CPP Home Page   Publications  References  Organizations 

Features

  Multimedia  Utilities  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

ARTIKULO IV. BALANGKAS AT MGA PRINSIPYO NG ORGANISASYON NG PARTIDO

Seksyon 1. Ang balangkas ng Partido ay ibabatay sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo, ibig sabihi'y sentralismong nababatay sa demokrasya at demokrasyang napaiilalim sa sentralisadong pamumuno.

Ang mga batayang kondisyon ay ang mga sumusunod:

a. Ang mga namumunong organo ng Partido sa lahat ng antas ay ihahalal at may pananagutan sa organisasyon o kumperensya ng Partidong naghalal sa kanila.

b. Matapos ang malaya at puspusang talakayan, ang mga desisyon ng Partido ay ipatutupad nang walang pagtatangi:

1) ang indibidwal ay napaiilalim sa organisasyon;

2) ang minorya ay napaiilalim sa mayorya;

3) ang nakabababang antas ay napaiilalim sa nakatataas na antas;

4) ang buong kasapian ay napaiilalim sa Komite Sentral at Pambansang Kongreso.

k. Ang mga namumunong organo ng Partido ay laging magbibigay ng masusing pansin sa mga ulat at palagay ng mga nakabababang organo ng Partido at ng masang kasapi ng Partido at laging patuloy na mag-aaral ng mga kongkretong karanasan at magbibigay ng maagap na tulong sa paglutas sa mga suliranin.

d. Ang mga nakabababang organisasyon ng Partido ay magbibigay ng mga regular at espesyal na ulat tungkol sa kanilang gawain sa organisasyong nakatataas sa kanila at maagap na hihiling ng tagubilin tungkol sa mga suliraning nangangailangan ng desisyon ng nakatataas na organisasyon ng Partido.

e. Lahat ng organisasyon ng Partido ay susunod sa prinsipyo ng kolektibong pamumuno at kolektibong pagpapasyahan ang lahat ng mahahalagang suliranin.

Seksyon 2. Ang isang organisasyon ng Partido ay itatatag batay sa dibisyong panteritoryo o larangan ng gawain.

a. Ang organo ng Partido na nangangasiwa sa gawain ng Partido sa isang teritoryo ang magiging pinakamataas na organo sa naturang teritoryo.

b. Ang organo ng Partido na nangangasiwa sa gawain ng Partido sa isang larangan ng gawain o sa isang organisasyong pangmasa ang magiging pinakamataas na organo sa naturang larangan ng gawain o organisasyong pangmasa.

Seksyon 3. Ang balangkas ng mga organisasyon ng Partido at ang mga namumunong organo nila ay ang sumusunod:

a. Para sa buong Pilipinas, ang buong kasapian ng pambansang organisasyon ng Partido, ang Pambansang Kongreso at ang Komite Sentral.

b. Para sa mga rehiyon, ang mga panrehiyong organisasyon ng Partido, ang mga kumperensyang panrehiyon at ang mga komiteng panrehiyon.

k. Para sa mga lalawigan, ang mga panlalawigang organisasyon ng Partido, ang mga kumperensyang panlalawigan at ang mga komiteng panlalawigan.

d. Para sa mga distrito, ang mga pandistritong organisasyon ng Partido, ang mga kumperensyang pandistrito at ang mga komiteng pandistrito.

e. Para sa mga munisipalidad at mga subdistrito ng Maynila, ang mga seksyon ng Partido, ang mga kumperensyang panseksyon at ang mga komiteng panseksyon.

g. Para sa mga pabrika, minahan, plantasyon o asyenda, baryo, kalye, tanggapan, paaralan at mga lugar-panirahan, ang mga sangay ng Partido, ang mga pulong ng sangay at ang mga komiteng tagapagpaganap ng sangay.

Seksyon 4. Ang kataas-taasang pamunuan ng buong Partido ay ang Pambansang Kongreso; ang sa rehiyon, lalawigan, distrito at seksyon ay ang katugong kumperensya; at ang sa sangay ng Partido ay ang pulong ng sangay.

Sa pagitan ng mga pulong ng sangay, mga kumperensya ng Partido at mga pambansang kongreso, ang halal na komite ng Partido ang namumunong organo ng organisasyon ng Partido sa bawat antas.

Seksyon 5. Lahat ng namumunong organo ay ihahalal:

a. Ang Komite Sentral ay ihahalal ng Pambansang Kongreso.

b. Ang mga komite sa bawat antas ay ihahalal ng kumperensya ng Partido sa bawat kinauukulang saklaw.

k. Ang mga komiteng tagapagpaganap ng sangay ay ihahalal ng mga pulong ng sangay.

