Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Isang Gubat na Bangungot

I. Ang burges na tema na walang mararating ang pakikibaka

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Mahalagang-mahalagang sariwain ang mga katagang binitiwan ni Tagapangulong Mao hinggil sa kontra-rebolusyonaryong rebisyunistang "teorya ng kalikasan ng tao":

Sa kongkreto lamang may kalikasan ng tao, wala sa abstrakto. Sa lipunang may-uri, ayon lamang sa katangian ng kanyang uri ang kalikasan ng tao; walang kalikasan ng tao na lampas sa uri. Tayo ay naninindigan sa kalikasan ng tao ng proletaryo at ng sambayanan, saman- talang ang mga panginoong maylupa at ang uring burgesya ay naninindigan naman sa kalikasan ng tao ng kanilang uri, wala nga lamang silang gayong sinasabi sapagkat ito lamang ang kinikilala nilang umiiral na kalikasan ng tao.

Kontra si Pomeroy sa proletaryadong rebolusyonaryong makauring paninindigan. Kaya nagtatago siya sa likod ng mga banal na bukambibig ng burges na humanismo gaya ng "pag-ibig sa tao," "dangal ng lahat" at "pagkakapatiran ng lahat." Mabulaklak niyang buladas:

Sama-sama tayong naninindigan sa ngalan ng pag-ibig sa tao, pinauunlad tayo nito, at iniaambag naman ang ating sariling munting kadakilaan;... Lagi kong gabay ang pag-ibig sa tao; ang pag-ibig sa tao ang nagpapatibok sa aking puso... Napagisip-isip kong hindi maaaring magkaroon ng pantay na paggalang ang bawat isa hanggang hindi nagkakaroon ng dangal ang lahat. Ang landas tungo sa pagkakapatiran ng tao ay matatagpuan sa pamamagitan ng pakikibaka para sa ikapagtatamo ng dagal ng bawat isa.

Ang lahat ng pangaral na ito ay tantiyadong makagugulo at makasisira sa pambansa at makauring pakikibaka. Sa aktuwal ay humantong ito sa pag-aglahi sa proletaryo at mamamayang Pilipino. Ngawa ng buhong:

May isang teorya na nagsasabing ang pagkahilahil ay nagbubunga ng paghihimagsik, ngunit totoo lamang ito kadalasan kapag ang pagkahilahil ay bunga ng pagkawala ng dating angkin ng isang tao. Ngunit kung wala namang natutuhan ang isang tao sa loob ng apat na raang taon, ang pagkahilahil ay nalulusaw, napaparam sa puso, nagiging takbo ng buhay. Ang mangilan-ilang naghihihimagsik ay nangapuksa; binabaril sa lansangan ang mga naghuhuramentado. Ang nakararami ay nangakasalampak sa sahig ng isang kubo at malamlam na nakatunghay sa kalooban ng Diyos.

Inaatake ng burges na pesimistang pananaw na ito ang diyalektiko materyalismo at tinatanggihan na ang panloob na batas ng pagkilos ng mga bagay ang nagtutulak sa mga iyon na sumulong at magbago. Tinatanggihan nito ang pagtindig ng mga bago at progresibong puwersa at ang paglalaho ng mga luma at reaksiyunaryong puwersa. Sinasalungat nito ang wastong pananaw na ang kasaysayan ay isang gumugulong na proseso. Tinitingnan nito na "balewala" ang rebolusyonaryong tradisyon at mga pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Buktot na inihahambing nito ang rebolusyonaryong masa sa isang baliw na panatiko (isang huramentado) at sinasabing sila'y mangilan-ilang lamang, samantalang sangkaterba ang mga "nanangakatingala sa kalooban ng Diyos."

Itinuturo sa atin ni Tagapangulong Mao: "Dapat nating linisin ang ating hanay ng lahat ng inutil na kaisipan. Lahat ng pagtinging minamalaki ang lakas ng kaaway at minamaliit ang lakas ng masa ay lisya."

