Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Sa Ngalan ng Imperyalismong Sobyet

II. Hinggil sa Ganap na Panunumbalik ng Kapitalismo

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Sinabi ng dakilang Lenin: "sadyang dapat na mangibabaw ang pulitika sa ekonomya. ang makipagtalo laban dito ay pagkalimot sa ABAKADA ng Marxismo." At inulit ni tagapangulong Mao ang Marxista-Leninistang pananaw na ito: "Ang idolohiya at ang pulitika ang kumukumpas, ang kaluluwa ng lahat. Walang patutunguhan ang gawaing pangkabuhayan at teknikal kapag nanamlay nang kahit bahagya ang ating gawaing pang-idolohiya at pampulitika." Samakatuwid, sa isang sosyalistang lipunan, marapat tumalima ang lahat ng proletaryong rebolusyonaryo na sundin ang kanyang tagubilin: "Gagapin ang rebolusyon, paunlarin ang produksyon." Talagang mali kapag nangibabaw ang produksyon sa rebolusyon o kapag ito na ang kumukumpas. Kaya, isang kalapastanganan ni Pomeroy at ng mga amo niyang rebisyunistang Sobyet na "ipagdiwang" ang ika-50 anibersaryo ng Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre sa ganitong diwa:

May mga pulang bandila at demonstrasyong masa sa pagdiriwang, pero dala lamang naman ng kapistahan; hindi sila para maggiit ng mga kahilingan, kundi para ipagbunyi ang kaunlarang nasasaad sa ulat ng organisasyon, sa talaan ng estadistika, sa computer... Ang kasalukuyang rebolusyon ay ipinagpapatuloy sa mga pagawaan at laboratoryo.

Ito'y malinaw na pagiging isang lantay na materyoso na likas sa burgesya.

Sa ganitong punto sinabi ni Pomeroy na ang Unyon Sobyet ang "pinakamaunlad na sosyalistang bansa" at "nasa antas na mas mataas, mas masalimuot at mas maunlad kaysa narating ng mga kapatid nito sa bagong lipunan." itinuturing niyang "pinakamalaking kabuluhan ng ika-50 anibersaryo ng Unyon Sobyet iyong "pagkakasaad sa kagyat na programa ng kasalukuyang henerasyon ng isang bagong lipunang komunista kung saan masagana ang buhay ng lahat' at "ikinakasa na ng industriya ang kasaganaang makatutugon sa dumadaming mga pihikang pangangailangan at gusto ng mamamayan." Dahila lamang lahat sa bagong teknolohiya, ipinagmamalaki niya na meron nang "labis-labis na kasaganaan" sa Unyon Sobyet. Katsang niya:

Ang pinuproblema ngayon ng mga mamamayan ng Unyon sobyet ay hindi na ang kung saan susunod na makaaapuhap ng isang librang patatas kundi saan makabibibli ng pinakabagong modelo ng telebisyon, samantalang ang pila sa pagbili ng pantalon ay kasalukuyang pinapalitan ng pila sa pagbili ng kotse.

Pero ito nga ba ang katotohanan?

Sa kanyang mismong aklat, pabagubago si Pomeroy sa kanyang mga pagsisinungaling at madalas niyang sampalin ang sariling mukha. iniulat niya na sa kanyang daigdig ng "sobrang kasaganaan" marami siyang nakitang pulubi sa lansangan at hindi iyon nakapagpahina sa kanyang pananampalataya s klase ng sosyalismong isinaksak ng mga panginoon niyang rebisyunistang Sobyet sa kanilang sistema. Samantalang ikinatwiran niyang isang materyal na insentibo ang pagbibigay ng importansiya sa pribadong pag-aari sa mga kotse, iniulat naman niya na talagang kapos at palpak ang pampublikong sistema ng transportasyon sa buong Unyon Sobyet. samantalang sinasabi niyang isang materyal na insentibo ang pagbibigay-importansiya sa pribadong pag-aari sa mga lote at malalaking bahay, sinasabi rin niya ang mahabang pila ng mga nag-aabang sa mga pampublikong tenement, na hindi kontento ang mga nakatira sa mga siksikang tenement na ito, na may lihim na naniningil nang mataas na upa, at pinauuso ng mga pribadong gumagawa ng mga bahay ang paninindikato ng mga materyales sa konstruksyon. Samantalang pabor siya sa pagpapalawak ng mga pribadong lote at pribadong paghahayupan para madagdagan ang kita ng isang tao, nagbigay siya ng ilang katibayan na nagpapatunay na nakapipinsala ang gayon sa mga kolektibong pagsasaka. Samantalang nagyayabang siya na hindi na nagkukulang ang mga pangunahing bilihin gaya ng patatas at pantalon, iniulat niya na pinatalsik si Kruschov ng mga humalili sa kanya dahil sa kakulangan ng mga produktong agrikultural gaya ng patatas at bulak. Tumestigo rin siya na may mga mahabang pila at pag-aagawan sa kakarampot na bilihin sa mga department stores ng mga pamilihang lungsod gaya ng Moscow at Leningrad.

