Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Anti-Marxismo at Eklektisismo

IV. Balik-aral Hinggil sa Usapin ng Armadong Pakikibaka sa Pilipinas

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Inamin ni Pomeroy na noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang nagsanib na lumang Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Sosyalista ay nagkaroon ng armas at nahasa sa digmaang gerilya at noong magtatapos ang digma ay tinalikuran ng liderato ang armadong pakikibaka para lumahok sa mga mapayapang anyo ng organisasyon at pakikibaka. Kusang nagpatuloy ang armadong pakikibaka; sumulong ito noong 1946-1948 nang walang pagpaplano at inisyatiba ng liderato ng nagsanib na lumang partido. Ginamit ng mamamayan ang mga armas na naiwan sa kanila sa diwa ng pagtatanggol sa sarili dahil bago pa man magwakas ang digmaang bayan laban sa pasismong Hapon, dumanas na sila ng pagpapahirap at armadong pananalakay ng mga sundalong Amerikano at mg lokal na alipuris nito.

Pormal na pinagtibay lamang ng Lava at Taruc ang patakaran ng armadong pakikibaka noong May 1948 tapos mabigong makakuha ng puwesto sa reaksiyunaryong gobyernong burges. Maging noong sinasapantahang ipinatutupad na ang patakarang ito, tuloy pa rin ang maniobra ng mga Lava at Taruc na makapuwesto sa reaksiyunaryong gobyerno at handa nilang wakasan ang armadong pakikibaka kapalit nito. Madali tayong makapagbabanggit ng mga pangyayari para patunayan ito. Ang mga ito'y ang pakikipagkasundo sa papet na rehimeng Quirino tungkol sa amnestiya noong 1948; ang paghaharap ng isang mapanuyong memorandum ng nagsanib na lumang partido saisang anti-komunistang kumite ng reaksiyunaryong kongreso noong Disyembre 1948; at ang suportang ibinigay sa pagtakbo ni Laurel noong 1949 kapalit ng bigong pag-asam na magbibigay ng mga pribilehiyo sa pangkating Lava at Taruc ang Partido Nacionalista. Alinsunod ang lahat ng ito sa patakaran ng pangkating Lava at TAruc na pinagtibay noong Setyembre pa lamang ng taong 1944 at pinatupad sapul noon para sa pagtanggap sa pagbabalik ng imperyalismong Amerikano at ng papet na rehimeng Osmena at sa paglahok ng nagsanib na lumang partido sa parliyamentaryong pakikibaka sa ilalim ng Democratic Alliance.

May kahambugang sinabi ni Pomeroy na ang liderato ng nagsanib na lumang partido ay nanahak sa "sarili nitong landas," palayo sa landas ng rebolusyong Tsino. Gayunman, inamin niya na ang mga kasamang Tsino ay "nagpasok ng mga kaisipan ng Pulang Hukbong Tsino sa organisasyon ng Huk" noong panahon ng Hapon. Ngunit, ayon sa kanya, nanahak ang pangkating Lava at Taruc "sa patnubay ng panlipunang balangkas ng magsasakang Pilipino, sa katangian ng kalupaan at sa hiograpikong kondisyon ng Pilipinas." Sa nagyayabang na tono sa landas na ito, sinabi ni Pomeroy na hindi kailanman pinakinabangan ng pangkating Lava at Taruc kahit noong 1950 ang "modelo ng Tsina" na pagtatayo ng baseng purok at pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan. Kinapitan niya ang walang batayang palagay na "sa katunayan, bihira sa mga nagtagumpay na digmaang gerilya ang sumunod sa gayong modelo, taliwas sa paniniwala nang marami at sa mga sinasabi mismo ng mga lider Tsino na iyon ay isang modelo." Tinitingnan niyang wasto at positibo ang gerilyaismo, ang taktika ng rebeldeng lagalag, at noong 1950 ang mapusok na hangarin ng pangkating Lava at Taruc na agawin ang kapangyarihan sa kalunsuran sa loob ng dalawang taon.

Gunggong lang ang magmamayabang ng kabiguan. Anti-Marxistang kontra-rebolusyonaryo lamang ang magsasabing ang paglabag sa tamang Marxista-Leninistang mga tagubilin, lalo na sa teorya ng digmaan bayan at istratehikong linya ni Tagapangulong Mao, ay siya mismong patunay ng "kamalian" at "kasinungalingan" ng kung ano ang tama at totoo. Nagtagumpay ba ang pangkating Lava at Taruc o sumulong sa rebolusyonaryong pakikibaka sa pamamagitan ng sinadya nilang pagtangging magtayo ng mga baseng purok at sundin ang linyang pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan? Hindi! Samantalang inaamin ni Pomeroy na sinuway ng pangkating Lava at Taruc ang teorya ng digmaang bayan at hindi nagtagumpay ni sumulong sa armadong pakikibaka, pinagpipilitan niya tulad ng isang ulol na anti-Marxistang kontra-rebolusyonaryo na dapat ay mas matinding sinuway ang teorya. Malinaw na isang mas matindi pang kabiguan ang hangad niya.

