CPP Home Page   Publications  References  Organizations 

Features

  Multimedia  Utilities  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

Artikulo V. ANG SENTRAL NA ORGANISASYON

Seksyon1. Ang Pambansang Kongreso ay tatawagin at idaraos ng Komite Sentral tuwing ikalimang taon, maliban kung ituturing na kailangan itong idaos pagkatapos o bago sumapit ang takdang panahon. Kung ang mayorya ng mga komiteng panrehiyon ng Partido ay pormal na hihiling na idaos ang kongreso, pagbibigyan ng Komite Sentral ang kahilingan.

Ang patalastas sa pagdaraos ng Pambansang Kongreso ay gagawin nang hindi kukulangin sa isang buwan bago ito idaos. Ang bilang ng mga delegado at ang paraan ng paghalal sa kanila ng mga nakabababang organisasyon ng Partido o pagpili sa kanila ng mga nakabababang organo ng Partido ay pagpapasyahan ng Komite Sentral.

Seksyon 2. Ang mga tungkulin at kapangyarihan ng Pambansang Kongreso ay ang mga sumusunod:

a. talakayin, pagtibayin, muling suriin o susugan ang Programa at Saligang Batas;

b. pagpasyahan ang linyang pampulitika ng Partido;

k. ihalal ang mga kasapi at kandidatong kasapi ng Komite Sentral at iba pang sentral na organo pagkaraang pagpasyahan ang kaukulang laki ng kasapian sa bawat organo;

d. tanggapin, talakayin at pagtibayin ang mga ulat ng Komite Sentral at iba pang sentral na organo; at

e. likhain kung kinakailangan ang mga sentral na organo bukod sa mga organong naitatag na.

Seksyon 3. Sa pagitan ng mga pambansang kongreso, ang Komite Sentral ang mamumuno sa buong gawain ng Partido, magpapatupad sa mga desisyon ng Pambansang Kongreso, gagawa ng mga kasalukuyang desisyon at lulutas sa mga kasalukuyang suliranin, magtatatag ng mga organo ng Partido at mamumuno sa kanilang mga aktibidad, mamamatnugot at magsasaayos ng alokasyon ng mga kadre ng Partido at maagap na mag-uukol ng pansin sa mga paghahabol ng mga nakabababang organisasyon at mga indibidwal na kasapi sa mga kasong nauukol sa aksyong pandisiplina.

Seksyon 4. Ang Komite Sentral, sa plenum nito, ay maghahalal ng Kawanihang Pampulitika, ng Komiteng Tagapagpaganap ng Kawanihang Pampulitika, ng Kalihiman, ng Tagapangulo ng Komite Sentral [ng Unang Pangalawang Tagapangulo at iba pang mga Pangalawang Tagapangulo,] ng Pangkalahatang Kalihim at iba pang [mga] kalihim ng Komite Sentral.

a. Ang Kawanihang Pampulitika, ang [tutupad] ng mga tungkulin at kapangyarihan ng Komite Sentral sa pagitan ng mga plenum.

b. [Ang Komiteng Tagapagpaganap ang aaksyon sa mga usaping pampulitika at administratibo alinsunod sa mga nakatayong desisyon ng Komite Sentral at Kawanihang Pampulitika.]

k. Ang [Pangkalahatang] Kalihiman ng Komite Sentral ang mamamahala sa pangangasiwa at pang-araw-araw na aktibidad ng Partido [at sa iba pang gawaing ipagkakatiwala sa kanya ng Komiteng Tagapagpaganap.]

Ang bilang ng mga kagawad at kandidatong kagawad ng Kawanihang Pampulitika, ng Komiteng Tagapagpaganap at ng Kalihiman ay pagpapasyahan ng Komite Sentral. Kung may bakante, ito ay karaniwang pupunuan ng mga kandidatong kasapi.

Seksyon 5. Ang Komite Sentral [sa Plenum nito o sa pamamagitan ng Kawanihang Pampulitika o Komiteng Tagapagpaganap,] ay bubuo at mamumuno ng mga ispesyal na organo tulad ng Komisyong Militar, ng [Komisyon sa Nagkakaisang Prente, ng Pambansang Komisyon sa Pinansya,] ng mataas ng paaralan ng Partido (ang Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Zedong) at ng mga [lathalaing sentral,] gayundin sa [Pangkalahatang] Kalihiman at sa mga kagawaran nito sa organisasyon, edukasyon, [internasyunal at iba pang kagawaran.]

Seksyon 6. [Ang Komite Sentral ay magbubuo ng mga panteritoryong komisyon bilang mga organong istap upang pangasiwaan ang mga magkakaratig na rehiyon. Ang mga kapangyarihan at tungkulin ng mga komisyong ito ay magmumula sa Komite Sentral.]