Sa kawalan ng anumang makauring rebolusyonaryong pananaw, lumubog si Pomeroy sa kailalim-ilaliman ng patalismo at depitismo: "Dito sa madawag na kagubatan, lubus kong nadama sa unang pagkakataon ang kawalang saysay ng isang tao. Walang halaga ang buhay sa di-matingkalang lupalop na ito ng mundo." Lagi na lamang tuwang-tuwa ang buhong na anti-komunistang ito na magpaulinig ng mga daing na kawalang pag-asa: "... dumatal sa aming buhay ang sandali ng pamamanglaw. Ipinasatadhana ko na lamang ang aking sarili. Sa tingin ko'y sa kagubatan na ako mamamatay,..."

Sa buong aklat, ang pinalalabas ni Pomeroy na pangunahing kontradiksyon sa lipunang Pilipino ay ang tunggalian ng tao (na kanyang kinakatawan) at ng kalikasan (ang kagubatan). Nagngingitngit siya pati sa ulan: "Ang ulan. Ito ang kaaway na habambuhay na bumubuntot sa amin, humahaplit sa lahat ng daraanan at kumukubkob sa bawat kubo." Heto ang isang palsipikadong rebolusyonaryo na suklam sa tropikong kagubatan at sa ulan, at hindi makita ang importansiya ng mga iyon bilang mga bentaheng kondisyon sa pakikipaglaban sa mga tunay na kaaway. Sa pinakamaselang kalagayan ay naitanong niya sa sarili: "Ano na ngayon ang kagubatan, kaibigan ba o kaaway?"

Kaya naging kakilakilabot na kaaway ang kagubatan para kay Pomeroy ay dahil hindi makapasok ng kampo ang iskuwad balutan (mga porters) sapagkat nahaharang ng mga kaaway kaya hindi makarating ang mga pinamili nilang de-lata at bigas mula sa pamilihan sa bayan. Sa halip magsagawa ng pampulitikang pagsusuri sa kalagayang kinasasadlakan niya at ng iba pa, walang tigil siyang nagtatalak ng kung anu-ano laban sa kagubatan at inintindi niya nang higit sa anupaman ang suliranin nang mabuhay laban sa kalikasan. At isipin na lamang na nasa loob siya ng isang tropi- kong kagubatan na samutsari ang makakaing halaman at hayup at niyugan ang mga hangganan; at marami ritong naglalagos na mga ilog na mayaman sa isda at suso. Ang mga dumagat na nasabat ni Pomeroy ay lumalabas na di-hamak na mas maalam at mas maabilidad kaysa sa buong lideratong Jesus Lava tungkol sa kung paano ang mabuhay sa pusod ng kalikasan.

Patuloy ang paggigiit ni Pomeroy sa kanyang burges na humanismo:

Ang kagubatan ay imposibleng maging lugar ng kalayaan. Nakaharang mga punungkahoy ang iyong makikita saan ka man bumaling. Nakapader ito sa lahat ng sulok pati na sa ulunan na tumatabing sa kalawakan. Sa labas ng kagubatan, mapagmamasdan ang mga sugpungan ng langit at lupa. Dito, nasa puso lamang ang gayong sugpungan.

Pinagsisisihan niya ang pagkakasali sa rebolusyonaryong pakikibaka at ang pagkakabilanggo sa kanya ng kagubatan. Minimithi niya ang mga base ng kaaway, "ang daigdig sa labas ng kagubatan kung saan may mga sugpungan ng langit at lupa."

Pasadahan natin ang klase ng "sugpungang namamahay sa kanyang puso." Bago pa man siya makaranas ng anumang kahirapan dala ng opensiba ng kaaway, nagpakita na siya ng pagkasuklam sa kagubatan. Pagtuntong niya sa gubat, naasiwa siya nang mabasa ang kanyang bagong sapatos. Kasunod niyon, pati ang mga walang kakuwenta-kuwenta at maliliit na sagabal ay "minalaking trahedya" nang may akdang ang sarili lamang ang inaalagata. Ang putik, ang mga limatik at hantik, ang mga totoong nangyari at mga sinasapantaha niyang pagbagsak ng mga punongkahoy at sanga ay naging matitinding dalahin ng huwad na bayani. Nang tubuan siya ng alipunga, itinuring niya iyon na isang malaking trahedya sa kanyang buhay.

