Rali para sa ayuda, inilunsad sa Kongreso

,

Nagpiket ang 10k Ayuda Network noong Mayo 17 sa harap ng Kongreso sa Quezon City para manawagan ng agarang ayuda para sa lahat, pagpasa ng ₱10,000 Ayuda Bill, ₱100 umento sa arawang sahod, bayad na “leave” dahil sa Covid-19 at ₱15,000 subsidyo sa mga magsasaka. Isinabay ang pagkilos sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso.

Isinumite ng grupo kay Rep. Stella Quimbo, prinsipal na awtor ng Bayanihan 3 sa Kongreso, ang petisyon para sa makabuluhang ayuda na pinirmahan ng may 14,000 indibidwal.

Ang 10k Ayuda Network ay isang alyansa ng mga sektoral na organisasyon na itinatag noong Mayo 15 para itulak ang panibagong serye ng pamamahagi ng ayuda sa mga pamilyang nagdurusa sa ilalim ng mga lockdown.

Laban sa tanggalan. Magkasunod na protesta noong Mayo 17 at Mayo 19 ang inilunsad ng mga manggagawa ng Alaska Milk Corporation sa San Pedro, Laguna matapos magbanta ang maneydsment ng malawakang tanggalan sa kumpanya. Ang Alaska Milk ay pag-aari ng Royal FrieslandCampina, isang multinasyunal na kumpanyang Dutch.

Palayain si Sasah Sta. Rosa! Nagprotesta ang mga kabataan sa harap ng Ateneo de Naga University, Main Campus sa Naga City noong Mayo 14 para ipanawagan ang pagpapalaya kay Sasah Sta. Rosa ng Jovenes Anakbayan at hikayatin ang administrasyon ng unibersidad na sumuporta.

Rali para sa ayuda, inilunsad sa Kongreso