Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Mga Kontra-Gerilyang Pananaw

III. Tungkol sa mga Dakilang Komunistang Lider

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Para mapatamis ang kanyang mga kontra-rebolusyonaryong pahayag, tinanggap ni Pomeroy ang katotohanang sinabi ni Marx noon pang 1849 na:

Sa pakikibaka ng isang bansa para sa kanyang kalayaan, hindi ito dapat mahigpit na sumunod sa mga kalakarang prinsipyo ng digmaan. Kailangan ang malawakang pag-aalsang masa, mga rebolusyonaryong paraan, mga pangkat gerilya sa lahat ng dako; ang mga ito ang tanging mga kasangkapang magagamit ng isang maliit na bansa sa pagtatanggol laban sa kaaway na nakalalamang sa bilang at kagamitan. Sa paggamit sa mga ito, magagapi ng isang mahinang puwersa ang mas malakas at mas organisado nitong kaaway.

Makalipas ang isang buong daantaon noong 1949, lubos na pinatunayan ang katumpakan ng teorya at praktika ng digmaang bayan nang tagumpay ng rebolusyong Tsino sa ilalim ng proletaryadong rebolusyonaryong pamumuno ni Tagapangulong Mao Tsetung. Ang nakapagtataka sa isang aklat na naglalayong talakayin ang digmaang gerilya at kontra-gerilya ay ang ganap na pagpupuwera at pagbabasura nito sa teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao at sa kanyang wala pang kapantay na mayamang karanasan sa pamumuno at pagwawagi ng isang digmaang bayan. Nabanggit niya lamang si Tagapangulong Mao sa isang bahagi ng aklat at sa kabanatang "digmaang gerilya" sa kasaysayan ng Estados Unidos at si George Washington ang pinalalabas niyang pasimuno ng digmaang gerilya.

Walang anumang layunin si Pomeroy na talakayin ang digmaang gerilya bilang isang rebolusyonaryong sandata. Sapagkat ang ganito ay mangangailangan ng isang masinsinang pagtalakay sa teorya at praktika ng digmang bayan ni Tagapangulong Mao. Maging sa pagtalakay niya sa kasaysayan ng Estados Unidos, mas interesado siyang ilarawan ang mga dikanais-nais na mga pangyayari sa nakalipas na digmaang gerilya kaysa ipakita ang pakikidigmang gerilya bilang isang positibong paraan ng pakikibaka ng sambayanan sa kasalukuyang panahon. Siniraan niya ang mamamayang naglulunsad ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan sa pagsasabing ang "kanilang paraan ng pakikibaka" ay katulad ng ginamit ng American Committees of Safety noong nagdaang 199 taon na gumamit ng mga teroristang paraan tulad ng panununog ng bahay, panghihiya, paggutay ng katawan at iba pang tulad nito.

Ang haba ng pagtalakay ni Pomeroy sa kanyang libro tungkol sa kontra-insureksiyong programa ng Estados Unidos. At inamin niya na mula pa 1961, ibayo nang sinanay at ginamit ang hukbong Amerikano para sa kontra-gerilyang pakikidigma laban sa mga binubusabos na mamamayan ng daigdig. Kinondena niya ang "espesyal na puwersang" Amerikano dahil sa pagsunod nito sa tinatawag niyang "French theory of suppression," at sa "British Experience." Pero, hindi niya naipakita sa kabuuan ng aklat kung paano magagapi ng digmaang gerilya ang digmaang kontra-gerilya. Alinsunod sa pangaral para sa "mapayapang pakikipamuhay" at sa pakikipagtulungan sa imperyalismog Amerikano, ginawa niya ang "pagbubunyag" sa kontra-insureksiyong programa ng Amerikano para takutin ang mga kolonya at malakolonyang mamamayan sa halip na ihanda sila para sa magiting na rebolusynaryong armadong pakikibaka.

Lalong naging malinaw ang pagiitsa-puwera ni Pomeroy kay Tagapangulong Mao sa kanyang kabanata tungkol sa mga komunista at sa digmaang gerilya. Nagpapakita lamang naman kasi ito ng kanyang kontra-rebolusyonaryong layunin. Kaya maiintindihan ang pagiits-puwera niya kay Tagapangulong mao. Pati nga sina Marx, Engels at Lenin ay binanggit niya para lamang pagsisiraan. Sa kabuktutan niyang ito marapat lamang natin siyang isumpa.

