Epekto ng palpak na blended learning: Mababang antas at kawalang gana sa pagkatuto

,

Pinayagan na ng rehimeng Duterte nitong Pebrero ang limitadong pagbubukas ng harapang mga klase sa mga unibersidad at pamantasang nagbibigay ng mga kursong kaugnay ng medisina. Ilan sa mga ito ang University of the Philippines-Philippine General Hospital, University of Sto. Tomas at Centro Escolar University. Ngunit paano ang iba pa?

Nananatiling walang komprehensibong plano ang gubyerno sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan para sa mayorya ng mga kabataan sa buong bansa. Habang ipinaggigiitan ng mga upisyal nito sa ekonomya ang pagbubukas ng mga sinehan, palaruan at iba pang pook-libangan, urong-sulong ito sa pagbubukas ng mga eskwelahan kahit sa mga lugar na mababa ang bilang ng mga kaso ng impeksyon.

Inamin mismo ni Sec. Leonor Briones ng Department of Education (DepEd) noong Pebrero 16 na 50% ng mga estudyante ay gusto nang bumalik sa harapang klase. Bago nito, lumabas sa isang pag-aaral ng Movement for Safe, Equitable, Quality and Relevant Education, isang samahan ng mga guro, magulang at mag-aaral na nagsusulong ng ligtas na pagbabalik-eskwela, na 54% ng mga gurong sumagot sa sarbey nito ang nagsabing signipikanteng bilang ng mga estudyante ang hindi na nakasusunod sa klase at mga aralin.

Isa rito si Lester, nasa Grade 4 sa isang pampublikong paaralan na umaasa sa sistemeng modyul. “Hindi ko naiintindihan ang ibang lesson dahil pinapasagutan lang ang modyul,” aniya. Sa Facebook Messenger lamang siya nakapagtatanong sa mga kaklase at titser sa mga araling hindi nauunawaan.

Naglalaan siya ng hanggang apat na oras sa isang araw mula Lunes hanggang Biyernes para sa pagsagot sa modyul. “Buti na lang natutulungan ako ng magulang ko at pinsan paminsan-minsan.” Dagdag pahirap sa kanya ang mali-maling nilalaman at mabagal na pamamahagi ng mga modyul.

Giit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na mareresolba ang papaliit na bilang ng batang pumapasok kung ipatutupad ang limitado at ligtas na harapang mga klase habang isinasagawa pa rin ang distance learning sa ilang lugar.

“Hindi na kakayanin sa susunod na academic year ang ganitong blended learning na hindi naman sinuportahan ng pondo,” ayon pa sa ACT.

Sa karanasan ng guro sa Grade 2 na si Jane, sa 23 bata na naka-enrol sa online learning, 12 lamang ang kadalasang nakasasali sa regular na klase. Pangunahing dahilan ng mga lumiliban ang kawalan o mabagal na kuneksyon sa internet. Hindi lahat ng mga magulang ay kayang gumastos para sa internet, ayon sa kanya.

Sa tingin naman ni Teacher Elsa, nasa 20% lamang ang natututunan ng mga bata sa kasalukuyang sistema ng pag-aaral. Nakita rin niya ang unti-unting pagliit ng bilang ng mga dumadalo sa online na mga klase. Mula sa dating lima lamang ang “absent,” lampas kalahati na ang hindi nagpapakita sa klase noong Enero.

Samantala, may ibang estudyante ang nagsabing “nawawalan sila ng ganang pumasok,” dahil nakatutok lamang sa gadyet at walang pisikal na interaksyon. “Sobra” nilang “nami-miss” ang pagpasok sa eskwelahan at pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kaibigan at guro.

Sabi ng Grade 8 na si Jona, “mahirap sa bahay kasi mahirap magpokus. Walang malinaw na bawnderi kung saan ang bahay at pag-aaral.” Naglalaan siya ng 4-6 na oras ng pag-aaral kada araw. Minsan daw itong nababawasan kapag inaantok siya o nawalan ng ganang mag-aral.

Nang tanungin kung gusto niya nang bumalik sa harapang pag-aaral, sabi niya: “syempre naman.” Iba ang pakiramdam kapag nasa klasrum, aniya. “Mas mabilis na magtanong sa titser, at may interaksyon sa mga kaibigan.”

Ganito rin ang palagay ng iba pang mga estudyanteng gusto nang makabalik sa pisikal na klase. Tulad ni Joel, hinahanap-hanap na niya ang mga aktibidad at programa sa eskwelahan at maging ang paglalaro kasama ang mga kaibigan.

Ayon sa ACT, sa pagpapatupad ng limitadong pisikal na klase, dapat tiyakin ng gubyerno ang pagtatayo ng mga pasilidad pangkalusugan at pagkuha ng mga manggagawang pangkalusugan para sa mga eskwelahan at pagsusulong ng pagbabakuna sa mga frontliner sa edukasyon.

Mangangailangan ng dagdag na ₱2-bilyong pondo para rito, bukod pa sa pagbabalik ng ₱13 bilyon na tinanggal sa pondo ng Department of Education para sa taong 2021.

Epekto ng palpak na blended learning: Mababang antas at kawalang gana sa pagkatuto