Ginintuang anibersaryo ng Partido, ipinagdiwang
Libu-libo ang matagumpay na nakapagtipon sa maliliit at malalaking selebrasyon sa mga larangang gerilya sa buong kapuluan, mga sikretong lugar sa kalunsuran at maging sa labas ng bansa noong Disyembre 26, 2018 at mga araw bago at pagkatapos nito upang ipagdiwang ang ika-50 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).
Malaking sampal ito sa rehimeng Duterte at sa AFP na naglunsad ng walang awat na mga operasyong kombat, paniniktik at pagpapatrulya sa pagtatangkang pigilan ang mga pagdiriwang. Sa mga araw na ito, na kasabay ng tradisyunal na mga selebrasyon, tumanggi ang pamunuan ng AFP na tumbasan ang unilateral na tigil-putukan na idineklara ng PKP at hindi pinagpahinga ang kanilang mga tropa sa panahon ng kapaskuhan.
Komun sa mga pagdiriwang ang pagbigay ng pinakamataas na pagpupugay sa mga martir ng rebolusyon, pagtatanghal ng mga bagong tula, awit at sayaw na nilikha para sa anibersaryo at pagbabasa ng mga mensahe mula sa mga lokal na organisasyon ng Partido mula sa sangay sa baryo hanggang sa rehiyon.
Binasa rin ang mensahe ng Komite Sentral at ang sinulat ni Kasamang Jose Ma. Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Partido, na naglatag ng dakilang mga nagawa ng PKP sa nakaraang 50 taon. Sa iba’t ibang lugar, nagsalu-salo ang mga Pulang mandirigma, mga myembro ng Partido at rebolusyonaryong mamamayan ng mga simple pero espesyal na pagkain.
Ang sumusunod ang inisyal na nakalap na mga ulat ng Ang Bayan:
Sa himpillan ng pambansang pamunuan ng PKP, idinaos ang tatlong bahaging selebrasyon mula umaga hanggang gabi. Hinati sa tatlong bahagi ang selebrasyon: Unang bahagi ay mga palaro; ikalawang bahagi ang pagtalakay sa mga mensahe at ang ikatlong bahagi ay ang pagtatanghal at iba pang kasayahan. Lumahok sa selebrasyon ang mga namumunong kadre ng Partido kasama ang hukbo at iba pang mga yunit ng Partido. May iba’t iba pang kasabay na mga pagtitipon sa mga kalapit na mga baryo at yunit.
Isang lampas-taong mural na nagpakita ng iba’t ibang mga sektor ng lipunan na nagbubunyi at nagpupugay sa Partido ang nagsilbing sentro ng pagtitipon. Sa mga mensaheng pagpupugay ng kinatawan ng National Democratic Front at kinatawan ng Bagong Hukbong Bayan, kapwa nila kinilala ang walang katumbas na kabuluhan ng pamumuno ng Partido sa armadong pakikibaka at sa gawaing nagkakaisang prente at bawat isa ay muling pinagtibay ang komitment na patuloy na sumulong sa pamumuno ng Partido sa susunod pang mga taon hanggang sa tagumpay. Binasa ng isang kadre ang “Alay sa Ginintuang Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas,” isang tulang isinulat para sa ika-50 taon ng Partido.
Sa Negros, nagtipon ang libu-libong rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng isla. Sa isang lugar, mahigit 3,000 ang nagtipon upang panoorin ang pagtatanghal ng mga Pulang mandirigma.
Ani Ka Juanito Magbanua, tagapagsalita ng BHB-Negros, iniaalay ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ng Negros ang selebrasyon bilang paggunita at panawagan para sa hustisya sa siyam na magsasakang minasaker sa Sagay ng mga armadong elemento ng estado at despotikong panginoong maylupa.
Dumalo sa pagtitipon at nagbigay ng kani-kanilang mga mensahe ng pakikiisa ang mga kasapi ng Revolutionary Council of Trade Unions, Pambansang Katipunan ng mga Magsasaka, Kabataang Makabayan, Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, Katipunan ng Samahang Manggagawa, Katipunan ng Gurong Makabayan at Christians for National Liberation.
