100,000 Maranao, tumutol sa dagdag na kampo-militar sa Marawi

,

NAGHAIN NG PETISYON sa Malacañang ang mga residente ng Marawi City at Lanao del Sur upang pigilan ang planong pagtatayo ng dagdag na kampong militar sa kanilang syudad. Umabot sa 100,000 katao ang pumirma sa petisyong isinumite noong Nobyembre 15. Target itayo ang kampo sa Barangay Kapantaran, isa sa 24 barangay na pinakaapektado sa pambobomba ng Armed Forces of the Philippines noong 2017.

Ang itatayong bagong kampo ay may pampulitika at panlipunang epekto, ayon sa mga nagpetisyon. Ang presensya ng sundalo sa syudad ay labag sa kanilang kultura at relihiyon at magdudulot lamang ng ligalig sa mga residente. Iginiit nila na nakasalalay sa Marawi ang pagkakakilanlan at kultura ng Maranao at kung pahihintulutan ang itatayong kampo, maaapektuhan nito ang kinabukasan ng susunod na mga henerasyon ng kanilang lahi.

Kabaligtaran ng petisyon, pinirmahan ni Rodrigo Duterte ang Memorandum Order 41, na nag-utos sa pagbubuo ng komite na “mag-aaral” sa posibilidad ng pagtatayo ng naturang kampo noon ding Nobyembre 15. Inilabas ang kautusan halos dalawang taon matapos pinasinayaan ni Duterte ang target na erya noong Enero 2018. Lampas isang taon na rin ang lumipas matapos ibigay sa Department of National Defense ang pondong P51 milyon para bilhin ang mga lupa sa Kapantaran. Sa loob ng dalawang taon, tumaas ang halaga ng lupa dito mula ₱100-₱200 kada metro kwadrado tungong ₱1000-₱2000 ngayong 2018. Hanggang sa kasalukuyan, nasa proseso pa rin ang rehimen sa pagtutukoy kung sino ang mga nagmamay-ari sa lupa.

Hindi bahagi ng binuong komite ang lokal na gubyerno ng Marawi at mga residente ng Marawi. Ayon sa Moro Consensus Group, labag ito sa proseso ng pagkuha ng pahintulot sa mga grupong katutubo sa lugar.

100,000 Maranao, tumutol sa dagdag na kampo-militar sa Marawi