Kasi'y wala naman talagang sobra-sobrang kasaganaan para sa mamamayang Sobyet. Iyong sinasabi ni Pomeroy na nagtatamasa ng "sobra-sobrang kasaganaan" ay nabibilang sa mga pinagpalang saray ng burgesya. Sila iyong mga "manager," "mga experto" at "mga propesyunal" na dumadambong sa kayamanan ng Unyon Sobyet. Halos, sampu, isandaan, hanggang isang libong beses na malaki ang kanilang kinikita kaysa sa mga pangkaraniwang manggagawa. Kumpisal ni Pomeroy mismo, sila iyong kayang bumili ng kotseng gawa ng Fiat at Renault at makabili rin ng sariling bahay at lupa para hindi danasin ang mga "paghihirap" na dinaranas ng masa.

Sa kalagayan ngayon ng Unyon Sobyet, isang kahibangan para kay Pomeroy at sa mga amo niyang rebisyunista ang maglako ng pag-asang sa loob ng sampung taon (1966-1967) libre na ang pasahe sa pampasaherong sasakyan at hindi na maniningil ng upa sa bahay. Kitang-kita naman na kaya pagkalalaki ng mga pangako ng taksil na rebisyunistang pangkatin ni Breshnev ay para kapag nabigo sila masisisi nila ito sa kanilang naturingang sosyalismo at ibayong mapangatuwiranan ang garapal na pagpapanumbalik ng kapitalismo. Sa panahon ni Krushov marami rin siyang malalaking pangako kungkol sa "materyal at teknikal na pundasyon ng komunismo." Nang hindi niya matupad ang mga pangakong ito, sumige ang mga pumalit sa kanya na pabilisin ang panunumbalik ng kapitalismo sa paraang tulad ng pag-inom ng lason para maibsan ang pagkauhaw.

Sampulan natin ang bulok at makasariling argumentong burges ni Pomeroy. Tungkol sa pribadong pag-aari ng kotse: "Ang isang nakatira sa malayong lugar at nakaranas ng pag-aagawan sa sasakyan sa mga oras ng pasukan at uwian sa lungsod ng Moscos ay talagang maghahangad bumili ng kotse." Tungkol sa pribadong pag-aari ng lupa't bahay:

Ang isa sa mg bentahe ng pagkakaroon ng sarilig lupa't bahay ay puwede itong retokehin o partisyunin nang ayon sa gusto nang may-ari, samantalang sa pabahay ng gobyerno kailangan pang humingi ng pahintulot sa awtoridad bago ito magawa. Pero, ang talagang magututlak na bumili ng bahat at lupa ay dahil mas mabilis makagagawa ng dagdag na kabahayan sa ganitong paraan; karaniwan na kasing maghintay ang mga mamamayan nang matagal na panahon para sa bagong pabahay ng gobyerno.

Hindi ba malinaw na nabubuhay ang pinagpalang saray ng burgesyang Sobyet sa kapinsalaan ng mamamayang Sobyet?

Kasama sa "lalong nagiging pihikang pangangailangan at gusto ng pinagpalang saray ng burgesya ang paggamit ng miniskirt, ang paggawa sa mga tugtuging jazz ng amerikano sa mga pondahan (cafe) na kanilang istambayan at ang paggaya ng House of Modes ng Moscow sa mga pinakahuling uso sa London at New York. Natural, ang mga ka-eklatang ito ng Kanluran ay tanda lamang ng walang pakundangang luho at kabulukan na likas sa mataas na pamantayan ng pamumuhay ng pinagpalang saray ng burgesya. Ito ang tinatawag ni Pomeroy na "kaunlaran."

Sa pagtatangkang baluktutin ang Marxista-Leninistang puna na pinagsasamantalahan ng pinagpalang saray ng burgesya ang masa ng manggagawang Sobyet, sinabi ni Pomeroy na iyong "pagtaas ng antas ng pamumuhay at materyal na kagalingan" ang "binabanatan" ng mga Marxista-Leninista na kapitalismo. Mistulang bata ang naging ganting banat niya kay tagapangulong Mao sa puna niyong panunumbalik ng kapitalismo sa pagdadalirot ng pangyayaring kumain din naman si Mao sa masaganang hapag ng kanyang kaibigan na siyempre pa ay kabilang sa pinagpalang saray ng burgesya. Ang tubo ng kapitalismo ay talagang pinagpapasasaan ng pinagpalang saray na ito ng burgesya. Sa kabilang dako, dumaranas ang masang Sobyet ng tumitinding kahirapan, kawalang hanapbuhay, mataas na presyo ng bilihin, kakulangan ng tustos, mababang kalidad ng mga produkto at mga katulad nito.

