Mga protesta

,

Ika-38 Cordillera Day sa Baguio City. Sa temang “Iabante ang bagong pulitika, magkaisa para sa lupa at buhay!” ginunita ng mamamayan ng Cordillera ang ika-38 taon ng selebrasyon ng Cordillera Day mula Abril 24 hanggang Mayo 3. Sa huling araw ng aktibidad, nagtipon ang mga aktibista at tagasuporta nito sa University of Cordillera sa Baguio City. Bahagi ng kanilang paggunita ang pangakong bibiguin ang pagtatangka ng mga Marcos na manumbalik sa Malacañang at ng mga Duterte na manatili sa poder.

Alay Lakad kontra pagmimina sa Cagayan. Higit 1,000 mangingisda at residente ng Aparri, Cagayan ang nagsagawa ng “Alay Lakad” kontra sa pagmimina ng black sand sa prubinsya noong Abril 22. Anila ang operasyon ng pagmimina sa lugar ay malaking banta sa kalikasan at kanilang kabuhayan. Lumahok sa aktibidad ang mga residente mula sa bayan ng Aparri, Gattaran, Ballesteros, Buguey, Gonzaga at Sta. Ana. Pinalalabas ng lokal na gubyerno na river dredging lang ang ginagawa pero ang totoo ay pagmimina ito ng black sand.

Kalampagan sa Kamaynilaan. Inilunsad ng mga demokratikong organisasyon noong Abril 29 ang mga noise barrage sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila upang itambol ang panawagan ng mga manggagawa at laban sa pandaraya sa darating na eleksyon. Nagkaroon ng kalampagan sa Tondo at Taft Avenue sa Maynila, Maysapang, Taguig; Monumento, South Caloocan, Commonwealth Avenue at Welcome Rotonda, Quezon City.

Padyak para sa kalikasan. Mahigit 300 siklista ang pumadyak noong Abril 24 para isulong ang adyendang maka-kalikasan sa gitna ng eleksyon. Ang aktibidad ay itinaon sa paggunita ng Earth Day 2022 sa buong mundo. Mula Bonifacio Shrine sa Maynila npumadyak ang mga siklista tungong Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City. Nagkaroon ng kaparehong aktibidad sa Davao City.

Mga protesta