ARTIKULO IX. ANG KAUGNAYAN NG PARTIDO SA BAGONG HUKBONG BAYAN
Seksyon 1. Ang Partido, sa pamamagitan ng Komisyong
Militar nito sa ilalim ng Komite Sentral at sa pamamagitan ng mga kadre
nito sa bawat antas, ay mamamatnugot at mamamatnubay sa Bagong Hukbong
Bayan sa kongkretong praktika ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung
at magpapaunlad ng mga pinakasulong na mandirigma upang maging kasapi
ng Partido.
Seksyon 2. Ang Mga Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan
ay kikilala sa ganap na liderato ng Partido at Komisyong Militar nito
at magtatakda sa pagtatalaga ng mga pinunong pampulitika sa bawat sandatahang
yunit ng Bagong Hukbong Bayan.
Seksyon 3. Ang Bagong Hukbong Bayan ang magiging pangunahing
sandata ng Partido sa demokratikong rebolusyon ng bayan at sa susunod
na yugtong sosyalista. Buong tibay na pinagbubuklod nito ang saligang
alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka. Sa kanayunan, lilikha
ito ng nagsasariling rehimen sa pamamagitan ng sandatahang pakikibaka,
rebolusyong agraryo at mga baseng bukid.
Seksyon 4. Isang sangay ng Partido sa bawat kompanya
at isang grupo ng Partido sa bawat iskwad ang itatatag sa loob ng Bagong
Hukbong Bayan. Ihahalal ang mga namumunong komite mula sa antas ng sangay
hanggang sa pinakamataas na pormasyong militar.
Seksyon 5. Ang Bagong Hukbong Bayan ay magbubuo ng tatlong
pangunahing anyo ng sandatahang puwersa: mga regular na puwersang makilos,
mga yunit ng gerilya at mga yunit ng milisya o ng pananggol sa sarili.
Ito ay magiging pwersa sa pakikibaka, sa propaganda at sa produksyon.
Seksyon 6. Pauunlarin ng Partido ang pinakamahigpit
na ugnayan sa pagitan ng hukbo at sambayanan, ng Partido at hukbo, at
ng mga pinuno at mga kawal batay sa rebolusyonaryong diwang proletaryo.
Seksyon 7. Mahigpit na susundin ng Bagong Hukbong Bayan
ang Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina at Walong Bagay na Dapat
Tandaan:
Ang Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina ay:
- Sumunod sa mga kautusan sa lahat ng iyong kilos.
- Huwag kumuha ng kahit na isang karayom o hibla ng sinulid mula sa masa.
- Mag-entrega ng lahat ng nasamsam.
Ang Walong Bagay na Dapat Tandaan ay:
- Maging magalang sa pananalita.
- Magbayad ng karampatang halaga sa iyong binibili.
- Magsauli ng lahat ng iyong hiniram.
- Magbayad sa lahat ng iyong nasira.
- Huwag manakit o mang-alimura ng tao.
- Huwag manira ng mga pananim.
- Huwag magsamantala sa mga babae.
- Huwag magmalupit sa mga bihag.
Party Constitution Bottom
Preambulo
I
II
III
IV
V
VI
VII
VIII
IX
X
XI Balik sa itaas
|