Ang Komite Sentral ang maghahanda ng mga pamantayan at pamamaraan ng halalan. Kung hindi ipinahihintulot ng kalagayan ang pagdaraos ng halalan, ang mga namumunong organo ng Partido ay hihirangin ng mga nakatataas na komite ng Partido.

Seksyon 6. Ang mga kagawad ng Komite Sentral ay dapat naging mga aktibong kasapi ng Partido nang hindi kukulangin sa tatlong taon.

Seksyon 7. Ang mga namumunong organo o mga kasapi nito ay maaaring buwagin o itiwalag ng mga organisasyon ng Partido na naghalal sa kanila o ng mga organo ng Partidong humirang sa kanila kahit hindi pa natatapos ang panahon ng kanilang panunungkulan.

Sa pagitan ng mga kumperensya ng Partido sa anumang antas, maaaring alisin ng nakatataas na komite ng Partido, kung itinuturing nitong kailangan, ang mga kagawad sa nakabababang organo ng Partido.

Seksyon 8. Ang pagtatatag ng isang bagong organisasyon ng Partido o ang pagbubuwag sa isang nakatatag na ay pagpapasyahan ng organisasyong kagyat na nakatataas dito.

Seksyon 9. Ang mga komite ng Partido mula sa panseksyon at panrehiyong organisasyon ng Partido ay magbubuo ng mga kagawaran, kawanihan, komisyon at iba pang kinakailangang organo alinsunod sa pangangailangan.

Seksyon 10. Ang mga organisasyon ng Partido sa anumang antas ay maaaring magdaos ng iba't ibang anyo ng pulong, seminar o kumperensya ng mga kadre at aktibong kasapi upang muling suriin o balangkasin ang kanilang gawain o talakayin ang mahahalagang desisyon ng nakatataas na organo ng Partido.

Seksyon 11. Bago pagpasyahan ng isang nakatataas na organo ng Partido ang isang patakaran, ang mga nakabababang organisasyon ng Partido ay maaaring malayang tumalakay sa usapin at maaaring magharap ng mga mungkahi sa namumunong organo ng Partido. Matapos gawin ang isang desisyon, sila ay dapat sumunod dito.

Gayunman, kung sa palagay nila'y hindi umaayon ang desisyon sa kalagayan ng isang lugar o larangan ng gawain, maaaring hilingin ang rekonsiderasyon sa desisyon. Kung paninindigan ng nakatataas na organo ng Partido ang desisyon nito pagkaraan ng karampatang rekonsiderasyon, ang mga nakabababang organisasyon ng Partido ay obligadong isagawa ito.

Seksyon 12. Ang Komite Sentral ang organong gagawa ng mga desisyon at maglalabas ng mga pahayag tungkol sa mga patakarang may pambansang katangian; bagamat ang mga nakabababang organisasyon at ang mga namumunong organo nila ay maaaring tumalakay sa mga usaping ito at inaaasahang magharap ng kanilang mga opinyon sa mga sentral na namumunong organo, sila ay may karapatang gumawa ng sariling desisyon at magpalabas ng mga pahayag tungkol lamang sa mga usaping lokal na saklaw ng kanilang teritoryo.

Seksyon 13. Lahat ng publikasyon ng Partido ay dapat magpalaganap ng mga desisyon at patakaran ng Partido.

Lahat ng organisasyon ng Partido ay dapat magpalaganap ng mga publikasyon ng Komite Sentral. Ang mga lokal na publikasyon ng Partido ay kinakailangang humingi ng pahintulot ng namumunong organo ng Partido na kagyat na nasa itaas ng mga ito.

Party Constitution Bottom Preambulo
I II III IV V VI VII VIII IX X XI
Balik sa itaas

Saligang Batas ng Partido Komunista ng Pilipinas

Preambulo

Artikulo I. Pangalan, Watawat at Sagisag, Awit at Sumpa

Artikulo II. Pagsapi

Artikulo III. Mga Karapatan at Tungkulin ng mga Kasapi

Artikulo IV. Balangkas at mga Prinsipyo ng Organisasyon ng Partido

Artikulo V. Ang Sentral na Organisasyon

Artikulo VI. Mga Organisasyong Panteritoryo ng Partido

Artikulo VII. Batayang Organisasyon ng Partido

Artikulo VIII. Mga Grupo ng Partido sa mga Organisasyong Pangmasa

Artikulo IX. Ang Kaugnayan ng Partido sa Bagong Hukbong Bayan

Artikulo X. Ang Pananalapi ng Partido

Artikulo XI. Mga Susog at Natatanging Kalagayan




Basahon sa Hiligaynon




[ CPP Home Page|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.