Ang pagkabigo noong 1950 ng patakarang "puspusang armadong pakikibaka" ng lideratong Jose Lava ay ipinaliwanag ni Pomeroy sa paraang ganap na itinatakwil ang teorya ng digmaan ni Tagapangulong Mao at labag sa mga batayang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo. Apat ang ibinigay niyang dahilan ng pagkabigo: 1) Nagkamali ang Partido sa pagpapalagay na ang mga imperyalista at mga kaalyado nito ay nasa isang sitwasyong hindi na nila muling mapapaige at hindi na sila puwedeng "maghari tulad ng dati." 2) Ang buong atensiyon at ang lahat ng kadre ng partido ay ibinuhos sa armadong pakikibaka; iprinoklama ang panginigbabaw ng "hegemonya ng partido sa rebolusyon"; hindi nakapagpalitaw at nakapagtayo ng nagkakaisang prente laban sa imperyalismong Amerikano at hindi kumampi sa Partido Liberal laban kay Magsaysay. 3) Naging pabaya ang Partido hinggil sa mga hakbanging panseguridad. 4) Ang Pambansang kilusang mapgpalaya ng Pilipinas ay nakahiwalay sa mga kaalyado sa ibang bansa dahil sa pagiging kapuluan ng Pilipinas.

Isa-isahin natin ang mga dahilang ito:

  1. Pareho pa rin ang opinyon ni Pomeroy sa opinyon ng lideratong Jose-Jesus Lava noong 1950 na angkop sa isang malapiyudal at malakolonyal na bansang gaya ng Pilipinas ang "Kaliwang" oportunistang linya ng madaliang tagumpay militar sa loob ng dalawang taon. Ang sisi niya sa mga Lava ay dahil sa pagpili ng maling tiyempo sa pagpapalabas at pagpapatupad ng gayong patakaran. Ang tamang tiyempo para kay Pomeroy ay kapag umabot na ang imperyalistang krisis sa antas na ang mga imperyalista at mga kaalyado nila ay nasa "di-na-mapaiigeng sitwasyon" at "hindi na makapaghahari tulad ng dati." Kaya, sinisisi niya ang sobrang pagtaya ng mga Lava sa "lawak ng imperyalistang krisis." Ayon kay Pomeroy, malawak ang saklaw ng maniobra ng mga imperyalista, kaya nga hindi na nila kailangang magpadala ng hukbong Amerikano sa Pilipinas, at ang mamamayan ay madaling mahimok sa mga pangakong "reporma." Sa madaling sabi, ang gusto sana ni Pomeroy ay matiyagang naghintay ang oportunistang pangkating Lava sa napipinto, kundi man ganap, na pagbagsak ng imperyalismo sa mismong teritoryo nito bago sumabak sa armadong pakikibaka.

    Sa punto ng idolohiya, isang tunay na Lavaistang rebisyunista si Pomeroy. Nginakngak niya ang gayong suhetibismo na nagtulak sa lideratong Jose-Jesus Lava na umasa nang malaki sa mga panlabas na kalagayan sa pagsasagawa ng armadong pakikibaka sa "kaliwang" oportunistang paraan. Ang kaibhan nga lamang ay, noong 1950, inaasahang magbibigay-daan ang mga panlabas na kalagalyan sa "dagliang tagumpay militar" sa Pilipinas. Ngayon namang mga panahon, inaasahan ang mga ito ni Pomeroy at ng mga Lava na magbibigay-katwiran sa matagalang mapayapang pakikibaka. Inuusal-usal ang rebisyunistang linyang ito sa panahong mas malala ang krisis ng imperyalismong Amerikano kaysa dati at walang kasing-inam ang rebolusyonaryong kalagayan. Sa paggunita sa 1950, tahasang sinabi ni Pomeroy na isang "bigong pag-asam na makakatulong ang "hampas ng pakikibakang gerilya" sa pagtulak sa mga imperyalista at mga kaalyado nila sa krisis.

  2. Talagang mali at napaka-adbenturista na inilunsad ang "puspusang armadong pakikibaka" sa paraang lahat halos ng kadre ay binaltak sa legal na pakikibaka at napabayaan ang nagkakaisang prente. Bagaman nakikita ni Pomeroy ang mga pangyayari, lagi naman niyang tinatangkang baluktutin ang mga iyon at mali ang mga panukalang kanyang ibinibigay. Sa gitna nang lahat ng ito ay ang kanyang paniniwalang sa paglulunsd ng armadong pakikibaka kailangang talikuran ang gawaing pampulitika, ang pakikibakang legal at ang nagkakaisang prenteng gawain. Ang "Kaliwang" oportunismong pagkakamali ng lidertong Jose-Jesus Lava, sampu ni Pomeroy, ay malinaw na maipaliliwanag sa tanglaw ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung sa mga batayang dokumento ng muling pagtatatag ng Partido Kumunista ng Pilipinas.

