Kudeta sa Bolivia, pakana ng US
Kinundena ng progresibong mamamayan at mga lider sa buong mundo ang kudetang inudyukan ng US na nagtanggal kay Evo Morales bilang halal na presidente ng Bolivia noong Nobyembre 10. Kusang nagbitiw sa pwesto si Morales sa gitna ng mararahas na demonstrasyon na pinasimunuan ng kanyang mga kalaban sa pulitika.
Nagpasya siyang magdistyero sa Mexico matapos sinalakay ng bayarang mga maton ang kanyang bahay, gayundin ang bahay ng kanyang kapatid. Bago nito, pinagbantaan siyang papatayin, pati na ang mga myembro ng kanyang gabinete at kanilang mga pamilya.
Nagsimula ang karahasan matapos manalo si Morales sa eleksyong pampresidente noong Oktubre 20. Nahalal siya sa pang-apat na pagkakataon nang makuha niya ang 48% ng mga boto. Pero sa halip na galangin ang resulta, nanawagan ang kanyang mga kalaban sa pulitika ng malawakang mga demonstrasyon. Partikular na target ng mga tagasuporta ng oposisyon (na kalakhan ay maka-Kanan) ang mga pambansang minorya na bumubuo sa 60% ng populasyon ng bansa. Noong Nobyembre 7, sinilaban ng mga grupo ng oposisyon ang munisipyo ng Vinto. Kinaladkad ng mga ito sa kalye ang meyor ng bayan na si Patricia Arce, pinahiya sa publiko at pwersahang pinagbitiw sa pwesto. Sa parehong araw, inatake ng mga grupong ito ang 200,000-kataong demonstrasyon ng kababaihang magsasakang tagasuporta ni Morales. Hindi bababa sa 10 tagasuporta ni Morales ang napatay at 400 ang nasugatan sa mga atakeng ito. Ipinalit ng US kay Morales si Jeanine Añez, isang kandidatong nakakuha lamang ng 1.6% ng mga boto sa eleksyon.
Papel ng US
Malaki ang papel ng US at mga kaalyado nito sa “pagpapalit-rehimen” sa Bolivia. Hindi naiiba ang kudeta laban kay Morales sa tangkang kudeta laban kay Nicolas Maduro ng Venezuela noong unang bahagi ng taon. Partikular sa Bolivia, ginamit ng US ang National Endowment for Democracy, isang ahensyang nagpapanggap na isang non-governmental organization o NGO, para pondohan ang pulitikal na oposisyon at sulsulan ang mga organisasyon nito para patalsikin si Morales sa poder. Binubuo ang oposisyong ito ng lokal na oligarko na kinalaban ni Morales sa kanyang 14-taong panunungkulan bilang presidente ng bansa.
Ginamit din ng US ang Organisation of American States, isang institusyong nakabase sa Washington, para baliktarin ang resulta ng eleksyon. Hindi pa man natatapos ang bilangan, idineklara ng organisasyon, kasama ng mga upisyal ng US at European Union na “dinaya” ito. Nananawagan silang ipawalambisa ang resulta kahit walang maipakitang ebidensya ng katiwalian. Iginiit nilang magkaroon ng pangalawang botohan, kahit pa maraming independyenteng tagamasid ang nagdeklarang lehitimo ang eleksyon. Para harapin ang mga akusasyon, nanawagan si Morales ng pangalawang eleksyon. Hindi ito pinansin ng US, at sa halip ay ibinasura ang kapasyahan ng mamamayang Bolivian. Nanawagan ang mga ito ng mga welga at boykot, na karamihan ay nauwi sa karahasan. Marahas namang sinupil ng mga kaalyado ng oposisyon na mga pulis at sundalo ang mapayapang mga protesta ng mga tagasuporta ni Morales.
Independyenteng lider
Katulad ni Maduro ng Venezuela, matagal nang pinag-iinitan ng US si Morales. Isa siya sa mga lider na matatag na naninindigan laban sa imperyalistang hegemonya ng US sa Latin America. Noong 2017, idineklara niyang “malaya na” ang Bolivia sa kontrol ng International Monetary Fund at World Bank. Marami sa pinakamalalaking kilusang masa sa loob ng bansa ay laban sa pribatisasyon ng mga batayang rekurso, tulad ng tubig, sa imperyalistang mga kumpanya.
Kilala siya sa kanyang maka-mamamayang mga patakaran at paglaban sa lokal na oligarkiya. Mahigpit ang kanyang kontrol sa mga rekurso ng Bolivia. Isang halimbawa nito ang pagpataw ng kanyang rehimen ng mahigit 82% na buwis sa mga kumpanya na nagmimina ng lithium sa bansa. Kamakailan, mas pinaboran niya ang mga kumpanyang Chinese para magbukas ng mga mina sa bansa. Nasa Bolivia ang 70% reserbang lithium sa buong mundo, ang mineral na ginagamit sa paggawa ng mga baterya. Gayundin, mayaman ang bansa sa hydrocarbon, isang compound kemikal na pangunahing sangkap ng petrolyo at natural gas.
Sa ilalim ng rehimen ni Morales, tumaas ang kalidad ng buhay sa Bolivia, laluna ng mga magsasaka at pambansang minorya. Kagyat niyang ipinatupad ang malawakang pamamahagi ng lupa sa mahihirap na magsasaka nang una siyang maupo sa poder noong 2006. Mahigit 60 mayor na komunidad ng mga pambansang minorya, na may saklaw na halos tatlong milyong ektaryang lupa, ang nabibiyayaan ng programang tinagurian niyang “rebolusyong agraryo.” Pinagtuunan niya ng pansin ang paglalatag ng imprastruktura sa kanayunan, tulad ng mga daan, eskwelahan, ospital, mga pasilidad sa tubig at elektrisidad. Noong 2017, iniulat mismo ng mga institusyon sa US na bumaba ang tantos ng sagad-sagad na kahirapan sa Bolivia nang 43%. Ito ay resulta ng pagtaas ng pondong inilalaan ng estado para sa mga panlipunang serbisyo nang 45% at ng tunay na minimum na sahod nang 88%.
Internasyunal na suporta
Daan-daanlibong mamamayan ang kumundena sa kudetang inudyok ng US sa Bolivia at nagpahayag ng suporta kay Morales. Kinundena rin nila ang rasistang karahasan na pinalaganap ng pulitikal na oposisyon laban sa mga pambansang minorya ng bansa. Sa bahagi nito, nagpalaganap ang International League of Peoples’ Struggles ng isang bukas na liham na nagdedeklara ng “Mga mamamayan ng daigdig para kay Evo” (Peoples of the world for Evo). Ayon sa organisasyon, ang kudeta laban kay Evo ay naglalayong bigwasan ang mga rebolusyonaryong minorya na lumikha ng lipunang nakapagpapasya sa sarili at mapayapa. Bilang pakikiisa kay Morales at sa mamamayan ng Bolivia, nagtipon sa harap ng oblation sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City ang mga akademiko, katutubo at progresibong organisasyon noong Nobyembre 21.
Daanlibong magsasaka naman ang nagrali bilang suporta kay Morales sa Guatemala. Nagpahayag din ng suporta ang mamamayan at independyenteng mga lider ng Venezuela, Cuba at Brazil.