CPP Home Page   Publications  References  Organizations 

Features

  Multimedia  Utilities  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

SALIGANG BATAS NG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS

Ang mga mungkahing susog ay nakapaloob sa mga saklong [].

PREAMBULO

[Ang unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong* ang gabay sa pagkilos ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kataas-taasang tungkulin ng Partido na ilapat ang teoryang ito sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas at isanib ito sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino.]

[Ang Partido Komunista ng Pilipinas ang rebolusyonaryong Partido ng uring manggagawa sa Pilipinas. Natututo ito ng mga batayang prinsipyo mula sa mga turo nina Marx, Engels, Lenin, Stalin, Mao, Ho at iba pang dakilang komunistang paham at lider; at mula sa mga istorikal na leksyon ng mga rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado at mamamayang Pilipino at iba pang proletaryado at mamamayan. Itinatakwil nito kapwa ang klasikal at modernong rebisyunismo, ang pagkakanulo sa sosyalismo at ngayon ang lantad nang panunumbalik ng kapitalismo sa ilang bayan, gayundin ang rebisyunismong Lava, gangsterismong Taruc-Sumulong at iba pang mga kaugnay na mga ideyang salungat sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong sa Pilipinas.]

[Mula noong muli itong itatag noong Disyembre 26, 1968, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay nakapagpalakas at nakapag-ipon ng mayamang karanasan mula sa buhay-at-kamatayang pakikibaka nito laban sa imperyalismong US, pyudalismo at pasismo at napamunuan ang sambayanang Pilipino mula sa isang tagumpay tungong panibago pang mga tagumpay. Nakapagpalakas ito sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, at naisulong ang rebolusyonaryong adhikain at lakas ng sambayanang Pilipino at nakapag-ambag ng positibong kontribusyon sa pagsusulong ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon.]

[Sa kabilang banda, ang malakolonyal at malapyudal na sistema ay naghihingalo. Hindi nalulutas ang sosyo-ekonomikong krisis at sa halip ay pinalalala pa ito ng mga imperyalista at mga reaksyunaryo. Winawasak nito ang buhay ng mamamayan at walang tigil na lumilikha ng ligalig sa lipunan. Lalong lumala ang krisis sa pulitika sa kabila ng pagpapalit-palit ng naghaharing reaksyunaryong paksyon. Ang mga reaksyunaryo ay malubhang nahahati laban sa isa't isa at mas lumakas ang tendensyang gumamit ng dahas laban sa isa't isa. Ang malawak na masa ng sambayanan ay higit na determinadong maglunsad ng armadong rebolusyon laban sa estado at magtayo ng sariling demokratikong kapangyarihan.]

[Ang Partido ay determinadong higit na makapagpalakas bilang pinakaabanteng destakamento at prinsipal na sandata ng uring manggagawang Pilipino, na nagtataguyod sa rebolusyonaryong pamumunong proletaryo at nagtatamasa ng suporta ng malawak na masa ng sambayanan sa kasalukuyang yugto ng pambansa-demokratikong rebolusyon at sa kasunod na yugtong sosyalistang rebolusyon.]

[Sa pambansang saklaw, ang Partido ay malalim na nakaugat sa mamamayan laluna sa hanay ng masang anakpawis ng manggagawa at magsasaka. Pinauunlad nito ang pinakamahigpit na ugnayan sa mamamayan sa pamamagitan ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagmomobilisa sa kanila upang ipagtanggol at isulong ang kanilang pambansa at demokratikong mga karapatan at interes.]

[Ginagamit ng Partido ang pagpuna at pagpuna-sa-sarili upang mapanatili ang tumpak na paninindigang makauri at estilo ng paggawa, maiwasto ang mga pagkakamali at pagkukulang at mapaunlad ang gawaing rebolusyonaryo; at upang maisulong ang rebolusyonaryong pakikibaka sa bago at mas mataas na antas.]

[Ang Partido ay matatag na sumasalungat sa rebisyunismo at dogmatismo at lahat ng tunguhin ng suhetibismo, Kanan at "Kaliwang" oportunismo, repormismo, liberalismo at sektarismo, burukratismo, militarismo, populismo, insureksyunismo, paksyunalismo*, isplitismo* at iba pa. Ang mga ito ang puntirya ng rebolusyonaryong pagmamatyag, pagpuna at pagwawasto na isinasagawa sa pamamagitan ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan at paghalaw ng katotohanan mula sa mga datos.]