Napakalinaw ng ibig sabihin ng mga modernong rebisyunistang Sobyet sa "pagsasanib ng personal na interes at pampublikong interes." Iyon ay ang pagpapanaig ng personal na interes ng iilan, ng pinagpalang saray ng burgesya, sa interes ng mamamayan.

Talagang isang garapal na atake ang ginawa ni Pomeroy sa Marxismo-Leninismo, lalo na sa diyalektikong materyalismo, nang siyang magsermon na: "Ang paghahambing sa kaibhan ng personal at panlipunang interes, ang sabihing ang personal na interes ay salungat sa mga interes ng rebolusyon, lahat ng ito ay salungat sa mga prinsipyo ng sosyalismo." May kontradiksyon sa pagitan ng pansariling interes at panlipunang interes. Ang di-pagkilala sa kontradiksyong ito ay pagtatakip sa pansariling interes at pagsusulong sa modernong rebisyunismo.

Kaya, importanteng laging isaisip na sa paglilingkod natin sa mamamayan, dapat nating bakahin ang pansariling interes at itakwil ang rebisyunismo. Ang tunay na Komunista ay hindi makasarili at ang kanilang buhay at nakalaan sa paglilingkod sa mamamayan. Sa tuwina'y kanilang alagata ang maseguro ang mga batayang pangangailangan ng mamamayan at ang walang lubay na pagtaas ng pangkalahatang antas ng pamumuhay, na walang agwat ang pamumuhay ng mga kadre at mga karaniwang manggagawa. Kaya naman sentralisadong pagpaplano ang ipinatutupad ng proletaryo sa isang sosyalistang lipunan para matiyak na ang pangkalahatang antas ng kagalingan ng mamamayan ay maiangat kasabay ng pag-angat ng produksyon. Sa Republika ng Mamamayang Tsino sa kasalukuyan, napangangalagaan ang kabuhayan ng mamamayan at hamak na mas mainam kaysa sa Unyon Sobyet sa kabila ng ipinagmamalaki niyong "kalamangan sa teknolohiya." Dumako tayo sa kongkrtong kahulugan ng ilang pangungusap na binitawan ni Breshnev sa ika-23 Kongreso ng CPSU:

Ang mabagal na pag-unlad ng agrikultura ay bunga ng paglihis ng produksyon sa mga batas pangkabuhayan, ng pagpapabaya sa mga materyal na pang-engganyo at sa tamang kumbinasyon ng pampubliko at personal na interes.

Dito ay sinisi si Kruschov ng mga pumalit sa kanya dahil sa makupad nitong pagpapalaki sa mga pribadong lupang taniman at makupad na pagpapaunlad sa pribadong pag-aari sa agrikultura. kaugnay nito, iniulat ni Pomeroy:

Sa panahon ng pagiging punong ministro ni Kruschov (na laging pinupuna dahil sa pagpapabaya sa agham pangkabuhayan) maraming matinding paghihigpit sa mga kasapi ng mga kolektibang sakahan sa paglilinang ng pribadong sakahan.Inalis ang mga paghihigpit pagkatapos mapatalsik sa kapangyarihan si Kruschov.

Sinisisi rin ni Pomeroy ang kolektibisasyong ipinatupad ng mga dakilang proletaryong tagapagtatag ng unang sosyalistang estado. Daing niya:

Ang "pagiging atrasado" ng agrikultura ay hindi lamang dahil sa malaking pagpapabaya sa mga batas pangkabuhayan. Ang malaking problema sa kolektibisasyon na nagsimula halos apat na dekada na ang nakararaan ay ang kakulangan ng mga kagamitang kailangan sa modernisasyon ng agrikultura, at ang mga magbubukid na tali pa rin sa kinagisnang atrasadong pagsasaka ng maliliit ng bukirin ay wala pang nalalaman sa teknolohiya ng bagong sistema.

Inuna ng mga modernong rebisyunista ang paggamit ng makina at ang teknolohiya kaysa sa pulitika, sa kooperatiba at sa kolektibisasyon. Sampalataya sila sa teorya ng "mga puwersa ng produksyon"--ang teorya ng pagpapaunlad sa kapitalismo sa dahilang walang makina. Pero, sa kabila ng pagyayabang nila na mataas na ang antas ng teknolohiya ngayon, mabilis silang bumalik sa sistemang kulak at winasak ang batayan ng sosyalistang agrikultura. Tinutuligssa nila ang pagkakatayo ng mga commune ng Tsina tulad ng kung paano nila winawasak ang sosyalistang agrikultura sa Unyon Sobyet. Dapat malaman na hindi sana nagkaroon ng batayan ang mabilis na industriyalisasyon sa Tsina kung hindi nagkaroon ng matatag at palagiang pag-aangat ng kooperasyong agrikultural at kung walang epektibong pagtakwil sa linya ni Liu Shao-chi sa teorya ng "mga puwersa ng produksyon."