Bago ang anibersaryo, naglunsad ng gabi ng pagkakaisa ang kabataan mula sa Kabataang Makabayan at mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa Bicol, idinaos ang mga pagdiriwang sa Camarines Norte at Sorsogon.
Sa isang larangan sa Sorsogon, mahigit isandaan ang nagtipon. Itinanghal ng mga Pulang mandirigma ang ilang mga kanta mula sa Himig ng Digmang Bayan, isang bagong labas na kalipunan ng mga bagong likhang awitin. Sa programa, pinagpugayan nito ang mga Pulang mandirigma at kumander, mga kadre at kasapi ng Partido at mga martir ng rebolusyonaryong kilusan.
Dinaluhan ito ng mga residente sa kalapit na mga baryo at mga inimbitang myembro ng mga organisasyong masa at piling midya. Tampok sa pagdiriwang ang makukulay na pagtatanghal at pakikipagpanayam sa mga tagapagsalita mula sa iba’t ibang prubinsya.
Sa Southern Tagalog, pinangunahan ng Melito Glor Command ang pagdiriwang ng anibersaryo sa isa sa mga larangan sa rehiyon. Idinaos ni Ka Diego Padilla, tagapagsalita ng BHB-ST, ang isang press conference kaharap ang inimbitang mga reporter mula sa masmidya at iba pang bisita. Nagtanghal naman ang mga Pulang mandirigma. Inawit din ng pangkulturang grupo ng BHB, Pulang Bandila, ang “Gintong Araw, Gintong Aral,” na nilikha para sa ika-50 taon ng Partido. Mahigit isang daang mandirigma ng BHB ang lumahok sa pagdiriwang.
Naglunsad din ng hiwalay na programa ang BHB-Quezon. “Sampal sa mukha ni Rodrigo Duterte ang pagtitipon nating ito ngayon!,” ani Ka Cleo Del Mundo, tagapagsalita ng BHB-Quezon. Giit niyang higit pang susulong ang Partido at tiyak na makakapangibabaw sa kanilang mga kahinaan. Hinimok din niya ang mamamayan na sumapi sa BHB at mangahas na makibaka.
Sa Cordillera, matagumpay na idinaos ng BHB-ICR ang pagdiriwang sa ika-50 anibersaryo ng Partido sa gitna ng walang humpay na operasyong militar. Nagbigay ng mensahe si Simon “Ka Filiw” Naogsan sa mga kasapi ng midya at masang dumalo sa pagdiriwang. Ani Ka Filiw, sa nakaraang limampung taon matagumpay na naipundar at tuloy-tuloy na lumakas at sumulong ang armadong rebolusyonaryong kilusang sa rehiyon at sa buong Northern Luzon sa pamamagitan ng matatag na pamumuno ng Partido.
Dagdag pa ni Ka Filiw, masigasig na pinangingibabawan ng mga kasapi ng Partido at BHB sa rehiyon ang umiral na Kanang tendensya ng konserbatismo at paglakas ng ekonomismo at ligalismo sa nakaraang mahigit isang dekada at matatag na hinaharap ang bangis at terorismo ng Oplan Kapayapaan. Patunay nito ang kamakailang pagsupil ng pwersa ng BHB sa detatsment ng AFP-CAFGU sa Kalinga.
Sa North Central Mindanao, nagkarooon ng mga pagdiriwang ang mga sentro ng rehiyon at subrehiyon. Sa isang larangan nagtipon ang mahigit 800 mga Pulang mandirigma at mga inimbitang residente ng mula sa mga baryo. Nagkaroon ng makukulay na dibuho at pangkulturang pagtatanghal ang mamamayan at kanilang hukbo. Sa sentro ng rehiyon, inawit ang Ginintuang Taon, isang bagong likhang awit para sa anibersaryo. Ito ay sa harap ng walang-awat na mga operasyong kombat ng AFP sa lugar.
Sa kanilang pahayag, binigyang-diin ng PKP-NCMR ang mga tagumpay ng Partido at hukbo sa rehiyon sa nakaraang limampung taon. Sa taong 2018, nakapaglunsad ang BHB-NCMR ng 102 aksyong militar. Alinsunod sa ulat, aabot sa isang kumpanya ang kaswalti sa kaaway. Sa kabilang banda, nag-alay ng buhay ang 16 na Pulang mandirigma sa halos walang patid na mga nakapokus na operasyong miltar ng AFP sa buong taon.
