Ang gera ni Duterte laban sa mga bata
Bigo ang rehimeng Duterte na pangalagaan ang kapakanan at mga karapatan ng mga bata. Sa nagdaang apat na taon, lalupang lumala ang dati na nilang kalunus-lunos na kalagayan. Isa sila sa pinakaapektado ng pandemyang Covid-19 at sa palpak na tugon ng rehimen na ligtas na buksan ang mga eskwelahan.
Target sila ng hungkag na gera kontra-droga sa kalunsuran at gera kontra-insurhensya sa kanayunan. Wala silang proteksyon sa iba’t ibang klaseng karahasan sa loob ng kanilang mga bahay at pang-aabuso ng mga nakatatanda at mismo ng estado.
Higit sa lahat, biktima sila ng malakolonyal at malapyudal na sistemang naglugmok sa milyun-milyon sa kahirapan. Sa estadistika mismo ng estado noong 2017, sangkatlo sa 40 milyong batang may edad 15-pababa ay nabubuhay sa kahirapan. Halos dalawang milyon sa kanila ang napupwersang buong-panahong magtrabaho para umagapay sa kanilang mga magulang. Isa’t kalahating milyon naman ang pinabayaan na o inabandona.
Terorismo ng estado
Mula Abril hanggang Oktubre ngayong taon, di bababa sa 34 bata, edad 17-pababa, ang biniktima ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa maruming gera ng rehimeng Duterte sa kanayunan. Tatlong bata pa ang napatay ng militar at lima ang muntik na mapatay sa walang patumanggang pamamaril ng naghuhuramentadong mga sundalo. Kargo rin ng rehimen ang pagkamatay ng 3-buwang sanggol na si River Nasino na pinagkaitan nito ng kalinga ng kanyang inang detenidong pulitikal.
Sa dokumentasyon ng Children’s Rehabilitation Center mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2019, umaabot sa 18 mga bata sa Mindanao, Negros, Bicol at Samar ang pinatay sa mga operasyong kombat ng AFP. Isa rito si Jhun Mark Acto, ang 15-anyos na binaril ng mga sundalo ng 39th IB at pinalabas na myembro ng BHB sa Davao del Sur. Dalawang bata ang kasamang minasaker ng mga sundalo at pwersa ng panginoong maylupa sa Sagay, Negros Occidental.
Sa Mindanao, umabot na sa 176 sa 228 paaralang Lumad ang ginipit at ipinasara ng militar at kanilang mga paramilitar ayon sa datos noong Oktubre. Dahil dito, 5,500 estudyanteng Lumad ang nawalan ng pagkakataong pumasok ngayong taon.
Gera kontra-bata
Sa kalunsuran, di bababa sa siyam na bata ang pinatay ng mga pulis at death squad ng rehimen sa hungkag nitong gera kontra-droga mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon. Dagdag sila sa 122 bata, edad 17 pababa, na pinaslang mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2019. Sa lahat ng naisadokumento, isang kaso lamang ang umabot sa korte—ang kaso ng pagpatay kay Kian delos Santos, ika-54 batang biktima—at dahil lamang nakunan ng bidyo ang krimen. Maraming ulilang bata ang napipilitang mamalimos o maghanap ng trabaho matapos paslangin ang kanilang mga magulang o tagapag-alaga.
Mas malala, binigyan-katwiran ng rehimen ang pagpaslang sa mga bata bilang “collateral damage.” Marami sa kanila ay inaakusahang tagabenta ng mga sindikato, at sa gayon ay dapat lamang isama sa mga papatayin o ikulong sa masisikip na kulungan at pasilidad. Ipinanukala pa ng rehimen noong 2018 na ibaba ang edad na maaaring ituring na kriminal ang isang bata mula 15 tungong 12 o 9 na taong gulang dahil anito, “alam na nila ang kanilang ginagawa.”
Abuso at pang-aapi sa likod ng lockdown
Naitala ng isa pang grupo ang pagpaslang ng mga pulis sa di bababa 15 bata sa samutsaring dahilan sa panahon ng lockdown. Isa rito ang isang 15-anyos na batang babae na ginahasa ng isang pulis sa Ilocos Sur. Tinambangan siya ng dalawang pulis na kasamahan ng kanyang inireklamo, habang pauwi siya at kanyang pinsan matapos magsampa ng reklamo sa presinto. Mula Marso 19 hanggang Marso 31, umabot sa 22 bata ang naibalitang dumanas ng kalupitan at abuso dahil sa paglabag nila sa curfew.
Lalupang tumindi ang pang-aapi sa mga bata sa ilalim ng lockdown sa panahon ng pandemya. Pinakaapektado ang mga bata sa mga maralitang komunidad, na nagtitiis sa masisikip at mainit na bahay. Isa sa pinakamalalang epekto ng lockdown ni Duterte ang pagtaas ng bilang ng mga batang binubugaw o pinagagawa ng mga sekswal na akto sa internet. Mula Marso 1 hanggang Mayo 24, tumaas nang 364% ang mga kaso ng pang-aabusong sekswal sa mga bata kumpara sa 2019. Kalahati ng mga kaso ay ibinubugaw mismo ng kanilang mga magulang o kaanak sa mga pedophile (taong nakikipagtalik o gustong makipagtalik sa mga bata) sa US, Canada, Europe at Australia.