Pinababa ng modernong rebisyunismong Sobyet ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayang Sobyet at binawasan din ang kanilang materyal na kagalingan. Nagbunga ng matitinding kapinsalaan sa ekonomya ang imbing hakbang ni kruschov na gawing patakarang estado ang pangongopya sa mga paraan ng kapitalistang administrasyon sa Estados Unidos. Subalit sa halip na ibasura ang bulok na patakaran, sinisi lamang ng taksil na rebisyunistang pangkating Breshnev si Kruschov dahil hindi niya nilubos ang pagpapabuti at pagpapatupad sa mga kapitalistang paraan ng pangangasiwa. Ang rebisyunistang programa ng ika-22 Kongreso ng CPSU ang nagbibigkis sa taksil na rebisyunistang Kruschov-Breshnev. Ang pagpapanumbalik ng kapitalismo ang diwa nito. Iyon ang tinatawag ng taksil na rebisyunistang pangkating Breshnev na "pagsunod sa mga siyentipikong batas pangkabuhayan." At kaugnay nito, may pagma- malaking inulit ni Pomeroy ang reaksiyunaryong pahayag ng Pravda: "Subalit ang katotohanang ang isang batas ay maaaring humantong sa mga pangyayaring hindi natin gusto o inaasahan ay hindi sapat para hindi na ito ituring na batas, at ang isang batas ay hindi maaaring ipawalang-bisa dahil lamang sa hindi ito kinikilala ng mamamayan." Ito'y isang burges na metapisikong pahayag na salungat sa Marxista-Leninistang batas na nagsasabing ang mamamayan ang puwersang nagpapakilos ng kasaysayan. Isang matinding kawalanghiyaan!

Sobra-sobrang papuri mula kay Pomeroy ang natanggap ng taksil na rebisyunistang pangkating Breshnev dahil sa "malaking pagbabagong" nagawa nito sa sistemang pangkabuhayan ng Sobyet mula 1965. Ito ang "bagong sistemang pangkabuhayan," na tinatawag ding "repormang pangkabuhayan" na legal na nagtataguyod sa kapitalistang prinsipyo ng tubo para sa kapakinabangan ng oligarkiya ng malalaking monopolyo burukrata at ng pinagpalang saray ng burgesya, na puro pasakit ang dala-dala para sa mamamayang anakpawis ng Unyon Sobyet. Ang bagong larawan nito ay sinasapantahang pagkakaloob ng materyal na pang-engganyo, gaya ng mga bonus at iba pang pagtaas ng sahod, para pagtubuan ang pagpapatakbo ng negosyo. Idinidikta nito ang paraan ng kapitalistang pamamahala sa lahat ng larangan ng ekonomya ng Sobyet at binibendisyunan nito ang bonus bilang "pampasigla ng moral." Kaakibat nito ang ganap na pagputol sa mga sosyalistang ugnayan sa produksyon at ang ganap na paglansag sa mga sosyalistang batayang pangkabuhayan. Inalis nito ang sosyalistang patakarang sentralisadong pagpaplano ng estado sa ekonomya at ipinalit ang walang direksiyong pagkilos ng mga empresa at ng agrikultura na pinatatakbo para pagtubuan.

Kaugnay nito, nakangising sinabi ni Pomeroy: "Ang pagpaplano at partihan sa naunang kondisyong tagsalat ay iba sa pagpaplano at partihan sa patuloy na lumalaking kondisyong tagyaman." Satsat niya:

Ang materyal na pang-engganyo ay nabibigyan nang pinakamalaking pansin sa antas ng gawaing pang-industriya. Ipinakikita ng mga kahirapang pangkabuhayan na hindi uubra ang sentralisadong pagpaplano at ang sistemang kota sa produksyon sa ganitong yugto ng kaunlaran ay hindi umiengganyo ng ganap na mahusay na paggamit ng mga planta at mga kagamitan. Nadama na mas makakamit ang mga layuning ito sa pamamagitan ng pagkakawing sa personal na interes ng manggagawa sa produktong nalilikha, iyong pagkakaloob ng dagdag na kita para maging mahusay at mabuti ang pagtatrabaho.

Ang pahayag na ito ay alinsunod sa pahayag ni Kosygin noong 1965:

Binibigyan ng pangunahing pansin ng kasalukuyang rebopusyong siyentipiko at teknikal ang mga problemang gaya ng mga pamantayang teknikal, kalidad, tibay ng kalakal at mga pakinabang ng mga iyon. Ang mga salik na ito ang kasalukuyang tuon ng mapayapang kompetensiyang pangkabuhayan ng mga sosyalista at kapitalistang bansa.

