Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Sa Ngalan ng Imperyalismong Sobyet



Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

(This essay originally appeared in the Ang Bayan special issue of November 30,1971 under the title "Pomeroy's Apologia for Soviet Revisionism".)

Ang akdang Half a Century of Socialism (Soviet Life in the Sixties) ay naglantad kay Pomeroy bilang ahente kapwa ng modernong rebisyunismong Sobyet at imperyalismong Amerikano. Kunwa'y ipinagbubunyi ng aklat ang ika-50 anibersaryo ng Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre ngunit ang ipinagbubunyi nito sa totoo ay ang pagkakanulo sa Marxismo-Leninismo at ang ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa bayang sinilangan ni Lenin. Sinuob nito ng hungkag na papuri ang ika-20 at ika-22 Kongreso ng rebisyunistang Partido Komunista ng Unyong Sobyet (CPSU) at ang ika-23 Kongreso at pangkalahatang pulong ng Komite Sentral ng CPSU mula 1965 hanggang 1967 kung saan nahigitan ni Breshnev ang nagawa ni Krushchov sa ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa Unyon Sobyet.

Alinsunod sa pananaw ng reaksyunaryo at ideyalistang burges, minaliit ni Pomeroy ang diyalektikong materyalismo, ang batas ng kontradiksyon at ang makauring pag-analisa, sa pagsasabing "masyadong makitid" ang mga ito. Nanlilibak niyang ngawa: "Ang isang reaksyunaryo na pula't puti lamang ang tingin sa anumang bagay ay tiyak na matatauhan kapag nakaharap ng isang disenteng kapitalista o kaya'y isang kasama sa rebolusyon na halang ang bituka." Anong tinding kontra-rebolusyonaryong punto de bista sa realidad! Kitang-kita ang kanyang buktot na layunin: ang dustain ang rebolusyonaryong proletaryo at sambahin ang kontra-rebolusyonaryong burgesya.

Bilang kalahok mismo sa tunggalian ng uri sa panig ng burgesya, inihapag niya ang kanyang sariling rebisyunistang "pula't puting pagtingin" na parehong-pareho naman nang sa kanyang mga panginoong rebisyunistang Sobyet. Ngawa niya: "Ang maso at karet ay angkop na sagisag ng panahon ni Lenin." At biglang bawi: "Ngayon naman ang mga sagisag ay ang computer, ang transistor at ang atomic ring." Nilait niya sina Lenin at Stalin bilang mga huwaran ng "kawalan ng kaunlaran" at ibinulalas ang pagkasuklam sa diktadura ng proletaryo. Nangangayupapa siyang nagpugay sa mga kasalukuyan niyang taksil na rebisyunistang panginoong sina Breshnev at Kosygin bilang mga huwaran ng "kaunlarang teknikal" at sinuob ng mga mabulaklak na papuri ang pasistang diktadura ng monopolyo burukrata burgesyang Sobyet.

Kinakatsang ni Pomeroy na ang pagkakaiba ng tinatawag niyang nakaraan (ang panahon ni Lenin at Stalin) at ng kasalukuyan (ang panahon ng kanyang mga rebisyunistang panginoong Sobyet) ay nasa "pagsulong ng teknolohiya." Ito'y pagtatakip sa pagtalikod sa Leninismo at sa mapayapang ebolusyon ng diktadura ng proletaryo tungo sa diktadura ng burgesya sa pamamagitan ng mga maniobra ng mga mandarambong na sina Krushchov at Breshnev na binabansagang ang pangalawang Krushchov. Sa proseso, nagawa rin niyang magpukol ng papuri sa malalaking pandaigdigang burgesya. Pahayag niya:

Lubos na nauunawaan ng mga mamamayan ng mga maunlad na bansa ang mga kaibhan ng kanilang kalagayan ng pamumuhay at mga pananaw sa kalagayan sa buhay at pananaw ng kanilang mga ninuno noong pagpasok ng bagong siglo o papatapos ang dekada 20. May ngiti ng pagmamalaki na ginugunita nila ang mga nakalipas na kalagayan ng pamumuhay. Kung umubra ito sa ilalim ng kapitalismo, na kontra sa pagbabago, mas lalong uubra ito sa ilalim ng sosyalismo na mas mabilis at mas masugid na binabago ang kalagayan ng pamumuhay.

Simple lang naman ang diskarte sa panlilinlang ni Pomeroy. Iniibabaw niya ang teknolohiya sa pulitika, at pinaghahambing ang sosyalismo at kapitalismo batay sa mga teknolohiya. Pinalalabas niya na tinatamasa ng mamamayan ng mga kapitalistang bansa ang mga biyaya ng kaunlarang teknikal tulad ng pagtatamasa ngayon ng mamamayan ng Unyon Sobyet sa gayong mga biyaya. Ang wakas ng baluktot na linyang ito ay "ang may ngiti ng pagmalalaking paggunita" sa "atrasadong mga panahon" nina Lenin at Stalin. Ngunit talaga bang magagawa ito ng mga taksil na rebisyunistang Sobyet? Matingkad na makikita kung gaano na nabulok ang lipunang Sobyet matapos talikuran ang diktadura ng proletaryo.

Tinuligsa ni Pomeroy ang Rebolusyong Oktubre hanggang sa kaibuturan niyon at hinamak ang papel niyon sa kasaysayan sa pagpapasulong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo. Sukdulan pa niyang sinabi na "maling sabihin na hindi magkakaroon ng sosyalistang rebolusyon sa ibang lugar kung hindi naunang nagkaroon ng Unyon Sobyet. Ang Rebolusyong Oktubre ay tunay na pangyayari sa kasaysayan at wala ni isang tunay na rebolusyonaryo ang mag-aalinlangan sa kahalagahan nito sa mga susunod pang sosyalistang rebolusyon. Pinatotohanan at isinakatuparan nito ang teorya ng proletaryong rebolusyon at diktadura ng proletaryo at ito'y naging batong-panulok [unang pundasyon] ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon. Ipinakilala ng mga tagumpay nito ang Marxismo-Leninismo sa mga mamamayan ng daigdig. Sabihin pa, isang katunggakan para kay Pomeroy na magngangakngak na posibleng magkaroon ng sosyalistang rebolusyon kahit walang Rebolusyong Oktubre.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.