Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Isang Gubat na Bangungot

II. Ang Lantay-Militar na Pananaw

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Hindi tinutulan, manapa'y niyakap ni Pomeroy ang lantay militar na pananaw na nangibabaw sa nagsanib na lumang partido sa ilalim ng lideratong Jose-Jesus Lava. Minsa'y pinupuna niya ang mga pagkakamali ng lideratong ito. Pero dahil lamang iyon sa hindi niya maiwasang ungkatin ang mga dahilan ng pagkatalo para maisulong ang tema niyang burges na pesimismo. Kaya, sukdulan niyang nasabi: "Matagal na tayong nabubuhay sa kabaliwan."

Sa kanyang pagsasalaysay binabanggit ni Pomeroy ang Partido Komunista bilang "bagwis pampulitika" lamang ng isang ng isang organisasyong militar. Ang sentral na liderato ng nagsanib na lumang partido ay itinuring na isa lamang lupong tagapagpaganap ng ng bagwis pampulitika ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan. Ang komiteng pangrehiyon ng partido ay itinuring na bagwis pampulitika lamang ng pangrehiyong liderato ng hukbo. Kay Pomeroy, militar ang kumukumpas at hindi ang pulitika. Hindi niya kinikilala ang absolutong liderato ng proletaryadong partido sa isang tunay na hukbong bayan.

Tungkol sa ugnayan ng partido at hukbong bayan, binigyang-diin ni Tagapangulong Mao: "Ang Partido ang nagmamanda sa baril at hindi ang baril ang nagmamanda sa Partido. Higit pa rito'y itinuro niya rin sa atin:

Kung gustong magrebolusyon, dapat magkaroon ng rebolusyonaryong partido. Kung walang rebolusyonaryong partido, kung walang partidong binuo sa teoryang Marxista-Leninista at sa Marxista-Leninistang rebolusynaryong istilo, imposibleng pamunuan ang uring manggagawa at ang malawak na masang mamamayan sa paglupig sa imperyalismo at sa mga alipuris nito.

Sa isang puntong mandi'y kinikilala niya ang kahalagahan ng ng sentralisadong pampulitikang pamamatnubay sa rebolusyonaryong pakikibaka, inilarawan ni Pomeroy ang Partido bilang isang koman- distang organisasyong "hiwalay sa hukbo ngunit ipinagsasanggalang niyon." Sa pagtatangkang palabasing ang Partido Komunista ay kalabisan sa rebolusyonaryong kilusan, pinangalandakan niya na marami sa mga kumander ng HMB ay hindi kasapi ng Partido at sa mga bayang malapit sa kampo sa kagubatan, wala ni isa mang miyembro ng Partido ngunit ang mga bayang iyon ay "solidong makaHUK pati ang mga opisyal ng bayan." Sa panig namin, sinasabi namin na kung walang malinaw at wastong liderato ng Partido hindi maaaring makonsolida ang isang organisasyong militar at ang mga lokalidad. Ang karanasan ni Ginoong Pomeroy ay nagpapatunay sa kawastuhan ng pahayag na ito.

Itinuturo sa atin ni Tagapangulong Mao:

Ang isang ganap na disiplinadong Partido na armado ng teorya ng Marxismo-Leninismo, na pumupuna sa sarili at nakakawing sa masang sambayanan; isang hukbong nasa ilalim ng pamumuno ng Partido; isang nagkakaisang prente ng lahat ng rebolusyonaryong uri at lahat ng rebolusyonaryong grupo sa ilalim ng gayong Partido--ang mga ito ang tatlong batayang sandatang ginamit natin sa paggapi sa kaaway.

Bagaman tinalakay ni Pomeroy pati ang pinakamaliit na pangyayari, iniwasan naman niyang magbigay ng puspusang pagsusuring pang-idolohiya at pampulitika sa mga pagkakamali ng lideratong Jose-Jesus Lava. Sa halip ay mas nagtuon siya sa "rebolusyonaryong solusyon sa problemang sexual," sa "diyalektiko ng pag-ibig," "stratehiya at paraan sa panliligaw," at sa pakikipagtalik niya kay Celia. Sa pagkakaaresto ng "Politburo-In" o Kalihiman sa Maynila noong Oktubre 1950, hanggang sa mababaw lamang na pagsasapantaha ang kanyang nagawa na iyon ay bunga ng impiltrasyon ng kaaway, kawalang-ingat o kaluwagan sa seguridad. Hindi siya puspusang nagimbestiga sa suhetibismo at "kaliwang" oportu- nismo ng lideratong Jose Lava, kaya pinaalpas niya ang lahat ng tamang dahilan para sulatin ang aklat na ito.