Naglalaway ang rebisyunistang si Pomeroy na mapalaganap ang kaisipang ang karahasan, lalo na ang digmaang gerilya, ay isang hakbang na dapat iwasan. Aniya sa istilo ng isang palsipikadong tagapagtanggol ng mga komunista:

Sinasabi ng mga tagapagtaguyod ng mapanupil na "special forces" na ang digmaang gerilya ay "inagaw" ng mga komunista para sa "pansarili nilang layunin"; o sa madaling sabi, ginagamit ng mga komunista ang sinaunang anyo ng pakikibaka para manindak... Dalawang larawan ang gustong mabuo ng mga imperyalista sa mga paratang na ito: ang mapagtambal ang mga komunista at ang karahasan sa pagsasakatuparan ng kanilang layunin, at ang maipakitang lahat ng armadong pakikibaka ay "sulsol" ng mga komunista. Ginoong rebisyunista, hindi namin kailangan ang iyong palsipikadong depensa at mga pagtatakip. Lagi naming ipinagmamalaki at nahahandang gumamit ng rebolusyonaryong dahas laban sa kontra-rebolusyonaryong karahasan. Ang ikahihiya namin at pakatutuligsain ay ang ilusyong sa isang mapang-aping lipunan ang aming rebolusyonaryong mithiin ay pangunahing makakamit sa pamamagitan ng mapayapang paraan. Sa ika-100 taong ito ngayon ng Paris Commune, ginugunita natin ang kaisa-isang "amiyenda" na ginawa nina Marx at Engels sa Communist Manifesto na ipinasok sa pambungad ng edisyong Aleman noong 1872 ng dakilang akdang ito:

Isang bagay ang malinaw na napatunayan ng Commune, hindi basta makukuha ng uring manggagawa ang nakatayong makinarya ng estado at gamitin ito para sa kanilang mga layunin...

Kailangang basagin, durugin ang nakatayong makinarya ng estado. Upang walang sinumang malinlang ang mga rebisyunista, kailangan ng lahat ng komunista na basahin at balik-balikan ang akdang State and Revolution ni Lenin. Hindi kailanman kusang isususko ng mga reaksiyunaryong uri ang kanilang kapangyarihan. Kaya, marapat panghawakan ang Marxista-Leninistang linya hinggil sa usapin ng paggamit ng dahas.

Sa tuwina, ang pagkilala sa pangangailangan ng rebolusynaryong dahas laban sa kontra-rebolusyonaryong karahasan ang linyang naghihiwalay sa mga Marxistang rebolusyonaryo at mga oportunista. Ito ang linyang naghiwalay sa Leninismo at sa Ikalawang Internasyunal; nililinaw nito ang pagkakaiba ng rebolusyonaryong tagumpay ng mga Bolshevik sa Rebolusyong Oktubre at ng mala-aliping paglilingkod ng mga rebisyunista at oportunista sa imperyalismo. Ang tagumpay ng rebolusyong Tsino ay muling nagpatunay sa katotohanang "nagmumula ang kapangyarihang pampulitika sa dulo ng baril."

Sa hindi pagtantan ng kanyang mga kontra-rebolusynaryong pananaw, isang garapal na kasinungalingan ang hinabi ni Pomeroy na paninira kina Marx at Engels. Aniya:

Ang mga pagkatalong dinanas ng mga insureksiyunaryong pakikibakang masa sa kalagitnaan ng ikalabing siyam na siglo noong kinukonsolida ng kapitalismo ang hanay nito ay humantong sa malaking pagbabago ng mga taktika ng Ikalawang Internasyunal tungo sa parliyamentaryong pakikibaka ng mga partido ng uring manggagawa. Iyon ay inindorso nina Marx at Engels.

