Ang busabos na kalagayan ng mga manggagawa sa operasyong onay

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Walang takdang oras ng paggawa, sagad ang katawan at walang pahinga sa trabahong umaabot sa 24-oras. Ganito inilarawan ng mga manggagawa sa malalaking barko sa General Santos City na bahagi ng operasyong purse seiner o onay.

Ang onay ay operasyon ng komersyal na pangingisda na gumagamit ng malalaking lambat sa paghuli ng mga isda at naglalayag sa malalayong karagatan nang mahigit kalahating taon.

Pinakamalaking prodyuser ng tuna ang mga onay. Noong 2020, umabot sa 152,867 metriko tonelada (MT) ang nahuli nito o 60% ng kabuuang 254,779.32 MT tuna na dumaong sa lunsod. Ang 44.5% ng kabuuang huli ng onay ay pangunahin sa Moro Gulf, Sarangani Bay at Sulu Sea habang ang 55.5% ay mula sa laot, partikular sa Western at South Pacific, at mga karagatan ng Indonesia at Papua New Guinea. Mga tunang gulyasan (skipjack) at tambakol (yellowfin) ang pangunahing nahuhuli ng mga onay. Ang bulto nito ang pinuproseso ng mga tuna cannery sa General Santos City.

Sa nagdaang mga taon, naging laganap na paggamit ng mga payaw (kagamitang pinalulutang at nakadisenyo para umakit ng mga isda) para maparami ang huli ng mga onay. Naging dahilan ito sa pagkakaubos ng mga batang isda at nanganganib na mga hayop sa dagat na madalas ay kasamang nahuhuli. Malimit ding nasasangkot ang malakihang mga onay sa iligal at di nauulat na pangingisda.

Maliitan at katamtamang-laki ang karamihan sa mga onay sa General Santos. Mayroong itong 1,690 na mga sasakyang pandagat at nag-eempleyo ng 15,500 manggagawa. Mayroon ding nag-oopereyt na 16 na malakihan at 18 “superseiners” (dambuhala) na pag-aari ng mga lokal at dayuhang kumpanya. Sumasaklaw ito ng 230 na mga sasakyang pandagat at nag-eempleyo ng mahigit 2,000 manggagawa.

Pinatatakbo ng RD Fishing Group ang pinakamalaking operasyon ng onay sa syudad. Pag-aari ito ng pamilyang Rivera, na may-ari din ng RD Pawnshop at mahigit 40 iba pang negosyo. Sila rin ang isa sa mga naghahari sa pulitika sa General Santos, kung saan nagsilbing meyor si Ronnel Rivera sa nakaraang siyam na taon. (Pinalitan siya nitong 2022 ng kanyang kaalyadong si Lor Pacquiao, hipag ni Manny Pacquiao.)

Pang-aalipin at pagsasamantala

Tinatayang nasa 30% lamang ng kabuuang 17,500 na manggagawa sa mga onay ay residente ng lunsod. Ang karamihan ay dumadayo mula sa iba’t ibang mga baybaying prubinsya ng Mindanao at mga isla sa Visayas.

Karaniwang umaabot sa 6-7 buwan ang pananatili sa laot ng mga manggagawa sa onay. Pinapayagan lamang na dumaong ang mga mangingisda pagkatapos ng anim na buwan para magkwenta ng mga oras ng trabaho at kunin ang kanilang sweldo. Nangangahulugan ito ng matagal na pagkakawalay sa pamilya at pagkakalantad sa pabagu-bago at malulupit na kalagayan ng panahon at mga nakaambang panganib sa karagatan.

Sa mga panahong lumalayag at hindi sumasahod ang mga marinero, napipilitan ang kanilang mga pamilya na mangutang sa may-ari ng mga onay. Hindi bababa sa 10% ang karaniwang interes ang pinapataw dito na awtomatikong ikinakaltas sa sahod ng mga mandaragat. May ilang kaso na ang naiwang pamilya ng manggagawa ay ginagawang alipin ng may-ari ng onay.

Nakasalalay sa dami ng isdang nahuhuli ang kinikita ng isang onay. Arbitraryo ang pamamaraan ng pagtatakda nito, mula sa pagtitimbang at pagkwenta ng halaga. Ibinabawas sa benta ang pambayad sa puhunang inutang para makapaglayag. Kadalasan, ang may-ari ng onay din ang “pinansyer” ng operasyon. Karaniwang 14% lamang ng netong kinita ng onay ang napupunta sa mga manggagawa bilang sahod habang ang 86% ay ang “malinis” na kita na inaako ng opereytor.

Bahagyang umaabot sa itinakdang minimum na sahod sa rehiyon ang sahod ng mga marinero. Maliit na lamang ang natitira rito matapos bayaran ang inutang ng kanilang mga pamilya.

Walang unyon ang mga mandaragat. Wala silang mga benepisyong pangkalusugan at insurance (seguro), kahit pa puno ng panganib ang kanilang trabaho. Hayagan ang pagpapatrabaho ng mga menor de edad sa mga onay kahit malaon na itong ipinagbabawal. Nagpapatuloy din ang iligal na pangingisda sa karagatan ng ibang bansa kahit pa taun-taon ay may nahuhuli at nakukulong na mga mandaragat sa Indonesia at iba pang mga bansa. Madalas ang mga nahuhuli ay pinababayaan na lamang ng kanilang amo o kumpanyang pinagtatrabahuan.

Ang busabos na kalagayan ng mga manggagawa sa operasyong onay