Mabuti na ang aminin niyang ang sanhi ng pagkatalo sa ilalim ng lideratong Jose-Jesus Lava ay "ang napakababang kakayahang teknikal ng hukbong bayan." Nagpatuloy siya sa pagsasalaysay nang may kahalong pang-uuyam:

Ang kakayahan ng hukbong bayan ay maihahambing sa medyo primitibong paraan ng pagsasaka ng isang karaniwang magbubukid. Natural, maiaangat ang kalagayang ito kung mayroong magtuturo. Ang problema, wala ni isa mang pinunong militar sa bung pambansang kilusang mapagpalaya ng Pilipinas ang may kalibre ng isang propesyunal.

Dito pinangibabaw ni Pomeroy ang armas sa pulitika at ang mga panlabas na kadahilanan sa mga panloob na kadahilanan.

Sa pagpapakita ng sindak sa militar at paghamak sa Pulang mandirigma, daing niya: "Naririto ang ilan sa pinakamatalinong nagtapos sa mga akademya militar ng Estados Unidos para sagupain ang aming hukbo ng mga hindi nag-aral na magbubukid"; at, "... lamang ang mga kaaway sa baril at mga makabagong armas." Malinaw ang burges na militaristang pag-iisip ni Pomeroy: walang magagawa ang hukbong bayan laban sa kaaway na lamang sa gamit militar yayamang mas importante ang militar kaysa pulitika at walang binatbat ang mga magbubukid sa mga opisyal na nagtapos sa Estados Unidos.

Nang sumulat siya tungkol sa komperensiya ng Komite Sentral ng nagsanib na lumang partido noong Pebrero-Marso 1950, walang anumang binanggit si Pomeroy-tungkol man sa kanya o sa komperensiya--na makapagbibigay-linaw sa mapaminsalang linya at patakarang ginamit ng lideratong jose Lava o tungkol kaya sa bagong linya at mga bagong patakaran na magsusulong sa rebolusyonaryong kilusan. Itinaguyod ng mga desisyon ng komperensiya ang mga maling sapantaha ng lideratong Jose Lava laban sa matagalang digmang bayan at, dahil dito, isinaad ng mga iyon sa kalakhan ang pagpapatuloy ng maling linya at maling mga patakaran. Walang kongkretong pagsusuri sa kalagayan, lalo na sa balanse ng mga nagtutunggaling puwersa. Walang paggagap sa pang-idolohiya, pampulitika at pang-organisasyong lakas ng mga rebolusyonaryong puwersa, at wala ring paggagap sa pangangailangang paunlarin ang armadong puwersa ng mamamayan sa loob ng matagal na panahon. Dahil sa ganito, imposibleng maitakda ang wastong mga tungkulin sa pagtatatag ng Partido, ng hukbong bayan, ng nagkakaisang prente, ng organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Bagaman nanawagan ang komperensiya para sa "regularisasyon" ng mga yunit gerilya ikinabit naman iyon sa ilusyon ng kagyat na tagumpay militar dahil sa kalawan ng batayang pagpuna sa "kaliwang" oportunismo ng lideratong Jose Lava. Batay sa lisyang pananaw na ang kaaway ay kusang babagsak, lubos na sumandig si Pomeroy at ang mga Lava sa kahihinatnan ng kanilang patakarang "boykot" sa reaksiyunaryong eleksiyon noong 1951. Sinapantaha nila na kung ang moro-morong eleksiyong ito ay magiging mas madumi at madugo kaysa noong 1949, kusang tatalikdan ng mamamayan ang kaaway at lalahok sa hukbong bayan upang kagyat na ibagsak ang estado. Sa esensiya, itinuloy ng lideratong Jesus Lava ang pagkakamali ng lideratong Jose Lava nang basta na lamang ito magtakda ng dalawang taong palugit para sa isang mabilis na tagumpay militar.

