Pamamayagpag ng mga dinastiya sa bagong gubyerno

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Matapos ang reaksyunaryong eleksyong Mayo 9, nadagdagan ang bilang ng mga dinastiya at magkakapamilya na nakasungkit ng pwesto mula sa antas prubinsya hanggang pambansa. Hindi ito kataka-taka dahil mayorya ng mga kandidatong naglaban-laban ay mula sa magkakaribal na dinastiya. Marami sa mga “nanalo” ay pumanig sa tambalang Marcos-Duterte, o di kaya’y nagkunwaring nyutral, at may kontrol sa mga pambansa at lokal na upisyal ng Commission on Elections.

Mula sa pinakamataas, pinakamarami ang angkan ng mga Marcos-Romualdez. Mula kay Ferdinand Jr. bilang pinakamataas na upisyal sa bansa, pito pa sa kanilang angkan ang uupo sa pwesto sa susunod na mga taon. Ang mga ito ay sina Sandro Marcos, anak ni Marcos Jr., kinatawan ng unang distrito ng Ilocos Norte; Matthew Marcos Manotoc, anak ni Imee Marcos, gubernador ng Ilocos Norte; at Cecilia Araneta Marcos bilang bise-gubernador. Dagdag sila kay Imee Marcos na nakaupong senador.

Tatlong Romualdez ang nanalo sa Leyte, kabilang si Martin Romualdez bilang kongresista, kanyang asawa bilang kinatawan ng Tingog Partylist at pinsang si Alfred bilang meyor ng Tacloban City. Ngayon pa lamang, matunog nang uupo bilang Speaker of the House si Martin Romualdez.

Samantala, tatlong anak ni Rodrigo Duterte ay nabiyayaan ng pwesto—si Sara bilang bise-presidente, at ang dalawa niyang kapatid bilang meyor at kinatawan ng unang distrito ng Davao City.

Sa Senado, anim sa 24 na pwesto ay nasungkit ng mga pulitiko mula tatlong “matatabang” dinastiya. Kabilang sa kanila ang mag-inang sina Cynthia at Mark Villar mula sa isa sa pinakapinaborang pamilyang burukrata-kapitalista sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Liban sa kanila, magkakasabay na uupong senador ang magkapatid na sina Alan Peter at Pia Cayetano. Pasok din ang magkapatid na JV Ejercito at Jinggoy Estrada, kapwa anak ni Joseph Estrada.

Pagkopo ng pusisyon sa lokal na pulitika

Mula Luzon hanggang Mindanao, namamayagpag ang lumang mga dinastiyang deka-dekadang naghari-harian sa kani-kanilang saklaw.

Sa Maguindanao, patuloy na naghahari ang mga Ampatuan, sa kabila ng hatol sa kanilang pinuno na si Datu Andal Ampatuan, Sr., kasama ng kanyang mga kapatid, sa kaso ng pagmasaker sa 58 katao, kung saan 32 ay mamamahayag, sa bayan ng Shariff Aguak nooong Nobyembre 2009. Sa 39 na may apelyidong Ampatuan na tumakbo, 29 ang “nanalo.” Anim ay bilang meyor, lima bilang bise-meyor at 18 bilang mga konsehal sa mga bayang tinaguriang “Imperyo ng mga Ampatuan.”

Sa Metro Manila, mga pamilyar na mukha at apelyido ang nailuklok sa pusisyon. Sa 16 na syudad at isang munisipyo dito, walo sa mga alkalde ay mula sa kilalang dinastiya sa pulitika.

Sa Masbate, limang myembro ng pamilyang Kho ang nakasungkit ng lahat ng matataas na pusisyon (gubernador, bise-gubernador at kinatawan ng tatlong distrito.)

Sa Camarines Sur, ang mga Villafuerte na may tatlong pwesto ang naghari. Sa Albay, namayagpag ang mga Rosal (2 pwesto) at Salceda (5 pwesto). Sa Catanduanes, tatlong magkakapatid na Chua ang nanalo bilang gubernador, bise gubernador at meyor. Mag-asawang Hamor ang nanalong meyor at bise sa Sorsogon City. Dalawang Escudero ng Sorsogon, si Chiz bilang senador at kapatid niyang si Dette bilang kongresista ang sabay na uupo sa gubyerno.

Sa Cavite, nanaig ang mga pamilyang Barzaga, Remulla at Revilla. Nakaupo sa senado si Ramon “Bong” Revilla.

Sa Ilocos Sur, napahigpit pa lalo ng pamilyang Singson ang kapit sa poder. Apat sa kanilang pamilya ang uupo bilang gubernador, bise-gubernador at kinatawan ng dalawang distrito ng prubinsya. Sa Abra, namayagpag ang tambalan ng mag-amang Dominic Valera at Joy Bernos bilang gubernador at bise-gubernador. Ang kanilang kamag-anak na mga Bernos ay nakakuha ng tatlo pang pusisyon. Sa Apayao, nanatili ang paghahari ng pamilyang Bulut matapos nilang makuha ang apat na pwesto.

Sa Lanao del Sur, tatlong matataas na pwesto ang nasungkit ng pamilyang Alonto-Adiong. Sa isla ng Camiguin, nanatiling monopolyo ng pamilyang Romualdo ang lokal na pulitika matapos apat sa pinakamatatas na pwesto sa lokal na gubyerno ang kanilang nakopo.

Sa tala noong 2019, umaabot sa 163 pamilya sa pulitika ang nakaupo sa pwesto. Ngayong 2022, hindi malayong mas marami ang mga dinastiya.

Pamamayagpag ng mga dinastiya sa bagong gubyerno