"Dalawang pangunahing hakbang na bumubuo sa diwa ng repormang pangkabuhayan" ang turing ni Pomeroy sa sumusunod: "pagbibigay sa bawat empresa nang mas malaking responsibilidad sa pagpaplano, paglikha, paggamit ng bagong teknolohiya, at paggamit ng tubo, at sa pangangasiwa ng pagbibenta ng kanilang mga produkto"; at "higit na pagbibigay-pansin sa materyal na pang-engganyo sa mga manggagawa para humusay ang kanilang pagtatrabaho at mapalaki ang nalilikhang produksyon."

Ang sobrang laki ng responsibilidad ng bawat empresa ay talagang nangangahulugan nang higit pang paglusaw at pagdurog sa ekonomyang Sobyet at pagpapalakas sa mala-panginoong katayuan ng mga burges na manager at direktor sa bawat empresa. Ang ibig sabihin ng pagbibigay-pansin sa materyal na pang-engganyo sa mga manggagawa" ay pagpapahintulot sa mga burges na manager at direktor na tratuhin ang mga manggagawa bilang mga suwelduhang alipin at ang ipahamig sa mga burges na manager at direktor ang trubo ng empresa. Mismong si Pomeroy ay nakapansin na:

Ang pagpapalawak ng mga karapatan ng empresa at ang pagpapatibay ng pang-engganyong pangkabuhayan ay maaaring magbunga ng mga makitid na tunguhin, ang itaguyod ang interes ng empresa salungat sa interes ng lipunan, at pati kasuwapangan sa pera...

Sinipi rin ni Pomeroy ang "expertong" Sobyet na si Oleg Yun na nagsabing:

Ang bagong sistema ng pamamahala at pagpaplanong pang-industriya ay lubhang nagpalaki sa karapatan ng mga manager ng pabrika... sa larangan ng pagpaplano, ng pagbubuo at pagsasaayos ng kapital, sa paggamit ng mas maunlad na teknolohiya at mga paraang sabay-sa-panahon, sa mga tustos ng materyales at makinarya, sa pagbibenta ng mga yaring produkto, sa pananalapi, pag-upa ng manggagawa at pagpapasahod, at iba pa.

Ang "bagong sistemang pangkabuhayan" ay nagkaloob sa mga empresa ng kapangyarihang "ariin, gamitin at itapon" ang lahat ng pag-aari; ipagbili ang "kalabisang kasangkapan, kagamitan sa transportasyon, mga hilaw na sangkap, mga materyales at panggatong; magmantini ng mga gusali, mga bodega, mga kasangkapan sa transportasyon at mga sasakyang nakaistambay"; ang "gamitin ang hawak nilang pondo" para sa pagtatayo ng mga bagong planta "na labas sa plano." Napakalaki ng tsansang makapangulimbat ng kayamanan. Ang mga manager ay nagbibenta pa ng gamit sa produksyon para kumita ng tubo tulad ng de-makinang kasangkapan, makinang pambuhat, mga generators, mga makina ng trren at mga tubo na dapat ay pag-aari ng estado. Pinagtutubuan ng mga empresang Sobyet ang isa't isa. Pati mga gamit sa produksyon at mga hilaw na sangkap ay napupunta na rin sa mga pribadong empresa. Ang mga manager ay binigyan ng kapangyarihang ipirmi o baguhin ang pasahod, ang kategorya at bonus ng mga manggagawa at kawani, ang tumanggap at magtanggal ng manggagawa at maggawad ng parusa sa kanila, at pagpasiyahan ayon sa gusto nila ang balangkas at mga tauhan ng empresa. Nagbunga ito ng pagsulpot ng malalang problema ng kawalan ng trabaho sa Unyon Sobyet. Lumaganap ang kawalan ng trabaho sa dalawang kadahilanan: bumagsak ang isang empresa at binuwag o kaya'y tinanggal ang mga manggagawa o ginawang mga apprentices para mas lalong mapalaki ng mga manager at direktor ang kanilang tubo. Sa madaling sabi, ang mga empresang sosyalistang pag-aari ay ginawang kapitalistang kompanyang pag-aari ng mga pinagpalang saray ng burgesya, at malaking seksyon ng masang anakpawis sa industriya at agrikultura ay ginawang suwelduhang alipin na kailangang magbenta ng kanilang lakas paggawa. Sa harap ng malalang problema ng kawalang hanapbuhay sa Unyon Sobyet, garapalan ang kailangang pagsisinungaling ni Pomeroy para mapalabas niyang kulang ang mga manggagawa sa bansang iyon.

Tumitingkad ang igtingan ng mga uri resulta ng "repormang pangkabuhayan." Ang mga lider ng empresang industriyal, "mga sakahang estado," at mga bahay-kalakal ay nagtamasa ng mataas na sahod at bonus na di-hamak na mas malaki nang kung ilang beses kaysa sa sahod ng mga manggagawa; nagpasasa sa matataas na allowance at ilang espesyal na pribilehiyo; at nagpakasawa sa iligal na gawain gaya ng manipulasyon ng salapi ng kompanya, pakikipagsapalaran, paglahok sa iligal na komersiyo (blackmarketing) at mga iligal na negosyo. Sagadsaran nilang inabuso ang kanilang kapangyarihan, at pinagsamantalahan at binusabos ang masang anakpawis.

