Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Isang Akda ng Dalawang Taksil

III. Si Taruc Bilang Pangunahing Kinatawan ng Nagsanib na Lumang Partido

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Si Luis M. Taruc ay isang pangunahing kinatawan ng nagsanib na lumang partido ng partido Komunista ng Pilipinas at ng partido Sosyalista. Halos pumangalawa siya sa mga Lava sa pakyawang pagpapalahok ng mga pusakal na petiburges sa nagsanib na lumang partido; nagtagumpay siyang maiangat ang sarili mula sa pagiging anak ng magbubukid tungo sa pagiging isang nakatuntong ng kolehiyo at naging isang sastre na may sariling patahian. Pagkatapos, ni Pedro Abad Santos, kinatawan din niya ang kalakhan ng mga kasapi ng Partido Sosyalista na iba't iba ang hilatsa ng pulitika. Sa kung ilang panahon, mula 1938 hanggang 1954, nagkumpetensiya sila ng mga Lava kung sino ang tatanghaling pinakasagadsarang mananabotahe ng rebolusyonaryong kilusang masa.

Ang pagbubuo ng nagsanib na lumang partido ay tuwirang pinasimunuan ng ngayo'y bantog na anti-komunistang si Earl Browder na noong ay pangkalahatang kalihin ng Partido Komunista ng Estados Unidos. Si Vicente Lava ang pangunahing lokal na ahente na nagtaguyod ng rebisyunistang islogan ni Browder na "Ang Komunismo ay Amerikanismo sa Ikadalawampung Siglo." Makikita ang impluwensiya ng islogang ito sa lahat ng pahina ng Born of the People. Wala ni isa mang salita ng papuri para kay kasamang Stalin na mababasa sa aklat, pero lugud na lugod sina Taruc at Pomeroy sa liderato ni Roosevelt. Siwalat pa nga nila:

Lagi na ay kapanalig ang turing namin sa mga Amerikano, at taus-puso kaming naniniwala na sa ilalim ng pamumuno ni Roosevelt tutulong ang bansang Amerika sa pagpapasimula ng bagong panahon ng pandaigdigang kapayapaan at demokrasya.

Buong pagmamalaking iniulat nina Taruc at Pomeroy ang katunayang bago pa magsimula ang digmaan laban sa mga Hapones, itinataguyod na ng nagsanib na lumang partido ang linya ng papel na si Quezon at ng Punong Komisyunado ng Estados Unidos na si Sayre sa pamamagitan ng pagsusumite ng isang memorandum na nagsasaad na: "Ang Partido Komunista ay nangangako ng katapatan sa gobyerno ng Pilipinas at ng Estados Unidos."

Buong pagmamagaling na idinugtong pa ng aklat ng pambansang kataksilan: "May sariling diskarte ang HUK sa lahat ng bagay at sa lahat ng anyo ng pakikipag-ugnayang madla na nakabatay sa katapatan nito sa Konstitusyon at sa simulain ng mga puwersang alyado." Walang pinagkaiba kay Quezon ang pagpapatutang ito sa imperyalismong Amerikano. Tinatalikdan nito ang prinsipyo ng pagkakaisa at pagtutunggali sa loob ng anti-pasistang nagkakaisang prente at lubus-lubusang isinusuko ang kalayaan at inisyatiba ng proletaryo at ng partido nito.

Noong panahon ng digmaan laban sa Hapon, niyakap ng nagsanib na lumang partido ang mga islogang "Higit sa lahat anti-Hapones" at "Lahat para sa pakikibaka laban sa mga Hapon" na nangangahulugan ng lubus-lubusang pag-alyado sa imperyalismong Amerikano at sa mga reaksiyonaryong anti-Hapones. Pahayag ni Taruc:

Sa ngalan ng pinakamalawak na uri ng pagkakaisa, niyakap namin ang islogang "Higit sa lahat anti-Hapones." Ganito lamang ang ibig sabihin nito. Tatalikdan natin ang malayang pakikibaka para sa hiwalay na mga karaingan ng uring manggagawa. At upang maipakita ang aming katapatan nilansag namin ang AMT at KPM,* ang mga organisasyon ng mga magbubukid.

Ang pagtataguyod ng pambansang pakikibaka ay hindi nangangahulugan ng pagtalikod sa makauring pakikibaka; ang gayong pagtalikod ay katumbas ng pagkakanulo sa proletaryo at sambayanan. Ang paglansag sa mga organisasyong magbubukid sa ngalan ng "mas malawak na uri ng pagkakaisa" ay ang pinakataksil na paghimod sa imperyalistang Amerikano at sa mga reaksiyunaryong alipuris nito.