Lahat na lamang ng bagay sa kagubatan ay parang baliw na itinuturing ni Pomeroy na sagisag ng kamatayan at ng pagkabulok. Isang malagim na pangitain ang naglaro sa kanyang guniguni:

Sa likod ng aming kubo ay may nakayungayong na matandang puno na agnas-agnas na ang katawan. Ang ilan sa mga sanga nito ay bali na; ang mga guwang sa tuod nito ay tuyot na sa piping paghihirap. Napakahaba ng pagkakayungyong nito sa aming ulunan na sa pakiwari'y tuluyan na kami nitong mababagsakan at matatabunan ng nangingitim nitong mga sanga at mga nakakapit na mamasa-masang gabok.

Walang tigil si Pomeroy sa pagpupumilit na makalikha ng isang mapanglaw na kalagayan. Hinagpis niya:

Naroon kami sa mahalumigmig na kadiliman, nalalanghap ang alimuom ng mga halaman, naririnig ang sanlaksang palakang inaawit ang luksang karimlan, at sa kaunauhang pagkakataon kami'y natigib ng piping hinagpis ng mga wala nang patutunguhan.

Ang kagubatan ay puno ng alapaap at nanganganinag sa aking paligid ang kadawagan, bumubutwa mula doon ang mga kamay ng nalulunod... Pakiwari ko, lahat kami'y kaluluwa sa isang multong kagubatan.

Ito ang mga kataga ng pagdidelirio na ginagamit ng anti-komunistang si Pomeroy para siraan ang rebolusyonaryong pag-iisip sa harap ng kahirapan. Wala itong ibang layunin kundi maghasik ng takot sa rebolusyon.

Walang patid at nakakakulili na ang mga hinaing ni Pomeroy. Buga ng bibig niya: "Wala na akong naiisip na patutunguhan; ang iniisip ko na lamang ay ang susunod na matatapakan ng aking mga paa." Panaghoy niya: "Saan bang lupalop ng impiyerno kami patungo?"

Hindi magtantan ang may-akda kahit sa mga sandali ng kaligayahan gaya nang ihambing niya ang sarili kay Robin Hood ng Sherwood Forest o nang gumuhit siya ng eksena ng pag-ibig nila ni Celia sa isang sapa. Wala ring tantan ang kanyang mga burges na paghahambing gaya, halimbawa, ng paghahambing niya sa mga babae sa kagubatan at sa mga labandera ni James Joyce sa Ilog Liffy sa madaling araw. Lahat ng ito'y nagpapatibay sa kanyang burges na tema na walang mararating ang pakikibaka.

Nang ang isang grupong pang-expansyon ay lumabas ng kampo, pakiramdam ni Pomeroy ay "may kung anong nawala sa aming buhay." Gayon talaga ang mararamdaman ng isang kubling traydor na hindi kumikilala sa pagpapalawak ng puwersa bilang karugtong ng rebolusyonaryong pakikibaka. Sa unang hudyat ng paglikas na kanyang naranasan, ikinumpisal niyang tanawin pa lamang ng madaliang pag-iempake ay nakapanghina at nakapanlambot na sa kanya wala pa man ang iniulat na panganib. "Kumislot sa aming puso ang unang kirot ng kawalang katiyakan," panangis niya. Nang matanawan ang isang eroplanong pangmatyag ng kaaway, nangatog ang kanyang mga tuhod at gumawa ng takot na takot na pag-uulat na: "Hanggang naroroon iyon nakadapa kami at pigil ang aming hininga, dahil baka pati paghinga namin ay marinig niyon. OA na rito si Pomeroy.

