Artikulo VII. BATAYANG ORGANISASYON NG PARTIDO
Seksyon 1. Ang sangay bilang batayang organisasyon ng Partido ay itatatag saanman may di-kukulangin sa tatlong kasapi ng partido na sama-samang kumikilos bilang isang kolektibo, alinsunod sa pook ng paninirahan, pook ng gawain at pook ng pag-aaral. Itatalagang mga sangay ng Partido sa mga pabrika, minahan, plantasyon o asyenda, baryo, paaralan, kalye, tanggapan at mga pook ng pananahanan at sa bawat kumpanya ng hukbong bayan. Kung sa mga nabanggit na lugar ay kulang sa tatlo ang kasapi, ang mga kasaping ito ng Partido ay papaloob sa pinakamalapit na batayang organisasyon ng Partido.
Seksyon 2. Kung lampas sa labinlima ang kasapi ng isang sangay ng Partido, ang buong kasapian ay hahatiin sa mga grupo ng sangay para [maging kumbiyente at] ligtas, maliban kung ang sangay ay nasa rebolusyonaryong base. Ang bawat grupo ng sangay ay hindi kailanman palalampasin sa sampung kasapi.
Seksyon 3. Ang pinakapundamental na tungkulin ng batayang organisasyon ng Partido ay ang pagpapaunlad ng pinakamahigpit na ugnayan sa pagitan ng Partido at ng masa ng sambayanan.
Ang mga pangkalahatang pananagutan ng sangay ay:
a. tumupad ng gawaing pampropaganda at pang-organisasyon sa hanay ng masa upang mapairal ang linya ng Partido at ang mga patakaran at desisyon ng mga nakatataas na organo ng Partido;
b. alamin sa masa ang kanilang mga mithiin at kahilingan, gumawa ng mga napapanahong ulat sa mga nakatataas na organo ng Partido, magbigay-patnubay at lumahok sa buhay-pampulitika, pang-ekonomya at pangkultura ng mamamayan.
k. [pakilusin ang masa sa pamamagitan ng mga kampanya para sa kanilang kagalingan at ng iba pa at sa mga isyung may lokal, pambansa o internasyunal na saklaw at kabuluhan.]
d. mangalap ng tulong na materyal at moral para sa sandatahang pakikibakang inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan;
e. mangalap ng mga bagong kasapi ng Partido at mga Pulang mandirigma, mangolekta ng butaw ng mga kasapi ng Partido, magsuri ng mga ulat mula sa mga kasapi ng Partido at mangalaga sa disiplina at kaligtasan ng Partido sa hanay ng mga kasapi;
g. magbuo ng mga kurso sa pag-aaral para sa mga kasapi ng Partido at mamahagi ng mga lathalain ng Partido; at
h. magrekomenda ng mga kasapi ng Partido para sa pagsasanay na pangkadre [sa mas mataas na antas hanggang] sa Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Zedong.
Seksyon 4. Ang mga pulong ng sangay ay idaraos kahit minsan lamang isang buwan. Ang mga ito ay dadaluhan lamang ng mga puno ng mga grupong pansangay kung sa pook na hindi matatag at walang proteksyon ay mahirap dumalo ang lahat ng kasapi ng sangay.
Ang mga pulong ng sangay ang maghahalal ng komiteng tagapagpaganap at kalihiman (kalihim at mga pangalawang kalihim) ng sangay at hihirang ng mga puno ng mga grupo ng sangay. Ang takdang panahong ipanunungkulan ng lahat ng ito ay isang taon.
Ang mga pulong ng sangay ang magpapatibay sa mga aplikasyon sa pagsapi sa Partido, tatanggap at tatalakay sa mga ulat ng mga kasapi at komite ng sangay, at mapagpapasya sa gawain ng buong sangay.
Seksyon 5. [Ang bawat kasapi ng Partido ay dapat pumaloob sa isang sangay ng Partido. Ang isang kasapi ng Partido ay maaaring mapabilang sa dalawang batayang organisasyon ng Partido (sangay o grupo ng Partido sa organisasyong masa o institusyon)] at magbayad ng butaw sa isa lamang bastat [may pahintulot siya] ng isang nakatataas na komite ng Partido.
Ang isang kasapi ng Partido na lumilipat mula sa isang sangay tungo sa isa pang sangay ay magdadala ng [paunang] awtorisasyon ng komite sa seksyong nakatataas [sa mga sangay] na kanyang panggagalingan [at lilipatan, gayun din ng komite ng Partido na sumasaklaw sa nasabing mga sangay.]
Party Constitution Bottom
Preambulo
I
II
III
IV
V
VI
VII
VIII
IX
X
XI
XI Back to Top
|