Buong-lakas na wakasan ang tiraniya at isulong ang rebolusyon
Sa susunod na mga araw, haharapin ng sambayanang Pilipino ang isang kritikal na paglaban upang ipagtanggol ang kanilang makasaysayang pasya laban sa tiraniya at diktadura. Hinahamon ang lahat ng pwersang demokratiko at nagmamahal sa kalayaan na magkaisa at ipamalas sa lansangan ang kanilang determinasyon na hadlangan ang panunumbalik ng mga Marcos sa poder katuwang ang pagpapalawig sa poder ng mga Duterte.
Malaking-malaki ang isinulong ng kilusang anti-tiraniya sa nagdaang mga buwan kaakibat ng pagkampanya ng tambalang Robredo-Pangilinan para sa pagkapresidente at bise presidente. Nagsilbi itong pagkakataon para basagin ang takot at katahimikan sa ilalim ng anim na taong terorismo ni Rodrigo Duterte. Nakakasa ito ngayong biguin ang pakanang nakawin ang eleksyon para iluklok ang tambalang Marcos-Duterte.
Hindi pantay ang labanan sa darating na halalan dahil ang sistema ng bilangan ay nakapabor sa pinapaburang kandidato ng naghaharing rehimen. Inihanda at nasa kontrol ng mga tauhan ni Duterte sa Commission on Elections ang dekompyuter na bilangan ng boto, isang malaking sistema ng dagdag-bawas pabor sa kandidato ng tirano. Dagdag pa rito ang nababalitang pre-shading (mga balotang markado na kapalit ng pera). Ang pandaraya ay nasa mismong makina na nakaprogramang awtomatikong magdagdag-bawas, depende sa laki ng porsyentong itinakda ng kumokontrol sa sistema. Inalis sa taumbayan ang karapatan na bilangin ang kanilang mga boto, kaya wala silang paraang alamin kung tama o mali ang kwenta ng mga makina.
Ginagawa ngayon ni Duterte at ng kandidatong Marcos ang lahat upang pagmukhaing magiging malinis ang eleksyon. Pinalalabas sa mga kwestyunableng sarbey na hindi nagbabago ang “napakalaking lamang” ni Marcos kay Robredo, kahit pa hindi mapasusubalian ang pag-apaw ng kilusang anti-tiraniya at anti-Marcos-Duterte sa ilang linggo nang mga rali ng daan-daang libong mamamayan sa iba’t ibang panig ng bansa. Kahit malinaw sinong pinapaburan, pinalalabas ni Duterte na wala siyang kinikilingan upang umiwas sa bintang na pandaraya sa bilangan pabor kay Marcos. Kahit hawak nila ang makinarya ng pandaraya, pinalalabas ni Marcos na baka siya dayain.
Upang biguin ang pakanang ito, dapat walang-pasubaling ipamalas ng mga pwersang demokratiko ang pasya ng taumbayan laban sa mga Marcos at Duterte. Sa susunod na mga araw hanggang pagsapit ng eleksyon, sa gabi ng bilangan at paglipas nito, dapat kumilos ang taumbayan sa mga martsa at dambuhalang demonstrasyon ng milyong mamamayan para ipakita kung sino ang tunay na nanalo sa halalan. Dapat bantayan, ilantad at batikusin ang lahat ng anyo ng pandaraya at pakilusin ang taumbayan para biguin ang tangka na baluktutin ang kanilang pasya.
Kung ipipilit nila Marcos-Duterte ang pandaraya sa kabila ng malinaw na pasya ng taumbayan, posibleng tumagal nang ilang araw o linggo ang girian at labanan. Sa mga araw na ito, magiging isa sa mahalagang salik sa timbangan ng pwersa ang lawak at tibay ng pagkakaisa ng mga pwersang demokratiko at kakayahan na pakilusin ang milyun-milyong taumbayan, hindi lamang para igiit kung sino ang tunay na nanaig sa eleksyon, kundi para dagliang wakasan ang tiranikong paghahari ni Duterte. Mahalagang salik din ang magiging kilos at pakikialam ng imperyalistang US at China, laluna ng US na may mapagpasyang salita sa pulitika at hatian sa kapangyarihan ng mga nagriribalang paksyon ng naghaharing uri.
Sakaling manaig si Marcos sa labanang ito, dapat labanan ang lahat ng tangkang baligtarin ang pangkasaysayang hatol ng sambayanan laban sa diktadurang Marcos at batas militar na idineklara 50 taon na ang nakaraan. Ipaglaban ang lubos na pagbawi sa yamang dinambong ni Imelda at mga Marcos sa walang kapantay na pandarambong, pagnanakaw, pagpapahirap at panunupil sa bayan sa ilalim ng paghaharing diktador noong 1972-1986. Labanan ang pagpapatuloy ng paghaharing terorista ng estado gamit ang makinarya ng tiraniya na itinatag ni Duterte.
Sakaling manaig si Robredo sa lakas ng kilusang anti-tiraniya, haharapin niya ang malaking hamon na baklasin ang paghaharing tiraniko, kabilang ang pagbubuwag sa NTF-Elcac, pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, pagwawakas sa red-tagging at pagkakasong kriminal sa mga aktibista at kritiko, pagwakas sa militarisasyon sa mga baryo sa kanayunan, at ang walang-habas na paghuhulog ng bomba. Haharapin niya ang malawak na panawagang lutasin ang mga ugat ng gerang sibil sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan, taliwas sa gusto ng mga upisyal militar na pabor sa gera at pagbili ng mga armas. Haharapin din niya ang hamong ipagtanggol ang karagatan ng Pilipinas laban sa pangangamkam ng China, at ipagtanggol ang soberanya laban sa panghihimasok militar ng US sa bansa.
Sinuman ang manaig sa labanang ito, dapat magpunyagi ang sambayanang Pilipino sa pagpapalakas at pagpapalapad ng nagkakaisang prenteng anti-pasista at anti-tiraniya. Dapat itulak ang kaagad na pagkulong at pag-usig kay Duterte sa laksa-laksang krimen at abuso ng militar at pulis sa ilalim ng kanyang tiraniya.
Dapat ding puspusang isulong ng taumbayan ang hinihingi nilang mga hakbangin para sa kagyat na ginhawa: makabuluhang umento sa sahod, pagpapababa sa presyo ng langis, pagkain at saligang pangangailangan, libreng serbisyong medikal laluna sa harap ng pandemya, trabaho, balik-pasada ng mga dyip, ligtas na pagbalik-eskwela, pagtigil sa pang-aagaw ng lupa, pagkaltas sa buwis, pagtigil sa mapangwasak at maanomalyang mga proyektong pang-imprastruktura, at iba pa.
Sa katapus-tapusan, ang halalang 2022 ay isa pa ring paligsahan ng mga nagriribalang paksyon ng mga naghaharing uri para piliin kung sino ang mangangasiwa sa naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal at magiging pinuno ng papet na estado. Gayunpaman, positibo na naging larangan ito para isulong ng taumbayan ang kilusang anti-tiraniya para ipaglaban ang kalayaan at demokrasya.
Ang malawakang pampulitikang pagkilos ng masa ay matabang lupa para isagawa ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ang ibayong pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos para isulong ang pambansa-demokratikong mga adhikain ng bayan. Lahat ng kadre at sangay ng Partido ay dapat magdoble-kayod na makiisa sa malawak na kilusang anti-tiraniya at gabayan ang masa tungo sa landas ng rebolusyonaryong pagbabago.