Remitans ng mga migranteng manggagawa, ginagawang negosyo

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Matagal nang napatunayan kung papaanong nakasalalay nang husto ang lokal na ekonomya sa pondong nagmumula sa mga remitans ng mga migranteng manggagawa. Tumampok ito sa panahon ng pandemya, kung saan ang pinadadala nilang salapi sa mga kamag-anak nila sa Pilipinas ang nagtawid sa milyun-milyong nawalan ng trabaho at ng pagkakakitaan.

Noong 2020, umabot sa $29.903 bilyon (₱1.49 trilyon) ang pumasok na remitans sa bansa—mas malaki kumpara sa ibang pinagkukunan ng dayuhang kapital tulad ng dayuhang pamumuhunang kapital, rebenyu mula sa turismo at mga call center. Mula 2000, ang remitans ang bumubuo sa humigit-kumulang 10% ng gross domestic product ng Pilipinas.

Nabawasan lamang nang 0.8% ang kabuuang remitans na ipinadala ng mga migranteng Pilipino sa kasagsagan ng pandemya noong 2020. Ito ay kahit mahigit 600,000 ang nawalan ng trabaho at milyun-milyon pang Pilipino ang pansamantalang nawalan ng trabaho dulot ng mga restriksyon. Para tuluy-tuloy na makapagpadala, lalo pang paghihigpit ng sinturon ang kanilang ginawa. Sa US, tinatayang pati ang ayudang ipinamahagi sa kanila ng gubyerno ay ipinadala nila sa Pilipinas. Noong 2021, pumalo tungong ₱34 bilyon ang kabuuang pumasok na remitans sa bansa.

Kaltas sa remitans

Todo-todo na nga ang mga sakripisyo, dagdag pasakit pa sa mga migranteng Pilipino ang napakataas na “remittance cost” o kaltas ng mga bangko at institusyong dinadaluyan ng kanilang remitans. Kabilang sa pinakamalaki ang kinakamkam na tubo ay ang mga bangkong Amerikano kung saan dumadaan ang 40% ng mga remitans.

Sa ulat ng Asian Development Bank noong Pebrero, umabot sa 8.8% o $17.6 (₱915.20) sa palitang $1=₱52) ang abereyds na kinakaltas ng mga kumpanya ng money transfer sa bawat $200 (₱10,400) na ipinapadala ng mga migranteng Pilipino. Mas mataas ito kumpara sa pandaigdigang abereyds na 6.4% at 5.9% sa mga rehiyon ng Asia at Pacific. Abereyds na $300-$500 kada buwan o mahigit kalahati sa kanilang sahod ang ipinadadala ng mayorya ng mga migranteng Pilipino.

Samantala, umaabot sa 10% o higit pa ang kinakaltas ng mga bangko kapwa sa kanilang mga serbisyong pinansyal (pareho sa pisikal na bangko at mobile banking gamit ang internet). Liban pa rito ang mga “nakatagong bayarin” na arbitraryong ipinapataw ng mga bangko at institusyon. Isa rito ang sinisingil kapag nagbabago ang foreign exchange rate (o tantos ng palitan ng pera) na nakasalalay sa ispekulasyon sa merkado.

Mayorya sa mga remitans (70% sa pandaigdigang saklaw) ay cash-to-cash kung saan idinedeposito sa ibang bansa at kinukuha sa bangko sa anyong cash sa lokal na salapi. Pinakamababa ang bilang ng gumagamit ng “mobile money” o pagpapadala ng remitans gamit ang selpon tulad ng GCash dahil sa limitadong imprastruktura at kaalaman. Ito ay kahit pa ang naturang pamamaraan ang may pinakamababang singil kada transaksyon.

Sa minimum, umabot sa $2.56 bilyon (₱135.2 bilyon) ang nakopo ng mga bangko at institusyon sa kasagsagan ng pandemya noong 2020. Mas malaki ito sa ₱100 bilyong ipinang-ayuda ng rehimeng Duterte sa taon ding iyon.

Remitans bilang negosyo

Kabilang sa kumpanyang kumikita sa remitans ng mga migranteng manggagawa ang mga kumpanyang Amerikanong Western Union at MoneyGram. Sa Pilipinas, numero unong daluyan ng remitans ang Philippine National Bank na pag-aari ni Lucio Tan at Banco de Oro ng pamilyang Sy.

Noong 2017, sumakay ang rehimeng Duterte sa pagnenegosyo sa remitans nang itinatag nito ang Overseas Filipino Bank (OFBank) sa pamamagitan ng Executive Order 44. Binansagan itong “bankpira” at “panibagong raket ng estado” ng grupong Migrante International dahil anila’y “sisipsipin” nito ang mga remitans ng mga migrante. Liban sa pagpapadala ng remitans sa mga pamilya, nag-aalok itong maging daluyan ng mga bayarin sa estado tulad ng Social Service System, OWWA, PhilHealth, Pag-ibig at iba pa kapalit ng singil kada transaksyon.

Higit rito, tinutulan ng mga migrante ang OFBank dahil pinalalakas nito ang patakarang pagluluwas ng lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino. Anila, hindi nito tinutugunan ang ugat ng pwersahang migrasyon. “Ang nangungunang layunin nito ay padulasin at pahigpitin ang sistema ng paghuthot ng kita mula sa pinaghirapang sahod ng mga migranteng Pilipino,” ayon sa grupo.

Remitans ng mga migranteng manggagawa, ginagawang negosyo