Makikita natin dito na ang makabagong rebisyunismong itinataguyod ni Pomeroy ay nag-ugat sa klasikong rebisyunismo ng mga pangkating Kautsky at Bernstein na walang lubay at puspusang tinuligsa ng dakilang si Lenin sa pagtatanggol sa Marxismo. Ang tibay ng sikmura ni Pomeroy na dungisan ng pangalan nina Marx at Engels sa pamamagitan ng lantay na pagsisinungaling na ang dalawang dakilang pasimunong ito ng komunismo ay sumang-ayon sa rebisyunistang linya ng Ikalawang Internasyunal. Si Marx ay yumao noong 1883, mga anim na taon pa bago naitatag ang Ikalawang Internasyunal. Paano siya makasasang-ayon? Bagaman buhay pa si Engels, hindi nagbabago ang kanyang tindig hinggil sa usapin ng rebolusyonaryong dahas. Ukilkilin natin kung paano siya matatag na nanindigan laban sa mga rebisyunista. Noong 1895, sumulat siya ng isang pambungad para sa akdang Class Struggle in France ni Marx kung saan muli niyang pinagtibay ang Marxistang doktrina ng rebolusyonaryong dahas. Bago iyon malathala, ipinakiusap sa kanya ng liderato na bawasan nang kaunti ang "matinding rebolusyonaryong" diwa ng akda at gawin iyong "mas suwabe." Matindi niyang tinuligsa ang malamyang posisyon ng liderato ng partido at ang lubus-lubusang pagpapaloob ng mga aktibidad nito sa legal na balangkas. Gayunman, nagpahinuhod siyang alisin o kaya'y baguhin ang pagkakasulat ng ilang pangungusap. Ngunit pinanatili ng pinaigsing pambungad ang rebolusyonaryong paninindigan nito. Masaklap nito, tinangka ng mga buhong na rebisyunista ng Ikalawang Internasyunal na baligtarin si Engels batay rito at palabasing isa siyang tagapagtanggol ng "mapayapang pag-agaw sa kapangyarihan" at isang disipulo ng "legalidad anuman ang maging kapalit." Sa sobrang ngitngit inilathala ni Engels ang orihinal na pambungad sa Neue Zeit.

Inamin ni Pomeroy ang katotohanang sinabi ni Lenin noong 1918 na:

...yugto ng kasaysayan, isang bagong panahon ng samutsaring uri ng digmaan--mga digmaang imperyalista, mga digmaang sibil sa loob ng isang bansa, ang pagkukrus ng una at ng huli, mga pambansang digmaan, ang paglaya ng mga bansang dinurog ng mga imperyalista at ng samutsaring kombinasyon ng mga imperyalistang puwersa na di-maiiwasang bumuo ng mga alyansa... sa panahon ng malakas na estado-kapitalista at mga dambuhalang empresa at sindikatong militar. Ito ang panahon ng matitinding pagbagsak, ng buu-buong desisyong militar na marahas ang katangian, ng mga krisis. Nagsisimula na ito, malinaw nating nakikita--simula pa lamang ito.

Pagkatapos, sa posturang "nililinaw" si Lenin at pagpapakitang "mapayapa" naman sa kalakhan ang mga puwersa ng sosyalismo, tinanggihan niya ang katotohanan ng sinabi ni Lenin na eksaktaong eksaktong naglalarawan ng daigdig ngayon at sa ilan pang panahong darating. Ngakngak ni Pomeroy:

Ang mga sinabing ito ni Lenin ay madalas sipiin nang labas sa kontexto para mapalabas na ang mga komunista ay mahilig sa karahasan. Subalit ang karahasang sinasapantaha niya ay malinaw na buhat sa mga puwersa ng imperyalismo at hindi sa mga puwersa ng sosyalismo. Sa katunayan ito'y isang pagtasa ng isang panahon ng kasaysayan kung saan ang kaisa-isang sosyalistang bansa ay napapaligiran ng mga mabalasik na puwersang imperyalistang gusto itong durugin, ngunit naglalaban-laban din dala ng walang lubay na pagkokompetensiya. Iyon ang panahon sa gitna ng dalawang digmaang pandaigdig na sumulpot resulta ng mga kompetensiyang ito, isang panahong kinatatampukan ng malupit na makauring karahasan ng pasismo, na lahat ay nagbibigay-diin sa katumpakan ng tantiya ni Lenin.

Malinaw na malinaw na ang sinabi ni Lenin. Wala nang dapat pang "linawin" dito si Pomeroy. Pero ang habol ni Pomeroy ay hindi magbigay-linaw kundi ipakitang wala nang katotohanan ang sinabi ni Lenin, na hindi na ito angkop sa iniisip ni Pomeroy na "bagong" panahon ng kasaysayan. Ngakngak pa ng buhong na rebisyunista:

Gayunman, ito (ang pahayag ni Lenin) ay isang pagtataya ng isang panahon ng kasaysayan na uminog na ngayon sa isang bagong panahon, na ang pangunahing larawan ay ang pagtanggap ng maraming bansa sa sistemang sosyalista at ang paglakas nito kasabay ng ibang makapangyarihang puwersa na patungo sa pagpigil at pagsugpo sa kapitalismo sa paggamit niyon ng karahasan bilang paraan ng paglutas sa mga problema.