Nang tanungin niya ang isang Pulang mandirigma kung bakit ito sumama sa rebolusyon, dinala niya ang usapan sa kung paano mahaharap ang pansariling kapakanan. Pinaglaruan niya ang diwa ng paglilingkod sa sambayanan. Sa pagsisikap na makabuo ng larawan ng disiplina sa kampo, ang binigyan niya ng diin ay ang mga mahigpit na patakarang administratibo para sa mga maliit na pagkakamali; kanya pang ipinagmalaki nang husto ang pangyayaring sa munting paglabag sa mga patakaran mandi'y kaaway na tinatrato ang mga kasama na sobra-sobrang nililibak at umaabot pa nga sa pagpataw ng parusang kamatayan. Sagadsaran niyang kinontra ang ideya na ang pagwawasto ay isang makauring edukasyon. Sa napakaraming bahagi ng aklat, paulit-ulit niyang sinabi na "hindi maaasahan ang mga Pulang mandirigma at ang mamamayan sa harap ng opensiba ng kaaway.

Talaga naman kasing walang sampalataya si Pomeroy na magtatagumpay ang rebolusyong Pilipino. Sa paghihiwalay nila ng mga kasama, ang sama ng kanyang naging pahimakas: "Ang kanilang masiglang mga mukha na baka hindi na natin makita pa." At nagmamalaki pa niyang kuwento: "Magkita-kita tayo sa Muntinlupa, bati namin sa isa"t isa." Ito ang sukdulang kabaligtaran ng naunang "kaliwang" oportunistang pahimakas ng mga Lava: "Magkita-kita tayo sa Malakanyang." [8]

Sa paglalagom ng naging partisipasyon niya sa rebolusyonaryong kilusang Pilipino, ipinahayag niya:

Nang kami ni Celia ay lumampas sa malawak at kinagisnang daigdig upang pumasok sa liblib na kagubatan, hindi namin nadama ang pagkakahiwalay namin sa mundo, sapagkat dama namin ang pagiging bahagi ng isang daki- lang kilusan na may patunguhan at simulain, at ang bawat bulaos ng kagubatan ay landas tungo doon. Nang magkaroon ng sagka sa mga bulaos at sa simulain saka namin naramdaman na kaipala'y bilanggo kami ng kagubatan at hindi alam kung saan patungo ang landas na aming hinahawan.

Ngayon, sa malayo at liblib na pook na ito, kung saan ang bawat pagsanga ng ilog ay naghahain ng kawalang katiyakan, ang pangkat naming ito ang simbolo ng aming pakikibaka, ligaw at hindi alam ang pinatutunguhan.

Nagwakas ang burges na pesimismo ni Pomeroy nang sumuko siya sa mga kaaway. Nagbigay siya ng pag-uulat tungkol sa nangangatog niyang pagsuko:

Ubos-lakas akong sumigaw mula sa pinagkukublihang puno. Lumubay ang putukan sa itaas at nakarinig ako ng tinig na nagsasabing lumabas ako. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari pero lumitaw ako mula sa pinagkukublihang puno. Iyon ang pinakahuling puno sa kagubatan para sa akin.

Isinumpa niya ang armadong rebolusyonaryong pakikibaka: "Naiibang uri ng bulag na pakikibaka sa kagubatan." At pinapurihan niya ang kaaway: "May pagtatakang pinanood ako ng mga sundalo. Kakaiba ito: karamihan sa kanila ay mabait at disente, opisyal man o mga raso." Dito na isinuko ni Pomeroy ang sarili.

Laban sa pesimismo, itinuturo sa atin ni Tagapangulong Mao: "Maging matatag, huwag matakot sa anumang pagpapakasakit at bakahin ang anumang hirap upang makamtan ang tagumpay." Dapat nating panatilihin ang ating rebolusyonaryong sigasig at ang ating kapasiyahang lumaban at magwagi. Binaka ni Tagapangulong Mao ang kaisipang palasuko sa ganitong paraan:

Ang hukbong ito ay may matatag na kalooban at determinadong gapiin ang lahat ng kaaway at hindi kailanman susuko. Ano mang hirap at hilahil, hanggang may natitira pang isang tao, patuloy siyang lalaban.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.