Ika-32 taon ng Mendiola Massacre, ginunita

,

NAGTIPON ANG MGA magbubukid mula sa Bulacan, Tarlac, Pampanga, Bataan, Zambales, Pangasinan, Laguna at Batangas noong Enero 22 sa harap ng Malacañang para manawagan ng hustisya para sa masaker ng mga magsasaka sa Mendiola noong 1987. Tatlumpu’t dalawang taon na ang nakalilipas pero ni isa ay wala pang nakakasuhan ni nahahatulan sa madugong krimen. Labintatlong magsasakang ang nasawi habang daan-daan ang nasugatan matapos pagbabarilin ng mga pulis at sundalo ang 20,000 magsasakang nagmartsa para sa tunay na reporma sa lupa sa naturang insidente.

Kinundena rin ng KMP ang patuloy na pamamaslang sa mga magsasaka at mangingisda sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ayon sa KMP, mahigit 170 na ang magsasakang biktima ng pampulitikang pamamaslang.

Sa Bicol, mahigit 1,500 magsasaka at tagasporta nila ang nakiisa sa paggunita ng brutal na masaker. Nagtipon ang 700 sa harap ng kapitolyo ng Albay sa Legazpi City. Nagtipon naman ang 800 sa Sorsogon City. Kasabay nito, idinaos ang panrehiyong kongreso ng Anakpawis sa Naga City na nilahukan ng 500 kasapi ng grupo.

Sa Negros, pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan-Negros at National Federation of Sugar Workers ang martsa-protesta mula Capitol Lagoon Park tungong Fountain of Justice sa Bacolod City noong Enero 21. Sigaw ng mga raliyista ang hustisya para sa siyam na magsasakang minasaker sa Sagay noong nakaraang taon at sa brutal na pamamasalang sa lider magsasakang si Alexander Ceballos. Naglunsad din ng kaugnay na protesta sa Cebu, Davao, Misamis Oriental at Bukidnon.

Ika-32 taon ng Mendiola Massacre, ginunita