Simbahan, mga progresibong grupo, nagkaisa laban sa tiraniya

,

IBA’T IBANG SEKTOR AT organisasyon ang nagprotesta laban sa pasismo at tiraniya noong Enero. Pinangunahan ang mga ito ng mga relihiyoso, manggagawa mula sa Sumifru, kabataang Lumad, kababaihan at magsasaka.

Nagsama-sama ang mga taong-simbahan at mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao upang ipanawagan ang hustisya, katotohanan at kapayapaan sa isang prayer rally sa Malate, Maynila noong Enero 25 na tinagurian nilang “One Faith, One Nation, One Voice” (Isang Pananampalataya, Isang Bayan, Isang Boses). Pinangunahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at National Council of Churches in the Philippines ang pagkilos.

Binatikos nila ang pang-aalipusta at paninira ng rehimeng Duterte sa simbahan, gayundin ang kanyang panghihikayat na nakawan o patayin ang mga obispo. Mariin din nilang kinundena ang laganap na kawalan ng hustisya at pananagutan sa bansa.

Dumalo sa aktibidad ang mga manggagawa mula sa Sumifru at mga Lumad na napalayas sa kanilang komunidad dulot ng matinding militarisasyon. Ipinanawagan nila ang kapayapaan na nakabatay sa hustisya. Hinimok nila ang mamamayan na makiisa sa kanilang pakikibaka dahil ang kanilang laban ay para sa lahat ng inaapi.

Nakiisa rin sa okasyon sina Bishop Roderick Pabillo, dating Sen. Rene Saguisag, Bro. Armin Luistro at Sr. Mary John Mananzan.

Ani Sr. Mananzan, tinatarget ng rehimeng Duterte ang mga taong simbahan sa pamamagitan ng iba’t ibang ahensya ng gubyerno at kanyang mga elemento upang patahimikin ang kanilang paglaban.

Ayon naman kay Bro. Armin Luistro, “hindi na uubra ang mga mahahabang dasal at pasensya. Ang pagkilos na ito ay para sa mga inaapi, ang mga ikinukulong na walang sala at pinagsasamantalahan.”

Simbahan, mga progresibong grupo, nagkaisa laban sa tiraniya