Papatinding atake sa mamamayan ng NMR
Papatindi ang mga atake ng rehimeng US-Duterte sa mamamayan ng Mindanao, laluna sa mga magsasaka at pambansang minorya, sa ilalim ng batas militar. Partikular sa Northern Mindanao, tumaas ang bilang ng ekstrahudisyal na pamamaslang, iligal na pang-aaresto at detensyon, pananakot, panggigipit, sapilitang pagpapasurender at militarisasyon ng buu-buong komunidad.
Ang mga ito ay naglalayong patahimikin ang pakikibaka ng mamamayan para sa lupa, lupang ninuno at karapatan para sa pagpapasya sa sarili. Gayundin, layunin nitong bigyang-daan ang interes ng mga korporasyong nag-aari ng malalawak na plantasyon at mga mandarambong sa kalikasan.
Ayon sa mga ulat ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, mula nang ipataw ang batas militar sa Mindanao hanggang Disyembre 2018, mayroon nang hindi bababa sa limang kaso ng bigong pamamaslang, isang kaso ng pagkawala, 10 biktima ng pagtortyur, 100 kaso ng iligal na pag-aresto at detensyon, 465 pananakot, harasment at intimidasyon, 245 biktima ng walang pakundangang pamamaril, 727 pambobomba at 1,827 indibidwal ang biktima ng pwersahang paglikas.
Tumaas din nang ilang daan ang bilang ng kaso ng huwad at sapilitang pagpapasuko sa Bukidnon partikular sa bayan ng San Fernando, Quezon, Pangantucan, Sumilao at Impasug-ong. Kabilang sa mga naisadokumento ng grupo ang kaso ng pamamaslang noong Setyembre 15, 2018 kay Rex Hangadon, isang magsasakang Lumad na binaril ng mga sundalo ng 23rd IB habang nagpapahinga sa kanyang kubo sa Sityo Bulak, Lower Olave, Buenavista, Agusan del Norte. Samantala, ang kanyang ama na kasama niya sa panahong ito ay nawawala.
Pagpasok ng 2019, litaw ang paggamit ng rehimen ng mga sibilyang institusyon at ahensya para sa mga layuning militar sa ilalim ng “whole-of-nation approach” at 12 Pillars ng NISP. Kabilang ang sumusunod sa pinakahuling mga kaso ng pamamaslang at panggigipit ang sumusunod:
Pamamaslang. Dalawang magsasakang Lumad, si Randel Gallego at Emel Tejero, ang pinatay ng mga sundalo ng 36th IB noong Enero 24 sa Barangay Buhisan, San Agustin, Surigao del Sur. Si Gallego at Tejero, kasama ang apat pang magsasaka, ay tumungo sa Sityo Dilinggion, Km 30 sa naturang barangay upang mag-ani ng abaka. Habang naglalakad pauwi bandang alas-2 ng hapon, nakasalubong ni Gallego, Tejero at dalawa pa nilang kasamahan sa Km 19 ang mga sundalo. Agad na pinaputukan ng militar ang grupo, at tinamaan sina Gallego at Tejero. Nakaligtas ang dalawa nilang kasama at nag-ulat sa komunidad.
Samantala, ang dalawa pang magsasakang naiwan sa abakahan ay nagdesisyong umuwi matapos marinig ang putukan. Nakasalubong nila ang mga sundalo at sila’y iligal na inaresto. Dinala sila pabalik sa abakahan, iginapos at magdamag na isinailalim sa interogasyon. Kinabukasan na sila pinalaya ng mga sundalo.
Matapos ang limang araw, ibinalita ng 401st Brigade na sina Gallego at Tejero ay mga myembro umano ng BHB na napatay nila sa labanan.
Ang mga sundalo ng 401st Brigade, kabilang ang 75th IB, 36th IB at 16th SFB, ang umaatake sa mga komunidad ng mga Manobo sa Lianga, Marihatag, San Agustin at Tago simula pa noong Disyembre 2018.
Iligal na pang-aaresto. Sunud-sunod na iligal na inaresto ng mga sundalo at pulis ang anim na aktibista sa Misamis Oriental noong Enero 28 at 30.
Noong Enero 28, dinukot ng mga sundalo ng 65th IB at PNP-Criminal Investigation and Detection Group sina Datu Jomorito Goaynon, tagapangulo ng Kalumbay Regional Lumad Organization, at si Ireneo Udarbe, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Northern Mindanao.
Mula sa kanilang upisina sa Barangay Bulua, Cagayan de Oro City, bumiyahe ang dalawa bandang alas-10 ng umaga para makipagpulong sa isang myembrong organisasyon ng Kalumbay at pagkatapos ay makipagdayalogo sa mga kinatawan ng 65th IB hinggil sa mga reklamo ng panggigipit at pwersahang pagpapasuko na ginagawa ng mga sundalo. Hindi na nakarating sa pulong ang dalawa at naputol ang komunikasyon sa kanilang mga pamilya at kasamahan.
Kinabukasan, iniharap sila sa publiko bilang mga lider umano ng BHB at sinampahan ng gawa-gawang kaso batay sa mga tanim na ebidensya.
Noon namang Enero 30, bandang alas-6:30 ng gabi, nilusob ng parehong yunit ng PNP at AFP ang upisina ng Misamis Oriental Farmers’ Association (MOFA) sa Barangay Looc, Villanueva, Misamis Oriental. Dinakip sina Jerry Basahon, 48, tagapangulo ng MOFA; Gerald Basahon, 43, myembro ng konseho ng MOFA at mga istap na sina Marivic Coleta, 22, at Mylene Coleta, 19.
Bukod dito, kinuha rin ng mga umaresto ang dalawang paslit at isang menor-de-edad at ibinibimbin sa DSWD. Gamit ang ahensya, mistulang hostage ang mga batang pinaghihinalaang anak ng BHB. Maniobra ito ng estado upang obligahin ang magulang ng mga bata na magpakita. Pagyurak ito sa karapatan ng mga bata na mamuhay ng malaya at ligtas sa lahat ng klase ng karahasan. Ang karapatang ito dapat ay tinataguyod pangunahin ng estado.
Bago pinasok ng mga sundalo at pulis ang upisina, pinaputukan muna nila ito, at tinutukan ng baril maging ang mga bata. Nagtanim ng ebidensyang baril at mga pampasabog ang mga sundalo at pulis at inakusahan ang apat na mga myembro ng BHB.
Militarisasyon at pambobomba sa mga komunidad ng mga Lumad. Nitong Enero 21, ilang serye ng pambobomba ang isinagawa ng AFP malapit sa komunidad ng Decoy, Panukmoan, Manluy-a, at Km. 15 sa Barangay Diatagon. Dahil dito, napwersang lisanin ng 55 pamilya ang kanilang mga bahay. Noon namang Enero 22, 64 pamilya at 333 na indibidwal mula sa mga komunidad sa Manluy-a, Panukmoan at Decoy sa Lianga, Agusan del Sur ang lumikas dahil sa walang humpay na operasyong militar at pambobomba. Sila ay kasalukuyang dumaranas ng matinding truma at kagutuman dulot ng food blockade at pambobomba.