Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

II. Ang Pamana nina Lenin at Stalin

Ang Rekord ni Stalin

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Si Lenin ay pumanaw noong 1924. Hindi siya nabuhay nang matagal para masaksihan ang simula ng malawakang sosyalistang konstruksyong pang-ekonomya. Ito ay isinakatuparan ng pumalit sa kanya na si Stalin. Kanyang isinakatuparan ito alinsunod sa mga turo nina Marx, Engels at Lenin: proletaryong diktadura at mobilisasyong masa, pag-aaring publiko ng mga kasangkapan sa produksyon, pagpaplanong pang-ekonomya; industriyalisasyon, kolektibisasyon at mekanisasyon ng agrikultura, katiyakan ng trabaho para sa lahat at mga garantyang sosyal, libreng edukasyon sa lahat ng antas, pagpapalawak ng mga serbisyong sosyal at pagpapataas ng istandard ng pamumuhay.

Ngunit bago sinimulan ang sosyalistang konstruksyong pang-ekonomya noong 1929 sa pamamagitan ng unang limang-taong planong pang-ekonomya, ipinagpatuloy ni Stalin ang Bagong Patakarang Pang-ekonomya ni Lenin at kinailangang labanan at gapiin ang Kaliwang Oposisyong pinamumunuan ni Trotsky na nagtaguyod ng maling linya na ang sosyalismo sa isang bansa ay imposible at ang mga manggagawa ng Kanlurang Europa (lalo na sa Alemanya) ay kailangan munang magtagumpay sa mga armadong pag-aalsa at ang mabilisang industriyalisasyon ay dapat maisagawa agad sa kapinsalaan ng mga magsasaka.

Nagtagumpay si Stalin sa kanyang linya ng sosyalismo sa isang bansa at sa pagtatanggol sa alyansa ng manggagawa at magsasaka. Kung nakapanaig si Trotsky, nasira niya sana ang pagkakataon para sa Sosyalismong Sobyet sa pamamagitan ng pambubuyo sa mga kapitalistang kapangyarihan, sa pamamagitan ng pagwasak sa alyansa ng manggagawa at magsasaka at sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng pesimismo sa kawalan ng anumang matagumpay na mga armadong pag-aalsa sa Kanlurang Europa.

Noong panahon na para ganap na ibwelo ang sosyalistang konstruksyong pang-ekonomya, ang Kanang Oposisyon na pinamumunuan ni Bukharin ay lumitaw at nakitunggali para sa pagpapatuloy ng Bagong Patakarang Pang-ekonomya at nilabanan ang industriyalisasyong Sobyet at ang kolektibisasyon ng agrikultura. Kung nakapanaig si Bukharin, hindi sana kakayanin ng Unyong Sobyet na maitayo ang isang sosyalistang lipunan na may komprehensibong baseng pang-industriya at isang mekanisado at kolektibisadong agrikultura at mabigyan ang kanyang mamamayan ng mas mataas na istandard ng pamumuhay; at mapalaki sana ang burgesya at ang mga nasyunalistang burges sa iba't ibang republika at madali sanang nagapi ng Nazi ng Alemanya na ang pinuno nitong si Hitler ay lantad na nagplano laban sa Unyong Sobyet.

Ang unang limang-taong planong pang-ekonomya ay kinatangian nang mga malubhang kahirapan dahil sa mga sumusunod: ang limitadong baseng industriyal na mapagsisimulan sa isang karagatan ng mga kondisyong agraryo, ang nagpapatuloy na epekto ng digmaan, ang pang-ekonomya at pampulitikang panggigipit ng mga kapitalistang kapangyarihan, ang pamalagiang banta ng dayuhang interbensyong militar, ang kahirapang kaakibat ng isang nagsisimula, at ang marahas na reaksyon ng mga mayamang magsasaka na tumangging ipailalim ang kanilang mga sakahan, kasangkapan at hayop sa kolektibisasyon, nagkatay ng kanilang mga pansakang hayop at nag-organisa ng paglaban.

