Di-makataong pagtrato sa mga bilanggo, kinundena

,

ISINALARAWAN NG KAPATID bilang nasa “kritikal na kalagayan” ang mga bilanggo sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa. Ang Kapatid ay organisasyon ng mga kapamilya at tagasuporta ng mga bilanggong pulitikal. Namatay ang 29 bilanggo resulta ng “lockdown” o pagsasara ng NBP noong Oktubre 9. Pulmonya at iba pang sakit ang ikinamatay nila.

Ipinagbawal ng “lockdown” ang mga pagdalaw at winasak ang mga kubol na tulugan ng mga bilanggo. Ayon kay Eduardo Sarmiento, konsultant ng NDFP na nakakulong sa NBP, matapos ang demolisyon ng mga kubol, siksikan na ang mga bilanggo sa maliliit na espasyo sa maximum compound. Mayorya sa kanila ay maysakit at matatanda. Ang ilan ay napipilitang matulog sa sahig o sumilong saanmang may bubong. Mayroong di bababa sa 27,821 bilanggo sa NBP.

Sa pagharap ng Kapatid sa midya noong Oktubre 25, sinabi ng grupo na sadyang hindi ginamot ng mga upisyal ng Bureau of Corrections ang mga bilanggo. Binatikos din nila ang iba’t ibang bayarin sa NBP, gaya ng pagbabayad ng kuryente sa kada bilangguan. Ibinebenta rin ang inuming tubig sa halagang P150 habang ang isang lata ng sardinas ay umaabot sa P100.

Nanawagan din si Sarmiento na pagsama-samahin ang mga bilanggong pulitikal sa isang gusali sa loob ng maximum compound. Mayroong mahigit 60 bilanggong pulitikal na nakakulong sa iba’t ibang gusali ng NBP.

Di-makataong pagtrato sa mga bilanggo, kinundena