Mga produktong sa tingin nila'y pagtutubuan ang gusto na lamang gawin ng mga empresa, kaya't nagkalinsag-linsag at naging magulo ang kabuuang pagsulong ng ekonomya at nagkaroon din ng kakulangan ng mga pangunahing pangangailangan sa araw-araw na pamumuhay, ng mga hilaw na sangkap at mga piyesa. Nagkompetensiya ang mga kompanyang pareho ang ginagawang produkto. para makahamig ng malaking tubo, patuloy nilang itinaas ang presyo. Patago rin nilang napalalaki ang kanilang tubo sa pamamagitan ng paggamit ng mga patakbuhing materyales, kaya patakbuhin din ang mga produktong gawa nila.

Bagaman may anarkiya sa relasyon ng mga negosyong Sobyet, hindi maiiwasan ang tunguhing malikom at matipon ang kapital sa ilang empresa. Nalalamon nang malaki at malakas na nagosyo ang maliliit at mahihinang negosyo sa pamamagitan ng malakihang pagsasanib upang ganap na makapangibabaw ang prinsipyo ng tubo at makahamig ng pinakamalaking tubo ang monopolyo burukratang burgesya. Ang mga nagsanib na empresa ay naging isang nagsasariling negosyo at tunay na monopolyo. Ang "bagong sistemang pangkabuhayan ay nangangalandakan ng awtonomya ng bawat empresa dahil lamang sa layunin nitong wasakin ang prinsipyo ng sentralisadong sosyalistang pagpaplano at itayo ang isang sentralisasyong angkop sa monopolyo estado kapitalismo. Isang halimbawa ng malaking monopolyong empresa sa Unyon Sobyet ay ang Ministry of Investment and Automation Tools, isang indipendiyenteng ahensiya ng gobyerno na nagtutuos ng mga negosyo.

Sa kanayunan ang "repormang pangkabuhayan" ay nagbunga ng pribadong ekonomyang Kulak. Naalis ang mga sosyalistang paghihigpit sa pribadong sakahan at pribadong paghahayupan. Mismong si Pomeroy ay di-sinasadyang nakapagbigay sa atin ng datos ng 1966 (na bagaman pinaliit ay marami pa ring naipakikita na nagpapamalas ng anti-sosyalistang takbo ng pangyayari sa agrikultura. kabilang sa kabuuang produksyong ito, ang 60 porsiyento ng produksyon ng patatas ng bansa, 40 porsiyento ng produksyon ng gulay, 40 porsiyento ng produksyon ng karne, 39 porsiyento ng produksyon ng gatas at 68 porsiyento ng produksyon ng itlog. Sa baluktot niyang anti-sosyalistang pangangatwiran, sinabi ni Pomeroy na dapat palawakin ang pribadong sakahan at paghahayupan dahil sa malaking produksyong nagagawa nito. At ito umano ay alinsunod sa "siyentipikong batas pangkabuhayan." Ganap niyang binalewala ang katotohanang napabayaan ang mga sakahang kolektiba at sakahang estado dahil mas binigyang-pansin ang pribadong agrikultura.

Karaniwan, bawat pamilya ay pinapayagang mag-ari ng kalahating ektaryang lupa at ang mag-ari ng baka at iba pang hayup. Pinahihintulutan ang kolektibong sakahan na magkaloob ng makinarya sa bawat miyembro para sa paglilinang ng kanikanikalgn pribadong sakahan, mga sasakyan para sa pagdadala ng kanilang produkto sa pamilihan, pastulan para sa pribado nilang paghahayupan at pautang para sa karagdagang bibilhing hayup. Samantalang parang lumalabas na mas malaki ang kinikita ng mga pribadong magsasaka at nagmamay-ari ng hayup, unti-unti silang namanipula ng mga pribadong komersiyante sa takbo ng malayang kompetensiya.Ang mga lider ng sakahang estado at mga kolektibang sakahan ay karakarang naging mga kulak at komersiyante sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanilang mga sarili nang mas malaking pribadong sakahan, sa pag-upa sa mga naglilinang niyon bilang mga suwelduhang manggagawa, at paggamit ng lahat ng pupuwedeng panggugulang sa pamamagitan ng kanilang posisyon.

