Baha at kagubatan, pagdambong at tubo

,

Hindi maipagkakaila na ang pagkakalbo ng kagubatan ang isa sa mga mayor na salik ng mga pagbaha at pagguho ng lupa tuwing may sakuna. Sa datos ng gubyerno noong 2015, pitong milyong ektaryang kagubatan na lamang ang natitira sa Pilipinas o 23% ng kabuuang erya ng bansa. Tatlong porsyento na lamang ang natitira sa mga pronterang kagubatan nito. Ayon sa isang pag-aaral, isa ang Pilipinas sa 10 bansang may pinakamabilis magkalbo ng kagubatan sa nakalipas na dalawang dekada.

Sa kasalukuyan, tinatayang 47,000 ektarya ng kagubatan at bakawanan ang kinakalbo kada taon. Makatutulong sana ang mga ito para pigilan ang pagguho ng lupa, pagbaha at mga pagdaluyong-bagyo.

Bago dumating ang mga Espanyol, nasa 27 milyong ektarya ang kagubatan ng Pilipinas. Saklaw nito ang 90% ng kalupaan ng bansa. Bumagsak ito tungong 21 milyong ektarya pagsapit ng 1900 dulot ng malawakang paghahawan ng mga kolonyalista para sa mga plantasyong pang-eksport at asyenda. Muling mabilis na nakalbo ang mga gubat noong dekada 1940 matapos isulong ng magkakasunod na papet na gubyerno ang pag-eeksport ng troso bilang pangunahing mapagkukunan ng dayuhang kita.

Pagsapit ng 1970, tinatayang mahigit 170,000 ektarya ng kagubatan sa abereyds ang kinalbo kada taon. Mababa pa sa 5% nito ang muling tinamnan ng puno. Ginamit ng diktador na si Ferdinand Marcos ang pagtotroso bilang palabigasan ng mga nasa poder. Noong 1975, ang mga kumpanyang protektado ni Marcos ay pumutol ng umaabot sa 15.5 milyong kubiko-metrong troso, pinakamataas na naitala sa kasaysayan ng bansa. Mula 1972 hanggang 1988, tinatayang 8.57 milyong ektarya ng kagubatan ang kinalbo at 3.8 milyong ektarya ng pronterang kagubatan ang winasak. Sa dekada 1990, tinatayang 8% na lamang ang natirang kagubatan.

Kabilang sa pinakamapangwasak ang kroni ni Marcos na si Alfonso Lim Sr. na nagkalbo sa kagubatan sa Ifugao at Cagayan Valley, ang pinagkukunan ng tubig ng ngayo’y Magat Dam. Pagmamay-ari niya ang hindi bababa sa pitong kumpanya sa pagtotroso sa daan-daang ektaryang kagubatan dito.

Para monopolisahin ang industriya, itinalaga ni Marcos si Juan Ponce Enrile bilang upisyal sa pagtotroso na solong tagapagbigay ng permit sa mga kumpanya. Ibinigay din ni Marcos ang pinakamalaking konsesyon sa pagtotroso sa San Jose Timber Corp. ni Enrile na sumaklaw sa mahigit 95,770 ektarya ng kagubatan sa Northern Samar. Labas pa ito sa mga konsesyon ng pito pa niyang kumpanya sa Palawan, Samar, Bukidnon, Butuan at Cebu.

Si Isidro, anak ng kroni ni Marcos na si David Consunji, ang kasalukuyang pinakamalaking kapitalista sa pagtotroso. Minana niya ang DMCI Holdings, Inc. na sumaklaw sa 102,954 ektaryang kagubatan sa 10 bayan sa South Central Mindanao. Matatagpuan din sa naturang mga lugar ang dambuhalang mga minahan.

Patuloy na pinahihintulutan ng rehimeng Duterte ang mga operasyong pagtotroso para pang-eksport sa kabila ng deka-dekada na nitong pangwawasak sa kalikasan. Mula 2016 hanggang 2019, nag-eksport ang Pilipinas ng 878,664 tonelada ng troso. Mayorya nito ay napunta sa China (81%) at ang iba sa Japan (18%). Noong 2011-2015, halos 1.6 milyong toneladang troso rin ang ineksport ng bansa. Liban pa rito ang daan-daanlibong tonelada ng pinrosesong mga produktong kahoy gaya ng plywood, at mga kahoy mula sa iligal na pagtotroso.

Baha at kagubatan, pagdambong at tubo