Pagpupundar ng Pulang kapangyarihan sa Delta Serra
Kalagitnaan ng tag-araw noong 2014 nang sa unang pagkakataon ay nakarating at nagtagpo ang dalawang platun ng BHB sa pusod ng Delta Serra matapos ang ilang buwang pagsisikhay sa gawaing ekspansyon. Ang Delta Serra ay isang malawak na kabundukan na umuugnay sa apat na prubinsya sa Mindanao. Ang kalakhang bahagi nito ay hindi pa nararating ng rebolusyonaryong kilusan sa nagdaang mga dekada.
Nagsimula sa magkabilang dulo ng Delta Serra and dalawang magkahiwalay na platun. Sa loob ng mahigit tatlong buwan na paglalakbay ay narating ng mga ito ang mga komunidad ng iba’t-ibang tribu ng mga Lumad, Moro at setler sa kabundukan na sa unang pagkakataon ay nakasalamuha ang Pulang hukbo. Malugod na tinanggap ng mga residente ang mga Pulang mandirigma at masiglang lumahok sa mga talakayang pulitikal at pagsisiyasat ng mga kasama. Naging daan ang unang nakasalamuha upang marating ng mga kasama ang karatig na mga komunidad at ligtas na makatawid sa iba pang mga lugar.
Sa matagumpay na lakbay-pagpapalawak ng mga Pulang mandirigma nagsimula ang pagpupunla ng Pulang kapangyarihang pampulitika sa kanlungan ng Delta Serra.
Ang kasaysayan at kalagayan ng mamamayan ng Delta Serra
Tampok sa kasaysayan ng masang Lumad at Moro sa Delta Serra ang kanilang isang siglong madugong pakikipaglaban sa iba’t ibang mga kumpanya sa pagtotroso na umagaw at sumira sa kanilang lupang ninuno. Sa nagdaang huling apat na dekada, higit pang pagsasamantala at pang-aapi ang kanilang dinanas sa kamay ng armadong galamay ng isang malaking kumpanya nakasampa laban sa kanila sa troso, mina at komersyal na plantasyon. Pag-aari ito ng isang kilalang makapangyarihang burges kumprador-panginoong maylupa na may pribadong hukbo.
Masusing ipinaliwanag ng mga kasama sa mamamayan sa lugar na tanging sa pagkakaisa at paglulunsad ng demokratikong rebolusyon malulutas ang kanilang mga suliranin sa lupa at kahirapan. Ito ang nagkumbinse sa kanila na organisahin ang kanilang hanay. Masipag silang nakipagtalakayan at dumalo sa mga pulitikal na pag-aaral na ibinibigay ng mga Pulang mandirigma. Masigla nilang tinanggap ang rebolusyonaryong pagmumulat at pag-oorganisa. Ang mamamayan sa Delta Serra ay mistulang kagubatang puno ng tuyong mga sanga at damo na sa isang siklab ay isang malaking apoy ang sisilab.
Sistematiko at mabilis na pag-organisa
Sa pagbubuo ng dalawang platun sa kalagayan at pagpaplano sa erya, nagpasya ang namumunong mga komite ng Partido nito na itayo ang komite sa larangan (KLG) para mas epektibong idirihe ang gawain sa ekspansyon. Itinakda ng komiteng ito ang direksyon ng pagkilos ng hukbo at mamamayan sa loob ng isang taon para itayo ang base, Hukbo at Partido sa Delta Serra. Agad ding inilatag ang mga kampanyang masa at linya na dadalhin sa buong panahon.
Kagyat na pinag-aralan ng komite ang tereyn at itinakda ang magiging maniobrahan ng hukbo. Tuluy-tuloy nitong pinalawak at pinalalim ang pagsisiyasat para mas mahigpit na maintindihan ang kabuuan at mga partikular na kalagayan sa erya. Regular itong nagpatawag ng mga pulong-pag-aaral na dinaluhan ng paparaming bilang. Agad nitong itinayo ang mga komiteng tagapag-organisa para sa pagbubuo ng Rebolusyonaryong Organisasyon ng Lumad, Kabataang Makabayan at MAKIBAKA, gayundin ang paunang mga iskwad ng milisyang bayan. Masigla itong nagbigay ng serbisyo medikal at lumahok sa gawaing produksyon ng masa.
Parang apoy na kumalat ang pagbubuo ng mga organisasyon. Sa loob lamang ng dalawang buwan, sinaklaw ng mga komiteng tagapag-organisa ang apat na barangay at kagyat nakapagtayo ng mga organisadong grupo sa ilang mga komunidad. Agad na nakapagbigay ng mga pag-aaral sa kurikulum ng Pambansa Demokratikong Paaralan ang bagong tayong mga grupo at maiikling aralin sa ilang kontak na mga komunidad. Sa isang pulong-pag-aaral, 70 lider ng tribu mula sa pitong barangay ang dumalo at nakipagtalakayan.
Mas napabilis ang gawaing pagpapalawak dahil sa boluntaryong pagtutulungan ng mga lider, mga milisya at naorganisa nang masa. Inabot nila ang mga komunidad at mga barangay hanggang sa karatig na mga munisipalidad.
Masiglang ginampanan ng mga bagong halal na lider ng kilusang masa ang gawaing pag-organisa. Dahil dito, lalupang bumilis at lumawak ang pagtatayo ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa, mga yunit ng milisyang bayan at mga sangay ng Partido sa lokalidad. Hindi nagtagal, nabuo na ang mga komiteng rebolusyonaryo sa iba’t ibang klaster ng mga baryo.
Paglakas ng kilusang masa
Sa unang bahagi ng 2015, isang makasaysayang kilusang masa laban sa operasyon ng pagtotroso ang inilunsad sa isang komunidad. Mahigit 300 mga residente ang nagbarikada para tutulan ang pagdemolis sa kanilang mga bahay at pagtatayo ng kalsada ng kumpanya.
Kumilos din ang mga tao laban sa agresibong pagpapalawak ng komersyal na plantasyon. Tinutulan nila ang pambubuldos sa kanilang mga sakahan. Nilabanan nila ang pagpapalawak ng plantasyon ng mga komersyal na puno.
Naging tampok din ang paglahok ng mamamayan sa Delta Serra sa mga demokratikong pagkilos sa kalunsuran. Libu-libo ang lumalahok sa malalaking mga demonstrasyon kahit pa ilang beses nang pwersahang hinarang ang kanilang mga sasakyan ng reaksyunaryong lokal na pamahalaan at mga pasista.