ARTIKULO V. ANG SENTRAL NA ORGANISASYON
Seksyon 1. Ang Pambansang Kongreso ay tatawagin at idaraos
ng Komite Sentral tuwing ikalimang taon, maliban kung ituturing na kailangan
itong idaos pagkatapos o bago sumapit ang takdang panahon. Kung ang mayorya
ng mga komiteng panrehiyon ng Partido ay pormal na hihiling na idaos ang
kongreso, pagbibigyan ng Komite Sentral ang kahilingan.
Ang patalastas sa pagdaraos ng Pambansang Kongreso ay gagawin
nang hindi kukulangin sa isang buwan bago ito idaos. Ang bilang
ng mga delegado at ang paraan ng paghalal sa kanila ng mga nakabababang
organisasyon ng Partido o pagpili sa kanila ng mga nakabababang
organo ng Partido ay pagpapasyahan ng Komite Sentral.
Seksyon 2. Ang mga tungkulin at kapangyarihan ng Pambansang
Kongreso ay ang mga sumusunod:
a. talakayin, pagtibayin, muling suriin o susugan ang Programa
at Saligang Batas;
b. pagpasyahan ang linyang pampulitika ng Partido;
k. ihalal ang mga kasapi at kandidatong kasapi ng Komite Sentral
at iba pang sentral na organo pagkaraang pagpasyahan ang kaukulang
laki ng kasapian sa bawat organo;
d. tanggapin, talakayin at pagtibayin ang mga ulat ng Komite
Sentral at iba pang sentral na organo; at
e. likhain kung kinakailangan ang mga sentral na organo bukod
sa mga organong naitatag na.
Seksyon 3. Sa pagitan ng mga pambansang kongreso, ang
Komite Sentral ang mamumuno sa buong gawain ng Partido, magpapatupad sa
mga desisyon ng Pambansang Kongreso, gagawa ng mga kasalukuyang desisyon
at lulutas sa mga kasalukuyang suliranin, magtatatag ng mga organo ng
Partido at mamumuno sa kanilang mga aktibidad, mamamatnugot at mamamahagi
ng mga kadre ng Partido at maagap na mag-uukol ng pansin sa mga paghahabol
ng mga nakabababang organisasyon at mga indibidwal na kasapi sa mga kasong
nauukol sa aksyong pandisiplina.
Seksyon 4. Ang Komite Sentral, sa plenum nito, ay maghahalal
ng Kawanihang Pampulitika, ng Komiteng tagapagpaganap ng Kawanihang Pampulitika, ng
Kalihiman, ng tagapangulo ng Komite Sentral at ng mga pangalawa nito, ng
pangkalahatang kalihim at iba pang kalihim ng Komite Sentral.
a. Ang Kawanihang Pampulitika,kasama ng Komiteng Tagapagpaganap
nito, ang magsasabalikat ng mga tungkulin at kapangyarihan ng
Komite Sentral sa pagitan ng mga plenum.
b. Ang Kalihiman ng Komite Sentral ang mamamahala sa pangangasiwa
at pang-araw-araw na aktibidad ng Partido sa pamumuno ng Kawanihang
Pampulitika.
Ang bilang ng mga kagawad at kandidatong kagawad ng Kawanihang
Pampulitika, ng Komiteng Tagapagpaganap at ng Kalihiman ay pagpapasyahan
ng Komite Sentral. Kung may bakante, ito ay karaniwang pupunuan
ng mga kandidatong kasapi.
Seksyon 5. Ang Komite Sentral ay maghahalal at magkakaron,
bilang mga espesyal na organo nito, ng Komisyong Militar, ng mataas na
paaralan ng Partido (ang Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tsetung)
at ng mga lathalaing sentral, bukod sa Kalihiman at sa mga kagawaran ng
organisasyon at edukasyon niyon.
Seksyon 6. Ang plenum ng Komite Sentral ay tatawagin
ng Kawanihang Pampulitika minsan bawat anim na buwan. Gayunman, ang Kawanihang
Pampulitika o ang mayorya ng mga kagawad ng Komite Sentral ay maaaring
magpasyang idaos ito nang maaga o lampas sa takdang panahon. Ang mga kagawad
at kandidatong kagawad ng Komite Sentral ay dadalo sa plenum ngunit ang
mga kandidatong kagawad, bagamat may karapatang magsalita, ay walang karapatang
bumoto.
Party Constitution Bottom
Preambulo
I
II
III
IV
V
VI
VII
VIII
IX
X
XI Balik sa itaas
|