Pasismo sa mga eryang nilindol sa Mindanao, binatikos

,

Matapos ang trahedyang dulot ng mga lindol sa Mindanao noong Oktubre, nanawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at mga rehiyunal na yunit nito sa Southern Mindanao Region (SMR) at Far South Mindanao Region (FSMR) na biguin ang militarismo ng rehimeng US-Duterte. Niyanig ang isla ng hindi bababa sa limang magkakasunod na lindol mula Oktubre 16-31. Pinakaapektado rito ang Davao del Sur at North Cotabato.

Ayon sa PKP, hindi katanggap-tanggap ang utos ni Sec. Delfin Lorenzana ng Department of National Defense na magtayo ng mga tsekpoynt sa mga bayan na labis na sinalanta.

“Ipinapataw ni Lorenzana ang kontra-insurhensyang layon nito sa pagbibigay ng agarang tulong,” ayon sa PKP. Pahihirapan ni Lorenzana ang mga gustong magbigay ng agarang tulong. Magreresulta rin ito sa malawakang korapsyon at pagnanakaw ng mga suplay ng ayuda. Malala pa, maaari din niyang ipag-utos ang pag-aresto sa mga grupong nagbibigay ng ayuda sa tabing na hindi sila awtorisado.

Iniulat ni Rubi del Mundo ng NDF-SMR na sa mga labis na apektadong lugar, pinipilit ng mga sundalo ang mga biktima na patunayang sila nga ay sinalanta ng lindol. Ipinaiilalim sila sa interogasyon at paghahalughog, na pumipigil sa kanilang humingi ng tulong at maghanap ng matutuluyan.

Ayon naman kay Ka Gary Angeles ng BHB-FSMR, nagrereklamo na ang mga biktima sa labis na pagpapabagal ng AFP at pagsasarbeylans nito sa mga tulong at serbisyong ipinadadala ng mga makataong grupo at sibilyang organisasyon.

Gayunpaman, ayon sa NDF-SMR, sa kabila ng militarismo ng reaksyunaryong rehimen, patuloy na nakapagpapaabot ng tulong at rehabilitasyon sa mga biktima ang mga lihim na organisasyon masa laluna ang mga yunit ng BHB. Nagsisikap ang mga organisasyong masa at alyado nito na magpaabot ng ayudang makakain at iba pang materyal na tulong sa mga biktima. Tumutulong naman ang mga Pulang mandirigma sa pagsasaayos ng mga bahay at sakahan at pagsalba sa mga tanim ng magsasaka sa mga bulubunduking lugar.

Hinimok din ni Del Mundo ang mga organisasyon at indibidwal na hamunin ang militarismo ng rehimen sa gitna ng nagaganap na krisis at alamin ang tunay na kalagayan ng mga biktima sa mga sentro ng ebakwasyon.

Pasismo sa mga eryang nilindol sa Mindanao, binatikos