Anong gandang larawan ng imperyalismo ang gustong maiguhit ni Pomeroy! Pinalalabas niyang "napipigilan" na ngayon ang imperyalismo na gumagamit ng dahas at pinakikiusap niyang maging mabait tayo sa halimaw na ito. Narito ang isang gunggong na itatanggi ang katotohanang noong 1964, noong lumabas ang kanyang aklat, lantarang nakasabak ang imperyalismong Amerikano sa militar na panghihimasok sa Vietnam sa ngalan ng gawagawa niyong "espesyal na digmaan" at kasado na ang ipadadalang sangrekwang panalakay na sundalong Amerikano. Ang ehemplong ibinibigay natin dito ay iyon lamang pinakamatingkad sa napakaramig marahas na pakikipagsapalaran ng imperyalismong Amerikano.

Sa pagbabalatkayong isang rebolusyonaryo, mismong si Lenin ang ginamit ni Pomeroy para tuligsain si Lenin at nangahas pang sabihing: "Maaaring si Lenin pa nga, na laging nagbibigay-diin 'sa kongkretong pagsusuri ng kongkretong mga kalagayan,' ang unang nakakita sa bagong kalagayan." Ang "bagong kalagayan" ni Pomeroy ay sinasapantahang magpapahintulot ng "mapayapang transisyon."

Dahil laging nilalamon ang sariling salita, binanggit ni Pomeroy minsan ang tinatawag niyang "paglaganap" ng mga kilusang gerilya ng mamamayan mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pero, biglang bawing sinabi na ang bagay na ito ay hindi tinitingnan ng mga kilusang ito, pinamumunuan man o hindi ng mga komunista, na mahigit pa sa pagiging yugto lamang ng mga taktika ng pakikibaka laban sa imperyalistang dominasyon." Sobra namang pagmamaliit ang mga katagang "yugto ng mga taktika!" Kaugnay nito, ipinagpilitan rin niya na ang mga mapayapang anyo ng pakikibaka ay kapantay, kundi man nakalalamang, ng armadong pakikibaka sa ganitong mga pananalita: Gaya nang naipakita na, ang pampulitikang kilusang masa na gumagamit ng mapayapa, o kung hindi man ay nang mapayapang anyo ng pakikibaka sa kalakhan, kasaliw ng pagkilos ng mga pandaigdigang puwersa na madalas pumigil sa imperyalismo na magsagawa ng mga lantarang panghihimasok o pananalakay, ay madalas magamit ng mga dating kolonyang bansa sa pagtatamo ng kalayaan.

Paulit-ulit na iginigiit ni Pomeroy na ang mga Komunista ay isa sa mga unang kumikilala na ang "kalayaan" at ang "mga programang pangmasa" ay puwedeng makamit sa mapayapang paraan. Sinikap niyang idipensa ang pagtinging ito sa pagsasabing:

Sa Korea, sa Laos, at tulad ng binalak sa Vietnam, agad silang bumaling mula sa armadong pakikibaka tungo sa pagtigil ng labanan at negosasyon para matamo ang pambansang adhikain ng mamamayan. Sa katatapos na pakikibaka sa Pilipinas, mula umpisa hanggang magtapos, hindi kailanman itinago ng mga lider ng Huk ang kahandaan nilang makipag-areglo at ang maabot ang isang demokratikong kapayapaan. Hindi kailanman natali ng mga komunista sa armadong paraan, at kahit nang ginamit ang paraang ito dahil wala nang iba pa, lagi silang handang tigilan ito kailanman uubrang matamo ang mga mithiin nang hindi kinakailangang magsakripisyo.