Hindi namamalayan ni Pomeroy at mga katoto niyang Lavaista na sa buong panahong ito sila mismo ay naputulan na ng ugnay sa kagubatan dahil sa mapaminsalang "kaliwang" oportunistang linya at mga patakaran ng lideratong Jose-Jesus Lava. Maging ang kanilang mga pulyeto para sa boykot ng reaksiyunaryong eleksiyon ay hindi nagawang ipamahagi sa mga lugar ng bansa na dati ay naaabot ng hukbong bayan. Biglang nabutas ang mga "solidong makaHuk na lugar" dahil una sa lahat hindi maayos na inatupag ang konsolidasyon.

Pomeroy and his Lavaite cohorts are unaware all along that they themselves have been isolated in the forest as a result of the disastrous "Left" opportunist line and policies of the Jose-Jesus Lava leadership. Even their leaflets calling for boycott of the reactionary elections cannot be distributed in those parts of the country previously reached by the people's army. The "solidly pro-Huk areas" have suddenly turned hollow because in the first place the factors of consolidation have not been properly attended to.

Mismong ang The Forest ay testimonya ng katotohanang upang mailunsad ang pagsalakay sa Sta. Cruz noong Agosto 26, 1950 kinailangang sukdulang banatin ang hukbong bayan. Walang natirang ni isa mang tanod sa kampo dahil kinailangan sa pagsalakay ang partisipasyon ng bawat mandirigma sa kampo. Sa takbo ng pagsalakay, nakagawa ng mga putsistang hakbang gaya ng di-kailangang panununog at pagpatay ng isang opisyal ng kaaway na nag-alok isuko ang kanyang mga tauhan dahil sa kagahulan ng oras sa pag-atras. Kinapos ng oras ang mga sumalakay dahil kailangan nilang umatras sa magkakalayong lugar na hindi tiyak ang seguridad sa mga lugar na daraanan.

Nang ang kaaway naman ang maglunsad ng opensiba laban sa kampo sa kagubatan, lumabas na hindi mahusay na nagampanan ang gawaing pampulitika sa mga kanugnog na lugar at maging sa loob mismo ng kampo. Lumabas na nakasandig lamang pala ang kampo sa pisikal na pagkakakubli nito at hindi bilang isang konsolidadong base. Nadurog ang mga Komiteng Pang-organisa ng Partido sa loob lamang ng isang araw; naharang ng kaaway ang mga pagkain o kaya'y nilagyan ng lason bago pinalarga. Sa loob mismo ng kampo, naging patakaran ang malupit na pagpaparusa upang mapanatili ang "disiplina." Maging ang personal niyang guwardiya ay pinaratangan at pinagdudahan ni Pomeroy.

Noong Enero 1951 nagtagumpay ang kaaway na mapasok ang kampo, una ang kumpol ng mga kubo ng Departamento ng Edukasyon at ang kubo ni Jesus Lava kung saan nasamsam ang nakaimbak na pagkain para sa buong kampo. Magmula noon naging napakabigat na problema ang suplay ng mga pangngailangan at ang komunikasyon. Ngunit sa kabila nito, matapos ang kumperensiya ng Pebrero-Marso, ang Kalihiman na may 200 tauhang babae at lalaki, at mangilan-ilang armadong armadong bantay, ay itinayo sa kagubatan. Agad iyong naging depenido at hiwalay na target ng puspusang operasyon ng kaaway.

Inamin ni Pomeroy na mga de-lata at bigas ang pagkain sa kampo na binili sa palengke. Totoo ito lalo na matapos wasakin ng kaaway ang mga kaingin. Ang kampo ay halos buung-buong sinusuportahan ng pondong galing sa pagsalakay sa kabayanan at sa mga mala-tulisang yunit para sa "pakikibakang pang-ekonomya" na kinabibilagan ng pangungulimbat sa mga karaniwang pasahero ng bus at tren. Kaduda-duda kung bakit walang sistema ng pangongolekta ng mga kontribusyong bigas at mais o tuwirang pagbili ng bigas sa mga magbubukid sa halip na sa palengke pa sa kabayanan. Hindi makakolekta ng butaw na bigas dahil hindi naman kasi naglunsad ng rebolusyong agraryo o reporma sa lupa ang nagsanib na lumang partido at hindi rin namuno sa mga kampanyang pamproduksyon para masuportahan ang hukbong bayan.

