Ampatuan Masaker: Isang dekada ng inhustisya
NAKIISA ANG PARTIDO Komunista ng Pilipinas sa paggunita sa ika-10 anibersaryo ng pagpaslang sa 53 katao, karamihan ay mga mamamahayag, sa tinaguriang Ampatuan masaker noong Nobyembre 17. Anang Partido, salamin ang naturang masaker ng bulok na sistema ng pulitika na pinaghaharian ng mga warlord at panginoong maylupa. Gumagamit ang mga ito ng mga armadong maton para makapanatili sa poder, ipagtanggol ang kanilang mga negosyo at kriminal na sindikato at supilin ang sinumang lumalaban sa kanilang paghahari.
Kaisa ang Partido sa mga pamilya ng mga biktima sa paghahangad ng katarungan. Sampung taon na ang nakalilipas pero hanggang ngayon, wala pang mapagpasyang desisyon ang mga reaksyunaryong korte laban sa akusadong mga myembro ng pamilyang Ampatuan. Sa halip, hinayaan ng magkakasunod na rehimen ang maniobra ng salaring Ampatuan para patagalin ang paglilitis at ipagkait ang hustisya.
Nananatili ang mga kundisyon na nagluwal ng Ampatuan masaker. Patuloy ang paghahari ng mga dinastiya sa pulitika at ang kanilang marahas na ribalan. Pinalala pa ito ngayon ng rehimeng Duterte sa walang pakundangan nitong pamamaslang at panggigipit sa mga kalaban nito sa pulitika, mga kritiko ng kanyang rehimen at mga myembro ng mga demokratikong organisasyon.
Partikular na inaatake ni Duterte ang midya sa bansa, laluna ang mga myembro nitong tumututol sa kanyang mga pasistang ambisyon. Mula 2016, mayroong 128 kaso ng pandarahas sa mga mamamahayag at 14 na sa kanila ang pinatay. Hindi ligtas kahit ang mga estudyanteng mamamahayag sa panggigipit at intimidasyon ng estado.
Ang Ampatuan masaker ang itinuturing na pinakamalalang insidente ng karahasan sa panahon ng eleksyon sa bansa. Ito rin ang solong pinakamatinding atake laban sa mga mamamahayag sa Pilipinas at sa buong mundo.