyunista at nakikipag-ugnayan lamang sa ibang proletaryong partido at estado kapag ang mga ito ay nagpapailalim sa kanila at nagiging mga kasangkapan nila sa patakarang panlabas. Ipinapailalim nila ang prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo sa relasyong diplomatiko at ekonomiko sa mga burges na estado. Tumitigil sila sa pagbanggit sa proletaryong internasyunalismo na parang ito ay maruming parilala habang ang relasyong kosmopolitan sa mga korporasyong transnasyunal at mga bangko ay binibigyan ng pinakamataas na pagpapahalaga.

Natuto na mula sa di pa natatagalang kasaysayan, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay matatag ang kapasyahan na sa hinaharap, ang patakarang panlabas ng bagong Pilipinas ay sasaklaw sa mga relasyon sa iba pang sosyalistang estado, sa mga partido ng uring manggagawa, sa mga mamamayan at rebolusyonaryong kilusan at sa mga estado (anuman ang ideolohiya o sistemang panlipunan) ayon sa nasabing pagkakasunod batay sa kahalagahan, sa ilalim ng patnubay ng proletaryong internasyunalismo ayon sa saligang pagtugon sa sosyalistang katangian ng estado at ng proletaryong rebolusyonaryong katangian ng naghaharing partido. Tiwala ang Partido na ang patuloy na lumulubhang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang panibagong pagdaluyong ng kilusang sosyalista at antiimperyalista ay lilikha ng pandaigdigang sitwasyong paborable para sa pagkakamit ng lubos na tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon at para sa pagtatayo ng sosyalistang lipunan na humihingi sa proletaryong partido at estado na ipatupad ang proletaryong internasyunalismo sa bago at mas mataas na antas.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.