Buklurin ang mamamayan, papanagutin ang pabayang rehimeng Duterte

,

Lantarang nasaksihan ng milyong Pilipino ang kriminal na kapabayaan ng gubyerno ni Rodrigo Duterte nang manalasa ang mga bagyong Quinta, Rolly at Ulysses. Habang nalulunod sila sa baha at ulan, mahimbing na natutulog si Duterte sa kanyang mga responsibilidad at pananagutan. Para pagtakpan ang kanyang kapalpakan, sinisi niya ang mga biktima na umano’y hindi nakinig sa mga babala ng mga awtoridad. Mas malala, pangungutya sa mga kaagad na nagbigay ng tulong at pambabanta ang sagot niya sa mga batikos sa kanyang kapalpakan.

Bigo si Duterte na kumpasan ang iba’t ibang mga ahensya at lokal na yunit, magsagawa ng maagap na mga hakbang, magpusisyon ng sapat na mga tauhan at kagamitan para sa mabilis na pagresponde. Ilang taon nang binawasan ng kanyang rehimen ang pondong pangkalamidad kaya pilay ang mga taga-responde na sabay-sabay na tugunan ang maraming lugar na pinakamatinding naapektuhan.

Resulta nito, milyong Pilipino ngayon ang nagdurusa sa pagkawasak na dulot ng baha at pagguho ng lupa. Ilampung libong kabahayan sa kanayunan, sentrong bayan at syudad ang nawasak ng malakas na hangin, baha at rumaragasang tubig at putik. Nalubog ang mga palayan, taniman ng gulay at iba pang tanim. Nawasak ang mga bangkang pangisda. Nasira ang pinaghirapang mga kagamitang pambahay at panghanapbuhay. Marami ang naiwang walang kahit ano. Putol ang serbisyo ng tubig at kuryente ng mga pribadong kumpanya. Umaabot na sa ₱12.3 bilyon ang panimulang tantya na pinsala.

Napakabagal dumating at kulang na kulang ang ayuda ng gubyerno. Libu-libo ang nananatili sa siksikang mga evacuation center kung saan bulnerable silang mahawa ng Covid-19.

Kahanga-hanga at dapat purihin ang mga pagsisikap ng mga organisasyong masa at indibidwal na agad kumilos para sagipin ang mga nasalanta. Pero ang mga ito’y sadyang limitado at hindi dapat maging panghalili sa responsibilidad ng estado para malawakan at sistematikong tugunan ang pangangailangan ng mga sinalanta.

Tama lamang na singilin nang singilin si Duterte sa gitna ng mga sakuna lalupa’t malayung malayo ang mga prayoridad ng kanyang rehimen sa usapin ng atensyon at paglalaan ng pondo. Patuloy nitong iniuuna ang kontra-insurhensya at batbat-sa-korapsyong mga proyektong imprastruktura. Kinaltasan nito ang pondo para sa pagresponde at paghahanda sa mga sakuna at naglaan lamang ng kakarampot na ₱15.7 bilyon para rito ngayong taon, 60% na mas mababa sa ₱39 bilyong inilaan noong 2017. Dapat igiit na ibaling ang pondo ng mga ahensyang nakatuon sa panunupil, tulad ng ₱19 bilyong pondo ng NTF-ELCAC, sa mga programa para muling ibangon ang mga nasalanta. Dapat igiit ang kagyat na pamamahagi ng ₱83 bilyon pang isinusubi at sadyang hindi ipinamimigay ng mga ahensya ng gubyerno para sa mga biktima ng pandemya at kalamidad.

Sa harap ng palpak na tugon ng rehimen, dapat pahigpitin at palawakin ang nagkakaisang boses at pagkilos ng mamamayan para mapalakas ang kilusang sumisingil sa palpak at pabayang rehimen. Dapat nilang abutin ang mga komunidad, upisina, pabrika at iba pang lugar kung saan nakapamamayani ang pananakot at disimpormasyon ng rehimen. Gawin nilang mga sentro ng protesta ang kanilang mga komunidad at lugar ng ebakwasyon para itulak ang rehimen na pakilusin ang lahat ng ahensya at rekurso ng estado at gawing prayoridad ang pagsagip sa mga apektado. Hanggang hiwa-hiwalay ang mga hiyaw, mamaliitin lamang ni Duterte ang galit at disgusto ng mamamayan.

Dapat ipaintindi na hindi dapat maghintay, magmakaawa o mamalimos ang mga sinalanta at mamamayan para sa tulong materyal at pinansyal ng pambansang gubyerno. Karapatan nila ang mabilis na tugon ng estado sa kanilang pangangailangan para sa pagkain, tubig, damit, gamit pangkalinisan at medikal. Karapatan nila ang pondo at serbisyo para sa mabilis na paglilinis ng mga binahang komunidad, kagyat na pagbabalik ng serbisyong tubig at kuryente at tulong sa pagtatayo ng mga bahay at gusali. Karapatan nilang tumanggap ng pondong pangkagipitan para palitan ang mga gamit na nalubog sa baha tulad ng mga dyip, motor, bangka, gamit sa bahay at iba pa. May karapatan sila sa pondo ng bayan na nakalaan para sa nawasak na mga sakahan, negosyo at ibang pinagkukunan ng kabuhayan.

Taun-taon, mahigit 20 bagyo ang dumaraan sa Pilipinas. Marapat lamang ang panawagan para sa imbestigasyon sa mga upisyal, ahensya at kumpanyang sanhi ng malawakang paglubog ng daan-daang mga komunidad tulad sa kaso ng Magat Dam. Dapat repasuhin ang kahandaan sa mga sakuna at mga hakbang ng mga ahensyang nakatuon dito para hindi paulit-ulit ang mga trahedya.

Dapat ding papanagutin ang rehimen sa kabiguang magsagawa ng makabuluhang rehabilitasyon sa kalikasan, pagpapalalim sa mga ilog at sapa at iba pang hakbanging makakokontrol sa pagbaha matapos ang apat na taon sa kapangyarihan. Tuligsain si Duterte sa huwad niyang panawagan para sa “katarungang pangklima” habang wala namang awat ang pagmimina, pagtotroso at mapanirang mga proyektong imprastrukturang pinopondohan ng dayuhan na nagdudulot ng malawakang pagkasira sa kalikasan.

Ang kriminal na kapabayaan ni Duterte sa kagalingan ng mamamayan sa harap ng kalamidad ay pumapatong sa ilang buwang bigong pagtugon sa pandemya, pangwawasak sa ekonomya at lantarang korapsyon. Winawasak nito ang bansa sa walang tigil nitong pangungutang sa mga dayuhang institusyon, pagpapatupad ng maka-kapitalistang mga patakarang pumipinsala sa mga manggagawa, kakulangan ng subsidyo sa agrikultura at iba pa na higit na nagpapahirap sa sitwasyon ng masang naghihikahos.

Animo’y isang bagyo si Duterte na sobra apat na taon nang nananalasa sa bansa at brutal na pumapatay sa sinumang nakaharang. Di na masukat ang pinsalang dala niya sa mga sakahan, negosyo at kabuhayan ng milyun-milyong mamamayan. Dapat patuloy na buuin ang galit ng mamamayan hanggang malikha ang isang sigwa ng protesta na magtutulak sa kanya na magbitiw kundiman magpapatalsik sa pwesto at magpapanagot sa lahat ng kanyang krimen matapos ito.

Buklurin ang mamamayan, papanagutin ang pabayang rehimeng Duterte