Presyo ng langis, 3 beses nang tumaas ngayong taon

,

Sa pangatlong pagkakataon ngayong taon, muling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo noong Pebrero 14. Tumaas nang ₱0.75 ang kada litro ng gasolina, ₱1.25 ng diesel at ₱1.10 ng kerosene. Noong Pebrero 9, tumaas na nang ₱0.85 ang gasolina, ₱1.10 ang diesel at ₱1.00 ang kerosene.

Kumpara sa nakaraang taon, mas mataas na nang ₱4 kada litro ang gasolina, ₱3.90 ang diesel at ₱3.35 ang kerosene. Ito ay sa kabila ng tuluy-tuloy na pagdausdos ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan sa panahon ng pandemya.

Ibinigay na dahilan ng Department of Energy ang tuluy-tuloy na pagbabawas sa produksyon ng mga bansa sa Organization of the Petroleum Exporting Countries o OPEC para artipisyal na itaas ang presyo ng krudong langis. Sa loob ng isang taon, pinakamataas ang presyo ng krudong langis noong Pebrero 5.

Hindi lubusang naramdaman sa Pilipinas ang pagbaba ng pandaigdigang presyo dahil sa pagpataw ng rehimeng Duterte ng dagdag na 10% buwis sa iniaangkat na krudo at produktong petrolyo noong Mayo 2020 sa bisa ng Executive Order 113. Layon nitong lumikom ng ₱6.8-bilyong rebenyu na gagamitin umano bilang ayuda sa panahon ng pandemya.

Pero ayon mismo sa Department of Energy sa panahong iyon, itataas ng dagdag na buwis ang presyo ng gasolina nang ₱0.60 at ng diesel nang ₱0.84 kada litro.

Ibig sabihin, bahagi ng ayudang ipinagmalaki ni Duterte ay nanggaling din sa bulsa ng mamamayan sa anyo ng mas mataas na singil sa transportasyon, pagkain at pampublikong yutilidad.

Una nang pinatawan ng buwis ang krudong langis sa ilalim ng batas na TRAIN. Itinaas ng batas na ito ang presyo ng gasolina, kerosene, LPG at iba pa nang ₱1 kada litro at ₱1.50 kada litro ng diesel.

Presyo ng langis, 3 beses nang tumaas ngayong taon