    Hindi pa kuntento sa tahasang pagtuligsa sa teorya ng digmaang bayan at istratehikong linyang pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan ni Tagapangulong Mao, garapal na sinalungat ni Pomeroy ang pangkalahatang linyang ang rebolusyong Pilipino ay isang bagong demokratikong rebolusyong pinamumunuan ng proletaryo at ng rebolusyonaryong partido nito. Sinabi niya na ang paggamit ng terminong "bagong demokrtikong rebolusyon" (na hindi naman totoong naisagawa) at ang pagproklama ng prinsipyo ng "hegemonya ng partido sa rebolusyon" ang siyang dahilan kung bakit hindi naitatag ng mga Lavaista ang nagkakaisang prente at hindi naapuhap ang mga anyo ng pakikibaka na makapagpapakilos sa malawak na masa ng sambayanan. Ayon sa kanya, tinakot at ginalit ng mga ito ang "pambansang burgesya" at itinulak sa panig ng ahente ng imperyalistang si Magsaysay. Ipinanukala niya na sa halip na armadong pakikibaka kung ano sanang misteryosong mapayapang maniobra ang isinagawa sa paglaban kay Magsaysay noong 1951 at 1953. Kahit ngayon, mas ipinalalagay niya na hindi naman talaga handa ang mga reaksiyunaryo na maglunsad ng sagadsarang istratehikong opensiba laban sa "Kaliwang" oportunistang Lava na aabot hanggang sa ganap na pagdurog niyon.

  3. Talagang pahahagalpakin ng tawa ni Pomeroy ang madla sa sinasabi niyang "ang mga kapabayaan sa mga hakbanging panseguridad" ay isa sa apat na pangunahing dahilan ng pagkatalo ng buong rebolusyonaryong kilusan. Ang mga epekto ay hindi maaaring maging sanhi. Ang pagkabuwag ng pinakamataas na organo ng nagsanib na lumang partido dala ng mga pagsalakay ng kaaway sa Maynila noong Oktubre 1950 ay hindi malinaw na maipaliliwanag nang hindi iniuugnay sa mg malalang paglabag sa Marxista-Leninistang teorya at istratehika.
  4. Hindi puwedeng maging pangunahing dahilan ng pagkabigo ng mga Lava ang "pisikal na pagkakahiwalay" ng pakikibaka ng pambansang kilusang mapagpalaya ng Pilipinas. Hindi naman iba ang hiyograpikong kalagayan ng Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ngunit matagumpay na nakapaglunsad ng digmaan laban sa mga pasistang Hapones at mga papet na hukbo nila nang kung ilang taon ang mamamayan.

Ang anti-Marxista at anti-Leninistang linya ng mga Lava, Taruc at ni Pomeroy sa idolohiya, pulitika, organisasyon at armadong pakikibaka ang dahilan ng pagkabigo ng rebolusyonaryong kilusang masa sa mga naunang taon ng dekada 50. Dahil dito, mahalaga sa tuwina na analisahin at sumahin natin ang ating rebolusyonaryong karanasan sa tnglaw ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Kung hindi sinunod ng mga Lava, ni Taruc at ni Pomeroy ang teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao at dumanas sila ng matinding pagkatalo, mas dapat tayong magsagawa ng buhay na pag-aaral at praktika sa subok nang teoryang ito sa halip na ipagpatuloy ang pagsalungat dito gaya nang ginawa ng pangkating Lava dala ng kanilang katunggakan.

Hanggang ngayon, si Pomeroy ay propagandista pa rin ng mga taksil na rebisyunistang pangkating Lava sa ibang bansa. Sa paggamit ng pinakamahalay na kasinungalingan, siniraan niya ang Pansamantalang Politburo na naghanda sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas alinsunod sa teoretikal na pundasyon ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung na aniya'y "nananawgan na muling maglunsad" ang pambansang kilusang mapagpalaya ng "puspusang aramadong pakikibaka" tulad sa ginawa ng lideratong Jose-Jesus Lava noong 1950.

Lantarang sinuportahan ni Pomeroy ang mga taksil na rebisyunistang Lava. Gaya ng inamin niya, ang palsipikadong partido komunista ng mga taksil na rebisyunistang ito ay naglabas ng isang pahayag sa Information Bulletin ng rebisyunistang partido ng Czechoslovakia noong 1967 na umaatake sa pahayag ng Pansamantalang Politburo ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Mayo 1967 at walang kawawaang pinabulaanan ang linyang resulta ng kontra-rebolusyon ang pagturing sa partido na isang iligal na organisasyon at armadong pakikibaka ang paraan para maibagsak ang reaksiyunaryong estado.

