Pinakamaruming eleksyon sa kasaysayan, sinalubong ng protesta

,

Tinawag ng Kontra Daya at mga demokratikong organisasyon ang eleksyong 2022 bilang pinakamaruming eleksyon sa kasaysayan ng bansa. Anila, napakaraming aberya sa araw ng botohan habang walang awat ang paglaganap ng disimpormasyon sa panahon ng kampanya.

Sa inisyal na tala ng Kontra Daya, halos 1.1 milyong boto ang nawalan ng saysay dahil sa aberya ng 2,000 vote counting machine (VCM) o makinang nagbibilang ng boto. Magulo at marami ang hindi na nakaboto dahil sa tagal ng paghihintay. Marami sa mga botante ang napilitan na lamang iwan ang kanilang balota sa mga upisyal sa eleksyon. Dahil sa mga aberya, nanawagan ang mga botante sa Commission on Elections (Comelec) na palawigin ang oras ng botohan, subalit tinanggihan ito ng institusyon.

Sa kabuuan, tumanggap ang mga grupong nagmomonitor sa eleksyon tulad ng Kontra Daya at Vote Report PH ng 4,000-9,500 ulat ng anomalya at problema noong eleksyon. Halos 3,000 na sa mga ito ang kanilang nakumpirma. Sa kabuuang 2,683 na paglabag na kanilang naisadokumento, 52.3% ay mga palyadong makina sa pagboto, sumunod ang pangangampanya sa araw ng eleksyon (14%) at kapalpakan sa proseso ng eleksyon (11.2%).

Ikinabahala ng mga grupo ang naging kalakaran kung saan pinaiwan ng Comelec sa mga botante ang kanilang mga boto, ipinaubaya sa iba ang pagpasok ng mga ito sa makina at ipinauwi nang walang resibo dahil sa mabagal na pagpapalit sa mga palyadong makina. Anila, dapat magkaroon ng imbestigasyon sa sistemang ito. Pinakamarami ang pumalyang VCM sa eleksyong ito kumpara sa mga awtomatikong halalan sa 2010 at 2016. Ayon sa isang propesor ng statistics, “ang tanging paraan para maberipika (ang nangyaring pagbibilang sa boto) ay sa pamamagitan ng manwal na pagbibilang ng mga boto.”

Liban rito, marami ring naisadokumento na bilihan ng boto at presensya ng militar at pulis sa lugar ng botohan. Mas marami pang kaso ng intimidasyon at karahasan, laluna sa kanayunan, ang di naisadokumento ng grupo.

Ani Prof. Danny Arao, kumbenor ng Kontra Daya, “Ang kongklusyon sa eleksyon ay simple lang, ito ang pinakamalala. Ito ang pinakabulok. At ito ang pinakawalang kahihiyang dinaya.”

Liban sa dayaan, malaki rin ang ginampanang papel ng sistematikong disimpormasyon, pagpapatalastas ng mga pulitiko at algoritmo sa social media.

Bilang tugon sa maruming eleksyong nagpapanalo sa tambalang Marcos-Duterte, samutsaring pagkilos ang isinagawa ng mamamayan. Sa Mayo 10, libu-libo, karamihang kabataan, ang tumungo sa upisina ng Comelec para batikusin ang kapalpakan ng ahensya sa nagdaang eleksyon. Itinayo nila ang Kampuhan Kontra Daya sa Liwasang Bonifacio hanggang Mayo 13 kung saan isinagawa ang nagsama-samang mga diskusyon at kulturang pagtatanghal. Panawagan nila sa kanilang mga kapwa “kakampink” (katawagan sa mga tagasuporta ng tambalang Leni-Kiko) na huwag manlumo at ituloy ang laban. Malalaki ring pagkilos ang naitala sa Naga City at Mabinay, Negros Oriental noong Mayo 10.

Nagmartsa ang 4,000 katao noong Mayo 13 tungong Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City kung saan isinagawa noon ang unang araw ng upisyal na pagbibilang ng Comelec. Naging kulminasyon ang martsa ng 3-araw na kampuhan. Bago ang martsa, naglunsad ng isang padasal ang mga taong simbahan at relihiyosong grupo malapit sa PICC para ipanawagan ang pagtatanggol sa demokrasya.

Kinagabihan, nagtipon ang mga tagasuporta ng tambalang Leni-Kiko sa Ateneo de Manila sa Quezon City sa isang programa ng “pasasalamat.” Sa programang ito inanunsyo ni Leni Robredo ang pagbubuo ng Angat Buhay NGO, ang aniya’y magiging “pinakamalawak na volunteer network sa buong bansa.” Samantala, nangako siyang “titingnan” ang mga kaso ng iregularidad sa eleksyon, pero sa parehong panahon, sinabi niyang “kailangang tanggapin na hindi naayon” sa kanya ang resulta.

Liban pa sa mga protesta sa Metro Manila, pinangunahan din ng kabataan ang mga protesta sa mga syudad ng Baguio, Naga, Iloilo, Bacolod, Cebu, Davao at mga prubinsya ng Isabela, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Tarlac, Bulacan, Pampanga, Zambales, Balanga at Mariveles sa Bataan, Batangas, Quezon, Laguna, Aklan, Leyte, Negros Oriental, at Zamboanga. Sa ibayong dagat, nagprotesta ang kabataang Pilipino sa Boston at New York City sa US.

Pinakamaruming eleksyon sa kasaysayan, sinalubong ng protesta