Higit pa rito, ang mga sakahang estado at kolektibang sakahan ay inilipat ng taksil na rebisyunistang Breshnev sa mga "field teams" na binubuo lamang ng isa hanggang tatlong pamilya na malayang nagsasaayos ng produksyon, umuupa ng suwelduhang manggagawa at gumagawa ng sarili nilang kuwntada. Pati mga lupang isinabansa ay pinamahagi na rin sa mga "teams" na pinaupahan sa mahabang panahon at pribadong sinaka. Sa mga natitira pang sakahang estado at kolektiba ay ganap na naging kapitalista na rin ang patakaran. Buung-buong ipinangawisa sa mga lider ng mga sakahang ito ang produksyon, pagbibenta, kompetensiya, pag-upa ng mga manggagawang maglilinang niyon, at ibinubulsa ang nakakamal ng tubo. Habang itinataas ng estado ang takdang kota sa produksyon (lalo na ang butil) na dapat ditong ibenta, lagi namang nagagawa ng mga lider na ipasa sa masang magbubukid at manggagawang bukid ang pagkargo niyon.

Para masuportahan ang kung tutuusin ay pribadong pag-aari sa lupaing agrikultural, inalis ng mga taksil na rebisyunistang Sobyet ang lahat ng paghihigpit sa presyo ng produktong agrikultural at ang presyo ng karne sa malayang pamilihan. Sangkatebang malalaking pamilihan ang itinayo at naging matindi ang malayang kompetensiya para sa ikasisiya ng mga pribadong komersiyante. Pagkalalaki ng ginasta sa pagtatayo ng malalaking malayang pamilihan na may modernong pasilidad at hotel para sa mga pribadong komersiyante. Mabibili sa mga malayang pamilihang ito ang mga produktong indusl at pati mga gamit sa produksyon. Ang mga produktong agrikultural at industriyal na wala sa mga "tindahan ng estado" ay mabibili nang mas mahal sa mga malayang pamilihan. Mabibili dito pati ang mga produkto ng mga iligal na kompanya. Pumasok na rin sa panunubuan at malayang kompetensiya ang mga "tindahang estado." Naging magulo ang takbo ng buong sektor ng komersiyo sa kapinsalaan ng mamamayan.

Upang maitayo ang "komunismo," humingi ng tulong ang mga taksil na rebisyunistang Sobyet sa mga dayuhang monopolyong pangkatin. Isinakatuparan ni Breshnev ang pangarap ni Kruschov na "tumanggap ng pautang mula mismo sa mga demonyo." Umutang ito sa Amerikano, Pranses, italyano at sa mga monopolyo kapitalistang empresang Hapones. Namalimos ito ng utang sa Kanlurang Alemanya sa pamamagitan ng pagbibenta ng sobereniya o karapatang magpasiya sa sarili ng Demokratkong Republika ng Mamamayang Aleman. Pinapasok nito ang bansang Hapon sa Siberia na nagbunga ng pagbibenta ng likas na yaman ng Unyon Sobyet. Isang nakasusukang kawalanghiyaan para sa isang bansang nagsasabing ito'y "sosyalista" ang mamalimos ng utang mula sa mga bansang talunan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ayon na rin mismo kay Pomeroy, "labis na binigyang-pansin" ng Unyon Sobyet ang pag-aangkat ng mga kalakal mula sa mga imperyalistang bansa sa kabila ng pangangalandakan nito ng sobra-sobrang kasaganaan.

Sa ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa Unyon Sobyet ito ay naging sosyal-imperyalista at pinagsamantalahan at ginawang kolonya ang ilang bansa sa Silangang Europa at ang Republika ng Mamamayang Mongolia. Ang mga kolonyang ito ay naging mga taniman, sangay ng mga pabrika sa pagpoproseso, pinagkukunan ng mga hilaw na sangkap, lagakan ng puhunan, tambakan ng produktong industriyal ng Unyon Sobyet. Pinatingkad ni Breshnev ang patakaran ni Kruschov na "pandaigdigang hatian ng gawain" na nagdidikta sa mga kasapi ng COMECON na tugunan ang mga pangangailangan ng monopolyo burukrata kapitalismong Sobyet.

Umabot na rin sa ibang bansa sa Asya, Aprika at Latin Amerika ang mga kuko ng Sosyal-imperyalismong Sobyet. Kunwari'y nagkakaloob ito ng pautang na babayaran sa mahabang panahon sa mababang interes ng dalawa't kalahating porsiyento. Pero sa totoo patakbuhing mga kalakal na mahal ang presyo ang ipinapautang nito. Isa ring malaking komersiyante ng mga kagamitang pandigma ang Sosyal-imperyalismong Sobyet, at pinipresyuhan sa gusto nilang taas ang mga armas at kagamitang pandigma na ibinibenta nito sa iba't ibang bansa kaya malaki ang tinutubo. Mas de-kalidad ang mga armas na ibinibenta nito sa India at United Arab Republic kaysa sa Demokratikong Republika ng Mamamayan ng Vietnam dahil dolyar ang ibinabayad ng mga bansang ito o kakya'y mga lokal na kalakal na masyado nilang binabarat.

