Ang paghugos ng milyun-milyong mamamayan sa lansangan sa buong mundo

,

Milyun-milyong mamamayan ang humugos at patuloy na humuhugos sa mga lansangan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig para ipanawagan ang pagbabasura sa pahirap na mga patakaran sa kani-kanilang bansa. Dambuhalang mga protesta ang inilunsad sa Latin America, Europe, Middle East at Africa nitong nagdaang mga linggo para labanan ang mga neoliberal na patakarang pang-ekonomya, pagsidhi ng di pagkakapantay-pantay, katiwalian at pambansang pang-aapi sa gitna ng tumitinding krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema.

Sumiklab ang mga protesta sa Chile, Ecuador at Lebanon. Itinuon ang mga ito laban sa mga patakarang ipinataw ng IMF-World Bank gaya ng dagdag presyo at buwis, at pagkaltas ng badyet para sa mga serbisyong panlipunan. Sa Bolivia, Guinea at Iraq, nag-alsa ang mga mamamayan laban sa lantarang katiwalian ng naghaharing uri na maluhong namumuhay habang nagdurusa ang kalakhan sa labis na kahirapan, kawalan ng trabaho at gutom. Pumutok din ang welgang bayan sa Spain bilang pagkundena sa pagkakakulong ng 12 lider-aktibista dahil lamang sa kanilang partisipasyon sa isang reperendum noong 2017 at kasunod na pagdedeklara ng kalayaan ng Catalan.

Pinakamalaki sa mga ito ang protesta ng mahigit 1.2 milyon sa Santiago, kabisera ng Chile, noong Oktubre 25. Sumiklab ang pagkilos noong Oktubre 7 bilang kampanya laban sa 4% pagtaas ng pamasahe sa tren ($.04 o P2). Dahil sa mabilis na paglawak ng kilusang protesta, natulak si Pres. Sebastian Piñera na magdeklara ng state of emergency noong Oktubre 18 para bigyang daan ang pagpapakat ng mga tropa ng Chilean Army sa pangunahing mga rehiyon ng bansa at pagsupil sa paglaban ng mamamayan. Nagresulta ito sa pagkamatay ng hindi bababa sa 20 sibilyan, habang 2,500 ang sugatan at 2,840 ang inaresto. Daan-daan din ang dinukot at hindi pa natatagpuan.

Sa harap ng panunupil, nagpapatuloy ang mga protesta at nagkamit na ng malalaking tagumpay ang mga mamamayan. Sa Lebanon, napatalsik sa pwesto si Prime Minister Saad Hariri noong Oktubre 29. Natulak din ang iba pang mga rehimen na bawiin ang mga repormang neoliberal na ipinatupad nila.

Bago ang mga protestang sumiklab noong Oktubre, nagkaroon na ng dambuhalang mga pagkilos sa France (Yellow Vest), Iraq, Russia at Algeria. Nasa apat na buwan na ang mga protesta sa Hongkong.

Liban sa laki ng mga pagkilos, komun sa mga ito ang paunang pagsiklab ng galit ng mamamayan sa isa o dalawang partikular na patakaran. Pero hindi nagtatagal, lumalawak ang mga panawagan at dumarami ang sektor, organisasyon at partidong naglulunsad ng kani-kanilang mga pagkilos. Nabubuo ang malawak na nagkakaisang prente at nagiging organisado ang kanilang mga aktibidad. Napapakilos sila sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na panawagan, pagpapaliwanag at pag-eengganyo para makialam, makiisa at kumilos para sa mga karapatan at kagalingan. Malawakan, masinsin at walang tigil ang panghihikayat gamit ang mga daluyan ng internet, partikular ng social media. Kasabay nito, malawakan ang pagpapalaganap ng tradisyunal na mga porma ng propaganda, tulad ng mga polyeto, pahayag, likhang sining at iba pa sa hanay ng mamamayan. Karamihan sa mga protesta ay unang inilulunsad ng mga estudyante. Lumalawak ang mga ito kapag nilalahukan na ng mga manggagawa at propesyunal.

Nahaharap sa maraming hamon ang mga kilusang protestang ito. Sa kasaysayan, nagiging mahirap ang pagtutuluy-tuloy ng ganitong mga kilusan, lalupa’t wala itong kinikilalang iisang sentro. Habang nahihimok ng mga kilusan ang napakalawak na mamamayan, nahahatak din nito ang maliliit na grupong anarkista at mga nananabotahe. Habang mayorya ang payapang nakikibaka, nagiging tampok ang mararahas na porma ng iilan. Ginagamit ng mga estado ang mararahas na insidente para bigwasan ang mga raliyista at suklian sila ng mas matinding karahasan. Gayundin, may mga bansang sinasakyan ng mga dayuhang kapangyarihan ang lehitimong pakikibaka ng mamamayan para makialam.

Nakiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mga kilusang protestang ito. Ayon sa Partido, ang bugso ng mga kilusang protesta ay magsisilbing inspirasyon sa mamamayan ng buong daigdig para maglunsad ng kanilang sariling mga demokratikong pakikibaka at isulong ang paglaban para sa pagkakamit ng panlipunang hustisya at pambansang paglaya. Dapat na magsikap ang uring proletaryado na pangunahan ang popular na mga pag-aalsa at maghawan ng daan para sa muling pagdaluyong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo, pagwawakas nito.

Ang paghugos ng milyun-milyong mamamayan sa lansangan sa buong mundo