[Matatag na pinanghahawakan ng Partido ang mga sandatang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at pambansang nagkakaisang prente upang magapi ang imperyalismong US at mga lokal na uring reaksyunaryo tulad ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Sa pamumuno ng Partido, ang Bagong Hukbong Bayan ay nakapagpalawak at nakapagkonsolida ng kanyang pwersa sa buong kapuluan. Ang makabayan at progresibong mga alyansa at mga nakapaloob na organisasyon ay nakapagpalakas kapwa sa lihim at hayag, kanayunan at kalunsuran, sa pamamagitan ng paglulunsad ng lahat ng anyo ng pakikibaka sa iba't ibang larangan.]

[Ipinatutupad ng Partido ang pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng puspusang paggawa at pakikibaka, itinatayo ang batayang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka, binibigkis ang batayang masang anakpawis at petiburgesyang lunsod bilang batayang pwersa ng rebolusyon, inaakit ang panggitnang burgesya sa panig ng pambansa-demokratikong rebolusyon at sinasamantala ang paksyunal na labanan sa hanay ng mga nagsasamantalang uri upang maihiwalay at madurog ang kaaway na sa bawat panahon ay siyang pinakamasahol na reaksyunaryong paksyong pinakasunud-sunuran sa imperyalismong US.]

[Sa paglulunsad ng digmang bayan, pinagkokombina ng Partido ang armadong pakikibaka, reporma sa lupa at pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa. Pinauunlad nito ang mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan upang durugin ang mga haligi ng pyudalismo at ang sandatahang kontrarebolusyon doon hanggang handa nang agawin ng demokratikong pwersa ng bayan ang kapangyarihan sa mga lunsod sa estratehikong opensiba.]

[Sa kanayunan matatagpuan ang malawak na eryang maniobrahan na nagpapahintulot sa malalimang pag-unlad ng rebolusyonaryong lakas. Sa ngayon, saklaw na ng mga larangang gerilya ang libu-libong mga baryo, o signipikanteng bahagi ng karamihan ng mga probinsya at munisipalidad ng Pilipinas na umaabot hanggang sa mga bahagi ng mga sentrong bayan, kapitolyo ng mga probinsya at mga lunsod.]

*[Ang Partido ay muling nagpapalakas at nagkokonsolida sa ideolohiya, pulitika at organisasyon sa pamamagitan ng ikalawang dakilang kilusang pagwawasto. Sa pamamagitan ng edukasyon, paglalagom at mga pagtatasa, pagpuna at pagpuna-sa-sarili ay itinatakwil nito ang malulubhang pagkakamali at paglihis, at muling pinagtitibay ang mga saligang prinsipyo, linya at mga patakaran ng Partido. Taglay ang kapangyarihan ng wastong mga prinsipyo at linya, tiwala ang Partidong lubos na mapapangibabawan ang mga pagkakamali at paglihis at ang mga kaakibat na pinsala at kahirapang dulot niyon, makasusulong nang mas matatag at magkakamit ng ibayong mga tagumpay sa demokratikong rebolusyong bayan.]*

[Matatag na isinusulong ng mga rebolusyonaryong pwersa ang estratehikong depensiba tungo sa ganap na pagkahinog, *desididong tupdin ang mga rekisitos upang makatungo* sa estratehikong pagkakapatas at tumatanaw sa estratehikong opensiba sa hinaharap. Napangibabawan ng Partido at ng mamamayan ang bawat pagpapatindi ng sandatahang kontrarebolusyon at higit pang nakapagpalakas *o di kaya ay nakapagpreserba sa sarili*. Inihahanda nila ang kanilang sarili laban sa bawat pagpapatindi ng interbensyong US at sa pinakamasahol na posibilidad ng gerang agresyon ng US; at determinadong kamtin ang ganap na tagumpay ng rebolusyon.]

[Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay isang nagkakaisa at nagsasariling Partido, kapantay ng iba pang mga partido komunista at partido ng manggagawa sa mundo. Nasa unahan ito ng umaasa-sa-sariling rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Ngunit sa harap ng papatinding panghihimasok ng US, papalaki din ang pangangailangan sa internasyunalistang suporta mula sa mga rebolusyonaryong partido at mamamayan sa labas ng bansa upang suplementuhan ang makabayang pagsisikap ng mamamayang Pilipino.]