Sa kanyang aritkulong sinulat sa Kampo Crame, ang "paglilinaw sa 'Philippine Crisis'," tinipon na ni Jesus Lava ang lahat ng kasinungalingan na sa ilalim ng kanyang liderato hindi kailanman naputol ng kaaway ang suplay ng mga pangangailangan ng HMB. Maisasampal sa kanyang mukha ang The Forest ni Pomeroy. Kaya nga binuwag ang may maraming tauhang Kalihiman ay dahil baka mamatay sa gutom ang mga tauhan niyon kung hindi man malipol sa opensiba ng kaaway. Sa kalakhan, tungkol ang libro sa pagkataranta at bulag na pag-atras sa pamamagitan ng kagubatan at sa lantay na pakikibaka kung paano mabubuhay nang walang masasandigang malawak at matatag na baseng pampulitika.

Walang pinagiba ang istilo ni Pomeroy sa sinungaling na si Lava nang magbitiw naman ito ng mga pasalansang na pangungusap. Ipinahiwatig niya sa unang bahagi ng aklat na sa pag-upo ng lideratong Jose-Jesus Lava noong 1948 "napakaorganisado ng nagsanib na lumang partido at nagkaroon ng "malinaw na estratehiko at mga taktikal na layunin." Pero kabaligtaran ang ipinakikita ng buong aklat.

Gayunman, hindi sinisi ni Pomeroy ang lideratong Jose-Jesus Lava sa alinmang malaking pagkakamali at sa pagkatalo. Sinisi niya ang masa dahil sa "kanikaniya nilang kahinaan." Katsang niya:

Kapag pabor sa amin ang takbo ng labanan, nadadaig ng kasiglahan ang ang kahinaan ng bawat isa; kapag ang kaaway ay malakas at dehado kami sa laban, naglilitawan ang mga kahinaang ito at nagmimistulang mga nabulabog na kolokoy ang mga ito na naguunahang magsipagtago.

Anong labong palusot sa malalaking pagkakamali ng lideratong Jose-Jesus Lava.

Palibhasa'y tunay na buhong, ang masa ang sinisi ni Pomeroy. At pinaghalo niya ang pagbubuhat ng sariling bangko at ang pagkondena sa masa. Pagyayabang niya:

Inakala naming makasasabay ang masa sa bilis namin, sa matuling lagitik ng mimeographing machine. Inakala naming ang moral at disiplina sa kampong ito ay siya ring moral at disiplina sa lahat ng dako. Inakala naming sa pagpapabilis ng kumpas ng mga lider, mapabibilis din namin ang rebolusyon.

Inaakala pala ni Pomeroy at mga katoto na mahusay nilang nagampanan ang kanilang papel. Dangan nga lamang at hindi tumugon ang masa. Kaya, gumawa siya ng isang pangit na paghahambing:

Ang katulad namin ay iyong mga nakadukwang sa isang malalim na balon at naghuhulog ng mumunting bato sa loob nito, naghihintay marinig ang paos na alingawngaw ng pagtama ng mga iyon sa tubig na nasa kailaliman. Ngunit kakaibang tunog ang dumating sa aming pandinig, na parang panaghoy ng isang nalulunod sa kailaliman ng balon.

Para kay Pomeroy, hindi ang lideratong Jose-Jesus Lava kundi ang masa ang oportunista. Tahasan niya itong sinabi:

Ang ilan sa mga Huk ay masama ang loob sa masa. Anila, may pagkaoportunista ang masa. Kapag kasama nila kami, kampi sila sa amin; kapag kasama nila ang kaaway, kampi sila sa kaaway... Samantalang sila ang napupuruhan at higit na nahihirapan. Kami ay nasa kagubatan, puwedeng magtago at lumaban, ngunit sila'y lantad sa paniniil. Wala silang kalaban-laban sa pagmamalabis, at sino bang tatagal abusuhin at nakawan buwan-buwan.

Dahil nga ahente ng kontra-rebolusyon, hindi matanggap ni Pomeroy na ang masa mismo ang motibong puwersa ng rebolusyon at ang tunay na lumilikha ng kasaysayan. Tungkol sa masa, lalo na sa masang magbubukid, itinuturo sa atin ni Tagapangulong Mao: "Lahat ng rebolusyonaryong partido at lahat ng rebolusyonarong kasama ay kanilang kikilatisin, sila ang magpapasiya kung kanilang tatanggapin o itatakwil." Isang kaululan ang ipalagay na kaya ng isang partido o ng isang hukbo na pangalagaan ang sarili at lumaban nang hindi kaisa ang masa. Laging nakaatang sa liderato ng partido ang pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa para sa rebolusyon. Kabaliwan ang ituring ninuman ang sarili na isang mesiyas ng masa at pagkatapos at masuklam dahil ayaw ng masa na maligtas samantalang hindi naman wasto ang linya at ang mga patakaran para mapakilos at mapaglingkuran sila.

