Kung paano pinapawi ng AFP ang demokrasya

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Iniulat mula sa iba’t ibang panig ng bansa noong panahon ng katatapos na eleksyon ang lantarang pangangampanya ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para kay Ferdinand Marcos Jr. bilang presidente. Kinasasabikan talaga ng mga heneral ng AFP ang panunumbalik ng pamilyang Marcos na sa nakaraa’y nagbigay sa kanila ng malawak na kapangyarihan at lisensyang makapanggahis nang walang pananagutan.

Kung busog na busog ang AFP sa ilalim ng tiraniya ni Duterte, inaasahang lalo pa silang mabubundat sa katakut-takot na kapangyarihan sa kabang-bayan at pulitika ng bansa na ibibigay ng manok nilang si Marcos Jr.

Busog sa pondo at pusisyon

Haligi ng batas militar ni Marcos Sr. ang AFP, kabilang ang pinamumunuan nitong Philippine Constabulary (PC o pulis). Sa atas ni Marcos Sr., basta-basta silang nang-aresto at nangdetine sa sinumang sumusuway sa gubyerno o di kaya’y pinagdududahang subersibo.

Para panatilihin bilang matatag na pundasyon ng kanyang paghahari, pinalobo ni Marcos Sr. ang lakas-tauhan ng militar mula 60,000 noong 1972 tungong 250,000 sa loob lamang ng tatlong taon. Binusog din sila ng pondo ng diktador mula ₱880 milyon noong 1972 tungong ₱4 bilyon noong 1976. Sa mga bansa sa Southeast Asia, pinakamalaki noong 1971 hanggang 1980 ang gastusing militar ng diktadurang Marcos kahit pa ang Pilipinas ang may pinakamababang tantos ng paglaki ng gross national product sa naturang panahon.

Napatalsik man si Marcos Sr., namantine ng militar ang kapangyarihan sa sumunod na mga rehimen. Hindi bababa sa 15 mga heneral ni Marcos ang hinirang sa gubyerno ni Corazon Aquino. Nang maging presidente ang dating hepe ng PC na si Gen. Fidel V. Ramos, isinabatas niya ang pagpondo ng bilyun-bilyong piso para sa “modernisasyon” ng AFP. Pinalawak ang saklaw nito sa ilalim ng rehimeng Aquino II at tinatayang popondohan ng mahigit $40 bilyon hanggang 2028.

Simula’t sapul, naging palabigasan ng mga heneral ang dambuhalang pondo. Ngayong taon, ang pinagsamang badyet para sa militar at pulis ay mahigit ₱470 bilyon, na 9.4% ng pambansang badyet at mas mataas kumpara sa badyet para sa pampublikong kalusugan. Mas marami ang mga sundalo kaysa mga manggagawang pangkalusugan.

Sa panahon din ng batas militar, naging makapangyarihan ang AFP sa pagpapatakbo ng gubyerno. Lampas sa pangunahing tungkulin nitong pangalagaan ang soberanya ng bansa, ang mga upisyal ng AFP ay naging mga tagapamahala ng mga industriyang kaugnay ng militar at mga pampublikong korporasyon, at maging mga kinatawan sa ugnayang panlabas.

Taliwas sa prinsipyo ng pananaig ng pamumunong sibilyan, unti-unting pinawi ng mga heneral ang demokrasya at namayagpag sila sa gubyerno sa paglipas ng mga dekada. Impluwensyado nila ang susing mga desisyon at patakaran ng gubyerno, humahawak ng sensitibong mga pwesto sa burukrasya, at nag-aareglo ng mga paglilipat ng kapangyarihan ng mga rehimen.

Ang paboritong mga heneral

Sa pagmomonopolyo sa kapangyarihan, nagtiwala lamang si Marcos Sr. sa kanyang sirkulo ng mga heneral mula Ilocos kabilang sina Gen. Fabian Ver at General Ramos.

Bawat sumunod na presidente ay nag-alaga ng kani-kanyang pinapaburang pangkat ng mga heneral na may malawak na impluwensya kahit retirado na. Sa panahon ni Rodrigo Duterte, humawak ng pinakamalaking kapangyarihan ang militar at pulis. Noong 2017, tahasang nagdeklara si Duterte na magtatalaga siya sa gabinete ng mga dating upisyal upang “kumpletuhin ang junta” at “maging tagapamahala” ng gubyerno nang sa gayon ay walang dahilan upang siya’y ikudeta. Ang mga heneral na ito ang nagpapatakbo ng gubyerno ni Duterte sa ngalan ng National Task Force-Elcac.

Tulad ni Marcos Sr., tinadtad nga ni Duterte ng mga upisyal ng militar at pulis ang kanyang gubyerno. Umabot sa mahigit 70 sa kanila ang pinahawak sa mga pambansang ahensya, maliban pa sa daan-daang dating mga sundalo at pulis na itinalaga sa mga ahensya sa mga rehiyon at prubinsya, o naluklok sa lokal na mga gubyerno. Samantala, ang tinaguriang mga Davao General ay ipinwesto rin sa mga susing pusisyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang rehimeng Duterte ang pinakamilitarisado sa kasaysayan ng bansa. Dinaig nito ang gubyerno ni Marcos Sr. noong panahon ng diktadura, na kahit paano’y nagmantine ng mga sibilyang upisyal na may katugmang bakgrawn at kasanayan sa larangan ng edukasyon, paggawa, agrikultura, at iba pa.

Noon mang panahon ni Marcos Sr. o ni Duterte ngayon, ang pag-alaga nila ng paboritong mga heneral ay nagdudulot ng pagpapaksyon ng mga heneral na nag-aambisyon ding humawak ng kapangyarihan. Lumalalim din ang disgusto sa hanay ng nakabababang-ranggong mga upisyal, at ng umuusbong na mga elementong makabayan at demokratiko.

Kung paano pinapawi ng AFP ang demokrasya