Seksyon 7. Ang plenum ng Komite Sentral ay tatawagin ng [Tagapangulo o] Kawanihang Pampulitika minsan bawat anim na buwan. Gayunman, ang Kawanihang Pampulitika o ang mayorya ng mga kagawad ng Komite Sentral ay maaaring magpasyang idaos ito nang maaga o lampas sa takdang panahon. Ang mga kagawad at kandidatong kagawad ng Komite Sentral ay dadalo sa plenum ngunit ang mga kandidatong kagawad, bagamat may karapatang magsalita, ay walang karapatang bumoto.

[*Seksyon 8. Panimulaang tuntunin sa mga plenum ng Komite Sentral na matiyak ang pagdalo ng lahat ng kagawad ng Komite Sentral. Gayunman, kung bunga ng mga sitwasyong dulot ng digma, pangkagipitan o iba pang makatwirang dahilan, ay hindi matitipon ang lahat ng mga kagawad nito, titiyaking nahihingan ang mga hindi makakadalo ng kanilang mga pananaw at palagay bago o/at pagkatapos ng plenum. Maaaring magpatuloy ang plenum batay sa presensya ng dalawang-katlong mayorya o ng simpleng mayorya basta't matutugunan ang pagkonsulta sa mga di makakadalong kagawad at may pahintulot nila.*]

Seksyon 9. [Ang Tagapangulo ng Komite Sentral ang magsisilbing pangunahing pinunong pang-ideolohiya at pampulitika ng Partido at sa gayon ay gagawa ng mga nararapat na pang-ideolohiya at pampulitikang pahayag; mangungulo sa Pambansang Kongreso at mga pulong ng Komite Sentral, Kawanihang Pampulitika at Komiteng Tagapagpaganap; mamamahala sa mga sentral na organo sa ilalim ng Komite Sentral, kabilang ang Pangkalahatang Kalihiman; gagampan bilang Tagapangulo ng Komisyong Militar at Punong Kumander ng Bagong Hukbong Bayan; at tatayong punong kinatawan ng Partido sa ugnayang panlabas nito sa loob o labas man ng bansa.]

Seksyon 10. [Maaaring ipabalikat ng Tagapangulo ng Komite Sentral ang kanyang kapangyarihan at tungkulin sa Unang Pangalawang Tagapangulo at iba pang mga Pangalawang Tagapangulo. Sa kalagayang di makagampan o pagkawala sa Pilipinas ng isang buwan o mahigit pa ng Tagapangulo ng Komite Sentral, ang Unang Pangalawang Tagapangulo ang gagampan bilang Tagapangulo ng Komiteng Tagapagpaganap at magsasakatuparan ng kapangyarihan at mga tungkulin ng Tagapangulo sa loob ng Pilipinas.]

Seksyon 11. [Ang lahat ng mga sentral na organong istap ay kinakailangang maagap na magpaabot sa Komite Sentral sa pamamagitan ng Komiteng Tagapagpaganap at Tagapangulo nito, ng anumang bagong inisyatiba na may mayor na kahalagahan at anumang usapin na malamang o kaya'y aktwal na kontrobersyal.

Kung may kontradiksyon sa pagitan ng magkaibang sentral na organong istap o sa pagitan nito at alinmang namumunong organong pangteritoryo, ang dalawang panig ay inoobligang maagap na isangguni ang kontrobersyal na usapin sa Komite Sentral sa pamamagitan ng Komiteng Tagapagpaganap at Tagapangulo nito upang kagyat na malutas.]

Party Constitution Bottom
I II III IV V VI VII VIII IX X XI XI
Back to Top

SALIGANG BATAS NG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS

Preambulo

Artikulo I. Pangalan, Watawat at Sagisag, Awit at Sumpa

Artikulo II. Pagsapi

Artikulo III. Mga Karapatan at Tungkulin ng mga Kasapi

Artikulo IV. Balangkas at mga Prinsipyo ng Organisasyon ng Partido

Artikulo V. Ang Sentral na Organisasyon

Artikulo VI. Mga Organisasyong Panteritoryo ng Partido

Artikulo VII. Batayang Organisasyon ng Partido

Artikulo VIII. Mga Grupo ng Partido sa mga Organisasyong PangmasaPangmasa

Artikulo IX. Ang Relasyon ng Partido sa Bagong Hukbong Bayan

Artikulo X. Ang Papel ng Partido sa Nagkakaisang Prente

Artikulo XI. Ang Pananalapi ng Partido

Artikulo XII. Mga Susog at Natatanging Kalagayan





Read in English




[ CPP Home Page|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.