Subalit, matapos ang unang limang-taong planong pang-ekonomya, ay nagkaroon ng popular na pagdiriwang sa pagkakatayo ng mga mabibigat at saligang industriya. Sa kaginhawahan ng magsasaka nagkaroon ng konsiderableng mekanisasyon ng agrikultura, laluna sa porma ng mga istasyon ng traktora. Nagkaroon ng natatanging pag-unlad sa istandard ng pamumuhay.

Noong 1936, nabalangkas ang isang bagong konstitusyon. Bilang resulta ng mga tagumpay ng konstruksyong pang-ekonomya at sa harap parang pagkapawi ng mga uring nagsasamantala batay sa pakahulugang pang-ekonomya, ideneklara ng konstitusyon na wala ng mga uri at wala ng tunggalian ng mga uri maliban na lamang sa pagitan ng mamamayang Sobyet at panlabas na kaaway. Ang deklarasyong ito ang magiging pinakamalaking kamalian ni Stalin. Ang kamaliang ito ay nagbunga ng dalawang bagay.

Ang isa ay pagbibigay daan sa kabiguang mapag-iba ang kontradiksyon sa hanay ng mamamayan at ang kontradiskyon sa pagitan ng mamamayan at ng kaaway at ang pagkiling na lapatan ng hakbanging administratibo ang mga ipinagpalagay na mga kaaway ng mamamayan. Talagang mayroong tunay na mga espiyang Briton at Aleman at mga nasyunalistang burges na lumahok sa kontrarebolusyonaryong karahasan. Kailangan silang matukoy. Ngunit ito ay isinagawa sa pamamagitan ng labis na pagsalig sa sistema ng pangmasang pag-uulat (batay sa patriotismo) na nagbigay ng impormasyon sa mga serbisyong panseguridad. At ang prinsipyo ng makatarungang proseso ay hindi istrikto at maingat na ipinatupad upang ang matarget lamang ng kampanya ay ang mga kontrarebolusyonaryo at ang maparusahan lamang ay ang mga maysala batay sa ebidensya. Kaya nga't sa panahon noong 1936-38, ang pagiging arbitraryo ay bumibiktima sa malaking bilang ng mamamayan. Ang rebolusyonaryong edukasyong makauri sa pamamagitan ng kilusang masa sa ilalim ng pamumuno ng Partido ay hindi nagawa para sa layuning matiyak ang mataas na kamulatang pampulitika at pagiging mapagmatyag ng mamamayan.

Ang isa pang resulta ay ang pagtataguyod ng kaisipan na ang pagtatayo ng sosyalismo ay usapin ng pagpapalaki ng produksyon, pagpapaunlad ng administrasyon at teknika, na hinahayaang ang mga kadre ang magpasya sa lahat ng usapin (bagamat si Stalin ay walang humpay na nangaral laban sa burukratismo) at binibigyan ang mga kadre at eksperto at ang mga masang nagbubungkal ng papapalaking mga materyal na pakinabang. Ang bagong intelihensya na iniluwal ng mabilis na lumalawak na sistemang edukasyong Sobyet ay may pabawas na diwa ng proletaryong makauring paninindigan at papadagdag na diwang sapat nang magkaroon ng ispesyal na kakayahan at maging mga burukrata at teknokrata upang itayo ang sosyalismo. Ang luma at bagong intelihensya ay ipinagpalagay na mga proletaryo habang sila'y nagbibigay ng serbisyong burukratiko. Walang pagkilala sa katotohanang ang mga burges at iba pang antiproletaryong kaisipan ay maaaring makapanatili kahit pagkatapos ng kumpiskasyon ng mga pag-aari ng burgesya at panginoong maylupa.