Hindi kailanman pinagdudahan ng nagsanib na lumang partido ang "pangakong kalayaan" ng imperyalismong Amerikano, manapa'y bulag na tinanggap at sinuportahan. Bagaman naitayo ang mga yunit ng hukbong bayan at ang Nagkakaisang Hukbong Pandepensa ng Baryo (barrio United Defense corps) na gumaganap na "gobyerno" sa antas ng baryo, inihataw pa rin ng pangkating Lava at Taruc ang pananaw na maging sunud-sunuran sa mananakop na panginoon. Ani Taruc:

Nagtatayo tayo ng demokratikong pamahalaan ng mamamayan hindi para salungatin ang gobyerno ng Pilipinas na napipiit sa Washington. Kinikilala natin si Quezon, Osmena at ang kanilang gabinete bilang ating gobyerno.

Gayunding sobrang pagdakila din ang iginawad nina taruc sa alaala ng opisyal ng hukbong Amerikanong si Thorpe na noong mga unang araw ng digmaan ay nangako lamang naman na magbibigay ng armas sa mga HUKBALAHAP ng Gitnang Luzon. Panaghoy pa ni Taruc: Labis naming ikinalungkot ang pagpanaw ni Thorpe. Isa siya sa mga namumukod na opisyal na Amerikanong hindi nasilaw sa kanyang posisyon. Kung hindi siya nasawi, maaaring hinadlangan niya ang mga rekasiyunaryong patakarang umusbong nang lumaon sa puwersang gerilyang nasa ilalim ng impluwensiya ng Amerikano.

Isa pang opisyal na Amerikano, si Anderson, ang sinuob ng papuri dahil sa "pagpaparaya" sa mga yunit ng HUKBALAHAP sa Timog Luzon. Ipinararangal din sa kanya ang pag-isponsor sa nabigong pagpunta ni Jesus Lava sa Australia sa pamamagitan ng pagsakay sa isang submarino. Himutok nga nina Taruc at pomeroy na kung umabot lamang si Lava sa submarino (na hindi naman talaga naghintay sa kanya) nakapag-ulat sana siya sa kumander ng hukbong Amerikano at kay McArthur mismo, at lumaki sana ang tsansang mapahusay ang patakarang lubus-lubusang pakikipag-alyansa sa imperyalismong Amerikano.

Sa aklat, hindi maarok nina Taruc at Pomeroy ang doble-karang kontra-rebolusyonaryong patakaran ng imperyalismong Amerikano at hindi nila makita na ang "mabubuting opisyal" ng hukbong Amerikano ay pabalat lamang ng mga mas buktot na gawain ng mga "masamang opisyal." Sina Thorpe at Anderson ay talagang kumilos bilang mga ahenteng militar ng imperyalismong Amerikano sa panahon ng digma kahit pa pomustura silang maka-HUKBALAHAP.

Pinalalabo nina Taruc at Pomeroy ang katotohanang likas sa imperyalismong Amerikano at sa mga lokal na reaksiyunaryo ang durugin ang hukbong bayan kailanman makakuha ng tiyempo. Bagaman ibinunyag nila ang anti-komunistang pananalakay ng mga gerilyang USAFFE sa mga yunit ng HUK noong panahon ng digmaan, tumanggi ang dalawang buhong na linawin ang ugnayan ng pagkakaisa at pagtutunggali sa loob ng nagkakaisang prente sa kongkretong kalgayan ng Ikalawang Digmaang Pnadaigdig na nangailangan ng pansamantalang pakikipag-alyansa sa imperyalismong Amerikano at sa mga reaksiyunaryong kumakalaban sa imperyalismong Hapones. Pahayag nina Taruc at Pomeroy sa pagpasada sa isang madugong pangyayari ng kataksilan ng magkasanib na puwersa ng USAFFE at ng maka-Hapong konstabularya ng Pilipinas laban sa isang yunit ng HUKBA- LAHAP: "Inilantad ng sagupaang iyon ang isang pangit na kanser ng partisanong pulitika." Isang katunggakan ang magsalita ng "kanser ng partisanong pulitika" na para bang posible para sa mga reaksiyunaryo o sa mga rebolusyonaryo na "mapangibabawan" ang pagkapartisano at ang pulitika; ang importante sa mga rebolusyonaryo ay ang malaman kung para kanino sila partisano at ano ang kanilang pulitika.

