Mga progresibong grupong partylist, inaatake ni Duterte

,

SUNUD-SUNOD NA IBINASURA ng Commission on Elections (Comelec) noong Enero ang kandidatura ng demokratiko at progresibong mga grupong party-list habang pinaburan ang mga grupong pinamumunuan ng dinastiyang pulitikal, kabilang ng pamilya ni Rodrigo Duterte.

Kabilang sa mga progresibong grupo na hinarang ng Comelec ang Manggagawa Partylist, Aksyon Health Workers at People’s Surge Partylist na pawang kabilang sa koalisyong Makabayan. Dahil dito, naglunsad ng rali ang iba’t ibang grupo sa harapan ng upisina ng Comelec noong Enero 23 para batikusin ang desisyon.

Kasabay nito, tuluy-tuloy ang pang-aatake ng rehimen sa subok na at kilalang progresibong grupo ng Makabayan bloc. Ibinasura kamakailan ng Court of Appeals ang apela ng ACT Teachers Party na itigil na ng Philippine National Police (PNP) ang sarbeylans at panggigipit sa kanilang mga myembro. Kaugnay ito sa nabunyag na kautusan na tukuyin at imbestigahan ang mga myembrong guro nito na tinagurian ng PNP na mga “kaaway ng estado.”

Sa kabilang banda, ipinanawagan ng mga progresibong grupo ang diskwalipikasyon ng mga huwad na grupong pinatatakbo ng Duterte. Kabilang sa mga ito ang AA-Kasosyo at Duterte Youth. Ang AA-Kasosyo ay hawak ni Mocha Uson habang ang Duterte Youth naman ay pinamamahalaan ni Ronald Cardema na tagapangulo din ng National Youth Commission.

Samantala, tinukoy ng Kontra Daya ang mga pekeng grupong partylist na pinahihintulutan ng Comelec na tumakbo sa kabila ng malilinaw na palatandaang walang kinakatawang “mahihirap na sektor” ang naturang mga grupo at kunektado sa kasulukuyang mga upisyal ng gubyerno at mga pampulitikang dinastiya. Kabilang dito ang malalapit na kaalyadong pamilya ni Duterte tulad ng mga Marcos, Alvarez, Arroyo, Villar at Pinol.

Mga progresibong grupong partylist, inaatake ni Duterte