Welga ng mga manggagawa ng Regent Foods, binuwag
MARAHAS NA BINUWAG ng mga pulis at bayarang maton ng Regent Foods Corporation ang welga ng Regent Food Workers Union sa mga pabrika nito sa Pasig City at Taguig noong Nobyembre 9. Dalawampu’t apat na indibidwal ang iligal na inaresto, kabilang ang dalawang myembro ng Defend Job Philippines at isang drayber ng traysikel na nagkataong dumaan sa piketlayn. Sinampahan sila ng kasong pananakit, pang-iiskandalo at iba pa. Maraming manggagawa ang nasugatan sa pambubuwag.
Ikinasa ng mga manggagawa ang welga para labanan ang panggigipit sa kanilang unyon at igiit ang regularisasyon ng mga manggagawang matagal nang nagtatrabaho sa kumpanya. Layunin din ng kanilang welga na pigilan ang kumpanya na itakas ang mga makina sa pabrika at isara ang operasyon nito.
Noong Nobyembre 15, lumaya ang 11 manggagawa matapos makipagdayalogo ang meyor ng Pasig City na si Vico Sotto sa kumpanya. Nakalaya ang iba pa noong Nobyembre 18 matapos magpyansa ng P8,500 kada isa.