Alinsunod sa pagiging sosyal-imperyalista at sosyal-pasista nang katangian nito, buung-buong lumahok na rin ang Unyon Sobyet sa militarsimo. Lalo at lalong nauwi ang mga gawaing pangkabuhayan nito sa pagpaparami ng armas at sa paghahanda sa digmaan. Mas gugustuhin pa nitong lumikha ng baril kaysa mantekilya. Ang pondong pangmilitar nitong 1970 ay tumaas ng 100 porsiyento kumpara noong 1966. Bagaman ang kinikita ng mamamayang Sobyet ay 60 porsiyento lamang ng kinikita ng mamamayang Amerikano, pareho ang taunang halagang ginagasta ng Unyon Sobyet at Estados Unidos sa mga kagamitang pandigma.

Nang sulatin ni Pomeroy ang kanyang aklat noong 1967, masama ang kabuuang lagay ng ekonomya sa Unyon Sobyet. Subalit mas sumahol pa iyon noong mga sumunod na taon bunga ng "bagong sistemang pangkabuhayan" o "repormang pangkabuhayan" na isinulong ng taksil na rebisyunistang pangkating Breshnev. Sa ilalim ng pamumuno ni Stalin, napakabilis ng pagsulong ng industriya ng Sobyet. Noong 1950-53, halimbawa, ang karaniwang taunang tantos ng paglaki ng industriyang Sobyet ay n 16 porsiyento. ngunit bumagsak ito sa 9.6 porsiyento sa loob ng siyam na taon pagkatapos ng ika-20 Kongreso ng CPSU noong 1956 sa ilalim ni Kruschov. Bumagsak pa ito sa 8.5 porsiyento sa loob ng limang taon mula nang mamuno si Breshnev noong 1965. Sa kabila ng pagyayabang ni Pomeroy at ng mga amo niyang rebisyunistang Sobyet tungkol sa "mas mataas na antas ng teknolohiya" ngayon, tuluy-tuloy ang pagbagsak ng laki ng nalilikhang produksyon ng paggawa sa Unyon Sobyet.

Lalong sumahol ang atindi ng kakulangan sa produksyong industriyal dahil sa di-0pantay na pag-unlad ng produksyon sa iba't ibang sangay. Inamin ng mga taksil na rebisyunistang Sobyet na kalahati lamang ng talagang pangangailangan sa iba't ibang uri ng bakal ang kayang tugunan noong 1970 at marami sa mga departamentong nangangailangan ng produktong bakal ang hindi matustusan. Kapos rin ang tustos ng panggatong para sa trans- portsyon at para gamit sa baxhay. Halos lahat ng republika ng Unyon sobyet ay dumanas ng kasalasan sa mga materyales sa pagtatayo ng gusali. Nabinbin ang operasyon ng maraming pabrika dahil sa kakulangan ng mga hilaw na sangkap. Mas masahol ang ginawa ni Breshnev kaysa kay Kruschov sa larangan ng agrikultura. Base sa dinuktor na estadistika na opisyal na inilabas ng mga taksil na rebisyunista mismo, ang taunang produksyon ng butil ng bawat magsasaka ng Unyon Sobyet noong 1965-1969 ay mas mababa ng 16 kilo kaysa noong 1964, ang taon ng pagbagsak ni Kruschov: ang taunang produksyon ng bulak bawat tao--ang pangunahing pinagkikitaang pananim--ay nabinbin noong 1969; malaki ang ibinagsak ng produksyon ng patatas, gulay at iba pa. Mas grabe ang kalagayan sa paghahayupan. Malaki ang inilagapak ng taunang produksyon ng baka, baboy, at tupa sa pagtatapos ng 1969 kunpara sa pagtatapos ng 1915. Nang kapos sa tustos ng mga gulay at karneng baka talangang hindi makapagluluto si breshnev ng isang "putahe" ng komunismo, tulad din ng pagkabigo ng hinalinhan niyang si Kruschov.

Mas maliit pa sa mababang target ng "limang taong planong pangkabuhayan para sa mga taong 1966-1970 ang natamo ng taksil na rebisyunistang pangkating Breshnev. Sa halip na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mamamayan, itinaas nito ang gastos ng kanilang araw-araw na pamumuhay. Kapos ang tustos, mababa ang kalidad at napakamahal ng mga pangunahing bilihin sa Unyon Sobyet, pati na ang tinapay, asin at posporo. Gunggong talaga si Pomeroy para isipin o umasa na magkakaroon ng "sobra-sobrang kasaganaan" sa paggamit sa kapitalistang pamamaraan ng mga amo niyang rebisyunistang Sobyet. Matindi na ang paghihirap ng masang anakpawis ng Sobyet; at ang ugat ng kanilang paghihirap ay ang ganap na pagpapanumbalik ng kapitalismo ng mga taksil na rebisyunistang Kruschov-Breshnev.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.