Sadyang tumanggi sina Taruc at Pomeroy na pumulot ng aral mula sa mga karanasan sa pagtataguyod ng patakarang nagkakaisang prente noong panahon ng pakikidigma laban sa Hapon. Ilan sa mga aral na ito ay ang pagkilala sa pangangailangang magtayo ng isang matibay na partidong Marxista-Leninista, isang malakas na hukbong bayan na pinamumunuan ng partido at, isang gobyerno ng mamamayan na nakabase sa kanayunan at may katangiang nagkakaisang prente na sa kabuuan ay kayang sagupain ang pagbabalik ang imperyalismong Amerikano at ng gobyernong komonwelt sa isang bago at mas mataas na yugto ng rebolusyonaryong pakikibaka. Sa pagtataguyod ng patakarang nagkakaisang prente, tinitiyak natin gaya ng itinuturo ni Tagapangulong Mao na "gamitin ang mga kontradiksyon, hamigin ang nakararami, labanan ang iilan at isa-isang durugin ang mga kaaway," sa halip na malito sa doble-karang katangian ng ilang pansamantalang alyansa o isuko sa kanila ang ating kalayaan at inisyatiba.

Ang patakarang "umatras para magtanggol" sa panahon ng digmaan ay nagbigay ng inisyatiba sa mga puwersa ng USAFFE sa buong bansa at nagpahina sa rebolusyonaryong kilusan. Ito ay isang patakaran ng paglusaw ng puwersa at pasibong depensa na walang pinagkaiba sa patakarang "magpalamig muna" ng USAFFE na nakasandal sa pagbabalik ng imperyalismong Amerikano. Tapos magapi ang mga pasistang Hapones at ang mga alipuris ng mga iyon, hindi nakapaghanda ang nagsanib na lumang partido para sagupain ang mapanalakay na buwelta ng imperyalismong Amerikano at gobeyrnong komonwelt.

Samantalang iniulat ng aklat na tinututulan na ng Komperensiya ng Komite Sentral noong setyembre, 1944 ang patakarang "umatras para magtanggol," hindi nito iniuulat na sinasapantaha rin ng mismong komperensiyang ito na magkakaloob ang imperyalismong Amerikano ng tunay na kalayaan, na pinagpasiyahan din ng komperensiya na magtaguyod ng pagliyamentaryong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka at binuo ang Demokratikong Alyansa bilang ang pangunahing anyo ng organisasyon para sa parliyamentarismong burges. Kaya, sa pagbabalik ng imperyalismong Amerikano at ng papet na gobyernong Komonwelt, ibinandila ng nagsanib na lumang partido ang islongang "Mabuhay ang mga kaalyadong Amerikano at mabuhay ang gobyernong Komonwelt!" pagmamalaki ni Taruc:

Ang paglusob sa Leyte ng hukbong Amerikano noong Oktubre 20 (1944) ay naghudyat ng kamatayan para sa mga Hapones sa Pilipinas. Tuwang-tuwa kami. Naglathala kami ng espesyal na edisyon ng Hukbalahap at ng Katubusan ng Bayan para ipagdiwang ang pangyayaring iyon.

Sa katunayan, ipinagpilitan ng magkakutsabang awtor na naging posible ang mga lubus-lubusang pag-atake ng mga HUKBALAHAP noong magtatapos ang Oktubre, 1944 hindi dahil sa mga pakikibaka ng mamamayan noong mga nagdaang panahon kundi dahil sipintong pagbabalik ng imperyalismong Amerikano.

Gayun na lamang ang pagsandig ng nagsanib na lumang partido kay Roosevelt:

Iyon ang pinakamapait na dagok sa demokratikong kapayapaang hangad nating makamtan. Natitiyak namin na hindi tinatangkilik ni Roosevelt, ang ama ng Apat na Kalayaan, ang pasistang patakaran ni McArthur sa Pilipinas.

Anong tinding pangangayupapa sa imperyalismog Amerikano. Subalit noong panahon ng pakikidigma laban sa Hapon, magin si MacArthur, sa tingin ng mga Lava, ay isa sa mga maaasahan nilang kapanalig. Hindi nga ba't handang-handa na si Jesus Lava na sumakay sa submarino tungong Australia para maiulat ang "lahat" kay McArthur?

Pagkatapos ng digmaan, nang patuloy na magngangakngak sina McArthur at McNutt ng "pagrepaso" sa pangako ng Amerika na "paggawad ng kalayaan" sa Pilipinas, tumingala na lamang sa langit sina Taruc at mga katoto at tunggak na inusal-usal na dapat ay habang panahong nabuhay si Roosevelt para mayroon silang matatakbuhan. Hindi sila kontento sa pagkakaroon ng isang "Tagapagtanggol" na Harold Ickes, ang gusto nila ay isang mas bigating Amerikanong kasangga at balde-balde ang iniluha nila sa ngalan ni Roosevelt. Ignorante si Taruc at mga katoto sa nagsanib na lumang partido sa prinsipyo ni Tagapangulong Mao na "panatilihin ang kalayaan, manguna sa inisyatiba at umasa sa ating sariling pagpupunyagi."


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.