Tanim-ebidensya laban sa 57 aktibista
Iligal na inaresto ng pinagsanib na pwersa ng pulis at mga sundalo ng 3rd IB ang 57 aktibista sa Negros noong gabi ng Oktubre 31 at Nobyembre 1. Itinuturing itong pangatlong bugso ng madugo at iligal na Oplan Sauron sa isla. Sa tangkang gawing lehitimo ang operasyon, nagtanim ng mga ebidensyang baril ang mga sundalo at pulis sa mga upisina ng mga inaresto sa Bacolod at Escalante.
Nagtanim din ng ebidensyang pasabog ang mga pulis para hindi makapagpyansa ang mga inaresto. Naglagay ng mahigit 30 pistola at mga bala sa iba’t ibang bahagi ng mga upisina at ibinintang sa mga aktibista. Nakunan pa ng bidyo ng isang myembro ng alternatibong midya ang mga pulis habang kunwa’y naghahalungkat ng mga baril at bala sa isang itinanim na bag.
Ang mga iligal na inaresto ay mga lider at myembro ng Bayan Muna, Gabriela, National Federation of Sugar Workers, at Kilusang Mayo Uno (KMU). Kabilang dito ang 21 manggagawa ng Ceres Bus Line na noo’y nakikipagkonsultahan sa KMU.
Inaresto rin ang mga myembro ng Teatro Obrero at Teatro Bungkal. Karamihan sa mga myembro ng mga ito’y mga bata at kabataan na nag-eensayo para sa nalalapit na okasyon sa prubinsya. Isang kagawad ng alternatibong midya na Paghimutad ang dinakip rin. Lahat ng mga inaresto ay inakusahang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso.
Ayon sa Karapatan, ang malawakang iligal na pag-aresto ay palatandaan ng pinaigting na panunupil hindi lamang sa isla kundi sa buong bansa. Layunin umano nitong patahimikin ang mga progresibo, aktibista at mga kritiko ng rehimeng Duterte. Nakiisa rin ang International Coalition for Human Rights in the Philippines at Amnesty International sa pagkundena sa malawakang iligal na pag-aresto.
Sunud-sunod na pagkilos ang inilunsad ng mga pambansa-demokratikong organisasyon sa Negros at Metro Manila para kundenahin ang mga pag-aresto. Nagpiket ang mga progresibong grupo sa harap ng Camp Crame sa Quezon City noong Nobyembre 4. Kinundena rin ng mga progresibong grupong nakabase sa Melbourne, Australia at sa Los Angeles, California at New York sa US ang iligal na pag-aresto.
Nitong Nobyembre 6, pinangunahan ng Makabayan at iba pang aktibistang grupo ang #PadayonNegros: National Solidarity Mission sa Bacolod. Binisita nila ang mga inaresto at kinundena ang panggigipit ng estado laban sa mga progresibo at mga kritiko nito. Nagtungo naman ang Karapatan sa Quezon City Hall of Justice upang kwestyunin ang pag-isyu ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert ng magkakatulad na mandamyentong ginamit ng PNP sa Bacolod at Maynila.
Nagkaroon din ng kaugnay na mga protesta sa Cebu at Iloilo.