[Pambansa at internasyunalistang tungkulin ng Partido Komunista ng Pilipinas na gapiin ang imperyalismong US, pyudalismo at pasismo. Ang pambansa at panlipunang pagpapalaya sa sambayanang Pilipino ay magpapahina sa mga imperyalista at lahat ng reaksyunaryo sa pandaigdigang saklaw; magpapalakas sa mga rebolusyonaryong partido, mamamayan, mga sosyalistang bansa at iba pang progresibong pwersa sa kanilang sariling makatarungang pakikibaka at mag-aambag sa pagpapalaya ng sangkatauhan at pagtatamo ng katarungan, kapayapaan, kasaganaan at kaunlarang pangkultura.]

[Laging handang gawin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang lahat ng kinakailangan, posible at nararapat upang mapatibay ang pagkakaisa ng internasyunal na kilusang komunista; maisulong ang pinakamabungang relasyon sa pagitan ng sambayanang Pilipino at iba pang mamamayan at hawanin ang landas para sa ganap na tagumpay ng panbansa-demokratikong rebolusyon, internasyunal na pagkilala sa demokratikong kapangyarihang bayan sa Pilipinas at pagkakamit ng makatarungang kapayapaan sa Pilipinas at sa mundo.]

[Sa harap ng lantarang panunumbalik ng kapitalismo at pagguho ng mga partido at rehimeng rebisyunista, dapat mas mahigpit na panghawakan at mas malalim na pag-aralan ng Partido nang higit kailanman ang mga pundamental na prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, humango ng aral mula sa mga rebolusyonaryong tagumpay ng proletaryado at sa pagkakanulo sa sosyalismo ng mga modernong rebisyunista at masapol and kawastuhan ng ating pakikibaka laban sa mga taksil na rebisyunistang Lava at modernong rebisyunismo.]

[Tiwala ang Partido na mapapamunuan nito ang demokratikong rebolusyong bayan sa ganap na tagumpay dahil walang kalutasan at patuloy na lumalala ang lokal na krisis panlipunan at patuloy na lumalakas ang mga rebolusyonaryong pwersa sa kabila ng pinakamabangis na mga atake ng kaaway.]

[Patuloy na lumalalim at lumalala ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang krisis ng sobrang produksyon kapwa sa mga bansang kapitalistang industriyal at mga atrasadong bansa ay pinabibilis ng mataas na teknolohiya at ng malaon nang pang-aabuso sa internasyunal na sistema ng pautang.]

[*Sa ngayon, ang daigdig ay winawarat ng apat na mayor na kontradiksyon at nagreresulta ng walang katulad na ligalig panlipunan na pumapabor sa rebolusyong panlipunan. Ang mga ito ay: Una, ang kontradiksyon sa pagitan ng mga pangunahing industriyalisadong kapitalistang lakas at ang neo-kolonyal na mga kliyenteng estado sa isang banda at ang proletaryado at mamamayan sa isang banda sa mga di-maunlad at mga bansang kontrolado ng burukratang kapitalista; Ang ikalawa ay ang kontradiksyon sa pagitan ng mga pangunahing kapitalistang kapangyarihan na nakapagkonsolida bilang tatlong pinakamakapangyarihang sentro ng kapitalismo, ang Estados Unidos, Kanlurang Europa at Japan; Ang ikatlo ay ang kontradiksyon sa lahat ng industriyalisadong kapitalistang bansa sa pagitan ng monopolyong burgesya sa isang banda at ng proletaryado at mamamayan; at Ang ikaapat ay ang kontradiksyon sa pagitan ng mga pangunahing industriyalisadong kapitalistang kapangyarihan at ang di-gaanong industriyalisadong kapitalistang bansa, kabilang na ang mga pinamumunuan ng mga burukratang kapitalistang rehimen.*]

I II III IV V VI VII VIII IX X XI XII

Back to top


Preambulo

Artikulo I. Pangalan, Watawat at Sagisag, Awit at Sumpa

Artikulo II. Pagsapi

Artikulo III. Mga Karapatan at Tungkulin ng mga Kasapi

Artikulo IV. Balangkas at mga Prinsipyo ng Organisasyon ng Partido

Artikulo V. Ang Sentral na Organisasyon

Artikulo VI. Mga Organisasyong Panteritoryo ng Partido

Artikulo VII. Batayang Organisasyon ng Partido

Artikulo VIII. Mga Grupo ng Partido sa mga Organisasyong Pangmasa

Artikulo IX. Ang Relasyon ng Partido sa Bagong Hukbong Bayan

Artikulo X. Ang Papel ng Partido sa Nagkakaisang Prente

Artikulo XI. Ang Pananalapi ng Partido

Artikulo XII. Mga Susog at Natatanging Kalagayan





Read in English


[ CPP Home Page|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.