Upang maisulong ang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa isang bansa na may malaking populasyon ng mahigit sa 100 nasyonalidad at may malawak na kalupaan, may mababang antas pang-ekonomya at teknolohikal na pagsisimulan, pininsala ng digmaang sibil at laging binabantaan ng mga lokal na pwersang kontrarebolusyonaryo at mga dayuhang kapitalistang kapangyarihan, kinakailangang magkaroon ng sentralisasyon ng pampulitikang determinasyon, sentralisadong pagpaplano sa paggamit ng mga limitadong rekurso. Ngunit ang ganitong pangangailangan ay maaaring labis na mabigyang-diin at maaring maging batayan ng burukratismo, pagbawas ng demokrasya sa proseso ng pagbalangkas ng mga disisyon. Ang burukratismo ay maaaring maging isang mapanirang sakit na inihihiwalay ang Partido at estado sa mamamayan. Ang demokratikong sentralismo ay maaaring mapasama tungo sa burukratikong sentralismo.

Sa pandaigdigang usapin, si Stalin ang humikayat at sumuporta sa mga partido komunista at mga kilusang anti-imperyalista sa mga kapitalistang bayan at sa mga kolonya at malakolonya sa pamamagitan ng Ikatlong Internasyunal. At mula 1935, itinaguyod niya sa pandaigdigang saklaw ang patakaran ng antipasistang Prente Popular. Nagpasya lamang si Stalin na makipagkasundo sa Alemanya noong 1939 sa isang kasunduang walang himasukan, matapos tanggihan ng Britanya at Pransya ang kanyang alok sa antipasistang alyansa (at higit pa dito, inudyukan nila ang Alemanya na atakihin ang Unyong Sobyet). Ito ay isang maniobrang diplomatiko upang maagap na mapigilan ang posibleng mas maagang pananalakay ng Nazi at magkaroon ng panahon upang makapaghanda ang Unyong Sobyet laban dito.

Lubusang ginamit ni Stalin ang panahon bago ang atakeng Aleman noong 1941 upang palakasin ang Unyong Sobyet sa ekonomya, militar at pulitika sa pamamagitan ng mga makabayang panawagan sa buong sambayanang Sobyet at sa pamamagitan ng mga konsesyon sa mga konserbatibong institusyon at organisasyon. Halimbawa, ibinalik sa Orthodox na Simbahang Ruso ang mga gusali at mga karapatan nito. Nagkaroon ng natatanging kaluwagan upang maibwelo ang malawak na antipasistang prente popular.

Sa proseso ng mga paghahanda laban sa pasistang pananalakay at sa Dakilang Digmang Patriotiko ng 1941-45, ang linya ng patriotismong Sobyet ay lalong nagpapusyaw sa linya ng tunggalian ng mga uri sa hanay ng mga luma at bagong intelihensya at sa buong sambayanan. Ang mamamayang Sobyet ay nagkaisa. Kahit na umabot sa 20 milyon ang namatay sa kanila at dumanas ng pinsala ang kanilang bansa, kabilang na ang pagkawasak ng 85 porsyento ng kakayahang industriyal, ginampanan nila ang mapagpasyang papel sa paggapi sa Nazi ng Alemanya at sa pandaigdigang pasismo at hinawan ang landas para sa paglitaw ng maraming sosyalistang bayan sa Silangang Europa at Asya at ng mga kilusan sa pambansang pagpapalaya sa walang katulad na saklaw.

Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinamunuan ni Stalin ang rekonstruksyon ng ekonomya ng Unyong Sobyet. Tulad din ng kanyang pananagumpay sa malawakang industriyalisasyon mula noong 1929 hanggang 1941 (sa loob lamang ng 12 taon) bago ang digmaan, muli niya itong nagawa mula noong 1945 hanggang 1953 (sa loob ng lamang ng walong taon) ngunit sa panahong ito ay walang signipikanteng paglaban mula sa mga kontrarebolusyonaryo.

Noong 1952, napagtanto ni Stalin na nagkaroon siya ng kamalian sa di-pa-napapanahong pagdedeklara na wala ng mga uri at tunggalian ng mga uri sa Unyong Sobyet, maliban sa tunggalian sa pagitan ng mamamayan at ng kaaway. Subalit huli na ang lahat, ang partido at estadong sobyet ay nilunod na ng malaking bilang ng mga burukratang may papawala nang proletaryong rebolusyonaryong kamulatan. Ang mga burukratang ito at ang kanilang burukratismo ang magiging base ng modernong rebisyunismo.