“Anumang matinding operasyon at atake ng pasistang rehimen sa rebolusyonaryong kilusan, hindi nito mapipigilan ang higit pang paglapad at pagtibay ng mga baseng masa. Patunay nito ang mga naitayong organo ng kapangyarihang pampulitika sa rehiyon at mga kampanyang masa na nailulunsad,” ani Ka Norsen Manggubat.
Ibinalita naman ng panrehiyong kumand sa operasyon ng BHB- Zamboanga Peninsula ang kanilang matagumpay na pagdiriwang sa isang larangang gerilya. Ito ay sa kabila ng malawakang operasyong militar at paniniktik na inilunsad sa mga lugar na tinaya ng AFP na pagdadausan ng anibersaryo. Nagtayo pa ng tsekpoynt ang mga pulis sa haywey. Masayang-masaya ang mga kasama, gayundin ang mga bisita, na naidaos nila ang selebrasyon sa kabila ng mga banta ng AFP.
Sa Metro Manila, naglunsad ng lighting rally ang Kabataang Makabayan-Lucille Gypsy Zabala (KM-LGZ) bilang paggunita sa ika-54 anibersayo ng Kabataang Makabayan at sa papalapit na ika-50 anibersaryo ng PKP.
Pinangunahan naman ng Revolutionary Council of Trade Union, ang raling iglap sa Maynila bilang paggunita sa ika-50 taon ng Partido noong Disyembre 16. Kasabay nito, nagmartsa rin ang mga kasapi ng Kabataan Makabayan sa Morayta, Maynila.
Ipinagdiwang din ang ika-50 anibersaryo ng Partido sa ibayong dagat. Sa Utrecht, Netherlands nagtipon ang mga rebolusyonaryong pwersa at mga artista upang gunitain ang ika-50 taon ng PKP. Mahigit 200 katao ang dumalo sa pagdiriwang na pinangunahan ng NDFP, Linangan Art and Culture Network at Basis voor Actuele Kunst. Nagpalabas dito ng iba’t ibang bidyo, mga likhang sining at mga pagtatanghal na nagtatampok sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan sa Pilipinas.
Nagpahayag din ang mga kinatawan ng NDFP, tampok dito ang pambungad na pahayag ni Juliet de Lima, hinggil sa ambag ng rebolusyong Pilipino sa progresibong kultura sa bansa. Hinamon niya ang mga aktibista at rebolusyonaryong pwersa na higit pang magpalakas upang makamit ang antas ng pakikibaka na nakapagpabagsak ng diktadurang US-Marcos. Gayundin, dapat gawing tema ng mga manggagawang pangkultura at artista ang isyu sa lupa ng mga magsasaka, ang dominasyon ng dayuhan sa ekonomya, pagsasamantala sa kababaihan at pagkawasak ng kalikasan habang inihahayag ang kanilang aspirasyon para sa tunay na kalayaan at paglaban sa atake ng neoliberalismo sa progresibong kultura ng mamamayang Pilipino.
Mahigit 30 organisasyon mula sa Germany, Norway, Austria, India, France at iba pang bansa ang nagpahayag ng suporta at pakikiisa sa rebolusyong Pilipino.
Nagkaroon naman ng raling iglap noong Disyembre 23 ang mga migranteng Pilipino sa Hongkong. Bitbit ang bandila ng PKP, pinangunahan ng organisasyong COMPATRIOTS-HK, rebolusyonaryong samahan ng mga migrante, ang pagmartsa sa sentrong lunsod ng Hongkong.
Pinagpugayan nito ang mga martir ng Partido at rebolusyon kabilang na ang mga dating migranteng Pilipino na nag-ambag sa pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan ng mga Pilipino sa ibayong dagat.
Naglabas din ng mga mensahe ng pakikiisa at pagbati si Concha Araneta, tagapagsalita ng NDFP-Panay, si Fr. Santiago “Ka Sanny” Salas ng NDFP-Eastern Visayas, Komite sa Rehiyon ng NEMR at mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa Cebu.