Isang naiibang katangian ni Pomeroy ang humabi ng kasinungalingan sa pamamagitan ng paghahaluhalo sa mga usapin. Subalit isa-isahin natin ang mga inilatag niyang usapin. Ang pagkakaroon ng kasunduan sa Korea ay sumagisag sa pagtatagumpay ng Demokratikong Republika ng Korea na maipagtanggol ang sarili at sa pagkatalo ng imperyalismong Amerikano sa digmaang pananalakay. Ang naging tindig ng rebolusyonaryong liderato at masang Koreano sa kasunduang pagtigil ng labanan ay ang manatiling handa hindi lamang para ipagtanggol ang hilaga kundi pati rin ang mapalaya ang timog sa pamamagitan ng anumang posibleng paraan para muling mapag-isa ang bansang Korea. Tungkol naman sa Laos, malinaw na ipinakikita ng mga pangyayari na patuloy na nakapagtatanggol ang mamamayang Lao sa pamamagitan ng armadong pakikibaka at nakiki- pag-ugnayan sila ngayon sa dalawang iba pang mamamayang Indotsino sa isang rebolusyonaryong pakikidigma laban sa pananalakay ng imperyalismong Amerikano. Tungkol sa Vietnam, sinasabi namin kay Pomeroy ang hindi na mapagaalinlanganan; na ang mga kasunduan sa Paris ay hindi tunay na magdudulot ng kapayapaan sa Vietnam hanggang walang batayang malalaking tagumpay militar hindi lamang ng mamamayang Vietnamese kundi ng buong mamamayang Indotsino laban sa lumawak na pananalakay ng imperyalismong Amerikano. Dapat itanim ni Pomeroy sa kanyang kukote na ang mga kasunduan sa Paris ay hindi nakapigil sa imperyalismong Amerikano na palawakin ang digmaang pananalakay nito sa ilalim ng "Nixon Doctrine"; isang malaking disgrasya para sa mga mamamayang Indotsino ang talikuran ang armadong pakikibaka na hindi pa ganap na natatamo ang tagumpay at kalayaan sa pamamagitan ng digmaan. Anumang mangyaring kasunduan ay magiging salamin lamang ng resulta ng digmaang bayan.

Sumagad na sa buto ang kawalanghiyaan ni Pomeroy nang tangkain niyang gamitin ang oportunismo ng mga Lava at Taruc bilang isang modelo para sa mga komunista. Alam ng mga komunista ang kanilang Marxista-Leninistang teorya ng estado at rebolusyon, hindi tulad ng mga palsipikadong Lava, Taruc at Pomeroy. Hindi maaaring pahintulutan si Pomeroy na sabihing ang mga komunista ay gunggong na tulad niya na itatapon ang kanilang mga sandata kapag nag-alok ang kaaway ng patakbuhing areglo. Naibasura na ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mga oportunistang pagkakamali ng mga Lava at Taruc. Determinado ang Partido na bunutin ang lahat ng makamandag na damong inihasik ng mga oportunistang lider ng nagsanib na lumang partido.

Sa kanyang rebisyunistang linya, naniniwala si Pomeroy na ang "kaalaman ng mga imperyalista sa digmaang gerilya" ay maaaring maging "malalaking hadlang mga pananalakay sa hinaharap." Puwede natin siyang sabihan na laging sisikapin ng kaaway na matutuhan ang digmaang gerilya upang maikasa nito ang sariling digmaang kontra-gerilya. Ang pagkatalo lamang ang ganap na kukumbinse sa kaaway. Narito ang isang sipi mula kay Tagapangulong Mao na maisusupalpal kay Pomeroy at sa mga amo niyang imperyalista:

Manggulo, mabigo, muling manggulo, muling mabigo... hanggang sa tuluyan silang magapi; ito ang lohika ng mga imperyalista at ng lahat ng reaksiyunaryo sa buong mundo laban sa mga simulain ng mamamayan, at hindi sila tataliwas sa lohikang ito. Ito ay isang Marxistang batas. Kapag sinabi nating "mabangis ang imperyalismo," ang ibig nating sabihin ay hindi na magbabago ang katangian nito, na hinding-hindi bibitawan ng mga imperyalista ang kanilang balaraw na pang-utas, na hinding-hindi sila magiging Budha hanggang sa kanilang kamatayan.

Lumaban, mabigo, muling lumaban, muling mabigo... hanggang sa magtagumpay; ito ang lohika ng masa, at sila man ay hinding-hindi tataliwas sa lohikang ito. Ito'y isa pang Marxistang batas. Sinunod ang batas na ito sa rebolusyon ng mamamayang Ruso at gayundin sa rebolusyon ng mamamayang Tsino.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.