Nang pumanaw si Stalin noong 1953, iniwan niya ang Unyong Sobyet na isang makapangyarihan sa pulitika, ekonomya, militar at kultura na sosyalistang bansa. Matagumpay niyang napagkaisa ang mamamayang Sobyet ng iba't ibang republika at nasyonalidad at ipinagtanggol ang Unyong Sobyet laban sa Nazi ng Alemanya. Muli nyang naitayo ang isang ekonomyang industriyal, na may mataas na taunang tantos ng paglago, na may sapat na lokal na pagkain upang pakainin ang mamamayan at may pinakamalaking produksyon ng langis, uling, bakal, ginto, butil, bulak at iba pa sa daigdig.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang Unyong Sobyet ay lumikha ng pinakamalaking bilang ng mga syentistang tagasaliksik, mga inhinyero, mga duktor, mga artista, mga manunulat at iba pa. Sa larangan ng panulat at arte, ay umunlad ang realismong sosyal habang kaalinsabay nito ay itinangi at minahal ang buong pangkulturang pamana ng Unyong Sobyet.

Sa patakarang panlabas, napigilan ni Stalin ang mga pwersang panalakay ng U.S. sa Europa at Asya, sinuportahan niya ang mga mamamayang nakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at sosyalismo, ninyutralisa niya ang disinsana'y monopolyong nukleyar ng Estados Unidos at walang humpay na nanawagan siya para sa pandaigdigang kapayapaan kahit na ang kanlurang alyansang pinamumunuan ng U.S. ay naglunsad ng Cold War at gumawa ng mga probokasyon.

Absolutong kinakailangan ang wastong pagtatasa kay Stalin bilang isang lider upang maiwasang mahulog sa modernong rebisyunismo at makontra ang pinakamaingay na mga antikomunista na umaatake sa Marxismo-Leninismo sa ilalim ng balatkayo ng anti-Stalinismo. Dapat nating malaman ang kanyang mga nagawang positibo at negatibo. Dapat igalang natin ang mga pangkasaysayang katotohanan at husgahan ang kanyang pamumuno sa saklaw ng kanyang panahon, 1924 hanggang 1953.

Hindi syentipiko kung lubusang babalewalain si Stalin bilang isang lider sa kanyang sariling panahon at ipasa ang sisi sa kanya kahit na sa linya, mga patakaran at mga aksyon ng mga modernong rebisyunista na lantarang binalangkas at ipinatupad laban sa pangalan ni Stalin na kung saan sa sinula'y utay-utay hanggang sa mabilis na tumungo sa pagguho ng Unyong Sobyet at sa pagpapanumbalik ng kapitalismo. Ang mga lider ay dapat husgahan sa panahon ng kanilang pananagutan kahit na nga tinutunton natin ang pagpapatuloy at pagbabago mula sa isang panahon tungo sa iba pang panahon.

Ang mga positibong nagawa ni Stalin sa panahon ng kanyang pamumuno ay pangunahin at ang kanyang mga nagawang negatibo ay pumapangalawa. Siya ay nasa tamang panig at naipagtagumpay ang lahat ng mga dakilang pakikibaka upang ipagtanggol ang sosyalismo tulad ng mga pakikibaka laban sa Kaliwang Oposisyong pinamumunuan ni Trotsky; ang Kanang Oposisyong pinamumunuan ni Bukharin, ang mga rebeldeng mayamang magsasaka, ang mga nasyunalistang burges, at ang mga pwersa ng pasismong pinamumunuan ni Hitler. Nagawa niyang mapagkaisa, makonsolida at mapaunlad ang estadong Sobyet na pumapangalawa lamang sa kapangyarihan sa Estados Unidos at nagawang manindigan laban sa mga banta ng imperyalismong U.S. Bilang isang lider, kinatawan at ginabayan ni Stalin ang proletaryado at mamamayang Sobyet mula sa isang dakilang tagumpay tungo sa iba pang dakilang tagumpay.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.