Dapat pagsabihan si Pomeroy na sa kasalukuyan ang Partido Komunista ng Pilipinas ay walang pagod na nagsasagawa ng buhay na pag-aaral at pagsasapraktika ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung alinsunod sa mga kalagayan ng Pilipinas, muling itinatag ang sarili sa ganitong proseso, naglulunsad ng armadong pakikibaka sa kanayunan at nagtatayo ng mga rebolusyonaryong base sa hanay ng mga masang magbubukid at mabilis na pinauunlad ang nagkakaisang prente batay sa alyansang manggagawa at magbubukid, isang batayang alyansang nakakawing sa mga progresibong saray ng lokal na burgesya gaya ng petiburgesyang lungsod at ng pambansang burgesya.

Sa kasalukuyan, pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Bagong Hukbong Bayan at nakikipaglaban sa mga kaaway nang ngipin-sa-ngipin. Sa kabilang dako, nagpakabuhong ang mga taksil na rebisyunistang Lava at naging mga impormer ng kaaway at mga pasistang gangster sa pamumuno ng isinusukang bandidong pangkating Briones-Diwa-Pasion. Sa pagkapahiya at sa pagpapalayas sa kanila sa kanayunan ng Bagong Hukbong Bayang pinamumunuan ng Partido, nakipagsabwatan ang taksil na rebisyunistang pangkating Lava sa Task Force Lawin at sa special terror squads ng papet pasistang pangkating Marcos sa kanilang pangingikil, pangungulimbat at iba pang gawaing kriminal sa Gitnang Luzon.

Bagaman laging ipinagmamalaki ni Pomeroy na ang mga taksil na rebisyunistang Lava ay naglulunsad na ng parliyamentaryong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka mula pa 1956, alinsunod sa pandaigdigang kampanya ng modernong rebisyunismo, sila'y nilayuan at pinagtabuyan ng rebolusyonaryong kilusang masa na dumadaluyong sa Kamaynilaan at sa iba pang lungsod, mga kapitolyo at mga munisipalidad. Sila'y naging bantog na pinakamasahol na naninira sa Partido Komunista ng Pilipinas, sa Bagong Hukbong Bayan, sa mg rebolusyonaryong lider at sa malawak na masa ng sambayanan.

Sa salita at gawa, lagi nilang sinisikap na maging ang pinakatuso sa pagbibigay ng suporta sa imperyalismo, sa sosyal-imperyalismong Sobyet, sa pangkat ng papet pasistang Marcos at sa uring panginoong maylupa.

Nagpakaabala ang mga taksil na rebisyunistang Lava sa paggamit sa Movement for the Advancement of Nationalism, Malayang Samahang Magsasaka, Congress of Trde Unions of the Philippines, Kilusan, Bertrand Russell Peace Foundation (Phil.) Inc. at MalayangPagkakaisa ng Kabataang Pilipino para atakihin ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Bagong Hukbong Bayan at para lituhin ang masa. Hanggang sa papel lamang naman ang pagiging organisasyon ng mga pangkat na ito at iisang tao ang kanilang mga miyembro. Napakinabangan ng mga taksil na rebisyunistang Lava ang mga organisasyong ito sa pamamalimos ng pribilehiyo sa mga reaksiyunaryo at sa pagpapanatili ng kanilang mga burukratikong interes sa loob ng kanilang pangkat at sa loob ng reaksiyunaryong gobyerno.

Gaya ng ang modernong rebisyunismong Sobyet ay isang lumilipas na bahagi ng pag-unlad ng imperyalismo, gayundin ang rebisyunismo ng mga Lavaista isang lumilipas na bahagi ng pag-unlad ng dayuhan at piyudal na dominasyon sa Pilipinas. Malaki ang naitulong ng mga taksil na rebisyunistang Lava sa rebolusyong Pilipino sa pagiging masamang halimbawa ng mga ito para sa kasalukuyang mga rebolusyonaryong proletaryo. Kahit mas lalong naging garapal ang pagsasalita nila ngayon na parang sila"y mga Marcos, Taruc, Lacsina, Manglapus at iba pang reaksiyunaryo, may kung ilang panahon ding nagsilbi ang mga Lavaista sa pagpapatalas ng pag-unawa ng mga rebolusyonaryo sa pinakatusong anyo ng idolohiya at gawain na gustong sumabotahe at dumurog sa rebolusynaryong kilusang masa. Dahil sa pagkakaroon ng pangkating Lava, napalalim ng Partido at ng masa ang kanilang pag-unawa na sa pakikibaka laban sa imperyalismo kailangan ding bakahin ang oportunismo at ang rebisyunismo.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.