Hanggang sa huli, inalipusta ni Pomeroy ang sambayanang Pilipino. Palakat niya:

Para silang mga patay na hindi makatingin sa akin. Tuloy ang hindi nagbabagong takbo ng buhay ng mga taong ito. Marami na silang nakitang sundalo at bihag. Napakarami nang daluyong ng pananakop at paniniil ang nagdaan sa lupaing ito kaya't manhid na sila. Iniisip ko kung paano natututo ang mga tao na mabuhay na saklot ng lagim.

Ginoong Pomeroy, sinasabi namin na ang malawak na masang sambayanan--lalo na ang aping manggagawa at magbubukid--ay patuloy na magbabangon hanggang makamtan ang tagumpay. Daraan sila sa maraming tagumpay sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at sa lilim ng dakilang pulang bandila ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tse Tung.

...Ang kilusang pagwawasto ay isang "malawakang kilusan ng Marxistang pag-aaral". Ang pagwawasto ay nangangahulugang ang buong Partido ay nag-aaral ng Marxismo sa pamamagitan ng pamumuna at pagpuna sa sarili. Tiyak na mas matuto pa tayo sa Marxismo sa proseso ng kilusang pagwawasto.

Sa kanyang pamamaalam, ang pangunahing tuon ni Pomeroy ay ang "dulo ng kanyang pisi"; ang muli nilang pagkikita ng kanyang asawang si Celia. Magugunita na ang dalawang ito ay parehong pinalaya noong 1961, na maaga ng napakaraming taon sa paglaya ng iba pang tulad nilang nasintensiyahan mabilanggo dahil sa rebelyong pampulitika. Naghuhumiyaw na sinabi ni Pomeroy na ang nakapilit sa Malakanyang na palayain sila ay ang pandaigdigang kampanya para sa amnestiya na idinaan sa mga liham. Pero ang totoo, nakiaalam ang embahada ng Estados Unidos na sila'y palaba- sin. Malinaw kung gayon na nakatapos na naman si Pomeroy ng isang misyon para sa imperyalismong Amerikano. Kunyari pa si Pomeroy sa pahabol na sipi ng kanyang aklat na inuusig pa rin siya ng mga awtoridad na Amerikano na "tumututol" sa muli nilang pagkikitang mag-asawa. Ang kanyang kaso ay sing gaan ng pagsusumikap niyang malibre sa McCarran Act ng Estados Unidos para muli silang magkasama ni Celia sa bansang ito. Iyon nga lamang at iskandalosong ibubunyag nang gayong paglilibre ang isang espesyal na ahente ng imperyalismong Amerikano at ilalgay nito sa balag ng alanganin ang susunod na imbing misyong iaatang sa kanya. Wala namang naloko dahil nagsasama na ngayon sa London sina Pomeroy at Celia, na tinatamasa ang pagpapala ng imperyalismong Amerikano at saka ng sosyal-imperyalismong Sobyet.

Sa kasalukuyan, patuloy ang kontra-rebolusyonaryong gawain ni Pomeroy. Kung tutuusin ang The Forest ay isang pagtatangkang magamit ang "kaliwang" oportunismo ng lideratong Jose-Jesus Lava bilang pallusot para mapalaganap ang kanang oportunismo at ang makabagong rebisyunismo upang wasakin ang muling lumalakas na rebolusyonarong kilusang masa sa Pilipinas. Ngunit, malas lang ng buhong na rebisyunista, wasto ang muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tse Tung at laging matibay na naninindigan laban sa anumang lantaran at kubling pagtatangka na lambungan ang dulo ng tinatahak na landas. Binigyang-diin ni Tagapangulong Mao:

Sumusulong ang daigdig, maningning ang hinaharap at walang sinuman ang makapaglilihis sa pangkalahatang tunguhin ng kasaysayan. Dapat tayong tuluy-tuloy na maglunsad ng propaganda sa masa tungkol sa mga kagana- pan sa pagsulong ng daigdig at sa naghihintay na maningning na hinaharap nang sa gayon ay mabuo ang kanilang tiwala sa tagumpay.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.